Ang Diwata Ng Ilog Pasig

ni Percival Campoamor Cruz

May awitin na hindi mawawala sa alaala ng mga Tagalog sapagka’t ang magandang himig at titik ay nakahuhumaling, at ang pag-iibigan ng taong-bayan at ng Ilog-Pasig ay hindi magmamaliw.

Kung gabing ang buwan
sa langit ay nakadungaw;
Tila ginigising ng habagat
sa kanyang pagtulog sa tubig;

Ang isang larawang puti at busilak,
Na lugay ang buhok na animo’y agos;
Ito ang Mutya ng Pasig,
Ito ang Mutya ng Pasig.

Sa kanyang pagsiklot a maputing bula,
Kasabay ang awit, asabay ang tula;

Dati akong Paraluman,
Sa Kaharian ng pag-ibig,
Ang pag-ibig nang mamatay,
Naglaho rin ang kaharian.

Ang lakas ko ay nalipat,
Sa puso’t dibdib ng lahat;
Kung nais ninyong akoy mabuhay,
Pag-ibig ko’y inyong ibigay.

Ang Ilog-Pasig ay tila asuling ahas na mahinahong gumagapang, “buhay” na likha ng Katalagahan; tabang at maligamgam na tubig sa pagmumula sa Look ng Laguna at nagiging malamig at maalat pagsasanib sa tubig-dagat ng Look ng Maynila. Sa paglalakbay nito ay sumasagi ang kasariwaan sa mga tuyot na pampangin ng maraming nayon.

Sa Ilog-Pasig nagkakaroon ng kabuhayan ang mga taga-nayon, at ganoon din ang mga taga-lungsod. Ang Ilog-Pasig ang tampisawan at paliguan sa madaling araw ng mga nag-gagandahang dilag na sa oras na iyon ay maaari pang ikubli sa kadiliman ang kanilang pagpapasariwa sa katawan. Sa bandang tanghali naman ay sa Ilog-Pasig naglalaba ng damit ang mga maybahay, sa pook na batuhin, na maaaring gamitan ng palu-palo ang mga damit. Ito rin ang lagusan ng mga maginoo ng bukid at mga mangingisda na naghahangad na mabilis na marating ang bukid o dagat.

Sa Ilog-Pasig naglalaro ang mga bata. Sa tuwing Tag-init, dito lumulundag ang mga nagmumurang binata, matapos na maisagawa ng arbolaryo ang pagpapatunay sa kanilang pagka-lalaki. Tuwing Mayo, dito dumaraan ang prusisyon ng mga kasko at lunday na ang sakay ay mga peregrinos a papuntang Antipolo upang doon ay magbigay dangal sa Birhen ng Kapayapaan at atiwasay na Paglalakbay. (Ang Birhen na maitim ang kulay, sinasabing dinala sa ilipinas ng isang galyon na nagmula sa Mehico. Dumaan ang galyon sa isang napakalakas na bagyo nguni’t hindi nasalanta ang mga sakay at matiwasay na nakarating sa pampangin ng Maynila. Ang pagkakaligtas ng mg biyahero ay ipinalalagay na bunga ng pagtangkilik ng Birhen.)

Ang Ilog-Pasig ang daanan ng kalakal – dito namamangka ang mga negosyante na inihahatid ang kanilang kalakal sa iba’t ibang panig ng malaking lalawigan na kung tawagin noon ay Montalban; kabilang na dito ang mga Intsik at Bombay na matagumpay sa ikinabubuhay nila. Sila’y nagtatamasa ng mabuting pagtatangkilik ng mga taong-bayan at sanhi nito ay itinuring nang bayan na rin nila ang Bayan na Nasa Biyaya ng Ilog-Pasig. Nagdadala sila mula sa Tsina ng mga pinggang porselana, mga alahas na yari sa mga pambihirang bato, at sari-saring gamot na galing sa mga halaman; at mula sa Bombay ay inilalako ang payong, mga telang pangbestida o pang-barong Tagalog, at mga pabango.

Isa si Don Ramon sa maraming nabubuhay sa pagtataguyod ng Ilog-Pasig. Siya ang may malaking bahay na bato sa tuktok ng isang burol sa may bunganga ng Ilog, sa dako ng Taytay. Tanyag ang kahusayan ni Don Ramon sa pangangalakal. Mula sa Maynila ay nagdadala siya ng mga tela at balat. Sa Taytay ay pinangangasiwaan niya ang isang malaking patahian at burdahan ng mga bestida, alampay, panyolito at belo. Doon tinatahi ang mga tela hanggang sa ito ay maging kasuotang pambabae, panglalaki, o pambata man. Sa isa pang pagawaan ay doon naman ginagawang sapatos at tsinelas ang mga balat ng baka at kalabaw. Mula sa Taytay ay nagdadala si Don Ramon ng mga nayari nang damit at sapatos, bukod pa sa mga bakyang yari sa kahoy at sari-saring punung-kahoy at kalamay na gawa sa
bigas o kasaba at ang mga ito’y ibinabagsak sa Maynila.

Nakaririwasa si Don Ramon at iginagalang ng madla. Maraming nakakikilala sa kasko niya na sa tuwing daraan ito sa Ilog-Pasig ay kumakaway ng pagbati sa kanya ang mga taong nasa pampang.

May anak na dalaga si Don Ramon na nagngangalang, Clarita. Nang
bata pa ay laging kasama sa kasko ni Don Ramon si Clarita sapagka’t inihahatid siya sa isang kolehiyo ng mga madre sa may Quiapo. Nakikita siyang naglalaro sa kasko habang ito ay mabagal na umuusad sa tubig. Nakamasid sa kanya nang palagian ang ama at ang inang si, Donya Josefa, at pati na ang isang yaya na laging puti ang suot na bestida.

Naging dalaga na si Clarita at nagpatuloy ang pagsama niya sa kasko sapagka’t patuloy din ang kanyang pag-aaral sa Maynila. Kagila-gilalas ang gandi ni Clarita. Nag-aagaw itim at puti ang kanyang kutis, palibhasa ay may halong Kastila ang dugo ni Don Ramon. Si Donya Josefa naman ay likas na taga-Cainta, may kaitiman ang balat at kulutin ang buhok. Nakuha ni Clarita sa ama ang makikinang na mga mata, ang ilong na matangos at ang pisnging tila porselana sa kakinisan. Sa ina galing ang nag-aagaw itim na kulay ng balat, ang kuluting buhok at ang kaakit-akit na hugis ng katawan.

Matalino si Clarita, isa siya sa pangunahing kolehiyala ng La Concordia. Mahilig siya sa musika; mahilig sa kanta at nag-mamay-ari ng isang tinig na animo’y tinig ng anghel. Isang pambihirang hiyas si Clarita! Dangal at ligaya ng kanyang mga magulang. Kaligayahan ng mga kasambahay at mga kawani ng kanyang ama sa pagawaan. Adhika ng mga lalaking nakasisilay sa kanyang ganda habang dumaraan ang kasko, habang nakaupo siyang tila prinsesa sa kanyang luklukan sa loob ng malaking kasko.

Lingid sa kaalaman ng mga magulang niya, si Clarita pala ay umiibig sa isang lalaking ka-edad niya at taga-Maynila. Nagkilala sila sa La Concordia, minsang nagkaroon ng paligsahan sa pag-awit. Si Ruben, mahusay sa pagtugtog ng gitara, ang nag-akompanya kay Clarita. Bukod dito ay sunud-sunod ang mga pagtatanghal ng mga palatuntunang pang-musika sa auditorium ng kolehiyo. Napalapit ang kanilang mga damdamin sa dahilang kapuwa sila mahilig at magaling sa musika. Ang malimit na pagkikita upang mag-ensayo ay nauwi sa pagkakaibigang umusbong sa isang tunay na
pag-ibig.

Ito ang unang pag-ibig na naranasan ng dalawang nilalang na maituturing na wala pang malay sa mga kaparaanan sa Mundo ni Kupido, pag-iibigang inililihim, ikinukubli sa madla; nguni’t sa katotohanan, ay inilalantad ng kanilang di maitagong kaligayan, sigla at pananabik. Sa pagitan ng pag-eensayo, ang mga musikero ay nagkakaroon ng maiikling panahon upang makapagpahinga. Ang dalawa’y nauupo sa isang sulok ng bulwagan at nagbubulungan at naghahagikhikan -nalilibang sa mga kuwentuhan at mumunting lihim ng mga batang umiibig.

Samantalang ang La Concordia ay paaralang natatangi sa mga babae, ang Letran, na pinapasukan ni Ruben ay natatanging pang-lalaki lamang. Ang kapuwa eskwela ay pinamamahalaan ng mga madre at pari. Pinagbabawal nila na ang mga estudyanteng babae at lalaki ay magkasama habang sila’y nasa loob ng paaralan, maliban na lamang kung may mga proyekto o palatuntunan gaya ng kinabibilangan nina Clarita at Ruben na may kinalaman sa pagtatanghal ng galing sa musika.

Bagama’t bawal ang magkita ang babae at lalaki sa loob ng eskwela ay nakahahanap ng paraan ang dalawa upang sila ay magkaroon ng kahi’t na maiigsing panahon ng pagkakadaupang-palad. Malimit silang nagtatagpo sa ibaba ng burol sa likod ng eskwela na kung saan may lilim ang isang malaking punong mangga.

Nagdadala si Clarita ng mga kakaning galing sa Binangonan – puto
o kalamay na may latik. At si Ruben naman ay may baong kanin at ulam na luto ng
kanyang ina. At sila’y nagsasalo ng pananghalian sa lilim ng punong mangga. Pagkakain ay mamamahinga ang dalawa, hihiga sa damuhan na magkahawak ang mga kamay, at panonoorin ang mga mapuputing ulap na lumulutang sa kalangitan.

Minsan ay may dala-dalang alaala si Clarita para kay Ruben na isang umuusbong pa lamang na tanim na sampaguita na ipinunla sa isang maliit na paso. “Ruben,”sabi niya, “ito ang paborito kong bulaklak. Itanim mo sa inyong bakuran at palaguin. Masisiyahan ka sa kanyang halimuyak at sa tuwing makikita mo ito at malalanghap ang bango ay maaalala mo ako.”

Nagpapalitan ng alaala ang dalawa, bukod pa sa mga liham ng pag-iibig na sa kanilang pag-iisa ay masususing binabasa at ninamnam ang nilalamang masasarap na pangungusap ng pag-ibig. Minsan ay isinabit ni Ruben sa leeg ni Clarita ang isang kuwintas na yari sa ginto na may nakasabit na kurus. “Clarita, ang kuwintas ay gawa ng aking amang mag-aalahas. Alam niyang iyan ay iaalay ko sa iyo kung kaya’t pinag-ukulan niya ang paggawa niyan ng may naiibang pagsisikap. Iya’y may bendita rin ni Padre Jose at iyong magiging kaligtasan kung hahantong ka sa ano mang panganib.” pahayag ni Ruben na lipos ng pagmamahal.

Di pa nakatikim ang dalawa ng kaligayahan at kasiglahan na maidudulot lamang ng unang pag-ibig. Ang bawa’t araw ng pagkikita ay pinananabikan; at bawa’t araw na liliipas ay kinikipkip sa isipan na tila kalipunan ng mga mamahaling hiyas.

Gawi ng magkaibigan na maglakad mula sa eskwela patungo sa
daungan ng mga kasko sa may simbahan ng Quiapo, kapag papauwi na si Clarita. Bagama’t sila’y nagkikita nang halos araw-araw, ang tuwing pagpapaalaman sa hapon, ay lipos ng kalungkutan at pananabakik sa muling pagkikita.

“Maghihintay ako sa iyo bukas, Clarita. Mabuting paglalakbay pauwi, matulog ka nang mahimbing; magkikita tayo sa ating panaginip,” masayang pamamaalam ng binata. At hinihinntay niyang makasakay sa kasko ng ama ang pinipintuhong paraluman at hindi tumitinag sa kinatatayuan hanggang sa magsimulang lumakad ang kasko.

Bukod kay Ruben ay may iba pang mga binata ang naghahangad sa pansin man lamang ng magandang dilag. Katulad nina Joselito at Mariano.

Si Joselito ay kompositor at mahusay sa pagtugtog ng piyano. Ang kanyang tahanan ay nakatayo sa may pampang ng Ilog-Pasig sa dako ng Buwayang-Bato. Mula sa kanyang durungawan ay natatanaw ni Joselito ang Ilog at ang mga bangka at kasko na nagsisidaan doon. Lagi niyang inaasam-asam na matunghan ang kasko ni Don Ramon at ang magandang nilalang na nakasakay doon. Umiibig siya kay Clarita bagama’t hindi siya nakikilala nito.

Sa kabilang dako ng pampang sa may Pandakan ay doon naman naninirahan si Mariano, manunugtog ng biyolin at isang dalubhasa sa mga halaman. Ang kanyang bakuran ay punung-puno ng mga magagandang halaman at bulaklaking tanim, katulad ng rosas, gumamela, at sampaguita. Mula sa Ilog ay matatanaw ang “bakod ng bulaklak” na pumapaligid sa lupa ni Mariano.

Nagpapaligsahan ang dalawang alagad ng sining sa pagtawag ng pansin ni Clarita.

Sa tuwing daraan sa Ilog-Pasig ang kasko ni Don Ramon na sakay ang magandang binibini ay nagpapakitang gilas si Joselito at si Mariano. Sa dako ng Ilog-Pasig sa may lupa ni Joselito ay maririning ang napakatamis na himig ng sonata na nagmumula sa mga teklada ng piyano at malalantik na daliri ng mahusay na piyanista.

Sa kabilang dako ng ilog, sa may lupa ni Mariano, ay kahanga-hanga ang masayang himig ng isang allegro na nanggagaling sa biyolin ng binata. Makikita siya sa may pampang ng ilog na pina-aawit ang kanyang biyolin habang ang katawan ay sumasayaw sa kunday ng musika.

Minsang dumaan ang kasko sa gabi ay nagpakawala si Joselito ng
dalawampung kalapating may turo at ang mga kalapati’y naglaglag ng mga bulaklak nang pangibabawan ang kasko. Ang ginawa naman ni Mariano nang dumaan ang kasko sa harapan ng kanyang lupa ay nagpalutang sa tubig ng limampung maliliit na bangkang lata na may kandilang nakailaw ang bawa’t isa, na sa paningin ay animong isang pulutong ng alitaptap na kumukutitap sa dilim.

Nagpaligsahan din ang dalawa sa pagpapadla sa bahay na bato ni Don Ramon ng mga tula, liham, bulaklak, prutas, pagkain, mamahaling tela, at kahi’t na maliit na hiyas – alay na lahat kay Clarita.

“Nababaliw ang mga lalaking ito!” hindi mapigilan ni Don Ramon
ang magalit. “Kailan sila titigil sa paglabag sa ating katahimikan? Hindi ba
nila alam na apatnapung araw nang wala si Clarita?” sabi pa niya sa asawa. (May paniniwala ang mga Pilipino na ang kaluluwa ng taong namamatay ay nananatili sa lupa hanggang sa ika-apatnapung araw; na pagdating ng panahong iyon ay saka lamang lumilisan ito patungo sa “walang
hanggan”.)

Pangarap ni Clarita na siya’y maging guro sa musika at nang
maturuan niya ang mga bata sa Taytay at Binangonan na umawit o tumugtog ng alin mang instrumento ng musika. Ang ama at ina naman ay nangangarap na si Clarita ang magmamana sa bahay na bato at sa negosyo nila, ang makapagpapatuloy sa pagtatangkilik ng mga kawani at sa pagpapaunlad ng kanilang kalakal.

Nabuwag ang lahat ng pangarap na nasabi na tila baga gumuhong
kastilyong-buhangin. Isang gabi ay nagkalagnat si Clarita nang napakataas na grado at pagsapit ng umaga ay wala nang buhay ang hinagangaan ng balana. Iba-iba ang naging kuru-kuro ng mga nakaalam sa pagkamatay ni Clarita. May nakakagat daw na lamok kay Clarita at siya’y dinapuan ng malarya. Nakainom daw siya ng tubig na hindi kalinisan ang uri at kumalat ang mikrobyo sa kanyang katawan. Natuyuan daw ng pawis sa likod at nagkaroon ng pulmonya. Maging ano man ang dahilan ay di na inibig ni Don Ramon na malaman pa. Wala nang magagawa ang ganoong pagtitiyak; di na maibabalik ang buhay ng kanyang pinakamamahal na anak.

Araw-araw ay naghihintay sa may tulay ang lalaking wagas ang pag-ibig kay Clarita. Sa tuwing dadaan ang kasko ay nakikita nina Joselito at Mariano si Clarita at ipinatutungkol sa dilag ang sari-saring handog, mapansin lamang sila. Datapuwa’t sino ang nakikita nilang nakaupo sa kanyang silyon sa kasko na nakasuot ng puting damit na manipis ang kayo at sa panahong umiihip ang hangin ay nakikita nilang nililipad ng hangin ang kanyang nakalugay na buhok? Gayong, wala na si Clarita sa mundong ito, at ang tanging naiwan niya ay ang alaala ng Diwata ng Pasig.

Scroll to Top