ni Alberto Segismundo Cruz
(Unang nailathala ng Ilang-Ilang, Nobyembre 23, 1947)
— Ang luntiang damo sa paanan ni Edmundo Rosal ay tagapagpagunita sa kanya ng buhay na wagas at walang pagkukunwari. —
Marami nang taon ang nagdaan . . . marahil ay may labing-walo o dalawampung taon na, at sa makapal na Aklat ng Panahon, ay may nakasulat sa likod ng nanlalabo nang mga titik. Nguni’t hindi maaaring mabasa iyan ng karaniwang mata ng sinomang kinapal. Manapa’y si Tadhana lamang ang buong liwanag na makatutunghay.
Ibang-iba na si Edmundo Rosal. Hindi na siya ang dating tinatangkilik lamang ng isang propyetaryong may malaking pasaka sa isang lalawigan sa Kalagitnaan ng Luson. Hindi na siya ang dating naglilingkod na halos ay parang utusan upang makapag-aral lamang. Hindi na siya ang dating probinsyanong pugot ang salawal, balanggot ang sumbalilo, at lilinga-linga sa gitna ng mataong lunsod. Hindi na siya ang bagong dating na kabababa pa lamang sa himpilan ng tren sa Tutuban, isang malamig na umaga ng Disyembre, na dala-dala ang isang maliit na balutan at ipinagtatanong sa balana kung saan naroon ang daang Pennsylvania . . .
Noon ay patungo siya sa tahanan ng tinurang mayamang propyetaryo. Patungo siya roon upang maglingkod sa pangunahing dahilang iyon ang tanging pagkakataong dumating sa kanyang buhay na kung talagang siya’y papalarin o magkaroon kaya ng
mabuting kapalaran, ang kahirapan niya ay maaaring mabihisan, bukod pa sa maari pa rin siyang tanghaling isang luwalhati ng sariling nayon – ng nayon ng Pinamulaklakan.
. . . At makaraan ang mahaba’t mapagsumakit na pakikitunggali sa larangan ng buhay, siya ngayon ay ganap nang mangangalakal. Matapos na matamo niya ang katibayan sa pagiging dalubhasa sa karunungan sa kalakal ay isinakatuparan niya ang kanyang adhika sa buhay. Buhat sa pagiging ahente ng isang malaking bahay-kalakal, siya’y napataas at naging punong-tagapagpalaganap at tagapagbili hanggang sa makapagsarili na, sa bisa ng katamtaman niyang naimpok.
Saka ngayon ay matunog na ang kanyang pangalan. Hindi lamang naririnig sa bibig ng balana sa pamilihan at sa purok ng kalakal, kundi naririnig pa rin sa radyo. Bukod dito ay nababasa pa rin ang pangalan niya sa mga anunsyo saka sa mga lathalaing may kinalaman sa pangangalakal.
Kaugnay ng kanyang tagumpay sa larangan ng pangangalakal at pamumuhunan ay ang pagiging pulot-gata niya sa kababaihan. Sa mababang lipunan ay tinitingala siya ng mga nagsishihanga; sa mataas na lipunan ay sinusundan-sundan ng masid ang takbo at galaw niya, na walang iniwan sa isang ibong may malawak na pakpak sa himpapawid.
Kay amo ng lahat sa kanya. Katulad ng maamong kalapati ang mga kaibigan. Marami siyang papuri’t pahayag ng pakikilugod na naririnig saan mang pagtitipon o pagkakataon. Sa panahong ito ay masasabing ganap na ang kanyang tagumpay sa buhay at dapat na sana siyang magpasalamat sa Lumikha, sa harap ng mga biyayang nagiging maamo sa paglapit sa kanya. Anak mandin siya ng kapalaran – ng magandang kapalaran. Habang lumalaon ay nagiging malaki ang kanyang puhunan, at habang lumalaki ang puhunan, ay nagiging malawak naman ang kanyang nagagalawan.
Nagiging maliit ang daigdig sa kanya. Kaabutan niya ng palad ang “malalaki” kahi’t sa malayo. Kangitian niya kahi’t sa gabi ang nagkislap-kislap na mga bituin sa langit.
Datapuwa’t . . .
Isang hapon ng masayang Nobyembre . . . pagkatapos na pagkatapos ng idinaos na garden party sa Manila Hotel, sa karangalan ng ilang naglibot sa daigdig, ay ano ba’t napansin niya ang damo sa pinaka-bakuran ng otel. Ang damo – malawak na damuhang lungtian – na sa hihip ng hangin buhat sa dagat ay waring lumilikha ng maliliit na along nakakikiliti sa mga binti’t paang napaparaan doon. At ang kaaya-ayang tanawin ay sadyang marilag sa mata ng isang kinapal. Lalo na sa isang alagad ng sining, kung mapagsusuri ang makitid na landas na anak’y listong kayumanggi na pasikut-sikot at nawawala sa dako ng halamanan at ng hanay ng gumamela.
Ang malaong panahong nakalipas ay “muling nagbalik” sa kanyang alaala. Parang biglang nabuksan ang Aklat ng Kahapon, at sa sarili niya’y naitanong ang ganito:
— Nag-iisa ba ako sa daigdig na ito? Diyos ko! Ano kaya ang dahilan ng laging biglang pagkakatigatig na naghahari sa aking kaluluwa?
Tinanaw niya uli ang damo – lungtian, anaki’y dulo ng sibat na hindi patalim, kundi hantungan ng hamog kung umaga at waring alpombra ng katalagahang sumasangga sa init upang ang magpasyal sa dakong iyon ay maging kaaya-aya’t kanais-nais lalo na kung dapit-hapong palubog na ang araw sa Look ng Maynila, na isang tunay na kababalaghan ng Dapit-hapon sa dako ng mga lunsaran.
Damo! May kahulugan ang damo sa kanyang buhay, marahil ay may malaking kaugnayan pa, sapagka’t ang damong iyan, ang di miminsang bumasa sa kanyang mga paang walang sapin, kinunan niya ng hamog at ipinahid nang minsang magsikip ang kanyang dibdib, baka, kung matuyo naman ang luha ng langit na hamog ding iyan ay siya rin niyang ginagawang banig at hinihimlayan upang makita sa kaitaasan – sa kabughawan – ang langit, ang takbo ng panginorin, ang galaw ng alapaap…
Napapansin din naman niya ang mga ibong bumabagtas sa kalawakan ng himpapawid, ang wari’y paghahabulan ng mga kinapal na ito na walang kaluluwa hanggang sa maliliit na sanga ng mga punong-kahoy saka ang biglang balantok ng bahaghari sa
kabughawan, lalo na’t nagbabanta ang ulan sa dako ng kabukiran. . .
Nguni’t ang mga alalahaning ito’y nauukol sa nakalipas. Sa isang panahon ng kabataan, at palibhasa’y nauukol sa panahon ng kabataan, kaya’t nagbabalik din naman sa isip niya’t alalahanin ang lahat.
Na siya sa bukirin ng Pinamulaklakan ay malimit na magpastol ng kalabaw sa malawak na bukid na iyon ni Don Ernesto. Na gayong siya’y pastol ay kung bakit si Don Enrique, na marahas at mapusok sa mga kasama, ay naging mapagtangkilik at mapagmahal sa kanya. Sa katotohanan nang siya’y lumaki-laki na’t natutong makialam sa pagtatanin at iba pang gawain sa bukid, siya pa rin ang itinalaga ng mayamang propyetaryo upang maging pinaka-patnugot ng mga magbubukid sa gawain.
At, anong ganda ng kabukiran, lalo na kung malapit na ang pag-aani! Natatandaan niya na katulong siya sa pagmamandala ng palay, isang araw ng malamig na Disyembre. At sapagka’t siya’y binata na, noon, at natuto nang kumalabit ng gitara, kaya’t natuto na rin namang magsalita nang patula – mga salita ng pusong nag-aatas!
Paano’y naroon si Seni! — Nakasandig sa isa sa mga mandalang iyon, matapos ang gawain sa maghapon. Kung ano ang ganda ng kabukiran, kung gaano kayaman ng palayan, at kung gaano kadakila ang buhay sa nayon ay siya ring ganda, kayaman ng ugali’t kadakilaan ng puso ni Seni. Nguni’t si Seni’y naiiba sa karaniwan. Para sa kanya simula’t wakas na ng kanyang buhay ang panahon sa kabukiran. Para sa sariling pagpapahalaga, ang daigdig niya’y nasa kanyang nayon at ang dambana’y sariling tahanang halos ay dampa sa bukid.
Tunay at nakapag-aral si Seni at nakatapos ng high school sa bayang-pangulo ng lalawigan. Tunay din naman at naging Mutya siya ng kagandahan nang ipagdiwang ang Arbor Day sa Pinamulaklakan, na dinaluhan pa ng ilang matataas na puno ng
pamahalaan kabilang na rito ang kagawaran ng pagsasaka at paghahalaman.
At, siya, si Seni’y kanyang nilapitan. Nilapitan upang pagparinggan ng isang “kabaliwan ng kabataan”. Nakapagtapos na rin si Edmundo, noon, sa high school at sariwang-sariwa sa kanya ang maririkit na tula ng mga makatang kanluranin, lalo na ni Edgar Allan Poe.
Nguni’t ibang-iba, noon, ang pakita sa kanya ni Seni. Kung kailan pa inaasahan niya ang malapit na katuparan ng kanyang mga pinapangarap at saka pa niya napansin ang kunot ng noo ng dalaga at ang magagandang matang biglang pinangulimliman ng ilaw sanhi sa paggiti ng luhang nagpupumiglas wari sa pagpatak.
— Bakit Seni? — ang kanyang naitanong.
Hindi tumugon ang dalaga.
— Sinugatan ko ba ang iyong dibdib? — ang muli niyang usisa.
— Kahimanawari’y patnubayan ka ng Diyos! — ang sa wakas ay namulas sa mga labi ni Seni.
Hindi nga naglaon at nabatid nang maaga ni Seni na siya (Si Edmundo) pala’y patutungo ng Maynila, sa pasiya ng makapangyarihang propyetaryo. Sa katotohanan, sa ilang matatanda sa nayon ng Pinamulaklakan ay narinig niya ang malungkot na kasyasayan ng buhay ni Edmundo, isang kasaysayang nababalot ng hiwaga. Datapuwa’t wala siyang lakas na makapagsalita! Sukat ang magparinig siya ng magandang hangarin sa binata. Nahahabag siya, ang ating dalaga, sa harap ng mapait na katotohanang nakapaligid sa buhay ni Edmundo. Nahahabag! Sapagka’t lingid kay Edmundo ang mapait na katotohanan . . . at siya, si Seni, na nakababatid ay sadya namang walang lakas ng loob na makapagtapat ng nalalaman.
Sa likod ng lahat at sa matuling takbo ng panahon ay nalulugod naman si Seni sa mga balitang nanggagaling sa Maynila. Nguni’t sa kaligayahang ito ay nalulungkot din naman siya, hindi sapagka’t di man lamang nadadalaw sa sariling nayon ang kanilang luwalhating si Edmundo, ngayong isa nang tanyag na mangangalakal at mamumuhunan, kundi dahilan sa pangyayaring ano man ang kalagayan ni Edmundo ay sadyang malungkot din ang kanyang buhay.
Paano’y nakaligtaan ni Edmundo ang dapat na maging laging sariwa sa isip at alaala ng isang tao o isang kinapal sa lupa. Nakakaligtaan nga ang lalong malapit sa kanyang puso, ang lalong dakila sa kanyang kaluluwa! At, nakaligtaang katulad ng damong laging nagpapala sa kanya sa bukid, lalo na’t hihimlayan niya kung kinakausap ang alapaap at sinasangguni ang kabughawang parang malapit na malapit sa kanyang mga mata.
Ang isang kaisipan ng tao ay hindi maaaring manatili na habang panahon, sapagka’t hindi iyan ang batas ng Katalagahan. Ang batas ay nag-aatas na tumakbo ang mga pangyayri, kasabay ng karaniwang pag-inog ng daigdig. Ganyan ang kaisipan ng Tao. Malikot na tulad ng kanyang guni-guni. Walang makasasansala niyan. Katulad din ng pagiging lungtian ng mga damo, matapos na sumipot at tumubo sa alin mang panig ng lupa o ng bukirin. Maaaring ang damo’y mamamatay – ibig sabihin ay malanta o maunsiyami at mamula-mula o maging ganap na kayumanggi, – gaya ng pagkatuyot ng halaman, nguni’t darating ang araw …
darating din ang araw na ang damong iyan ay mananariwa.
Iyan ang nangyari sa kaisipan, katauhan at kaluluwa ni Edmundo nang makita niya ang damo at ang mga bakas ng paa sa wari’y listong landas sa damuhan ng tanyag na otel. Iyan ang biglang nakapagpasariwa sa kanyang alaala ng lahat ng bagay na nauukol sa kanyang kahapon, lalo na nga nang mamasid ang damong sariwa, ang damong lungtian, ang damong anaki’y inaalon ng mabining simoy na nanggagaling sa Look ng Maynila.
Kaya’t mabilis siyang nagpasiya! Hindi maaaring makapagpatuloy siya sa kanyang landas sa buhay. Maaari siyang nagtatagumpay at nakikita pa ang luningning sa dako pa roon; datapuwa’t hindi siya maaaring hindi lumingon sa pinaggalingan. Iniaatas iyan ng isang mahiwaga, nguni’t mala-bato-balaning kapangyarihang nakapanaig sa karaniwang pasiya ng taong katulad niya. At, noon din, parang ipu-ipo ay nagbagong-akala siya; ipinihit ang mga hakbang sa tahanang nasa isang mataong purok, pinawalang-kabuluhan ang iba pang lakad at pakikipanayam, at sa unang biyahe ng tren, sa kinabukasan, ay sumakay siya’t walang abug-abog na lumunsad sa himpilan ng bayan. Buhat doon ay isang uuga-ugang karitela ang nilipatan niya at nagpahatid sa nayong Pinamulaklakan.
Sa karitela pa lamang – (nakatatawa!) – ay inalis na ang kanyang sapatos; hinubad ang amerikana’t inalis ang kurbata, at walang inilabi kundi ang pantalong inililis niya ang dulo, na gaya ng dati, na sa biglaang tingin ay waring pugot na salawal. At, anong lamig, nguni’t kasiya-siyang hangin ang sumisimoy, noon, at humahalik nang masuyo sa kanyang mukha!
Sa daan pa lamang ay dami nang mata ng madla ang buong pananabik na nakamasid sa kanya:
— Mundong!—ang sigaw ng ilang kababata niya.
— Ka Mundong! – ang narinig niya sa isang batang kasalukuyang nanunungkit ng kamatsile sa bakuran nina Tikang.
Minsan pa, sa loob ng gayong katagal na panahon, ay nadama niya ang kasiglahan ng dugo ng kabataang nag-iinapoy pa rin sa kanyang puso. Sa ilang saglit pa’y nagpasiya na siyang bumaba ng karitela, nagbayad sa kutsero na lubhang malaki ang pagtataka: Sapagka’t malayu-layo pa rin ang Pinamulaklakan. Bumaba na nga siya, saka tuluyan nang yapak na lumakad, bitbit ang sapatos, saka pasampay sa kaliwang bisig ang amerikana at kurbatang pinawalang-kabuluhan niya. . . bilang katibayan ng makabagong kabihasnan.
At siya’y pumaswit. Lumapit ang ilang bata; na sabay-sabay na nagsigawan, nang siya’y makilala.
— Ka Mundong, narito ang tirador. May pugo na ngayon! Halina sa palayan.
Parang bata rin, siya’y kumarimot nang takbo, at sumunod sa anyaya ng mga musmos.
Pagkatapos na mabigyan niya ng kasiyahan ang mga bata ay nagpaalam at sinabing siya’y magtutuloy na. Nguni’t mainit ang araw, at nakaramdam siya ng kainitan. Dahilan diyan, ay naalaala niya ang matandang lungaw – ang anaki’y batis sa lilim ng punong-mangga ni Nana Tale – at doon ay para siyang musmos na naglunoy, at inilapag na parang walang ano man ang mga dala niya sa damuhan.
Pagkatapos ay isinuot na muli ang kanyang panloob at kamisadentro, nguni’t itinaas din ang pantalon, saka nahiga sa damo. Katulad ng dati ay hinagod ng masid niya ang naghahabulang alapaap saka, sinalamin ang bughaw na langit.
Hanggang . . . sa siya’y matigatig sa paglapit ng mga yabag, na nang mapaharap sa kanya, ay nakilala niya kung sino.
— Seni! – ang sa biglang pagkahiya niya’y namutawi sa kanyang labi.
— Mundong, bakit? – at napangiti, bago pinamulahan ng mukha ang dalaga.
Lumungkot ang mukha ni Edmundo, bago ibinaba ang tingin na anaki’y isang tunay na binatang-bukid.
— Dadalaw ako kay Inang kaya’t . . .
At, naluha rin si Seni, sapagka’t ang ina ni Edmundo ay dating kapit-bahay nila at katuwang sa gawain sa bukid. Isang babaing maganda, mabait, nguni’t sanhi sa karalitaan, ay hindi nakatutol sa hangad ng masakim na propyetario. Inibig nang labag sa batas ang babaing iyon ni Don Ernesto, gayong ang mayamang propyetaryo ay may-asawa; at sa harap ng makasalanang pagibig, matapos na iluwal sa maliwanag si Edmundo, ay hindi naglaon at namatay din ang kahabag-habag na babae. Siya si Aling Clara – si Nana Clara – sa balana sa nayon. Nang mamatay ang tunay na asawa ng mayamang propyetaryo ay saka pa lamang nagpasiya nang buong laya ito. Tinangkilik si Edmundo, ngunit hindi ipinagtapat ang mapait na katotohanan, maliban sa pangyayaring siya, ang binata, ay may inang namatay at may amang hindi malaman kung ano ang naging kapalaran.
— Kung dadalaw ka kay Nana Clara – ang paliwanag naman ni Seni, — ay kailangang magtungo tayo sa kamposanto. Narito ang lalong maikling bagtasan.
— Oo nga, hindi ko tiyak ang daraanan. Nalimot ko na! — ang pahimutok na pagtatapat ng binata, bago inakay ang dalaga.
— Halina kung gayon! — ang anyaya ni Seni
Sa lilim ng mga punong-kahoy, sa panig ng anaki’y kasukalan sa bukid at sa tumana, sa mga pinyahan at sa isang sapang may uuga-ugang tulay na kawayan, sila’y nagpatuloy sa kanilang lakad, hanggang sa dumating sa matandang libingan ng nayong madaling mapagkilala sa maraming kurus na nagkalat doon.
Inihatid sila ng kanilang hakbang sa isang ulilang puntod na may katamtamang laking kurus na nakatanda at nakatitik ang pangalan ng ina ni Edmundo.
— Sariwa pa ang mga bulaklak dito! — ani Edmundo na lipos nang pamamangha.
— Araw-araw sa umaga’t hapon ay nagdadala ako kay Nana Clara ng bulaklak-gubat at itinuro ang sariwang pumpon sa puntod.
— Seni ang nakaliligtaan ko’y iyo palang . . . ang sa dikawasa’y nasabi ni Edmundo na lipos ng pagdaramdam.
— Oo sapagka’t . . . nababatid kong hindi mo malilimot ang iyong nayon.
— Oo Seni — ang matimyas na pangungusap ng binata, — habang narito ka at habang si Inang ay naririto rin.
— Kung wala na? — ang parang pagsubok naman ng dalaga.
— Kung wala na’y . . . hindi maaari! — ani Edmundo. — Habang sariwa ang damo at habang may damo akong namamasid sa balat ng lupa ang ating nayon, ikaw, si Inang . . . ay laging nasa aking puso — nasa aking kaluluwa. Iyan ang dahilan kaya ako’y nagbalik!
— Tunay? — ang may hamong tanong ni Seni, na pinalagkit pa ang masid sa binata.
— Ano pang katunayan ang ibig mo? — ang matatag na tanong ng binata, saka masuyong pinagpakuan ng mga mata niyang hilam sa luha.
Kinagabihan din noon, si Don Ernesto’y madaliang nagpahanda at ibinunyag ang pagdating ng kanyang anak. Sa pagtitipon ay ipinagbunyi ang luwalhati ng Pinamulaklakan! Nguni’t ang pagbubunyi’y lalong naging makasaysayan nang ibunyag ni Edmundo na rin na hihingin niya ang kamay ni Seni sa mga magulang nito.