ANG MUNDO SA PANINGIN NG LIGAW NA GAMUGAMO

Buhay na buhay ang kahabaan ng Ermita sa Maynila. Naglipana ang mga gamugamong sabik sa liwanag. Mga gamugamong nagbibigay ng aliw kapalit ay baryang papawi sa kanilang gutom kinabukasan.

Makikita mo ang iba’t-ibang klaseng putahe na nakahain sa gilid ng kalsada. May buto-buto, may masebo, may mga makunat na pero may asim pa kahit papaano, at ang pinakamabenta sa lahat, ang mga sariwa.

Nagdiwang ang mga babaeng nagbebenta ng laman nang dumating ang isang itim na sasakyan.

Dahan-dahan itong umandar na para bang sinisipat ang bawat kababaihan na mamamataan. Kaagad na lumapit dito ang isang matandang binabae na kilala bilang Tita Sweet. Kaunting usap at kaunting bola lang, nagkasundo na ang dalawa.

Bumalik si Tita Sweet sa gilid ng kalsada at isa-isang nilampasan ang mga babaeng animo’y uhaw sa tubig at gagawin ang lahat, makainom lamang, ngunit bigo silang makakuha kahit na isang patak.

Dumiretso ito sa isang sulok kung saan nanginginig na nakaupo si Magdalena, siya ang nagustuhan ng parokyano. Agaw pansin ang kakaiba niyang alindog. Idagdag mo pa ang mala-anghel niyang mukha.

Unang gabi niya kaya hindi niya alam ang gagawin. Wala siyang alam sa kalakaran kaya’t makikita mo sa kaniyang mga mata ang takot at pag-aalinlangan.

“Sige na, huwag ka nang mag-dalawang isip pa. Malaki ang ibinigay niya para sa serbisyo mo. Hindi ba’t kailangan mo ng pera? Ito na, huwag mo nang palampasin pa.”

Tumayo si Magdalena at huminga nang malalim, humugot ng lakas ng loob.

“Kaya mo ‘to, Magdalena. Dapat mong kayanin,” bulong niya sa sarili.

Dumiretso siya sa itim na kotse na lulan ang lalaking nakausap ni Tita Sweet at kaagad niyang binuksan ang pinto.

Inalis niya ang lahat ng takot sa sarili at inihandang madungisan ang pagkatao. Sumakay siya sa kotse, sa tabi ng lalaki.

“Hindi ako magpapahalik. Kapag nakaraos ka na, tama na. Aalis na ako,” matigas at matapang niyang bungad sa lalaki.

“Huwag kang mag-alala, hindi ako humahalik sa maruming babae na kagaya mo.”

Napakunot ng noo si Magdalena dahil sa pang-iinsulto na iyon.

Akma na siyang lalabas ng sasakyan ngunit mabilis na ikinulong ng lalaki ang kaniyang kaliwang kamay gamit ang isang posas.

Bumilis ang tibok ng kaniyang puso at nagtaka sa mga nangyayari. Nilingon niya ang lalaki at nakita niyang nakangiti ito. Ibinaling niya ang tingin sa lugar kung saan niya iniwan si Tita Sweet. Nakita niya na nagkakagulo ang mga kababaihan sa labas. Nanlaki ang kaniyang mga mata nang makita ang napakaraming mga pulis. Lahat ng babae ay dinakip kasama ang kanilang bugaw.

Police Operation. Nalinlang sila.

“Sir, hindi ako talaga nagbebenta ng laman! Nagawa ko lang ‘to kasi kailangan ko ng pera.” Bumuhos ang luha ni Magdalena. Nangingnig na siya sa sobrang takot at kaba. Pilit siyang kumakawala sa bakal na nakagapos sa kaniyang kamay ngunit mas lalong humihigpit ang kapit nito sa tuwing nagpupumiglas siya.

“Lumang litanya na iyan. Sa presinto ka na lang magpaliwanag.” Mabilis na pinaandar ng lalaki ang kanilang sinasakyan.

***

Nakakapagod nang mabuhay.

Nakakapagod nang gumising araw-araw na wala kang dahilan upang magpatuloy.

Hindi ko alam pero sa tuwing gigising ako sa umaga ay tatanungin ko ang Diyos—kung meron man—bakit pa ba niya ako ginigising araw-araw? Tutal, wala namang kuwenta ang buhay ko.

Bakit pa niya ako hinahayaang mabuhay sa mundong ito?

Nakakasawa na.

Pinagsisisihan kong lumaban pa ako at nabuhay.

Ilang beses ko nang sinubukang magpakamatay pero palagi na lang akong nagigising na buhay pa.

Lima. Sampu. Labing-dalawa.

Hindi ko na mabilang kung ilang beses nang naunsyami ang ninanais kong kamatayan.

Minsan nga, dumating sa puntong napagod na akong magpakamatay.

Pero mas nakakapagod ang mabuhay.

Nakatitig si Magdalena sa kawalan. Malalim ang iniisip na maging siya ay hindi kayang makaahon sa sobrang lalim nito. Nakaupo siya sa isang maliit na papag. Umiiyak. Nagmumukmok.

Sa kaliwa nito ay may isang lamesita na may nakapatong na isang platong puno ng nilagang saging na saba at isang basong tubig.

Tiningnan lamang niya ito at pumunta na sa kusina. Dumiretso siya sa mga boteng nakahilera sa ilalim ng lababo. Lumuhod siya at isa-isang tiningnan ang mga ito. At nang makita niya ang pakay ay kaagad niya itong hinawakan at dinampot.

Matalim na titig ang ipinukol niya sa hawak na bote.

Ito na.

Ito ang susi upang hindi ko na maranasan ang sakit na idinulot sa akin ng mapanlinlang na mundong ito. Alam kong kapag ininom ko ito, matatapos na ang paghihirap ko.

Hindi ako natatakot mapunta sa impiyerno. At mas lalong hindi ako natatakot sa mga demonyong makakasalamuha ko roon. Dahil dito pa lang, maraming demonyo na ang nakaharap ko. At mas masahol pa sa impiyerno ang naging buhay ko.

Langit? Walang langit. At mas lalong walang Diyos.

Ang Diyos ay ginawa lamang para may katakutan ang mga taong mangmang.

Dahil kung may Diyos, hindi niya hahayaang maging miserable ang buhay ko.

Hindi niya ako hahayaang mag-isa sa dilim.

Walang patumanggang ininom ni Magdalena ang boteng hawak. Wala siyang itinira upang masigurado ang kaniyang kamatayan.

Hinintay niya ang pag-init ng kalamnan. Hinintay niyang mahirapan sa paghinga. Hinintay niya ang pagtigil ng tibok ng kaniyang puso. Pero ilang minuto na ang lumipas, wala siyang naramdaman na kahit ano.

Katulad ng dati, buhay pa rin siya. Humihinga. Nakakapag-isip.

Bigla siyang nakarinig ng mahinang hagikgik mula sa kaniyang likuran.

Siya na naman!

Halos umusok ang ilong ni Magdalena nang marinig ang mga hagikgik na iyon mula sa taong itinuturing niyang peste sa kaniyang buhay. Si Hope.

Ilang beses na itong naging sagabal sa tangka niyang pagpapakamatay. At dahil doon ay tuluyan nang naubos ang natitira niyang pasensya.

Binitawan niya ang hawak na bote. Marahas siyang lumingon upang bigyan ito ng leksyon. Leksyon na makakapagpatigil dito sa madalas na pangingialam.

“Ano bang problema mong bata ka? Ilang beses ko na bang sinabi sa iyo na tantanan mo na ako?” sigaw niya na halos lumuwa na ang mata at pumutok na ang mga ugat sa leeg sa sobrang galit. Ngunit imbes na matakot ay tinawanan lamang siya nito.

“Ano ang tinatawa-tawa mong punyeta ka!?” Tuluyan nang naubos ang katiting na pasensyang natitira sa kaniya. Akma na niyang sasaktan ang bata ngunit bigla itong nagsalita kaya’t muli siyang nahimasmasan.

“Tama na Ate Ganda. Ikaw naman kasi e, tubig lang ‘yang ininom mo.” Hindi pa rin ito tumitigil sa kakatawa na mas lalong ikinapikon ni Magdalena.

“Alam ko naman kasing darating ang panahon na maiisip mong laklakin ‘yang asido kaya inunahan na kita.” Nagpantig ang tainga niya nang marinig ang sinabi nito.

“Anong sinabi mo? Wala ka talagang ibang kayang gawin kung hindi ang pakialaman ako!” Lumapit si Magdalena sa bata at hinila nang marahas ang kanang braso nito. Hindi niya alintana ang patpatin nitong katawan. Hinila niya ito papuntang pinto upang palabasin.

“Ate Ganda, tama na. Nasasaktan ako,” pagmamakaawa ng pobreng bata. Nagpupumiglas ito pero patuloy ang paghila niya rito palabas ng bahay.

“Hindi lang ‘yan ang aabutin mo kapag hindi ka lumayas sa pamamahay ko.” Hindi niya alam kung saan siya humugot ng lakas ng loob upang sabihin iyon. Sa ilang taon kasi nitong pangungulit sa kaniya, hindi pa niya ito napagbuhatan ng kamay at mas lalong hindi niya pa ito sinubukang palayasin.

Napansin ni Magdalena ang pamumuo ng mga luha sa mata ni Hope. Kasabay noon ay ang pagtigil nito sa pagpupumiglas.

“Kapag lumayas ba ako, ititigil mo na yang kahibangan mo? Ititigil mo na ‘yong pagpapakamatay mo?” Tinanggal niya ang pagkakahawak kay Hope. Itinigil niya ang paghila rito. At maging siya mismo ay natigilan din. Napasandal siya sa pader at tiningnan ang boteng nasa lapag.

“Bakit ba kasi gustong-gusto mong mamatay?” tanong ni Hope sa kaniya.

“Wala kang pakialam.” Hindi niya matingnan ang bata. Bigla siyang nakaramdam ng hiya sa sarili.

“Alam mo bang kasalanan ‘yon sa Diyos?”

Lumingon siya sa kinaroroonan ni Hope at tiningnan ang inosente nitong hitsura. Sa isip-isip ni Magdalena, sa edad nitong labing dalawang taon, malamang wala pa itong alam sa buhay kaya hindi siya nito maiintindihan kahit kailan. Hindi nito alam kung ano ang baho ng mundo. Hindi nito alam kung anong dilim ang bumabalot dito.

“Walang diyos,” natatawang sagot ni Magdalena. Naaawa siya kay Hope dahil hindi nito kilala ang mundong ilang beses na siyang binigo.

“Meron Ate Ganda, meron.” Napansin kaagad ni Magdalena ang mahinang paghikbi ng batang kausap.

“Walang diyos. Dahil kung meron, hindi niya ako papabayaan. Hindi niya hahayaang mawala ang lahat sa akin! Hindi niya ako bibigyan ng sunog na mukha! At hindi niya kukunin ang anak ko!” Walang patid ang pagpatak ng kaniyang mga luha.

Bumalik na naman sa kaniya ang pait ng nakaraan.

Ang gabing ilang beses niyang pinagsisihan dahil umalis siya sa tabi ng anak na noo’y nakaratay sa ospital.

Sinisisi niya ang sarili dahil wala siya sa tabi ng anak noong naghihingalo ito.

Araw-araw, pakiramdam niya ay hindi siya naging mabuting ina. Pakiramdam niya ay wala siyang kuwentang tao.

Kasabay noon ay bumalik ang mapait niyang karanasan sa kamay ng mga pulis na ilang gabi siyang pinagsawaan.

***

Matapos siyang iposas sa sasakyan ay dinala siya sa isang bodega kung saan naghihintay ang mahigit sampu nitong kasamahan kung saan siya paulit-ulit na binaboy at ilang araw na pinagpasa-pasahan.

Parang awa niyo na. May sakit ang anak ko, kailangan niya ako ngayon. Pakawalan niyo na ako. Ilang beses siyang nagmakaawa ngunit hindi nakinig ang mga ito sa kaniya.

Ilang beses niyang sinubukan kung may natitira pa bang kabutihan sa mga ito. Pero nilamon na ng makamundong pagnanasa ang kanilang mga konsensya.

Hindi pa nakuntento ang mga ito dahil habang wala siyang malay ay sinabuyan nila ng gas ang buong paligid, maging ang kaawa-awang si Magdalena. Isang naglalagablab na apoy ang tumupok sa bodegang naging saksi sa kahayupang ginawa nila. Nagising si Magdalena dahil sa sobrang init ng paligid. Nakita niyang nilalamon na ng apoy ang buong lugar. Wala siyang lakas upang bumangon. Wala siyang magawa kung hindi ang umiyak at magdasal. Ilang beses niyang tinawang ang pangalan ng Panginoon. Umaasa na matapos na ang madilim na gabing iyon.

Nagkamalay siya matapos ang ilang araw na pagkakaratay sa ospital.

Nabuhay siya. Pero ang maganda niyang mukha ay sinira ng sunog na iyon.

Ramdam na ramdam pa rin niya ang pagkawasak ng kaniyang pagkababae, higit sa lahat, ang kaniyang pagkatao.

Pero hindi doon natapos ang pagpapahirap sa kaniya ng tadhana dahil isang balita ang mas lalong nagpaguho ng kaniyang mundo. Namatay ang kaniyang anak noong gabing nasusunog ang bodega kung saan siya nakitang halos wala nang buhay.

Sabi ng mga doktor na gumamot sa kaniya ay himala pang nabuhay siya sa kabila ng pinsalang natamo. Pero para kay Magdalena, ang paggising niya mula sa isang bangungot ay hindi maituturing na isang himala, kundi isang mas malala at nakakatakot na bangungot.

***

“Kung totoong may Diyos, bakit walang kuwenta ‘yang buhay mo? Bakit ka iniwan ng mga magulang mo? Bakit nandito ka sa bahay ko at ipinagsisiksikan ang sarili mo?” panunumbat niya. Tiningnan lang siya ni Hope at pilit ipinapakitang hindi ito naaapektuhan sa sinasabi niya.

“Alam mo, ikaw ang malas sa buhay ko e. Kung hindi ka lang pakialamera, matagal na akong patay. Matagal ko nang natakasan ang walang kuwenta kong buhay!”

Bigla itong tumayo at tinapunan ng isang makahulugang tingin si Magdalena. Isang tingin na puno ng hinanakit at pagtataka.

“Hindi totoong walang kuwenta ang buhay ko, Ate Ganda. Kasi noong nakilala kita, nalaman ko na masuwerte ako. Kaya kahit ano pang problema ang nararanasan ko, hindi ako nawawalan ng pag-asa.” Nagsimulang bumuhos ang mga luha nito.

“Kung sa tingin mo, ako ang malas sa buhay mo. Aalis ako. Pero gusto ko lang malaman mo na mahal na mahal kita, Ate Ganda.”

Hindi alam ni Magdalena ang isasagot sa bata. Pakiramdam niya ay dinudurog ang puso niya sa bawat salitang binibitiwan nito.

“Kahit ano pang sabihin mo, pinabayaan niya ako! Tinalukiran niya ako!” matigas niyang tugon kahit pa lahat ng sinabi nito ay tumatagos sa kaniyang kaluluwa.

“Pinipilit mo na walang Diyos kasi iniisip mo na pinabayaan ka niya. Hindi ka niya pinabayaan, masyado ka lang nagmamataas at nagmamatigas kaya bulag ka sa mga ibinibigay niya sa iyo. Kahit kailan, hindi ka Niya tinalikuran. Ikaw ang tumalikod sa Kaniya,” patuloy pa ni Hope

Hindi na siya nakapagsalita pa. Sinampal siya ng mga katotohanang sinabi nito. Hindi siya makapaniwala na ang nagsabi no’n sa kaniya ay isang bata.

Nakita na lang niyang tumatakbo na ito papalayo. Nakayuko at nagpupunas ng luha sa mga mata. Hindi niya maintindihan ang sarili ngunit biglang bumalik sa kaniya ang bigat ng pakiramdam noong mawala ang kaniyang anak.

Tumayo siya upang sundan at pigilan sa pag-alis si Hope ngunit hindi pa man siya nakakatayo ay nanlambot na ang kaniyang mga tuhod sa nasaksihan. Halos mawalan siya ng ulirat. Kitang-kita ng kaniyang dalawang mga mata ang pagbunggo ng isang truck sa katawan ng patpating si Hope.

Wala siyang nagawa kung hindi pagmasdan ang mga taong nagkakagulo sa nakahandusay na katawan ni Hope sa kalsada. Sa kapal ng tao ay tuluyan na niya itong hindi nakita.

Napaluhod na lang siya sa sobrang panlulumo. Gusto niya itong lapitan ngunit naduduwag siya. Siya ang may kasalanan kung bakit ito umalis at nadisgrasya.

Umiiyak niyang tinanaw ang pag-alis ng ambulansyang nagdala kay Hope.

***

Ilang oras lang ang lumipas ay parang sinisilihan na ang puwit ni Magdalena. Hindi siya mapakali at panay ang isip ng paraan kung paano siya makakapunta sa ospital nang hindi nakikita ng mga tao. Gusto niyang malaman kung ano na ang kalagayan ni Hope. Sa loob ng ilang taon, ngayon lang ulit siya nag-alala nang sobra.

Kinuha niya ang balabal na regalo sa kaniya ni Hope noong kaniyang kaarawan. Tinakluban niya ang mukha gamit ang balabal at huminga nang malalim. Handa na siyang harapin ang mundong ilang taon niyang iniwasan. Handa na niyang harapin ang mga taong kinatakutan niya nang mahabang panahon.

Noong makatapak siya sa ospital na pinagdalahan kay Hope ay kaagad siyang nagtanong kung saang kuwarto dinala ito. Itinuro naman ito sa kaniya ng nars na nakausap. Bawat hakbang ay matinding kaba ang kaniyang nadarama. Parang hindi niya kayang makita ang kalagayan nito na siya mismo ang may kasalanan.

Noong makarating siya sa pasilyo kung nasaan ang kuwartong sinabi ng nars ay awtomatiko siyang napatakbo at kaagad na hinanap ang kaniyang sadya. Hanggang sa mapahinto siya sa tapat ng ICU at napansin niya ang isang lalaki na nakatingin sa loob nito. Mula sa salamin ay nakita niya ang kalunos-lunos na kalagayan ni Hope. Maraming tubo ang nakakabit sa katawan nito at panay galos ang balat.

Muling bumuhos ang mga likidong kanina pa nagbabadya.

“Ikaw ba ang Ate Ganda ni Hope?” Nagulat siya dahil biglang nagsalita ‘yong lalaki. Kaagad niya itong nilingon pero hindi siya nagsalita.

“Ikaw nga, walang duda. Ako nga pala si Father Marcelito. Palagi ka niyang ikinikuwento sa akin. Kasama ‘yang pagiging masungit mo,” nakangiting kuwento ng lalaki. Hindi niya kilala ang pari dahil ilang taon na ang lumipas noong huli siyang magpunta ng simbahan.

“Mahal na mahal ka niya. Palagi ka niyang ipinagmamalaki sa akin.” Tumingin siya sa pari at hindi napigilan ang pagluha. Walang anumang salita ang lumabas sa bibig niya, pero gustong-gusto niyang sabihin na mahal na mahal din niya ito.

“Siguro nagtataka ka kung paano ko siya nakilala ‘no? Parati kasi siyang nasa labas ng simbahan. Nanlilimos. Minsan naman ay tumutulong siya sa aming maglinis,” patuloy nito. Patuloy rin ang pag-agos ng kaniyang mga luha.

“Alam mo, maganda ang pagmamalaki mo sa iyong kapatid. Bilib ako sa kabutihan ng kaniyang puso. Hinahati niya ang kita niya sa buong araw na pamamalimos. Ang kalahati, ibinibigay niya sa simbahan. At ang kalahati, para sa iyo raw. Para may pagkain kayo at mayroon kang pambili ng gamot.”

Hindi siya nakakibo. Halos matunaw siya sa sobrang kahihiyan.

Tumakbo siya at tinalikuran ang pari dahil ayaw na niyang marinig pa ang mga susunod nitong sasabihin. Ayaw niyang marinig kung gaano siya kawalang-kuwentang tao.

Ang sama ko.

Ang sama-sama ko.

Ang tanga ko dahil inisip ko na walang nagmamahal sa akin. Na mag-isa na lang ako. Na wala na akong dahilan upang mabuhay.

Hindi ko kaagad nakita si Hope.

Hindi ko nakita ang hirap at sakripisyo niya para lang mapangiti ako. Pero ipinagdamot ko sa kaniya iyon.

Ang tanga ko dahil hinayaan ko ang aking sarili na makulong sa rehas ng kalungkutan. Kahit na nasa harapan ko lang pala ang susi para makawala rito.

Nakita na lang niya ang sarili na nasa loob ng maliit na kapilya ng ospital.

Nakaluhod.

Umiiyak.

Humihingi ng tawad.

Humihingi ng isang himala.

Diyos ko. Patawarin Ninyo ako. Isinisi ko sa Inyo ang lahat. Imbes na lumapit, tinalikuran ko Kayo nang dahil sa poot na nararamdaman ko. Pinagsisisihan ko na ang lahat ng kasalanang nagawa ko.

Buong puso akong humihingi ng kapatawaran mula sa inyo. Huwag niyo pong kukunin sa akin si Hope, parang awa niyo na.

Kailangan ko siya.

Kailangan kong makabawi sa kaniya.

Kailangan kong iparamdam ang pagmamahal na hindi ko naibigay sa kaniya nang mahabang panahon.

Unti-unting gumaan ang kaniyang pakiramdam. Lahat ng galit at poot sa kaniyang puso ay tuluyan nang nawala.

Pagbalik niya sa labas ng ICU ay isang magandang balita ang ipinaabot ni Father Marcelito. Maayos na ang lagay ni Hope. Ligtas na ito sa kapahamakan.

Dahil sa sobrang tuwa ni Magdalena ay napayakap siya sa pari. Bumalik siya sa kapilya at nagpasalamat sa Diyos dahil dininig Nito ang kaniyang panalangin.

Nangako siya na hinding-hindi niya iiwan si Hope hanggang sa magising. Kagaya nang hindi nito pag-iwan sa kaniya noong nawalan siya ng pag-asa at pananampalataya. Nangako siyang aalagaan ito at ituturing bilang isang pamilya.

Nakangiti siya habang nagdarasal. Sa puso ni Magdalena, si Hope ang ginawang instrumento ng Diyos para masilayan niya ang ilaw na matagal na niyang hinahanap.

Hindi.

Si Hope mismo.

Si Hope ang nagsilbing ilaw sa madilim niyang mundo.

WAKAS

Scroll to Top