ni Maccheb
Sa kabila ng maunlad at sibilisadong pamumuhay sa lungsod, hindi pa rin nito maikukubli ang katotohanang may mga naiwan pa ring natutulog sa mga kalye. Sila ang mukha ng kahirapan. Ang katotohanang kahit pilit itago ng lipunan ay hindi kaylanman mapagtatakpan ang tunay na kalagayan. Salat sila hindi lamang sa kayamanan kung hindi pati na rin sa pagmamahal. Ang batang tulad nina Angelita at Lucia na sana ay nag-aaral at tinatamasa ang kanilang kabataan ay napipilitang mamalimos sa lansangan upang may maitugon sa kalam ng tiyan. Sila na dapat nakikipaglaro at nakikipagtawanan sa ibang bata ay maagang namumulat sa kahirapan. May mga pagkakataong natutukso siyang magnakaw at mandukot subalit batid niyang ito ay hindi tama.
“Ale, palimos po. Pambili lang po ng pagkain.”
“Wala,” malamig na tugon ng ale.
“Sige na po. Kahit barya lang po,” pakiusap ni Lucia. Marahan niyang hinawakan ang laylayan ng bestida ng ale. Nagsalubong ang kilay nito at binigyan siya ng matalas na tingin.
“Bitiwan mo nga ako. Ang dungis-dungis mo. Ang baho-baho mo pa!” bulyaw nito sa kaniya. Itinulak siya nito nang malakas kung kaya’t napaupo siya sa lupa.
“Patawad po,” tugon niya sa pagitan ng kaniyang mga hikbi.
“Umalis ka nga diyan! Sinisira mo ang araw ko!” muling bulyaw nito at tuluyan na siyang tinalikuran.
Sa hindi kalayuan ay nadako ang kaniyang tingin sa mag-inang papadaan. Maganda ang kaniyang kasuotan, bago ang sapatos at may magandang ipit sa buhok. Hindi niya maiwasang mainggit. Iniluha na lamang niya ang nararamdamang sakit. Nagulat na lang siya nang masagi siya ng isang lalaki.
“Ano ba bata? Huwag kang haharang-harang sa daan!”
“Pasensiya na po.” Dahan-dahan siyang tumayo buhat sa pagkakaupo sa lupa at naglakad pabalik sa kaniyang kapatid.
“Anong nangyari sa ‘yo? Bakit umiiyak ka?” untag ng ate Angelita niya.
“Ayaw nila sa akin ate. Nakakainggit iyong batang babae na nakita ko. Ang gara ng damit niya. Iyong sapatos niya, mukhang mamahalin. Ang ganda rin ng buhok niya, may ipit pa,” paglalarawan niya.
“Hayaan mo, kapag nakaipon ako bibilhan kita ng damit. Pero iyong mura lang ang kaya ko. Tumahan ka na. Tara, balikan na natin si Nanay,” alok ni Angelita.
Nagmamadali silang bumalik sa ina ngunit hindi nila ito nakita roon. Tanging ang kanilang iilang damit at tagpi-tagping kahon na nagsisilbi nilang higaan ang naiwan doon. Lumapit sila sa isang tindera na malapit sa kanila at ito ang nagsabi nang masaklap na sinapit ng ina.
“Mayroon siyang matandang babae na tinulungan at natuwa ito sa kaniya kaya’t binigyan siya ng dalawang libo. Binigyan din siya ng ilang supot na pagkain. Sa kasamaang palad, nakita iyon ng isang mama na may masamang motibo. Inagaw niya ang mga ito sa Nanay ninyo at sapilitang kinuha ang pera ngunit nanlaban siya. Nakipagbuno siya sa mama. Huli na nang makita naming may dala itong balisong at pinagsasaksak siya,” kwento ng tindera.
“Bakit hindi man lang po ninyo tinulungan si Nanay?” untag ni Angelita.
“Ipagpaumanhin ninyo, natakot kami.”
“Nanay!” sigaw ni Lucia. Nagsimula nang mag-unahan sa pagpatak ang kaniyang mga luha.“Nasaan na si Nanay ate?”
“Nasaan na nga po ba si Nanay?”
“Wala na ang Nanay ninyo. Hinahanap nga kayo kanina ng mga pulis para isama kayo. May umako na sa pagpapalibing sa kaniya.” Pagkarinig nila noon, tila gumuho ang mundo nila. Agad nilang pinuntahan ang ina.
Dahil wala nang mag-aalaga sa kanila, dinala sila sa bahay ampunan. Hindi pa man nila lubusang naiintindihan at natatanggap ang maagang pagkawala ng ina ay pilit silang nagpapakatatag. Lumipas ang ilang buwan at doon ay nagkaroon sila ng panibagong pamilya. Subalit nang matuklasan nilang may aampon sa kanila at hindi sila magkasama, tumakas sila sa bahay ampunan. Muli silang nagpalabuy-laboy sa kalye.
“Ate, nilalamig po ako.”
“Ano?” Nilapitan siya ng kapatid. “Naku Lucia, may lagnat ka.”
“Gutom na rin po ako.”
“Sige, dito ka lang. Maghahanap ako ng makakain. Babalikan kita, sandali lang si Ate.”
“Ingat ka ate Angelita ah. Babalik ka. Kapag nawala ka, wala nang matitira sa akin.”
Napaiyak si Angelita sa sinabi ng kapatid kung kaya’t lalo siyang nagpursigeng maibili ito ng pagkain at gamot. Marami siyang nilapitan subalit pinapaalis lang siya at hindi pinapansin. Nakiusap din siya sa botika na bigyan siya ng gamot ngunit pinagtawanan lang siya ng mga ito. May isang lalaking tumawag sa kaniya at sandaling pinabantayan ang dalang sasakyan. Pagbalik nito ay binayaran naman siya subalit sadyang kulang pa. Hanggang sa namalayan na lang niyang umiiyak na siya habang naglalakad sa kalye. Natigilan siya nang may tumawag sa kaniyang pansin.
Isang magarang sasakyan ang huminto sa kaniyang harapan. Doon ay lulan ang isang babae na tinatawag siya. Hindi naman siya nag-atubiling lapitan ito.
“Bata, bakit ka umiiyak? Nawawala ka ba?” untag ng babae sa kaniya.
“Hindi po.”
“Kung ganoon, ano bang problema?”
“Iyong kapatid ko po kasi, inaapoy po ng lagnat. Kailangan niya po ng makakain at makainom ng gamot pero kulang po ang pera kong pambili. Nag-aalala na po ako sa kaniya. Baka kung napaano na siya kasi kanina ko pa po siya iniwan. Siya na lang po ang mayroon ako. Ayaw ko po na pati siya mawala,” kwento niya sa pagitan ng kaniyang pag-iyak.
“Halika, sumakay ka. Ituro mo kung nasaan ang kapatid mo. Dadalhin natin siya sa Ospital,” alok ng babae. Pinagbuksan naman siya agad ng pinto ng driver nito.
Isinugod nila si Angelita sa Ospital. Doon ay nabigyan siya ng nararapat na medikasyon para sa kaniyang kalagayan. Nagpabili rin ang babaeng tumulong sa kanila ng makakain. Habang pinagmamasdan niya ang mukha ng babaeng itinuturing niyang hulog ng langit sa kanila ni Lucia, nakikita niya rito ang kabutihan. Sa mga mata nito ay ang sinseridad na tumulong sa kapwa. Nilapitan siya nito at hinawakan ang kaniyang mga kamay.
“Ikaw? Kumusta naman ang pakiramdam mo?”
“Maayos naman po ako. Maraming salamat po ale.”
“Tawagin mo na lang akong ate Tessa. Iyong doktor na umaasikaso sa kapatid mo, asawa ko iyon.”
“Ako po si Angelita at Lucia naman po ang pangalan ng kapatid ko. Ang bait naman po ninyo. Mapalad po ang inyong mga anak,” tugon niya. Bigla namang dumungaw ang luha sa mga mata ni Tessa. “Bakit po? May nasabi po ba akong masama?” untag niya.
“Wala. Kasing gulang mo na sana ang aming anak kung hindi siya nagkasakit nang malubha. Iniwan niya na kami.”
“Patawad po.”
“Wala iyon. Nasaan ba ang mga magulang ninyo?”
“Wala na rin po sila. Dinala po kami sa bahay ampunan noong mamatay ang Nanay namin pero tumakas po kami kasi narinig ko po na may magkaibang pamilyang aampon sa amin.”
“Bakit naman kayo tumakas? Alam mo bang mas maaalagaan kayo roon?”
“Alam ko po pero ayaw ko rin po na magkahiwalay kaming magkapatid,” malungkot niyang sagot.
Mula ng gabing iyon, lagi sila nitong dinadaanan sa kanilang tinutulugan sa kalye. Binibigyan sila ng pera at pagkain. Tuwang-tuwa naman si Lucia tuwing makikita ang mag-asawa. At ganoon din naman si Angelita. Isang araw, isinama na sila nito sa kanilang bahay.
“Ang ganda naman po ng bahay ninyo,” saad ni Angelita na manghang-mangha sa kaniyang nakikita.
“Oo nga po, ang laki!” sabat ni Lucia.
“Mula ngayon, bahay na rin ninyo ito.”
“Ano po?” naibulalas nilang magkapatid.
“Nag-usap na kaming mag-asawa na kupkupin kayo. Kami na ang aampon sainyo at magiging pangalawa ninyong magulang. Iyon ay kung papayag kayo.”
“Opo!” magkasabay na tugon ng dalawang bata. Umiiyak nilang niyakap si Tessa at ang asawa nitong si Sid.
Tila muling nadugtungan ang kanilang buhay at nabigyan ng pag-asa. Inakala nilang sa pagkawala ng kanilang ina ay mawawalan na rin ng saysay ang kanilang buhay. Ang mag-asawa ay nagsilbing mga anghel na nagbukas ng pinto patungo sa magandang bukas sa kanilang magkapatid. Muli silang nangarap. Muling iginuhit ang bukas na minsan ay naging malabo para sa kanila. Hindi nila inakalang makatatagpo sila ng mga taong tatanggap at magmamahal sa kanila kahit hindi sila tunay na kadugo.
“Mga bata, bukas ipai-enroll ko kayo sa eskwela. Kaya gumising kayo ng maaga ha?”
“Talaga po Mama Tessa?” untag ni Angelita na ngiting-ngiti dahil sa kaniyang narinig.
“Oo, mag-aaral kayo. Pag-aaralin namin kayo hanggang kolehiyo. Makakasama ninyo kami sa pagtupad ng mga pangarap ninyo. Ano ba ang gusto ninyong maging paglaki ninyo?” untag niya sa dalawang bata.
“Gusto ko pong maging guro,” mabilis na sagot ni Angelita. Nabaling ang kanilang tingin kay Lucia na tutok na tutok sa panonood ng telebisyon. Kung kaya’t inakala nilang hindi ito nakikinig.
“Ikaw Lucia?” untag ni Tessa.
Tahimik itong tumingin sa kanila na wari ba’y nag-iisip. “Gusto ko po maging isang magaling na doktor katulad ni Papa Sid. Gusto ko pong manggamot at maglitas ng maraming buhay,” nakangiti nitong sagot. Natuwa naman si Sid sa kaniyang narinig kaya tinabihan niya ito at kinandong.
“At dahil nandito si Papa, tuturuan kita at susuportahan sa pangarap mong iyan.”
“Salamat po,” tugon ni Lucia.
“Basta mag-aral kayong mabuti ha? Kahit hindi para sa amin, para sa mga magulang na lang ninyo. Kung nasaan man sila, alam kong tuwang-tuwa sila at ipinagmamalaki kayo,” sabat ni Tessa.
Naging larawan sila ng isang masayang pamilya. At ang kanilang tahanan ay naging pugad ng tunay na pagmamahalan. Subalit may nagbabadyang trahedya na susubok sa bawat isa.
“Kompleto na ba ang mga gamit ninyo? Wala na tayong nakalimutang bilhin?” untag ni Tessa.
“Wala na po Mama Tessa, sobra-sobra na nga po ito,” sagot ni Angelita.
“Ikaw talaga Angelita oh, wala iyan.” Papasok na sana sila ng sasakyan nang hilahin ni Lucia ang laylayan ng kaniyang blusa. Napatingin siya rito at tumambad sa kaniya ang malungkot na mukha ng bata. “Bakit Lucia?”
“Mama Tessa, gusto ko po noon.” Itinuro ni Lucia ang mga lobong hawak-hawak ng isang lalaki. Napangiti naman si Tessa at hinimas ang ulo nito.
“Tinakot mo naman ako. Akala ko kung ano na.”
“Pasensiya na po.”
“Huwag na Lucia. Hindi naman importante iyan,” pagtutol ni Angelita.
“Ayos lang. Dito lang kayo ha, bibili ako.” Mabilis na nilapitan ni Tessa ang tindero at ibinili si Lucia ng kulay rosas na lobo. Patawid na si Tessa pabalik sa dalawa nang makita ni Angelita ang paparating na sasakyan. Tila hindi naman ito nakita ni Tessa na na dumire-diretso lang.
Mabilis na tumakbo si Angelita palapit kay Tessa at itinulak ito pabalik sa gilid ng kalsada. Natumba naman si Tessa at nabitawan ang hawak niyang lobo. Umalingawngaw sa buong paligid ang malakas na busina ng sasakyan at lagabog nito. Nang lingunin ito ni Tessa, napasigaw na lang siya ng iyak.
“Angelita!”
Nagkagulo ang mga tao. Dinampot nila ang duguang bata at mabilis na isinakay sa sasakyang nakabangga rito. Iyak naman ng iyak si Lucia nang datnan ni Tessa. Sinundan nila ang nasabing sasakyan sa Ospital kung saan dinala ang bata.
“Tama na Lucia, huwag ka na umiyak.”
“Kasalanan ko po Mama Tessa. Kung hindi po ako nagpabili ng lobo, hindi siya mababangga.”
“Hindi anak, kasalanan ko.”
“Hindi po, kasalanan ko nga po talaga iyon.” Muling umiyak si Lucia.
“Huwag na kayong magtalo kung sino ang may kasalanan dahil hindi naman iyon mahalaga. Aksidente ang nangyari at walang may gusto noon,” sabat ni Sid.
“Sid? Kumusta si Angelita? Anong lagay niya?” malungkot na mukha ang isinagot ng asawa. Napailing ito kung kaya’t nagsimula na ring umiyak si Tessa.
“Ginawa na nila ang lahat pero hindi kinaya ng bata. Wala na siya,” mahinang sagot ni Sid. Sabay silang napatingin kay Lucia na noon ay mas lumakas pa ang pag-iyak.
“Ang ate ko. Wala na ang ate ko. Mag-isa na lang ako,” nasabi nito sa pagitan ng kaniyang pag-iyak. Humagulhol ito na halos hindi na nila alam kung paano pa patatahanin. Tanging mahigpit na yakap lamang ang naitugon ng mag-asawa sa batang tila muling nadurog dahil sa mga nangyari.
Pagkalipas ng ilang buwan, hindi pa rin makalimutan ni Tessa ang mga nangyari. Ang batang kumuha ng pansin niya noon, tinulungan niya, pinakain, kinupkop at minahal ay namatay dahil sa pagliligtas sa kaniyang buhay. Sinisisi niya pa rin ang sarili sa sinapit ng kaawa-awang bata.
“Mama Tessa…” tawag ni Lucia sa kaniyang pansin na kumakalabit sa kaniyang balikat.
“Bakit anak?” untag niya.
“Umiiyak na naman po kayo. Pinatawad ko na po ang sarili ko dahil sa nangyari, sana kayo rin po. Isa pa, baka po makasama iyan sa kondisyon ninyo.”
“Pasensiya na anak, hindi ko lang talaga makalimutan ang ate Angelita mo.”
“Ako rin po pero kailangan nating tanggapin. Tahan na po.” Pinunasan niya ang luha sa mga mata ni Tessa. “Baka po kung ano pang mangyari kay baby Angela kapag nalungkot pa rin kayo nang nalungkot.”
“Oo nga ano?” bulalas ni Tessa. Napangiti na lamang siya dahil sa gulat sa sinabi ni Lucia.
“Kaylan po ba lalabas ang kapatid ko?” untag ni Lucia.
“Ilang buwan na lang anak, magiging ate ka na.”
“Yehey!” naisigaw sa tuwa ni Lucia.
Niyakap ni Tessa nang mahigpit ang tuwang-tuwang si Lucia na nasasabik na sa isang kapatid. Nawala man si Angelita sa kanilang piling, hinding-hindi ito mawawala sa kanilang mga puso at isipan. Lumipas man ang mahabang panahon, siya ay mananatiliing parte ng kanilang mga buhay.
WAKAS