Habang nililinis ko at inaalis ang putik sa pudpod kong mga tsinelas, kakaibang mga tinginan at malalakas na bulong-bulungan ang ibinigay sa akin ng mga Aleng nagkukumpulan sa tapat ng tindahan ni Aling Josie. Katulad ng mga nakalipas na araw, usap-usapan na naman ang hindi magandang nangyari sa aking pamilya.
“Dios ko, kawawa naman ang mga batang iyan. Bakit ba naman kasi nagpunta-punta pa doon ang Nanay nila,” kuwento ni Aling Lolit sa kaniyang mga kumare.
“Kaya nga. Alam na kasi ang kuwento tungkol sa eskinitang iyon e talagang nagpunta pa,” sabat ni Aling Maring.
Nasanay na ako. Sa halos dalawang buwang ganito ang bumubungad sa akin sa tuwing darating ako sa Sitio Talahib mula sa halos isang kilometrong paglalakad mula eskuwela, ang pagkukuwentuhan at pagbubulungan sa amin ng mga kapatid ko ay parang bale wala na.
Naabutan ko ang kapatid kong si Jonas sa tindahan ni Aling Seli. Tulad ng mga nakaraang araw, nangungutang na naman ang kapatid ko ng isang latang sardinas dahil maghahapunan na ay wala pa rin kaming pagkain.
“Naku, Jonas. Mahaba pa ang listahan n’yo sa akin. Gusto ko man kayong pautangin ngayon pero wala na ring laman ang tindahan ko dahil sa mga pautang!” bulyaw ni Aling Seli sa kapatid ko.
“Aling Seli, ito ho ang trese pesos. Bibilhin ko na ho ang sardinas,” sambit ko habang inaabot ang baryang kinita ko sa paggawa ng asaynment ng mga kaklase ko.
“Naku, sabi mo sa Tatay n’yo magbayad naman. Alam ko yung nangyaring kamalasan sa pamilya ninyo, pero naku, wag nyo namang idamay ang negosyo ko,” dakdak ng Ale.
“Oho, sasabihin ko po,” kibit-balikat ko na lang tinanggap ang sinabi ng Ale at lumakad na pauwi.
Buti na lamang ay kahit papaano, kumikita ako sa paggawa ng gawain sa iskul para sa mga kaklase kong mula sa bayan na may pera nga, tamad namang mag-aral. Mayroon ding ibinibigay na isang kilong bigas araw-araw sa paaralan na proyekto nila ng aming alklade para mahikayat na pumasok ang mga batang kapos na tulad ko.
Ito na lang din ang tanging dahilan kung bakit pa ako nagtiyatyagng pumasok sa kabila ng kalagayan ng pamilya ko. Ang dalawa kong kapatid na sina Jonas, grade 2 na sana, at May-may, kinder, ay huminto na muna sa pag-aaral at nagbabantay na lamang kay Nanay habang wala ako.
Pagkarating namin ni Jonas sa aming munting barong-barong ay agad kaming nag-intindi ng hapunan. Sinindihan namin ang gasera na tanging nagpapa-ilaw sa aming munting tahanan, at nagparikit ng mga pinatuyong kahoy para pangluto.
Habang abala kami sa paghahanda ng pagkain, isang iyak ang narinig namin. Gising na si Nanay. Umpisa na naman ng kalbaryo niya na epekto nang pinakamalaking bangungot ng kaniyang buhay.
Katulad ng mga nakaraang araw, tanging ang yakap ko lang ang nakapagpapakalma kay Nanay. Ako lamang ang nakapagpapahinto sa nginig ng kaniyang katawan sa tuwing babangong balisa mula sa pagkakatulog.
Halos dalawang buwan nang wala sa katinuan ang Nanay. Halos dalawang buwan nang tanging ang pangalan ni Tatay, Jonas, May-may, at pangalan ko ang nababanggit niya. Kung hindi naman, nakatulala lang siya sa bintana at kung minsan, bigla na lamang sisigaw at iiyak.
Nagkaganito lang naman si Nanay nang minsan siyang pumunta sa madilim at kinatatakutang eskinita sa aming Sitio. Normal na bahagi lang ang eskinitang iyon ng aming lugar hanggang sa paalisin ng isang negosyanteng Tsino ang mga nakatira doon at pagpuputulin ang malalaking puno dahil patatayuan daw ng isang malaking tindahan. Pero ilang linggo lang pagkatapos ang demolisyon, namatay ang negosyante at paniniwala ng mga tao sa amin, ang mga maligno sa malalaking puno at ang misteryosang babae ang nagdulot ng kamalasan sa kaniya.
Nahinto ang konstruksiyon ng tindahan dahil sa pagkamatay ng Tsino. Dahil dito, naiwang madilim at bakante ang lupa. Tanging isang maliit na kubo na tinutuluyan ng mga manggagawa noon ang natirang nakatirik sa nakapapanglaw na kalye. Sabi pa sa mga kuwento, madalas ay nakikita raw nilang may isang misteryosong babae sa kubo kapag gabi. Kung minsan naman, nakikita nilang naiilawan ng gasera ang kubo kahit wala naman silang kilalang nakatira doon. Ang mga kuwento-kuwentong ito ang lalong nagdagdag sa takot ng mga taga sa amin sa eskinitang iyon. Kaya naman kapag sasapit ang gabi, halos wala nang tao sa dating masayang Sitio Talahib.
Hindi rin namin maipaliwanag, pero ang kumalat na kuwento sa aming lugar ay tila hinatak daw ng babae sa eskinita ang Nanay kaya isang maulang gabi, balisang nagpunta si Nanay sa kubo. Ito kasi ang paniniwala nila, na nanghahatak daw nang mabibiktima ang babae sa kubo. Nakita raw siya ni Mang Lando na papunta sa eskinitang iyon pero tila walang naririnig si Nanay at dumiretso lamang sa kubo. Dahil sa takot ni Mang Lando, hindi na niya nagawang pigilin si Nanay. Maya-maya pa, nakita na lang ni Mang Lando si Nanay na tumatakbo palayo mula sa kubo—umiiyak, nanginginig, at tila takot na takot. Dahil parang wala sa sarili si Nanay, natalisod ito sa isang bato at tumama ang ulo sa sahig.
Isang linggo ring nagtagal si Nanay sa ospital. Akala nga namin ay hindi na siya magigising pa. Pero nang dumilat si Nanay, hindi na siya tulad nang dati. Hindi na ito makausap nang maayos, laging malungkot at tulala. Sabi nila, naging kabahagi daw kami ng malas ng negosyanteng kumamkam sa lupa dahil isa si Tatay sa gumiba ng mga tahanan at pumutol sa mga puno sa eskinita. Sabi naman ni Tatay, mas malaking malas kung hindi siya kikita at wala kaming kakainin sa araw-araw.
“Pasensya na kayo mga anak. Ngayon lang ako nakarating dahil ang daming ipinagawa sa akin ng amo ko. Buti na lamang at nakadelihensya na kayo ng pagkain ninyo,” paumanhin ni Tatay sa amin. Dumiretso siya kay Nanay upang halikan ito.
“Ayos lang po, buti na lamang po at kumita ako sa klase kanina,” sagot ko kay Tatay.
“O, kumutsa ang Nanay nyo?” tanong ni Tatay.
“Ganun pa rin po, madalas pa rin pong umiiyak. Paulit-ulit na sinisigaw ang pangalan natin,” kuwento ko kay Tatay.
“Hayaan nyo, mga anak, kapag nakaipon ako, ipagagamot natin ang Nanay nyo. Kahit di na ako matulog sa pagtatrabaho makaipon lang, gagawin ko,” sabi ni Tatay.
“Baka kayo naman po ang magkasakit, Tatay,” pag-aalala ko.
“Kayang-kaya ko ito, mga anak. Siya nga pala, pagkakain ng hapunan ay babalik ako sa trabaho. Kukuha lang ako ng mga damit at sa makalawa na ang balik ko. Marami kasi kaming gawa eh,” pagpapaalam ni Tatay.
“Ganun po ba? Sige po, ako na ang bahala kay Nanay at sa mga kapatid ko,” sagot ko.
Pagkaalis ni Tatay, agad na kaming nagsara at naghanda sa pagtulog. Sa isip-isip ko, masarap ang tulog ko dahil maulan. Pero si Nanay, tila hindi pa inaantok at nakatulala lang sa liwanag ng gasera. Nakahiga na ako nang marinig ko si Nanay, bumubulong, palakas nang palakas. Agad akong napabangon dahil sa pagkakataong ito, hindi mga pangalan namin ang binibigkas niya.
“Pumunta ka sa kubo,” mahinang sabi ni Nanay sabay tingin sa akin.
“Naku, ‘Nay. Delikado roon,” sagot ko habang di pa rin makapaniwalang may iba nang sinasabi si Nanay.
“Pumunta ka sa kubo!!! Pumunta ka sa kubo!!!” palakas nang palakas na sabi sa akin ni Nanay habang nanlalaki ang kaniyang mga mata.
Hindi ko alam ang gagawin noon. Naiyak na lamang ako at muling niyakap si Nanay. Habang yakap ko siya, paulit-ulit pa rin niyang ibinubulong sa akin na pumunta ako sa kubo. Nagpatuloy sa pagbulong at pag-iyak si Nanay hanggang sa nakatulog siya.
Hindi ako makatulog dahil sa nangyari. Iniisip ko pa rin ang sinasabi ni Nanay na pumunta ako sa kubo. Sa totoo lang, gusto ko siyang sundin. Pero iniisip ko rin ang hipnotismo ng babae sa kubo. Baka ako naman ang mapahamak.
Alam ko, desidido na ako na hindi pumunta sa kubo. Pero di ko maintindihan na may nagtulak sa akin para bumangon at kunin ang gasera at payong at lumabas ng bahay. Oo, pupunta ako sa kubo, pupunta ako sa eskinitang sumira sa buhay ng pamilya ko. Hindi ko batid kung ito na ba ang sinasabi nilang hipnotismo ng babae sa kubo.
Hindi ko alam, pero parang ang tapang ko non. Parang wala akong naririnig at nakikita kung di ang daan papuntang kubo. Hindi ko alam pero tila sabik akong makarating sa kubo.
Napahinto lang ako nang bahagya nang makita kong may munting ilaw ang kubo. Dahan-dahan kong nilapitan ang kubo at sumilip sa bintana. Nakita ko ang isang babaeng nakaputi na nakaupo sa silya at tila may kausap sa bandang kanan na di tanaw mula sa kinaroroonan ko.
“Hanggang ngayon ba, di pa rin maayos ang asawa mo?” tanong ng babae.
“Hindi pa rin. Tulala pa rin kaya malaya pa rin tayo sa ginagawa natin,” sabi ng isang pamilyar na boses.
“Buti nga, nakita tayo dito ng asawa mo nung gabing yon. Tapos di niya kinaya ang nakita niya at kumaripas nang takbo hanggang sa naaksidente. Hindi mo na sila kailangang iwan o patayin pa ang asawa mo, gaya ng ginawa ko sa asawa kong matandang Intsik. Kaya pagkatapos ng gabing ito, pagplanuhan na natin ang gagawin nating pagtatanan. Ayoko nang sa kubong ito tayo nagkikita. Maraming naiwan sa akin ang asawa ko. Tsaka ayokong pinagkakamalan akong multo ng mga taga rito no,” pilyang sagot ng babae.
Nanginig ang buong katawan ko sa narinig. Parang mawawasak ang puso ko sa sobrang bilis ng tibok. Parang namamaga ang buo kong katawan dahil pinaghalong inis at nerbyos sa mga narinig. Para ding makina ang mga mata ko na di mapigilan ang pagtulo lang ng luha.
Ngayon, naunawaan ko na ang lahat. At mas lalo pa akong nalinawan nang makita ko si Tatay na lumapit sa babae at hinalikan ito. Kaya pala, kaya pala balisa si Nanay nang papunta sa kubo dahil natunugan na niya ang kawalanghiyaan nang dalawang ito. Kaya pala wala sa sarili si Nanay paalis sa kubo dahil nahuli niya ang dalawa. Hindi pala maligno, hindi pala multo, kundi aswang ang nasa kubo sa eskinitang ito.
Dahil sa galit ko, napasigaw ako. Nagulat ang dalawa na nasa kalagitnaan na nang kataksilan nila. Lumabas si Tatay at nakita ako. Nagulat siya at para bang hindi makapagsalita.
“Walang hiya kayo! Ikaw ang sumira sa pamilya natin!” sigaw ko kay Tatay sabay takbo.
Hinabol ako ni Tatay sa gitna ng ulan. Habang tumatakbo, sinasabi niyang ipaliliwanag niya ang lahat.
Tulad ni Nanay, balisa at di ko rin matanggap ang mga nakita. Hindi ko na batid kung ano ba ang ginagawa ko o saan ako papunta. Mabilis ang takbo ko. Mabilis. Kasing-bilis ng tibok ng puso kong puno ng galit sa mga oras na iyon.
Naalimpungatan lamang ako ng isang kakaibang liwanag mula sa bandang kaliwa ko. Kasabay nang papalapit na liwanag ay isang ingay na parang mula sa isang sasakyan. Natulala ako. Hindi na nakagalaw. Naramdaman ko na lang ang sakit ng aking katawan at kakaibang manhid sa aking ulo. Naramdaman ko ring nakahandusay ako at di maigalaw ang katawan.
Maya-maya pa, natatanaw ko sa aking tila nanghihinang mga mata ang mukha ng pinakanakakatakot na aswang na nakita ko, ang pinakamapaminsalang aswang na nakilala ko. Gusto kong magsalita. Gusto kong pagbayarin ang lalaking iyon kahit sa mga salita man lang. Pero hindi ako makagalaw. Hindi ko maintindihan ang nangyayari sa akin. Ang magkahalong sakit at antok na nararamdaman ko ay di ko mapigilan.
Hindi ko matanggap. Hindi ko matanggap na sa mga bisig ng multo sa eskinita ako babawian ng buhay.