ni Alberto Segismundo Cruz
Silahis, Abril 22, 1
— Ang lalong matatamis na alaalang pinitas sa sanga ng walang-kamatayang pakikipagsapalaran ng ating bayani sa larangan ng pag-ibig, ang atin ngayong matutunghayan.
— Si Rizal, katulad din ng lahat ay may puso at sa pitak ng pusong iya’y minsan ding namugad ang pag-ibig.
I.
Kung may kamaliang maituturing sa panig ng mga nagsisulat ng talambuhay ni Dr. Jose Rizal ay walang iba kundi ang pagtutulad sa kanyang katauhan sa isang Bathala at hindi sa isang karaniwang taong may mga paang putik.
Dahilan diya’y lumabo na tuloy ang mga dapat lumiwanag na kabanata sa kanyang buhay lalo na ang nauukol sa kanyang pag-ibig sa pangunang matuwid na ang pag-ibig na ito kailan ma’y hindi kinilala ng mga pangunahing manunulat ng kanyang talambuhay na isang damdamin ng kabataan o isang damdaming katugon ng karaniwang tibok ng puso. At, tanggapin man sakaling ang pag-ibig na iyan ng Bayani ng Kalamba’y nabuo sa isang dakilang damdaming makabayan, dili iba kundi ang pag-ibig sa kanyang Tinubuan, sukat na kanyang dahilan iyan upang huwag na mabatid ng mga huling salin ng lahi ang tunay na damdamin ng kanyang puso?
“Fiat Lux.” Pabayaan nating magkaroon ng liwanag. At ang liwanag na hinihintay ng abang maykatha nito’y walang iba kundi ang ilaw ng katotohanan. Sapagka’t naniniwala’t nananalig pa ang maykatha nito na sa pagkakabunyag ng malalabong kabanatang ito sa buhay ni Dr. Rizal ang kadakilaan niya sa puso ng bayang nagmamahal at halos sumasamba sa kanyang pagka-bayani’y hindi magbabawas bahagya man, bagkus magiging lalo pa ngang dakila dahilan sa lalong naging malapit at matapat ang kanyang larawan sa kanila.
Sapagka’t kung hindi magiging matapat ang pagbubunyag ng kanyang kabanata sa pag-ibig, ang panahon ng kanyang kabataan, na masasabing simula ng pag-aalab ng kanyang damdaming makatao’y maaaring mapakubli at hindi mahirang ang lalong maningning at kapupulutan ng aral na bahagi nito.
Bilang unang palatandaan ng isang maselang na damdaming naghahari sa kaluluwa ni Dr. Rizal sa maagang panahon pa lamang ng kanyang kabataan ay ang malabis niyang pagmamahal sa tula. Napukaw sa kanya ang damdaming-makata sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina at ng matandang kapatid na si Saturnina na “nag-atas” sa batang si Pepe na magmahal at mag-aral ng mga bagay na may kinalaman sa sining at sa klasiko. Ang mga aklat ni Saturnina hinggil sa mga paksang nasabi’y pinatutunghayan sa kanyang kapatid kaya’t sa loob ng dalawa pang taon, ay nangyari nang mabasa niya pati ang Bibliyang Kastila. Nang nakasusulat na si Pepe at sa pagbibigay-sigla ng kanyang ina ay nangyaring makalikha ang bata ng isang tulang may mga kamalian, datapuwa’t may mga kamalian ma’y nagpapakilala rin ng matayog na lipad ng diwa’t tanging salamisim.
Bago siya tumuntong sa kanyang ika-walong taong gulang ay nakasulat siya ng isang dula, na itinanghal sa isang kapistahan ng nayon, at sa kasiyahan ng kapitan munisipal, siya’y pinagkalooban noon ng dalawang pisong gantimpala. Gayon din naman, sa gayon ding gulang, ang mga tala ng kasaysaya’y nagsisiwalat na siya’y nakalikha ng isang tulang inihandog sa kanyang mga kababata. Anopa’t sa gayong maagang pagkakagising ng kanyang damdaming-makata, ang kanyang kudyapi’y umunlad at tumaginting sang-ayon sa damdaming inilalarawan ng pihikan niyang diwa. Katibayan nito’y ang kanyang tulang Un Recuerdo a Mi Pueblo (Isang Gunita sa Aking Bayan) na nagpapasariwa’t nagbibigay ng mga alalahanin hinggil sa kanyang kamusmusan sa Kalamba – sa bayan niyang sinilangan.
“Murang kamusmusan,
bayang iniibig,
Bukal ng ligayang walang
kahulilip
Ng mga awiting kapana-panabik
na nagpapatakas sa lungkot at pait!
Magbalik kang muli sa
puso ko’t dibdib,
Magbalik na muli,
sandaling nawaglit!
Magbalik sa aking
katulad ng pipit
Sa pamumukadkad ng
bulaklak-bukid.”
Ang tulang iyan ay sinulat noong 1876 nang maglalabinlimang taong gulang pa lamang ang ating bayani at nang siya’y nagsisimula pa ng pag-aaral sa Ateneo.
Kung ang layon nati’y ang sumulat hinggil sa kanyang pagka makata’t sa mga nalikha niyang tula, tayo’y makapagpapatuloy nang walang sagabal. Walang ibig na ipakilala sa mga talatang sinundan kundi ang maagang pagkakagising kay Rizal ng isang diwang-makata na ang ibig sabihi’y lalong handa ang kanyang damdamin sa tibok ng puso. Maaaring ang tibuking ito’y dahilan lamang sa diwang maka-sining sapagka’t ang diwang-makata’y may pag-ibig na matapat sa sining, datapuwa’t sa ibabaw niya’y hindi maikakait na handa na nga ang damdaming may init at sigla ng kabataan upang isaalang-alaang ang ano mang tibukin ng puso.
Nasa kabataan ang ating bayani, noon. Nguni’t talambuhay niya — at dito nagkakaisa ang mga pangunahing manunulat na nang siya’y labing-animing taon pa’y nakarama na ng “masasal na tibukin ng puso”. Ang tibukin ng pusong ito’y ukol ni Pepe sa isang dalagitang nag-aaral sa Kolehyo ng “Concordia”, kay Segunda Katigbak. Ang mga pangyayari sa bahagi ng buhay na ito ng bayani ay naganap pagitan ng Abril hanggang Disyembre ng 1877.
Ang isang kapatid na babae ni Pepe, si Olimpia, ay isa ring kolehiyala noon sa nasabing kolehiyo at matalik na kaibigan ni Segunda (Gunding). Kung dumadalaw si Mariano, kapatid na binata ng huli, ay nakakasabay si Pepe, sa pagdalaw sa kapatid naman nito — kay Olimpia nga. Sa tuwing darating si Pepe sa kolehiyo’y nasasalubong niya sa tanggapan ng mga panauhin si Segunda at nag-uusisa agad kay Pepe kung nais na makausap ang kapatid.
Bilang gunita sa mga araw na yaon ng kanyang unang pag-ibig, ang mga unang bugso ng damdaming naghahari sa puso ni Pepe, ay lalong kaakit-akit manamnam sa sariling paghahanay din niya:
“Itinatanong niya (ni Gunding) sa akin kung anong bulaklak ang aking naiibigan. Sinabi ko sa kanyang ibig ko ang lahat ng bulaklak, datapuwa’t lalong higit ang maiitim at mapuputi.
Isinagot naman niya sa akin na nais niya ang mga puti at rosas, at pagkatapos ay nag-isip siya.”
“May kasintahan ka ba?”, tanong niyang bigla sa akin makaraan ang ilang saglit.
“Wala!” ang tugon ko. “Kailan man ay hindi ako nagkaroon ng kasintahan, sapagka’t walang sino mang dalagang pumapansin sa akin.”
“Ikaw ay baliw! Ibig mo bang kumuha ako ng isa para sa iyo,” tanong ng dalaga.
“Salamat sa inyo,” ang wika kong lipos ng pamimitagan, “nguni’t di ko ibig na abalahin pa kayo.”
“Nagunita kong may nagbalita sa akin na siya (si Gunding) ay ikakasal sa darating na Disyembre, kaya’t magalang akong nag-usisa, at siya naman ay tumugon sa lahat at bawa’t isang katanungan ko.”
“Dadalaw ba kayo sa inyong bayan sa Disyembre?”
“Hindi”, ang tuyot na sagot niya.
“Ibinalita nila sa akin na may malaking pistang idaraos sa inyong bayan, at kayo’y magiging isa sa mga punong-abala.”
“Hindi”, ang wika niyang kasabay ng pagtawa. “Nais ng aking mga magulang na ako’y mamahinga na, nguni’t di ko nais, sapagka’t nais ko pang manatili dito ng limang taon!”
At isiniwalat ni Rizal, pagkatapos na sila’y nagpatuloy sa pag-uusap, ng iba’t ibang matitimyas na “kabaliwan ng kabataan”. Nang sumunod na mga pagkakataon, si Pepe at si Gunding, ay parang nag-kakahulihan na ng loob, na hindi maikakait na katugon na ng tibukin ng puso. Aywan kung sa anong himala at nangyaring maipagtapat ni Gunding kay Pepe ang ganito:
“Nalalaman mo kaya kung gaano kalungkot sa akin, kung ikaw’y mapalayo pagkatapos na tayo’y magkakilala? Halimbawa’y hindi ako makipag-iisang-dibdib?” at dalawang patak na luha ang nalaglag buhat sa magagandang mata ng kolehiyala.
Datapuwa’t nababatid ni Rizal ang kalagayan ng dalagita. Napipinto na ito upang makipag-isang-dibdib sa isang lalaking matapat na umiibig at umaasa.
Dumating ang Disyembre at kailangang dumating din naman ang sandali ng paghihiwalay. Si Pepe’y nagbalik na sa kanyang bayan, si Gunding ay gayon din. Nguni’t sa lansanga’y nagkatagpo sila – si Pepe’y nakasakay sa isang kabayo at si Gunding nama’y sa isang kalesa — walang nagawa si Pepe kundi yumukod bago ngumiti samantalang ang dalagita nama’y nagwasiwas ng panyolitong nag-aanyaya upang sumama o sumunod sa kanya ang binata. Datapuwa’t si Rizal na nakawawatas sa tunay na kalagayan ni Gunding na nakatakda na ang pakiki-isang-kapalaran sa isa namang matapat na umiibig ay nagpasiyang salungatin ang simbuyo ng damdamin ng kabataan. Noon di’y ipinihit ang kabayo sa ibang landas, sapagka’t naniniwala siyang maaaring siya ang maging dahilan ng pagkapalungi, kung sakali, ng matapat na pag-ibig ng isang lalaki’t binatang katulad niya. Ayaw niyang maging kaapihan ng iba ang ikaliligaya niya.
Nakaraan ang kabanatang ito ng isang pag-ibig na malungkot sa ating bayani, nguni’t siya’y maalam na lumunas sa sugat ng kanyang puso. Nababatid niyang panaho’y isang dalubhasang manggagamot at ito ang tiyak na lulunas sa sugat ng kanyang puso, yamang siya’y maaaring makalimot at ang paglimot na ito’y maaaring sa pamamagitan din ng paghanap ng ibang pag-ibig na kundi man higit ay sadyang kanais-nais upang magpaalab na lalo sa kanyang likas at dakilang pagmamahal sa Tinubuang Lupa.
II. Unang Pag-ibig
Sa buhay ng isang tao, masidhing tibukin ng puso’y nadarama sa panahon ng kabataan. Ang kababata niyang si Leonor Rivera, larawan ng kayumian ng dalagang Pilipina, ay siya niyang unang naging kasintahan, gaya ng isinisiwalat ng mga nagsisiwalat ng kanyang talambuhay. Iyan din ang abang palagay ng sumulat nito, sapagka’t ang pakikipag-kaibigan ni Rizal kay Segunda Katigbak, kung umunlad man, ay likha lamang ng mga biglang pangyayaring bawa’t isa sa kanila’y hindi nakawawatas.
Unang sanhi’t dahilan kung bakit masasabing dakila’t mahalaga sa buhay ni Rizal ang kanyang pag-ibig kay Leonor Rivera ay sapagka’t ang kabanatang ito’y naging sagisag ng kanyang lunggating katugon ng mataos na hangarin sa ikagiginhawa ng kanyang bayan. Sa katotohan, ang kasaysayan nila sa pag-ibig ay maaaring kasaysayan din sa pag-ibig ng isang kabataang katulad nila sa panahong yaon; lalo na’t kung “namamagitan” sa pagmamahalan ng dalawang puso, ang magulang. Datapuwa’t ang katangian ng pag-ibig ni Pepe kay Leonor ay nasa pangyayaring kaakibat nito ang pagsasakit at katugon nga ng damdamin sa pag-ibig sa Tinubuan.
Kung paano iniibig ni Rizal si Leonor ay masasabing gayon din kainit at kadakila ang pag-ibig niya sa kanyang bayan; at sa katotohanan, sa mga bansang narating ng bayani sa Europa, samantalang nagsasakit siyang makagawa tungo sa kabutihan ng kanyang bayan, ang gunita niya kay Leonor ay halos kaugnay ng paggunita sa kalagayan ng kanyang Inang Pilipinas, noon.
Sa katunayan, ang magagandang balita kay Leonor ay nakapagpapasigla kay Rizal sa ibang lupa upang lalong magsumakit siya sa kanyang lunggati at misyon sa paglilingkod sa Tinubuan. Parang init na pampasigla sa pusong nanglalamig, waring hamog sa buko ng mga bulaklak, mandi’y unang patak ng ulan ng Mayo sa tigang na lupa!
Kaya’t nang mabalitaan niyang makikipag-isang-dibdib na si Leonor sa isang binatang Inggles, kay Henry C. Kipping na siyang nangangasiwa sa paglalatag ng daang-bakal buhat sa Bayambang hanggang sa Dagupan, Pangasinan, narama ni Rizal na parang nasagasaan ng mga gulong ng tren ang kanyang puso. Sa laki ng damdamin ay ibinulalas niya ang lahat ng laman ng kanyang nagdurugong puso sa kaiibigang-dayuhan, kay Ferdinand Blumentritt. Ang dalubhasang propesor Aleman ay nagsumakit na malunasan ang sugat ng kanyang puso at inaliw siya. Sa isa sa mga liham ng pantas na Aleman ay sinabi ang ganito:
“Dinaramdam ko ang pangyayaring nabigo ang pag-ibig mo sa babaing pinaglalaanan ng iyong puso’t kaluluwa, nguni’t kung tunay na maaari niyang tanggihan ang pag-ibig at pagmamahal ng isang Rizal, hindi siya nag-iingat ng kadaki1aan ng kaluluwa. Para siyang isang musmos na nagtapon ng brilyante upang pulutin pagkatapos, ang isang batong-buhay . . .” Sa ibang pangungusap, hindi siya ang nararapat na maybahay ni Rizal.
Gaya ng unang nangyari, si Rizal ay nakapangyari sa kanyang damdamin. Minsan pang pinapagtagumpay niya ang isipan at matuwid sa ibabaw ng tibukin ng puso, kaya’t nakapagpasiya siyang walang ibang lunas kundi ang lumimot . . . sapilitang lumimot kay Leonor. At upang magawa ito’y kinailangan niyang dumako na sa ibang panig ng daigdig. Dito naranasan ni Rizal sa unang pagkakataon kung gaano kahapdi ang lumisan sa sariling bayang taglay ang isang sugatang puso.
Para bagang ang bayani’y natitigilan kung minsan. May pagkakataon naman siyang wari’y kausap ang anino ng naglaho niyang Leonor – ang dalagang nang siya’y mapalayo at nakabagtas ng bughaw na karagata’y saka pa mandin lalong naging malapit sa kanyang pusong sa palagay niya’y nawalan ng pampasigla sa paglikha ng mga dakilang tibuking kaugnay ng sa Tinubuang Lupa.
III. Suliranin ng Puso sa Biarritz
Kung hindi man masasabi nang tahasan na kaya nangibang-lupa ang Bayani ng Kalamba ay dahilan sa kabiguan sa pag-ibig ay hindi naman maikakait na ang bagay na ito’y isa pang nakapag-atas sa kanya nang gayon, yamang may lalo siyang dakilang layong nais na maitaguyod sa labas ng Pilipinas, bago pa lamang magwakas ang 1890.
Nabatid ng mga magigiting na kababayan sa ibang lupa ang damdamin ng puso ni Rizal, kaya’t kabilang na rito si Tomas Arejola, na noong ika-9 ng Pebrero ng 1891, ay sumulat sa bayani at ipinapayong natutumpak na ipalit kay Leonor ang isang Adelina Boustead, kilalang angkan sa Biarritz na matapat na kaibigan ng mga Pilipinong nagsisidayo roon sapagka’t may isang uri ng otel ang mag-anak sa nasabing lunsod.
Sang-ayon sa mga tala, si Adelina’y isang dalagang marilag, may dakilang kaluluwa at may mga kaibigang kababayan ni Rizal na naghangad na ang pagkakaibigan ay umunlad at maging kanais-nais sa dalawang puso.
Datapuwa’t nang dumating na ang sandali ng tunay na pagpapasiya, hiningi ni Adelinang si Rizal ay pumasok na Protestante. Dito nag-alinlangan si Rizal, sapagka’t ang gayong pasiya ay nasasalungat sa malalaya niyang palagay. Bukod dito’y nag-aalinlangan din naman si Adelina kung talagang tunay siyang iniibig ni Rizal o baka inaaliw lamang ang sarili upang siya (si Adelina) ay maging pamalit lamang sa isang Leonor, na ang kaugnayan sa pag-ibig ng bayani’y umabot din sa pandinig ni Adelina. Marahil ay nabulay-bulay din ni Rizal ang mga bagay na nasabi. Bukod diya’y naisip din niya ang kanyang dakilang layon sa ibang lupa – ang kanyang misyon sa kapakanan ng Bayang Tinubuan! Kung siya’y magkakaroon ng isang kabiyak ng dibdib, at, samakatuwid ay ng pamilya o kaanak, hindi kaya magiging sagabal iyan sa kanyang mga lakad at gawain? Sa kanyang sarili’y naniwala siyang naging tumpak ang pagtanggi ni Adelina, pagkatapos na maunawaan ang paninindigan at palagay ng dalaga.
Matapos na ituring na makatarungan ang nangyari sa kanila ni Adelina, ang bayani, noong ika-3 ng Pebrero, 1888 ay tumulak patungong Hongkong. Doo’y kasalamuha niya ang mga kabanalang Kastila, kabilang na rito si Jose Maria Basa, pinagbintangan sa pagbabangon ng Paghihimagsik sa Kabite. Upang malimot ang nakaraang pangyayari sa kanyang saglit na pakikipagkaibigan kay Adelina’y sumama siya sa mga kabayang nabanggit nang magsidalaw sa Makaw, isang kolonyang Portuges, at doo’y nanood sila ng mga dulang Intsik na nakatawag ng pansin sa bayani kaya’t pinag-ukulan din niya ng kaukulang panahon ng pag-aaral.
IV. O-Sei-San
Pagkatapos ng paglakbay-bayan sa Makaw, si Rizal ay nagpasiyang dumalaw sa Hapon. Sa loob ng isang maikling panahon ay di lamang nilibot niya ang mahahalagang panig ng Imperyo ng Ninikat na Araw, kundi sadyang pinagsumakitan niyang mapag-aralan ang galaw ng mga tao’t ang kanilang wika, upang kung dumating ang pagkakatao’y matiyak niya kung paano siya makikitungo. Nakarating siya sa Tokyo nang hindi sumakay sa anomang sasakyan sanhi sa pagnanais na makita itong mabuti’t mapag-aralan gaya ng ginawa niyang pag-aaral sa mga narating na lunsod at bayan ng Europa.
Sinasabi ng ilang manunulat ng kanyang buhay na nagdamdam siya ng malabis nang makita ang mga “coolie” na nagsisihila ng “Rickshas”. Ipinalagay niya noong hindi nararapat na magpakahirap ng gayon ang isang tao, sapagka’t ang paghihila ay nauukol lamang sa kabayo. Anopa’t natawag nga ang puso niya ng isang damdaming makatao.
Nakarating din naman siya sa Nikko, Hakone, Miyonoshita . . . ang maririkit na nayon ng Hapon, na nakatawag sa kanyang pansin sanhi sa kanilang kagandahan, pangkaraniwang pamumuhay at kainaman ng simoy ng hangin. Nang una’y nagpatala siya sa pinakapangunang otel sa Tokyo, datapuwa’t makaraan ang ilang araw, ay nanirahan na siya sa tahanan ng legasyong Kastila, na ang pangunang dahilan ay ang makita’t masubaybayan ang kanyang mga kilos at hakbangin.
At doon, ang itinuturing niyang bughaw na kabanata ng kanyang kabataan ay ini-alay nang buong puso. Nakilala niya rito ang isang O-Sei-San, at nagkaroon siya ng pagkakataon at saka masidhing pagnanais na makapagpalitan ng tibukin ng puso. Sa pagkakilala sa kanya at sa katapatan ng kanyang pagmamahal, si O-Sei-San ay tumugon at narama ng ating bayani ang init at walang maliw na pagmamahahal.
Sa kanyang tala-arawan, ang diwang-makata’y nagtala ng ganito:
“Nakapagpalugod sa akin ang Hapon. Ang magagandang tanawin, ang mga bulaklak, punong-kahoy, at mga mamamayan – napakatahimik, napakamapitagan at nakasisiya — O-Sei-San, sayonara, sayonara! Nakagugol ako ng isang buwang mahalaga’t kaayaaya; hindi ko mabatid kung maaari pa akong magkaroon ng ganyang pagkakataon sa buong buhay ko. Pag-ibig, salapi, nang ito’y di masasabing di madarama, sa iyo, ay ihahandog ko ang pangwakas na kabanatang ito ng mga gunitain ng aking kabataan. Walang babaeng katulad mo ang umibig sa akin. Walang babaeng kaparis mo ang nakagawa ng pagsasakit. Katulad ng bulaklak ng chodji na nahulog sa tangkay, nang buo at sariwa pa, nang di man nalagas ang mga talulot o naunsiyami –ganyan ka rin nang mahulog! Hindi naglaho ang iyong kapurihan at ni hindi man nalanta ang mga talulot ng iyong kawalang-malay — sayonara, sayonara!
“Kailan man ay di ka na magbabalik pa upang mabatid na minsan pang ginunita kita at ang iyong larawan ay nasa aking alaala; gayon man, kailan man ay aalalahanin kita — ang iyong pangalan ay mabubuhay sa aking mga himutok at ang iyong 1arawan ay mapapasama at magbibigay-pakpak sa aking mga gunitain. Kailan ako magbabalik upang magparaan ng isa pang banal na hapon gaya noon sa Templo ng Meguro? Kailan pa magbabalik ang maliligayang oras sa iyong piling. Kailan ko matatagpuan itong lalong matimyas, lalong mapayapa’t lalong kalugod-lugod? Nasa iyo ang kasariwaan nito’t samyong kariktan …. – Ah! Huling salin ng isang dakilang angkan, matapat sa isang walang kapalarang paghihiganti, ikaw’y kaibig-ibig katulad ng lahat ay nagwakas na! Sayonara, sayonara.”
V. Ilang Buwan sa “Primrose Hill”
Buhat sa Imperyo ng Ninikat na Araw, ang ating bayani’y nagpatuloy na naman sa kanyang paglalayag. Una muna’y sa Estados Unidos, sa mga lunsod sa baybayin ng Pasipiko, at buhat doon ay sumakay siya sa tren at nagdaan sa Salt Lake City, Omaha, Tsikago at Albany. Lumunsad siya sa siyudad ng New York pagkatapos na makapagpasiyal at makapagmasid sa balitang talon ng Niagara. Hindi naglaon at nilisan niya ang New York, lulan ng “City of Rome”
Bago magwakas ang Mayo, noon, ay nakatagpo siya ng isang mauupahang bahay – isang tahanang malapit sa tinatawag na “Primrose Hill”. Nasa dakong hilagang-kanluran ng Londres, sa isang pook na matahimik ang kanyang natagpuan. Ito’y tinatahanan, noon, ng isang Mr.Beckett, organista ng Simbahang San Pablo.
Sa mga gawain ni Rizal sa kapakanan ng kanyang bayan, kabilang na rito ang pagtatala’t pag-uukol ng palagay sa bantog na aklat ni Morga, ay nangyaring makapamagitan din ang isang bagong kabanatang likha ni Kupido, o kundi man masasabing ganito, ay isang tunay na kabanata ng pakikipagkaibigan. Nakilala niya ang isa sa mga anak na dalaga ng mga Beckett, nang nagsusumakit ang ating bayani na makapagsalita ng wikang Ingles. Si Gertrude (Gettie) ang laging naghahatid ng agahan sa silid niya (ni Dr. Rizal), at ang paraang ito’y kaugalian nang sinusunod ng isang nagpapaupa sa pananahan sa Londres o sa alin mang lunsod ng Inglaterra).
May ilang buwan ding nanahanan ang bayani sa tahanang iyon ng mga Beckett, at sa loob ng nasabing panahon, siya’t si Gettie ay nagkaunawaan at naging matimyas ang kanilang pag-uusap at pagkakaibigan. Datapuwa’t hindi ninais ni Rizal na makadurog pa siyang muli ng isang puso ng anak ni Eba. “Hindi ko maaaring pagsamantalahan siya (si Gettie)”, ang sabi ni Dr. Rizal. “Hindi ako maaaring makipag-isang dibdib sa kanya, sapagka’t may iba pang kaugnayan ako na nakapagpapagunita sa puso sa ibabaw ng isang wagas at bugtong na pag-ibig na maaari niyang itugon sa akin.”
Upang maiwasan ang maaaring nangyari sa kanilang dalawa ni Gettie, nilisan agad ng ating bayani ang Inglaterra upang lumipat naman sa Pransya. Si Gettie, sa kabila ng lahat, ay di nakalimot, at sa katotohana’y sumulat pa sa kanya, datapuwa’t sinadya ni Rizal na malimot na ang babaeng iyon, bagaman at nababatid niyang siya’y (si Rizal) ay naging malupit sapagka’t iyan lamang sa palagay niya, ang kaukulang lunas sa kabutihan din nilang dalawa.
VI. Katuparan ng Pag-Ibig
Walang masasabing katuparan sa pag-ibig ni Dr. Rizal kundi ang sa kay Josephine Leopoldine Bracken, isang marilag na dalagang lahing Irlandes, at anak-anakan ng isang halos ay bulag nang inhenyerong Amerikano, na nagngangalang Taufer, at naninirahan sa Hongkong.
Nang mapatapon ang ating bayani sa Dapitan (tumulak siyang patungo roon, isang tapon ng pamahalaang Kastila noong ika-15 ng Hulyo, 1892) ay naging isa sa mga ginamot niya ang nasabing Mr. Taufer.
May labingwalong taon noon si Josephine, maputi, bughaw ang mga mata, mapulang mangitim-ngitim ang kanyang malago’t mahabang buhok at pangkaraniwan kung manamit. Natuklasan ni
Rizal ang dilag na ito, at, kapagdaka, ang puso niya’y tumibok nang masasal. Paano’y naniwala siyang si Josephine ay hulog ng langit sa kanya, sa panahong yaon ng kanyang pag-iisa.
Hindi nakapag-aral ng mataas na karunungan ang dalagang banyagang ito, datapuwa’t may likas na talino, magiliw sa pakikipag-usap at may malaking pananabik na marinig ang lahat ng isinusulit ng bantog na okulista (ni Rizal). Sa tuwi-tuwinang sila’y magkikita ay lalong nagiging mahalaga sa kanya ang ating bayani, at ito naman, sa tuwi-tuwinang makakapanayam si Josephine ay lalo naman itong nagiging kaibig-ibig. Kaya’t di naglaon at sila’y nagkasundo, sa kabila ng pagtutol ni Mr. Taufer, sanhi sa kanyang pagdaramdam na mawawalan na siya (si Mr. Taufer) ng isang tagapag-akay at isang tunay na katulong sa kanyang buhay, matapos na maiwan siya ng kanyang kabiyak ng dibdib. Upang maiwasan ang masamang tangka ni Mr. Taufer ay sumama na si Josephine sa kanyang ama-amahan sa Maynila.
Kung sa bagay, nang magkasundo na ang ating bayani at si Josephine ay nagbalak agad silang pakasal kay Padre Obach, isang pari sa Dapitan, nguni’t sinabi ng kinatawan ng Diyos sa lupa na kinailangang pa muna niyang humingi ng pahintulot sa obispo sa Sebu. Nang lumisan si Josephine kasama ang kanyang ama-amahan sa Maynila, ay ipinayo ni Rizal sa banal na pari na huwag na munang sumulat sa obispo hinggil sa balak na pag-iisang-dibdib.
Hindi nagbalik sa Hongkong si Josephine sapagka’t nanatili sa Maynila. Nang ipagtapat nito sa ina ni Dr. Rizal na kinakailangan pa ng pari sa Dapitan ang pagkuha ng kaukulang pahintulot, at samakatuwid ay kinakailangan pa ang paglagda ng bayani sa isang kasulatang maaaring mangahulugan ng paninindigan niya sa pananampalataya, nagpahayag ng paniwala ang ina ni Dr.Rizal na hindi dapat na mangyari ang pakikipagkasundo ng manggagamot sapagka’t noon pa’t itinuturing nang lider siya ng bayang Pilipino. Kaya’t si Josephine at si Dr. Rizal ay naging magkabiyak ng dibdib sa harap ng Diyos, sa harap ng lipunan ng mga tao’t ng Katalagahan.
Ang pagmamahal ni Dr. Rizal kay Josephine ay ipinakilala sa isang sulat ng ating bayani sa kanyang ina – sulat na niyari sa Dapitan ay may petsa noong ika-14 ng Marso, 1895.
Anang liham:
“Pinakamamahal kong ina,
Ang may taglay po ng sulat na ito’y si Binibining Josephine Leopoldine Taufer, na munti ko na pong mapanumapaang maging kabiyak ng dibdib sa harap ng isang alagad ng pananampalataya, kung may kaukulan ninyong pahintulot. Ang amin pong pag-iisa sa kanyang payo, ay hindi po natuloy sapagka’t nagkaroon ng maraming sagabal. Siya po’y isang ulila; at ang ama niya’y nasa malayong pook.
“Sapagka’t may malaki po akong pagnanais sa kanyang kapakanan, at sapagka’t malamang na siya’y magpasiyang bumalik dito sa aking kinaroroonan sa hinaharap, at sapagka’t siya po’y maaaring mag-isa at walang sino mang tumingin, kaya’t hinihingi ko sa inyong ituring siya rin na parang tunay ninyong anak hanggang sa magkaroon po ng isang mabuting pagkakataong makabalik siya rito. Tangkilikin ninyo sana si Bb. Josephine na isang taong minamahalaga ko at pinakamamahal, at sadyang di ko nais na makita sa panganib o sa pag-iisa.
“Ang inyong anak na nagmamahal,
“Jose”
Noong ika-15 ng Enero ng1896, sa isang sulat naman ni Dr. Jose RizaI sa kanyang kapatid na si Trinidad ay ibinabalita ang kaligayahan ng ating bayani sa piling ng kanyang kasintahan sa
Dapitan, nang si Josephine ay magpasiya nang bumalik doon.
Sa ganyang pakikisama ni Dr. Rizal, ang mapunahin, noon, ay walang pagsalang nakatagpo ng dahilan upang ilagay sa pagsusuri ang pagsisintahan ng dalawang puso, datapuwa’t hindi nangimi ang bayani, sapagka’t siya’y anak ng katotohanan, isang tunay na maka-Silangan, na di nagpapanggap na banal, bagkus ipinakikilala pa noong siya’y isang taong may mga paang putik, isang lalaking umiibig, at ang pag-ibig na ito’y hindi nakasalig sa pagsunod sa hinihingi at ini-aatas ng mga tuntunin ng simbahan. Sa kanya ay sukat ang mag-ukol ng malinis na pagmamahal sa nagmamahal sa kanya nang boong kawagasan. Tumupad nga siya ng tugkulin sa pagiging tunay na mangingibig. Hindi maaaring siya’y makapagkunwari, magbalat-kayo kaya o magkunwang walang batik, sapagka’t sa harap ng Diyos at ng tao, ay nababatid niyang siya’y matapat na gaya rin ng kanyang “kasalo sa ligaya’t kahati sa hilahil” sa Dapitan.
Nagkaroon ng bulaklak ang kanilang pag-ibig: isang maliit na sanggol na may walong buwan ang isinilang ni Josephine, nguni’t nabuhay lamang ng tatlong oras! Tatlong oras na katimbang ng tatlong siglo o tatlong daang taon sa buhay at kapalaran ng isang bayang nagbabagong-akala na’t nagsisimula nang makasinag ng isang pagbubukang-liwayway.
Bukod sa kanyang tulang Huling Paalam na iniuukol niya sa bayan, ang isa sa pinakamalungkot niyang tula ay nalikha nang ang kanyang kabiyak ng dibdib, si Josephine, ay pahintulutan na niyang makabalik sa Hongkong. Samantalang minamasid niya sa pamamaalam ang minamahal na lumisan, naisulat ni Dr. Rizal ang ganitong mga talata:
“Josefina, Josefinang napaligaw sa pampangin
Naming ito na ang hanap,
Isang pugad ng paggiliw,
Ikaw mandi’y golondrinang
di matiyak ang tunguhin
Kung dito nga o sa Shanghay,
Tsina’t Hapong mararating,
Nguni’t huwag malilimot na
sa lupang ito na rin
ay may pusong nagmamahal,
pusong tunay ang tibukin.”