8th Street

“MADAM CHAR, puwede n’yo po bang hulaan kung magkaka-lablayp na ako?” bungad ng isang lalaki na sa tantiya ko’y nasa mid-20’s ang edad.

“Hindi pa,” mabilis kong sagot na ikinatigal naman niya. “Ah! Ang kong ibig sabihin…maupo ka.” Pagkaupo niya ay inilahad ko ang aking palad. “Akin na ang kamay mo.”

Pumikit ako habang hinahaplos ang kaniyang palad. Ang daming kalyo. “Ano pong nakikita n’yo, Madam Char?”

“Base sa nababasa ko sa `yong palad, hindi ka na magkaka-lablayp.”

“Ha? Bakit naman po?!”

“Manalamin ka na lang! Tinitiyak ko sa `yong malalaman mo ang sagot sa tanong na `yan.”

“Gano’n po ba? Sige po, salamat!” Nag-abot siya ng singkwenta pesos kaya napaangat ako ng tingin. Bagama’t hndi niya naman nakikita ang reaksyon ko dahil hindi nakasuot ako ng maskara, mukhang nadali niya ang gusto kong ipunto. “Pasensiya na, Madam Char. Ipambibili ko pa kasi ng salamin itong natira, e. Babye!”

Kumaripas ng takbo ang ugok kaya napapikit na lang ako nang mariin. “Kuripot! Madapa ka sana!”

Wala pang isang minuto nang makaalis ang kuripot na `yon ay narinig ko ang bahagyang paglangitngit ng pinto, hudyat na may nagbubukas. Napangiwi na lang ako nang makitang si Hannah ang iniluwa niyon.

“Oy, babae! Kanina pa kita tinatawagan! Bakit hindi mo sinasagot?! Tuloy tayo sa 8th Street ngayon kaya maggayak ka na!”

Bigla akong nanigas sa sinabi niya. “A-Ano? Tuloy pa rin tayo ro’n?! Alam mo, masama talaga ang pakiramdam ko sa fieldtrip na `yan, e! Sa dinami-rami ng lugar na puwedeng pasyalan, sa 8th Street pa talaga?! Seryoso?”

“Alam mo? Talagang sasamain ka sa `kin kapag hindi ka pa nag-ayos diyan! Go! Tayo na!”

“Oo na, oo na! Kikilos na ako!”

8th Street. Isa sa mga lugar sa Pilipinas na pinakapinangingiligan ng marami dahil sa mga ghost sightings at apparition. Madalas daw kasing may naririnig na iyak ng babae, tunog ng kadenang hinihila, at yabag ang mga taong malapit sa lugar na `yon kaya wala nang nangtaka pang manirahan doon. `Yong mga taong nagtangka nga raw na tumira doon ay hindi nagtagal at umalis din agad.

Pero sa kabila ng mga kuwentong `yon ay ang mayamang kasaysayan na nakabaon sa lugar. Iyon daw kasi ang ginawang kuta ng mga guerilla noong kasagsagan ng Panahon ng mga Hapon.

Bago ako lumabas sa maliit kong puwesto ay tinext ko muna si Mama na matatagalan ako ng uwi dahil sasama pa ako sa field trip at `yong kinita ko ngayong araw sa pagiging manghuhula ang ipandaragdag kong pambayad. Gagawan kasi namin ng article ang lugar na `yon at kung hindi ako sasama ay wala akong grade. Running for valedictorian pa naman ako at asang-asa si Mama na kaya ko iyong gawin, hindi ko siya bibiguin.

“Kumusta raket mo?” Si Hannah lang ang nakakaalam ng tungkol sa “part-time job” ko.

“Ayos lang naman, kahit medyo matumal.” Kibit-balikat kong sagot habang nakatunghay lang sa bintana ng bus.

Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwalang sa 8th Street kami pupunta. Nagagalak ako na kinakabahan.

NAALIMPUNGATAN AKO dahil sa sunod-sunod na pagkatok sa bintana kung saan ako nakaharap ngayon. Pupungas-pungas akong humarap sa epal na nambulabog ng tulog ko nang makita kong isa itong babaeng nakasuot ng itim na belo at duguan ang mukha. May tumutulo pang sariwang dugo sa hawak niyang chainsaw.

Tila nanigas ako sa aking kinauupuan at nawala ang antok ko sa aking nakita. Gusto kong gumalaw pero hindi ko magawa. Shit! Katapusan ko na ba?

Tatakbo na sana ako palayo nang bigla siyang bumunghalit ng tawa at tinanggal ang suot niyang itim na belo. Naibagsak niya pa ang hawak niyang chainsaw sa lupa habang nakahawak sa kaniyang tiyan dahil sa katatawa.

Doon ko lang siya nakilala. “Damn you, Hannah!”

Kakaibang lamig ang sumalubong sa pagbaba namin ng bus. Nag-aagaw na rin ang liwanag at dilim sa kalangitan. Kahit naka-jacket ako ay damang-dama ko pa rin ang lamig na nagdadala ng kilabot sa aking kalamnan. Nakapangingilabot.

Walang pinagkaiba ang 8th Street sa ibang mga eskinita. Tahimik at payapa ang lugar at walang mga sasakyang dumaraan dahil tago ito. Masasabi kong swak na swak ang lugar para sa horror film. May mangilan-ngilan ding punong Balete sa lugar at nagkalat ang mga tuyot na dahon sa paligid. Wala ring ibang tao bukod sa amin.

“All eyes here, Diamond!” tawag ni Mrs. Salinas sa aming advisory class niya. “Sa ngayon, maaari na muna kayong maglibot-libot dito pero huwag kayong lalayo. Mamayang alas kuwatro, kailangan nandito na kayo.”

Sumagot naman kami at nagsimula nang maglibot-libot sa paligid. Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin pinapansin si Hannah dahil sa ginawa niya kanina, halos mamatay na ako sa takot pero prank lang pala ang lahat.

Nakatitig lang ako sa kawalan nang marinig ko ang ingay ng mga kaklase kong sabik mag-selfie. Dahil ako lang naman ang walang ginagawang matino, ako tuloy ang ginawa nilang photographer.

Hindi ko alam kung nakailang shots na sila pero mukhang hindi pa rin sila kuntento.

“Usog ka pa ro’n, Bea! Para malinaw `yong kuha sa `ming sampu!”

Napairap na lang ako sa kawalan at pikit-matang umatras nang maramdaman kong wala na palang semento sa aapakan ko kaya’t muntik na akong mahulog. Sobrang bilis ng tibok ng puso ko sa mga sandaling `yon dahil mawawalan na ako ng balanse subalit sa isang iglap lang ay may humila sa kamay ko at sabay kaming bumagsak sa sahig.

Pigil ang hiningang ipinikit ko ang aking mga mata at hinintay ang paglapat ng likod ko sa malamig na semento pero ilang minuto na ang nakalipas ay wala pa rin akong nararamdaman.

“Bea, ayos ka lang?” Natauhan ako nang marinig ang baritonong boses na iyon dahilan upang unti-unti akong magmulat. Napahawak ako sa aking puso dahil mukhang dumoble ang bilis ng pintig nito lalo na nang mapagtanto ko ang posisyon naming dalawa.

Mabilis akong tumayo at lumayo sa kaniya. “O-Oo, ayos lang ako. S-Salamat.”

Nakayuko akong tumakbo palayo sa kaniya upang itago ang namumula kong pisngi dahil sa hiya. Kilig na kilig naman akong sinalubong ni Hannah.

“Kyaaah~ You two are so bagay talagaaa!” impit niyang tili habang hinahampas-hampas ako sa braso.

“Tumigil ka nga! Ang sakit na, a!”

“Ay, wait! Tignan mo `to! Pinicturan ko kayo!” At iniharap niya sa akin ang kaniyang cellphone. Pero hindi ang picture namin ni Vince ang nakuha ng atensyon ko kung `di ang pigura na nasa gilid namin—isang babaeng nanlilisik ang mga mata at umiiyak ng dugo habang may kadenang nakatali sa kaniyang leeg.

Nagkatinginan kami ni Hannah at parehas na namutla. Naramdaman ko ring nagtindigan ang mga balahibo ko sa batok dahil sa aking nakita.

Ano kayang…ibig sabihin nito?

“BEA, SAMAHAN mo nga akong umihi! Natatakot kasi ako, e!” nahihiyang sambit ni Hannah. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ko.

“Wow naman, Hannah! At ano’ng gagawin ko ro’n? Taga-baba ng pantalon mo?”

Napanguso naman ang gaga. “Sige na, Bea. Please? Ihing-ihi na talaga ako, e. Hindi ko na kayaaa!”

“Oo na, oo na! Sasamahan na kita. Tigilan mo lang `yang pagta-tantrums mo at baka ikaw ang tinidorin ko riyan!”

Nang matapos kaming kumain ay sinamahan ko siya sa gusto niyang gawin. Lumapit siya sa isang puno ng Balete at luminga-linga sa paligid bago bumaling sa akin. “Harangan mo `ko riyan, Bea. Ha? Sabihin mo agad sa `kin kapag may parating.”

Tumango lang ako at inabala ang aking sarili sa pakikinig ng music. Wala naman kasing ibang magawa sa cellphone kung `di ito lang dahil wala namang signal sa lugar na `to…kahit isa.

Abala ako sa pagtingin sa mga pictures namin dati nang mag-iba ang tugtog na naririnig ko. Hindi ko naman nilipat, a?

Naging tila isang hikbi ang tunog na palakas nang palakas. `Di kalaunan ay sinabayan na rin ng pagkalansing ng kadena na para bang hinihila. Napangiwi na lang ako dahil sa nakangingilong tunog niyon. Ang sakit sa tainga!

Gusto kong alisin ang earphone sa tainga ko pero tila nanigas ako sa aking kinatatayuan. Wala akong ibang marinig kung `di ang tunog lang na `yon. Ang kaninang hikbi ay naging iyak at ngayon ay isa nang hagulgol. Nakabibingi!

“Bea!” Natauhan lang ako nang maramdamang may nagtanggal ng earphones ko. Pagtingin ko…si Hannah. “Tara na. Tapos na ako.”

NAGISING AKO dahil sa ingay ng uwak. Tinignan ko ang oras at alas tres pa lang ng madaling araw kaya babalik pa sana ako sa pagtulog nang mapansin kong wala na si Hannah sa tabi ko. Nasaan na naman kaya ang babaeng `yon? A, baka umihi lang.

Panay ang baling ko sa higaan dahil ilang minuto na ay hindi pa rin bumabalik si Hannah. gising! Hanggang sa makarinig ako ng sigaw mula sa `di kalayuan kaya agad kong hinanap ang flashlight sa dala kong backpack at dali-daling hinanap si Hannah.

Tanging ang ingay lamang ng kuliglig at ang mahalumigmig na simoy ng hangin ang aking kasama sa babae. Pakiramdam ko ay may nakamasid sa akin at kung minsan naman ay may mabilis na dadaan sa gilid ko pero pagtingin ko, wala namang tao. Lakad-takbo na ang ginagawa ko kahit pa nanginginig na ang aking mga tuhod dahil sa takot.

“BITIWAN N’YO `KO! BITIWAN N’YO `KO!” Sinundan ko ang pinanggalingan ng boses na `yon at nakarating ako sa tent nina Mrs. Salinas. Hawak ng dalawa kong kaklase ang magkabilaang kamay ni Hannah habang may dalawa naman sa paa.

Napalunok ako. Ibang-iba ang kaibigan ko ngayon—nanlilisik ang dati niyang maamong mga mata gayundin ang pamumutla ng kaniyang buong katawan na animo’y wala nang dugo. Nakatihaya siya habang nagpupumilit kumawala sa aming mga kaklase Tumitirik ang mga mata nito at sigaw nang sigaw na papatayin niya kami. Nakakatakot ang kaniyang itsura, mukhang ano mang oras ay kakain siya ng tao.

Bakit nangyayari sa kaniya `to? Biglang sumagi sa isip ko ang ginawa niya kanina—ang pag-ihi niya sa puno ng Balete! Dahil ba roon kaya siya sinapian ng ligaw na kaluluwa?

“Ma’am, ano pong gagawin natin sa kaniya? Hindi naman po namin siya kayang hawakan lang hanggang mamaya. Hindi rin naman po natin makontak si Father.”

“Mas mabuti siguro kung itali na muna natin siya para—”

“AAAH!”

Nahigit namin ang hininga ng bawat isa. Pare-parehong hindi makapaniwala sa nangyari.

Kinagat ni Hannah ang pulso ni Zaijan. Saksi kami sa pagbaon ng matulis niyang ngipin sa balat nito habang umaagos ang dugo. Walang gumagalaw ni isa. Tila nakalimutan naming huminga at bumalik lang kami sa kamalayan nang marinig namin ang ang malalim na boses ni Hannah na para bang nanggagaling pa sa kailaliman ng lupa.

“PAPATAYIN KO KAYONG LAHAT!”

Lumapit siya sa akin at parang papel na itinapon ako sa isang sulok.

Naramdaman kong tumama ang aking pang-upo sa malaking bato subalit hindi ko na maramdaman ang sakit niyon. Mas masakit para sa akin na nagkakaganito si Hannah.

Sinugod niya ang iba naming mga kaklase at parang wala lang na sinakal, sinabunutan, tinapon, at sinaktan niya ang mga ito.

Ang lahat ng nangyayari ay tila nag-slow motion sa paningin ko nang makita siyang naglabas ng panaksak at handa nang itarak sa nanghihinang guro.

Kahit nanghihina ay pinilit kong tumayo. Buong lakas kong binuhat ang malaking bato sa aking tabi. Malapit na siyang makalapit sa kinaroroonan ng adviser kaya’t mas binilisan ko pa. Pikit-mata kong inihampas sa kaniyang ulo ang malaking bato na hawak ko. Marahas akong napabuntong-hininga bago dumilat. Patawad, Hannah…

“MA’AM, ANO na pong gagawin natin kay Hannah? N-Napatay ko po siya. Hindi ko po sinasadya…maniwala po kayo.” Niyakap lang ako ni Mrs. Salinas habang pilit na inaalo.

“Wala kang kasalanan, Bea. Ginawa mo lang ang sa tingin mo’y tama. Maraming nasaktan sa ginawa ni Hannah kaya’t imbes na makapatay pa siya ay tama lang na tinapos mo na ang kaniyang buhay upang wala nang madamay.”

Napatitig na lang ako sa aking kaibigan na kasalukuyang nakatali sa isang puno. Awang-awa ako sa kaniyang itsura. Para siyang hindi kumain ng isang linggo dahil sa pagod at gutom na nakarehistro sa kaniyang maamong mukha.

Pipikit-pikit ang mga matang nagmulat siya at nag-angat ng tingin. Nagtama ang aming mga mata at saksi ako sa kalungkutang nagmumula rito.

“B-Bea…” Nagtataka siyang napatingin sa kaniyang sarili at pagkuwa’y muli siyang bumaling sa akin. “Ano’ng ginagawa ko rito? B-Bakit ako nakatali? Bea, pakawalan mo `ko…parang awa mo na. Bea…”

“Bea, halika na! Hayaan mo na siya riyan,” tawag sa akin ni Vince. Kapansin-pansin ang benda nito sa noo dahil sa pagkakauntog sa semento nang ihagis siya ni Hannah kanina. Matapos ng nangyari ay nagpasiya na ang aming guro na pauwiin kami.

Umiling ako habang tinutuyo ang aking pisngi. “Patawarin mo `ko, Hannah. Patawarin mo `ko…”

Nagpatianod na lang ako sa paghila sa akin ni Vince patungo sa bus.

Hindi pa man kami tuluyang nakaaakyat sa bus nang makita kong napatigil si Mrs. Salinas habang nakatingin sa labas. Pigil-hininga siyang napatili. “Mang Lando!”

Nagtataka man sa kaniyang inasal ay sinundan ko rin ng tingin ang kaniyang tinitingnan at gano’n na lamang ako yanigin ng sari-saring emosyon—pagkagulantang, takot, kaba, hindi ko na mapangalanan.

Hindi ko alam kung paano nangyari pero nakawala si Hannah sa pagkakatali at mabilis na dinamba ng kalmot ang walang kalaban-labang drayber na palapit na sana rito. Maliit lang si Mang Lando kaya’t nagawa niya itong kalmutin sa leeg nang walang kahirap-hirap. Inabot niya ang balisong na nasa bulsa nito at ipinaikot sa kaniyang kamay. Nakangisi siyang nakatingin sa amin, para bagang siyang-siya sa kaniyang ginawa.

“Akala n’yo siguro matatakasan ninyo ako? Puwes, hindi! Sama-sama tayong magdurusa rito sa impiyerno!” Umalingawngaw ang malalim niyang boses sa buong eskinita. Palapit siya nang palapit sa bus namin kaya nataranta kaming lahat, lalo na si Mrs. Salinas.

Agad siyang naupo sa driver’s seat at pahaharurutin na sana paalis ang sasakyan nang bigla na lamang niyang naihilamos sa sariling mukha ang mga palad. “Tangina, bakit ba kasi na kay Mang Lando `yong susi?!”

Pare-parehas kaming aligaga at tuliro at hindi malaman kung ano ang gagawin. Nakita ko namang nakalapit na si Hannah sa amin tangan pa rin ang balisong. Dahan-dahan niya itong inilapag sa sahig. Ang akala ko’y iiwan niya na ito subalit nagulat kaming lahat nang sinipa niya ito at saktong tumama sa noo ni Mrs. Salinas. Lahat kami ay napasinghap sa kaniuyang ginawa at sa sobrang takot namin ay sama-sama kaming nagsiksikan sa dulo ng bus.

“Papatayin ko kayong lahat! Magsasama-sama tayo at hindi ko hahayaang iwan ninyo akong mag-isa rito. Mamamatay kayong lahat!”

Pagkasabi niya niyon ay humangin nang malakas dahilan ng pagkabasag ng mga bintana. Napayakap na lamang kami sa aming mga sarili dahil sa nagliliparang mga basag na salamin, kahoy, yero, at kung anu-ano pa na akala mo’y may ipo-ipong dumaan. Kitang-kita ko kung paano tumama ang ibang parte ng salamin at yero sa mga kaklase ko at maski sa akin.

Ang iba ay dumiretso sa kanilang mga mata kaya imbes na luha ay dugo ang inilabas ng mga iyon. Ang iba naman ay tumama sa kanilang puso, ulo, tiyan at sa kung saan-saan pa.

Para akong nabingi, namanhid at nawala sa aking sarili dahil sa nangyayari sa paligid. Wala akong ibang magawa kung `di akapin ang aking sarili at lumuha nang tahimik.

“Tama, Hannah. Parang awa mo na…tama na!”

Umuulan na ng dugo sa paligid at kahit saan ko ibaling ang aking paningin ay ang mga tumatangis kong kaklase ang aking nakikita. Halos lahat kami ay nanginginig na sa takot.

“WALA AKONG AWA!” Bahagyang umuga ang bus dahil sa biglaan niyang pagsigaw at halos lumuwa ang mga mata dahil sa galit nang bumaling sa akin.

Napaigtad ako sa sakit nang hinila niya ang aking buhok at buong puwersang iniuntog sa upuan. Namimilipit ako sa sakit at para bang gusto ko na lang panawan ng malay. Ramdam ko ang likidong tumulo mula sa aking noo. Pagtingin ko…dugo.

Walang pasimano niya akong hinila na parang sako at mahigpit na sinakal. Nakangisi lang siya habang nakikita akong nahihirapan. Hindi na ako makahinga.

Mula sa aking peripheral view ay nakita ko si Vince na patakbong lumalapit sa amin dala ang maliit na piraso ng basag na salamin. Akmang itatarak niya ito sa likod ni Hannah nang bigla siya nitong harapin at walang anu-ano’y sinampal nang pagkalakas-lakas. Tumilapon siya at nauntog pa sa gilid ng upuan.

Nakahawak lang ako sa leeg ko habang nakaluhod sa sahig. Hinang-hina ako at kandaubo-ubo pa dahil sa higpit ng pagkakasakal sa akin ni Hannah pero biglang nawala roon ang aking atensyon nang maramdaman kong gumalaw ang bus.

Humahangin nang malakas at kung hindi pa ako kakapit sa isa sa mga upuan ay talagang matatangay ako. Napaawang na lamang ang aking mga labi nang mapansing babangga kami sa isang malaking puno ng Balete.

Mabilis ang andar ng bus kaya siguradong malakas ang magiging impact kung babangga kami roon.

Napatakip na lang ako sa aking mukha habang palapit nang palapit ang aming sinasakyan sa puno. “HUWAAAG!”

Nasaksihan ko ang malakas na pagtama nito sa Balete at ang pag-uga na para bang nawasak ang harapan. Marahas akong napagulong sa sahig ng bus, nagkauntog-untog. Nadaganan pa ako ng isa kong kaklase habang ang binti ko naman ay naipit sa ilalim ng upuan. Ang iba naman sa amin ay tumilapon sa labas dahil nga wala nang salaming nakaharang sa mga bintana. Tanging ang palahaw naming lahat ang pumuno sa bawat sulok ng bus. Bago pa ako tuluyang panawan ng malay ay namataan ko pang nag-iba ang kulay ng paligid—dugo…

Isang malaking pagkakamali talaga na namasyal pa kami sa lugar na `to. Ang lugar na iniilagan ng mga tao; ang lugar na pinamumugaran ng mga ligaw na kaluluwa—ang 8th Street.

NAPABALIKWAS AKO sa pagkakaupo nang makarinig ako nang sunod-sunod na pagkatok sa bintana kung saan ako nakaharap ngayon. Pupungas-pungas akong humarap sa epal na nambulabog ng tulog ko nang makita kong isa itong babaeng nakasuot ng itim na belo at duguan ang mukha. May tumutulo namang sariwang dugo sa hawak niyang chainsaw.

Tila nanigas ako sa aking kinauupuan nang mapagtantong ganito rin ang panaginip ko. Si Ma’am Salinas, si Mang Lando, ang mga kaklase ko, at si…Hannah. Ganoon din ang suot nila sa `king panaginip. Walang pinagkaiba..

Scroll to Top