Dalawang bagay lamang ang parating nasa isip ni Cesar, edad labingwalo.
Una: kailangang makadiskarte bago umuwi.
Ikalawa: hindi maaaring hindi makadiskarte.
Ang hindi nakadidiskarte, mahina ang ulo at mahina ang dibdib. Kulang ka sa lakas ng loob kaya nagugutom.
Ang mga batas ng lansangan ay simple lamang: mahalin ang mga kapatid na parang pamilya, walang patusan ng asawa o syota, at higit sa lahat, huwag mong kukunin ang nakuha na ng kapatid mo.
Ginamit ni Cesar ang huling lakas na natitira sa mga binti upang umabot sa mabibigat na pintuan ng kapilya.
“Padre, Padre, buksan mo ang pinto!”
***
Dalawang araw na rin mula nang may makausap si Cesar na mga reporter mula sa isang istasyon ng telebisyon.
Naka dalawandaang piso rin siya sa ilang oras ng magaan na trabaho. Tumambay lang naman siya sa junk shop ni Mang Tokang at nagbuhat ng maruruming bakal. Si Mang Tokang naman, natuwa at makikita ang kanyang bulok na shop sa telebisyon. Ang habol lang ni Cesar, makuha ang pinangakong dalawandaang piso.
Nanibago si Cesar sa inabot ng babaeng maputi sa kanya: dalawang ube! Sanay kasi siya sa barya-barya, bente-bente. Kung may ilang singkwenta ka sa bulsa, magara na – makaka-Red Horse na kasama ang tropa. Pag wala, e di wala. Tiis sa bote ng mineral na may straw. Singhutin maigi bente pesos na rugby maghapon para hindi na tablan ng gutom. Mahal ang pagkain. Mura ang rugby. Dapat praktikal para may maiuwi pa. Hindi pwedeng ubos-yaman sa lansangan.
Gawing alas-diyes ng gabi umuuwi si Cesar sa Kalye Tamban, kung saan siya pinalaki ng kanyang ina at ang kinilala niyang ama. Kwento ng kanyang nanay, namatay daw sa tuberkulosis ang kanyang amang si Dick. Ang kwento naman ng mga kapitbahay, hindi daw sigurado ang kanya nanay kung sino ang kanyang tunay na ama kaya hindi na lang ito naghabol nang mamilog na ang tiyan.
Noong bata-bata pa si Cesar, umiiyak ito palagi kapag tinutuksong bastardo siyang anak ng kung sinong “napadaan” lang sa Kalye Tamban. Ngunit ngayon, manhid na siya – tulad ng pagkamanhid niya sa napakarami pang bagay sa mundo, tulad ng hindi niya pag-aaral, hindi pagkain ng wasto at sa oras, at iba pa.
Tinulak ni Cesar ang yerong pintuan ng lumang dampa at tumambad sa kanya ang nakalupaging figura ng ina sa sahig. Hinagod ni Cesar ang buhok na manilaw-nilaw at kinamot bahagya ang butuhang ilong. Bahagya niyang pinatalim ang mata upang masipat mabuti ang mukha ng tumatangis na ina.
Napakagat ito ng labi at naaawa sa ina tuwing inaabutang ganito ang kalagayan. Ngunit ano nga ba ang magagawa niya? Hamak na anak lamang siya. Wala naman siyang pwedeng gawin sa usaping mag-asawa.
“Nay. Nay.” Marahang lumapit si Cesar at maingat na sinipat muli ang paligid. Baka nakaupo lang kung saan si Temyong, ang kanyang tinuring na ama. Baka hindi maganda ang timpla ng timang, mapapaaway pa siya.
“Kinuha na naman niya anak. Kinuha na naman ng ama mo!”
Sa dalas gawin ni Temyong ang bagay na ito, naging manhid na rin si Cesar tuwing inaagaw ng lalaking ‘yon ang kita ng kanyang ina sa iba’t ibang raket.
Nilubog ni Cesar ang kanang kamay sa bulsa at isinayaw na parang uod ang mga daliri. Ibibigay ba niya? Pwede namang hindi. Pero wala silang isasaing. Gustong magwala ni Cesar pero alam niyang hindi naman nakakabusog ang pagwawala. Mapapagod lang siya.
Inabot niya ang pinakaiingatang mga “ube” sa ina. Dalawandaang piso. Ipambibili na sana niya ng selpon para makateks na niya si Baby Girl Silva – ang pinakamalambing na GRO sa Kalye Tamban. Disiotso na si Cesar. Mamang mama na siya. Kailangan na niyang mag-asawa.
Noong isang linggo, nakabili si Baby Girl Silva ng bagong selpon. Naka-jackpot siya sa isang kostomer at nakapaguwi ng tatlong libo. Wan payb ginasta niya sa bagong selpon na tatskrin. May pam-Peysbuk na, may games pa. Inggit na inggit s Cesar at kanyang matalik na kaibigan si Nono sa bagong selpon. Kailangan na talagang dumiskarte ng matindi-tindi para magkaselpon na rin ng maganda.
Wala na ang dalawandaang piso ni Cesar kaya nagpasya itong lumabas at hanapin si Nono. Nakita niya ang kaibigan sa tindahan ni Aling Otya, nangungutang ng sopdrinks. Masama na ang tingin ni Aling Otya kay Nono, na mukhang kanina pa nangungulit na pautangin. May bente pa sa bulsa si Cesar kaya siiya na ang sumalba sa kaibigan.
“Aling Otya, dalawang kok nga po. Eto bente, o. ‘Di po ako mangungutang.”
Ang nanlilisik na mata ni Aling Otya ay biglang lumambot; mga malulutong na mura na kanina’y dumadaloy sa bibig nito’y napinid at tuluyang nawala.
“Mabuti pa itong si Cesar! Marunong magbayad! Di katulod mo ‘No, batugan, haragan, walanghiya!”
Nakangisi lang naman palagi si Nono kahit anong sabihin ng mga tao sa kanya. Palibhasa parating bangag sa rugby, siya yung tipo ng tao na walang bumabagabag kahit gutom. ‘Wag lang di makaraos sa rugby. Ibang usapan na ‘yon.
Naglalakad ang magkaibigan malapit sa lumang riles nang may marinig si Cesar na putukan. Ingay ng dalawang motorsiklong itim ang biglang pumunit sa katahimikan ng Kalye Tamban.
Diretso ang dalawang motorsiklo sa kanilang direksyon.
Hinatak ni Cesar si Nono at nagtatakbo sila papunta sa kapilya malapit sa bungad ng Kalye Tamban.
***
Katatapos lang magwalis at maglampaso ni Padre Tiago ng kapilya nang marinig niya ang kalampag sa mabibigat na mga pinto ng kapilya.
Nagdalawang isip siya kung bubuksan ito o hindi. Minsan kasi, nakakalimot sa Diyos ang ibang tao at sinusubukan siyang holdapin o nakawan. Bagamat napapatawad naman niya ang mga gumagawa nito sa kanya, hindi na kaya ng puso niya ang matutukan muli ng ice pick o sumpak. Ilang segunda pa ang lumipas at nagpatuloy ang pagkalampag sa pinto.
Hindi na nakatiis ang pari at binuksan niya ito. Tumambad sa kanya ang dalawang batang takot na takot, at buhol-buhol na rin ang mga salita. Binuksan niya ang pinto at kumaripas paloob ang dalawa.
Dumaan ang is sa dalawang motorsiklo sa harap ng kapilya. Nakita pa ni Padre Tiago nang itinaas ng pasahero ng motor ang isang maliit na awtomatik.
Lumagaslas ang matingkad na pula sa puting-puting kamison ng pari. Sapul sa tenga at panga ang dalawang batang sumubok na hatakin siya paloob ng kapilya.
At naghari ang katahimikan sa kapilya, sa bungad ng Kalye Tamban.