Ang Kuwentong Lingid Sa Alam Ng Nakararami Ikatlong Bahagi by: Heavyarms1986

Disclaimer:

Lahat ng tauhan o lugar na nabanggit sa istoryang ito ay likha lamang ng imahinasyon ng inyong abang lingkod. Anumang pagkakahawig sa mga tao (patay man o buhay) o lugar na umiiral sa tunay na buhay ay nagkataon lamang. Lubos po ninyong pang-unawa ay tinatanggap.

Ang bulwagan na kinaroroonan ng mga mang-aawit na anghel ay nasa pangatlong langit. Kailangang daanan nina Lucifer at kanyang pangkat ang isang pasilyo na patungo sa isang malaking pinto. Sa likod ng malaking pinto ay naroon ang hagdan patungo sa mga susunod pang langit. “Hanggang dito na lang kayo”, anang tinig na kanilang narinig. Kapagdaka’y may isang anghel na lumapag sa pagitan nina Lucifer at mga kasama niya at ikatlong bahagi ng anghel na nananatiling tapat sa Maylikha. Ito’y walang iba kundi si Miguel, isa sa pitong anghel na tapat na naglilingkod sa trono ng Maylikha. “Huwag kang humarang sa aming dadaanan, Miguel. Kung ayaw mong sapitin ang nangyari sa iilang inutas namin dito”, sabi ng rebeldeng anghel. “At sino kang nagbabanta? Hindi ka pa handa! Yan ba ang iyong mga kaibigan? Dapat ay nagdagdag ka pa! “, sabi naman ni Miguel na tinutuya ang kalabang anghel. Binunot ni Miguel ang kanyang kris at iniumang sa katunggali. Gayon din ang ginawa ni Lucifer at iba pang anghel. Nagparunggitan na ang mga sandata ng bawat isa. Anghel laban sa anghel. Banal na nilalang laban sa kapwa banal na nilalang. Mga banggaan ng sandata ang maririnig sa buong pook na pinaglalabanan. Walang nais magpatalo. Walang nais sumuko.

Sa inis ni Lucifer, iniangat niya ang kanyang kris. “Gumising ka, Orihalco Sonata!”, sambit ng rebeldeng anghel. Nagulat si Miguel sa nangyari. Biglang nagbago ang anyo ng sandata ng katunggali niya. Ang kris ay biglang lumaki at ang puluhan nito ay naging kahugis ng isang notang musikal. Pumalibot sa talim ng espada ang isang madilim na kapangyarihan. Nagpatuloy ang tunggalian ng dalawa. Unti-unti, nararamdaman ni Miguel na tila hinihigop ng espada ng kalaban, hindi lang ang kanyang lakas, maging ang puwersa ng kanyang buhay. Bukod doon, bawat wasiwas ng espada sa direksyon niya ay naliliyo siya. May kakaibang tunog din na nanggagaling sa espada kaya saglit kang mapapahinto sa iyong kinalalagyan. Hindi nito naaapektuhan si Miguel ngunit apektado ang iba pang anghel sa panig niya. Inilibot ni Miguel ang kanyang paningin. Nakita niyang unti-unting napipilan ang kanyang mga kasamahang anghel. “Kung mas malakas lamang ako, mapoprotektahan ko sana ang trono ng Maylikha, maging ang iba pa”, sabi niya sa kanyang sarili. Ngunit hindi siya puwedeng sumuko dito. Kailangan niyang pataasin ang moral ng iba pang anghel para ipagtanggol ang ikatlong langit sa mga pangahas na naghihimagsik. “Mga kapwa ko anghel, lumaban kayo gamit ang inyong buong lakas. Higit pa dito ang magpapagapi sa atin. Makakatawid lamang sila sa kabila ng pinto kapag naglaho tayo sa kanilang mga kamay”, sabi niya sa kanyang mga kasama. Iyon lang at lumakas ang loob ng mga kasamang anghel ni Miguel. Nagpatuloy ang labanan.

Samantala, nagising naman si Adan kinaumagahan. Napansin niyang may katabi siyang babae paggising niya. Mataman niya itong pagmasdan. Inakala niyang ito’y si Lilith at bumalik sa kanya. Ngunit nang napagmasdan niya itong maigi, napansin niyang marami itong pagkakaiba sa kanyang dating asawa. Mas maikli nang kaunti ang itim na buhok nito na bumagay dito. Nangungusap ang mga mata nito kung pakatititigan mo. Morena ang kutis nito. Mahahaba din ang mga pilik nito kumpara sa dating asawa. “Sino nga kaya siya? Siya na ba ang makakasundo at makakasama ko sa buhay? Ako din ba ang magbibigay ng pangalan sa kanya? “, mga tanong ni Adan sa kanyang isip. Maaaring hindi niya napansin pero napalapit agad ang loob niya sa di-kilalang babae. Minabuti na lamang ni Adan na lumabas at manguha ng mga bungang-kahoy para sa agahan nilang dalawa. Naisip niyang marahil ibinigay sa kanya ang babaeng iyon upang makapalit ng dating asawa. Mamaya na lang niya kakausapin ang bagong kabiyak pagkagising nito.

Habang nagaganap naman ang lahat ng ito, nakabalik naman si Samael sa kalangitan. Tinipon din niya ang ikatlo pang bahagi ng mga anghel na tapat din sa kanya. Humanda din sila upang sumabak sa digmaang babago sa kasaysayan ng mga anghel sa kalangitan. Pumunta na sila sa pook ng labanan. Upang matukoy ni Samael kung sino ang nasa panig ng kung sino, pinakikiramdaman niya ito. Kung makita niyang itim ang presensiyang nakabalot sa anghel, ito’y nasa panig ni Lucifer. Kung puti naman, ito’y nasa panig naman ni Miguel. Kung kay Samuel ka naman panig, dilaw ang presensiyang bumabalot sa iyo. Sa una at ikalawang langit, wala nang mga anghel na naglalaban. Kaya nagtungo na si Samael, sampu ng mga kasamahan niya sa pangatlong langit. Nakita niyang sugatan na ang pinuno ng mga hukbo ng mga anghel na si Miguel sa patuloy na pagtama ng abilidad ng Orihalco Sonata sa anghel. Sa isang kisapmata, agad na sinalag ni Samael ang pantapos na atake sana ng taksil na anghel gamit ang kanyang kris. “Ako na muna ang bahala dito, Miguel. Doon ka muna sa isang tabi”, sabi ni Samael kay Miguel. “Ano ang ginagawa mo sa Planetang Lupa? Mag-uusap tayo mamaya! “, bulong ng pinuno ng hukbo sa kapwa anghel. Pumunta na sa isang sulok si Miguel at sa kanyang dalawang kamay, naglalabas siya ng bola ng liwanag. Gamit yon, naghihilom ang mga sugat niyang natamo sa pakikihamok sa kalabang anghel kahit sa mabagal na bilis lamang. Ang mahalaga’y makabalik siya sa laban bago bumagsak ang isa man sa magtutunggaling anghel. Hindi siya puwedeng magpabaya. Kapwa pagod na rin ang mga anghel na nasa panig ng itim at puti at minabuting panoorin ang pagsasagutan ng mga sandata nina Samael at Lucifer. “Ano’t tila nahihintakutan ang pinuno ng aking hukbo? Ang ginawa ng iyong kalaban kani-kanina lang ay hindi mo dapat ikagulat. Kaya mo ding gisingin ang iyong sandata”, anang tinig. “Panginoon… “, anas ng anghel. “Bravia Exvalla. Yan ang aking pangalan”, anang isa pang tinig. Napatingin si Miguel sa kanyang espada. “Bravia… Exvalla? “, bulong ni Miguel.

Sa nagaganap na laban,mahahalata ang bentahe ng bagong dating laban sa taksil. Napapawalang bisa ni Samael ang abilidad ng sandata ng katunggali kahit sa tulog na anyo ng sandata niya. “Bumangon ka, sampung bahagdan ng lakas, Orihalco Sonata! “, sigaw ng lilong anghel. “Bakit naman ang seryoso mo? Bumulusok ka, Rages Excelsior!”, hiyaw naman ni Samael. Kayang bawasan ng Rages Excelsior ang pinsalang tinatamo ng kanyang may-ari nang hanggang limampung bahagdan ng kabuuang pinsala at may tyansang ibalik ang isang kapat o dalawampu’t limang bahagi ng kabuuang pinsala sa kalaban. Pinalalakas din nito ang depensa ng may-ari base sa antas ng kakayahan nito. Kung malakas na ang sandatang ito sa tingin ninyo, hintayin ninyong kumawala ang nakakandado nitong anyo. Hindi pa tapos sa panggulat ang bagong dating. “Pumalahaw ka, Virga de Luctus!”, sigaw muli ni Samael. Nagliwanag ang tungkod na hawak ng anghel. Pinalalakas naman nito ang kritikal na tama ng gumagamit laban sa pinag-uukulan. Binabawasan ng kalahati ang depensa ng kalaban. Pinawawalang bisa din nito ang anumang kakayahang magpagaling ng kalaban mula sa mga banal na pinsala. Ngunit, ang gagamit ng sandatang ito ay hihigupan ng espirituwal na enerhiya hanggang sa patulugin itong muli ng may-ari. At muli ay naglingkian ang mga sandata ng magkatunggali. Nagiging maganda na ang laban sa pagitan nina Lucifer at ni Samael.

Maya-maya pa nag-ipon si Lucifer ng maitim na liwanag. Ang liwanag na ito ay nagkakahugis. Diyata’t ang liwanag ay nagiging espada. “Sumulong ka, Durandal”, sabi pa niya. Pinatataas ng sandatang ito ang resistensiya mula sa pinsala sa anim na elemento: Apoy, Tubig, Kidlat, Hangin, Liwanag, at Dilim. Dumodoble rin ang antas ng bilis ng pag-atake at paggalaw ng sinumang gagamit nito. Napanganga na lamang si Samael nang bigla na lamang nawala ang kalaban sa isang kisapmata. Hindi niya napansin na ang kalaban niya’y nasa likuran na niya. Hindi na niya magagawang salagin ang atake ng kalaban. Masyado itong mabilis para sa kanya. Maya-maya pa’y may tumilamsik na dugo mula sa braso ni Samael. Nasa panig na ngayon ng taksil ang pagkakataon. Pero panandalian lamang ito. Walang nakapuna na wala na si Miguel sa kinaroroonan nito. Nakita na lang ng mga nanonood na nakikipaglaban si Lucifer kay Miguel. “Pumarito ka, Bravia Exvalla! “, sabi ni Miguel. Hindi inaasahan na ang butihing anghel naman ang magkakaroon ng panggulat. Ang sandatang kanyang tinawag ay may kakayahang dagdagan ang bawat atake ng tatlo pa. Kumbaga sa bawat isang wasiwas nito’y apat ang katumbas. Dinadagdagan din nito ang lahat ng abilidad ng gumagamit ng apatnapung bahagi. Nagkakaroon din ng pananggalang ang gumagamit laban sa pisikal o mahikang pag-atake ng kalaban. Pinatataas din ang abilidad ng gumagamit sa pagpapagaling ang anumang pinsala. Pinababagal din ang tagal ng paghihintay para magamit ang mahikang panlaban ng gumagamit nito. Pinapawalang bisa ng sandatang ito ang kakayahan ng kalaban na gumamit ng anumang salamangka o mahika. “Kung gayon, ito pala ang pakiramdam… “, wika ng puting anghel. Kaya ang laban ay naging dalawa laban sa isa. Nahihirapan ang rebeldeng anghel na salagin ang mga atake ni Samael lalo na ang mga atake ni Miguel. Nagpatuloy na din ang labanan ng mga puwersa sa paligid nila. Dilaw, itim, at puti. “Walang aatras! Walang susuko! “, sigaw ni Miguel. Napalingat ang butihing anghel at napatalsik siya ni Lucifer gamit ang Durandal. Tumalsik din si Samael sa Orihalco Sonata ng kalaban. Sa isang iglap, agad na nakabawi si Miguel at muling hinarap ang rebeldeng anghel. Masyadong malakas para sa kanya ang kalaban na isang sandata lang ang gamit na parehong opensa at depensa ang naibibigay sa katunggaling anghel. Hindi na tumatalab ang anumang pag-atake niya dito. Hindi na siya nag-abala pang gumamit ng salamangka sa kalaban.

Doon siya napaisip at tumingin kay Samael. Kaya mula sa dulo ng Durandal, tumira siya ng isang bola ng itim na kapangyarihan patungo kay Samael. Huli na para kay Samael ang pag-iwas pagkat hindi niya ito napaghandaan. Naigapos si Samael ng kung anong itim na kuryente at hindi siya makahulagpos mula dito. Sa pamamagitan naman ng kanyang isip, sinusubukan ni Miguel na kausapin ang mga tapat niyang kasamang anghel na nasa mataas na mga palapag. Nakabuo na siya ng plano na hahayaan niyang isipin ng katunggali na napapaatras na sila patungo sa mga mataas na palapag. Kapag kumagat sa pain ang kalaban, saka nila ito sosorpresahin. Nasa ikapitong langit na nag-aabang ang mga anghel na kinausap niya. Kasado na ang plano. Mabilis na sumugod si Miguel sa kalaban. Dalawang kamay na hinawakan niya ang Bravia Exvalla para sa isang matinding pag-atake. Pinag-ekis ni Lucifer ang mga sandata niya sa pag-asang masasalag niya ito ngunit doon siya nagkamali. Bumukas ang depensa niya at mabilis na nakapag-ipon ng banal na kapangyarihan si Miguel at pinakawalan ito sa kalaban. Napuno ng alikabok at usok sa lugar kung saan tumama ang liwanag na iyon at si Lucifer. Dahil wala na sa konsentrasyon ang kalaban, nakawala na si Samael sa itim na kuryenteng nakapulupot sa kanya. “Bumangon ka riyan. Alam kong hindi sapat ang tira ko para bumagsak ka ng ganyan”, sabi ni Miguel. Nang mapawi ang usok at alikabok, makikita si Lucifer at ang duguan niyang balikat. Ginamit niyang suporta ang Durandal at Orihalco Sonata para hindi siya matumba. Nangiti lang ang taksil na anghel. Ipinadampi lang niya ang Orihalco Sonata sa duguang balikat at nawala ang pinsala doon. Akmang susugod muli si Miguel kay Lucifer nang hinarang siya ni Samael. “Nakakabagot na ang lahat ng ito. Tapusin na natin ito at nang makabalik pa ako sa aking naghihintay na premyo doon sa Planetang Lupa”, sabi ni Samael. Ang laban na dating isa laban sa dalawa ay naging isa laban sa lahat. Ngayon si Miguel naman ang nangiti. ” Abre Ocula Triseis”, sabi ni Miguel. May pagbabagong nagaganap sa mukha ng anghel. Sa noo niya, may pangatlong matang nagmumulat. “Ultima Forma”, sabi pa ni Miguel. May kung anong puwersa ang bumalot sa silid na iyon. Nagbago ang kabuuan ng anghel. Ang isang pares ng pakpak ay naging dalawa. Ang Bravia Exvalla ay naging dalawa din. Sa magkabilang braso ay may kadenang nakapulupot. Ang buhok na dating nakalugay at maikli ay naka-trintas at mahaba na ngayon. “Ito’y nagiging kapana-panabik kaysa sa inaasahan ko”, sabi ni Lucifer.

Ano kaya ang kahihinatnan ng labang ito. Sino kaya ang magwawagi? Sino ang magagapi? Ano ang naghihintay sa kapalaran ng mga unang tao sa lupa?
Itutuloy…

Scroll to Top