Anghel sa Lupa

Pakalat-kalat sa daan. Nanlilimos ng awa ngunit kanilang hinahamak. Pinandidirihan. Ipinagtatabuyan. Pinagtatawanan.

Kaawa-awang pagmasdan ang dalagitang niyayapos ang humahapding tiyan. Magulo ang kaniyang buhok. Ang puting bestida nito ay maduming-madumi na’t punit-punit. Dahil tila walang nahahabag sa kalagayan ni Mara, naghanap na lang siya ng tira-tirang pagkain sa basurahan.

Pinalad naman si Mara na makakuha ng isang disposable na lalagyan mula sa isang fast food chain. Halos konti lang ang nabawas sa laman nito. Sapat na itong pantawid gutom niya. Sa ngayon, ang kaniyang panghihina at matinding gutom ay pansamantalang napawi. Subalit, paano sa mga susunod na araw?

Kinaumagahan, muli siyang napadpad sa harap ng isang tindahan kung saan siya laging napapadaan tuwing umaga.

“Kawawa naman ‘yang batang ‘yan,” wika ng isang matanda. Napaismid naman ang tindera.

“Hay naku Lola, mas kawawa ho ako. Lagi na lang ‘yan nasa harap ng tindahan ko, minamalas tuloy ako!” bulyaw ng tindera.

“Sobra ka naman kung magsalita, hija. Mapalad ka nga’t hindi ka napunta sa kalagayan niya,” pangaral ng matanda.

“Ano ho bang inyo?” tanong ng tindera.

“Pagbilhan mo nga ako ng sampung pandesal. Magbukod ka na rin ng dalawa pa,” sagot ng matanda. Kapagdaka’y muli niyang sinulyapan si Mara at muling nagtanong, “Taga-saan ba ‘yang batang ‘yan? Bakit pinabayaan ng kaniyang mga magulang na palabuy-laboy?”

“Hindi ko ho alam. Bigla na lang siyang sumulpot dito. ‘Eto ho.” Sabay abot niya sa dalawang supot.

Pagkakuha sa biniling pandesal, kaagad pumihit ang matanda patungo sa kinaroroonan ni Mara. Napaatras naman ang dalagita.

“Hija, h’wag kang matakot. Hindi kita aanuhin,” tinuran ng matanda. Sinenyasan niyang lumapit si Mara.

“B-bakit po?” nagtatakang tanong ni Mara.

“Gutom ka na siguro, ‘no? Heto, sa ‘yo na itong dalawang pandesal nang magkalaman ang tiyan mo,” pagmamagandang loob ng matanda.

Napatingin si Mara sa supot at napalunok. Naninimbang kung kukunin ba ito o hindi. Ngayon lamang kasi may kumausap sa kaniya at nag-abot pa ng makakain.

“Po?” naibulalas niya.

“Sige na, hija,” giit ng matanda.

Bakas sa kaniyang mga mata ang sinseridad sa pagtulong at nakita iyon ni Mara. Napangiti siya at kaagad tinanggap ang ibinibigay sa kaniya.

“Salamat po, Lola.” Kaagad niya itong kinain habang maluha-luhang nakatingin sa kaniya ang matanda.

“Sige, maiwan na kita. Mag-iingat ka,” paalam ng matanda. Nag-iwan siya ng ngiti bago tumalikod.

“Kayo rin po,” pahabol ni Mara.

Hindi niya alam kung narinig ba siya nito. Sa kaniyang puso ay ang pasasalamat.

“Tama ako, mayroon pang mabubuting tao sa lupa.” Pagkawika nito’y napatakip siya ng bibig. Tila may kung ano siyang nasasaisip.

Lingid sa kaalaman ng matanda, sinundan siya ni Mara. Pumasok ito sa loob ng isang magandang bahay. Nadatnan niya ang tarangkahan na naiwang nakabukas. Sa hardin ng bahay ay nakita niya ang isang batang lalaki na sa tantiya niya’y nasa walong taong gulang. Tangan nito ang isang bola.

Nagitla si Mara nang madapo sa kaniya ang tingin ng bata. Kaagad itong tumakbo palapit sa kaniya. Napako naman ang kaniyang mga paa sa lupa.

Nakangiti siya nitong hinarap at iniaabot sa kaniya ang laruan nitong bola.

“H’wag kang lumapit sa ‘kin. Doon ka lang sa loob,” wika ni Mara.

Napaatras siya subalit pilit lumalapit sa kaniya ang bata. Tila ba inaalok siyang maglaro.

“Teka? Pipi ka ba?” tanong niya ngunit nanatili lamang itong nakangiti sa kaniya.

May kung anong nagsasabi sa kaniyang hawakan ang pisngi ng bata.

Unti-unting dumampi ang palad ni Mara sa mukha nito. Marahang dumausdos ito paibaba sa leeg hanggang sa dibdib. Kapwa nila ikinagulat ang isang sigaw.

“Hoy! Anong ginagawa mo sa anak ko?” nag-aalalang bungad sa kaniya ng ina nito.

“W-wala po,” kinakabahan niyang tugon.

“Umalis ka rito!” bulyaw ng babae.

Itinulak siya nito nang malakas kaya’t napahandusay siya sa lupa.

“Isay! Ano bang ginagawa mo sa bata?” awat ng matanda. Tinulungan naman nitong tumayo si Mara.

“Nakita ko po siyang hinahawakan si Nonoy. Baka may balak siyang masama,” kaagad nitong isinagot habang yakap ang anak.

“Hinawakan lang naman pala, nanghusga ka na kaagad,” tugon ng matanda. Ibinaling niya ang kaniyang tingin kay Mara. “Nasaktan ka ba?”

Nakita ni Mara ang pagpasok ng mag-ina sa loob ng bahay bago siya tuluyang nagwika, “Ayos lang po ako.”

“Sige, maiwan na kita. Kakausapin ko pa ang anak ko. Pasensiya na talaga,” nahahabag napaalam ng matanda.

Pumasok na rin ito sa loob ng bahay habang si Mara ay naiwang nakatanga. Sinalubong naman ang matanda ng nagsisisigaw na anak.

“Nay! Nay!”

“Bakit? Bakit ka ba nagsisisigaw?” nag-aalalang tanong ng matanda.

“Si Nonoy po, nakapagsalita,” maluha-luha nitong sagot.

“Totoo ba?” naibulalas ng matanda.

“‘Yong bata, Nay? Nasaan siya?” tanong ni Isay na ipinataka ng ina.

Magkasunod silang tumakbo pabalik sa labas ng bahay ngunit wala silang nadatnang Mara. Hinanap nila ito sa paligid, subalit walang sinumang nakakita rito. Masayang-masaya si Isay na binalikan ang anak.

“Iniisip mong ‘yong bata ang nagpagaling kay Nonoy?” naibulalas ng matanda nang marinig ang paliwanag ng anak.

“Nay, sabi ng mga doktor, hindi na siya makakapagsalita. Ito ‘yong himalang hinihintay ko. Kailangan ko siyang makita. Gusto kong humingi ng tawad at magpasalamat,” maluha-luha nitong sagot habang yakap ang natutulog na anak.

***

Makalipas ang ilang araw, nakita ng mag-ina si Mara sa palaruan. Nanginginig at inaapoy ng lagnat. Kaagad naman nila itong iinuwi at inalagaan. Gano’n pa man, hindi pa rin bumubuti ang lagay ng dalagita.

“Nay, dalhin na natin siya sa ospital. Baka mapa’ano siya, e,” nag-aalalang tinuran ni Isay.

“Sige, kawawa naman siya,” tugon naman ng matanda.

Nagpatawag sila ng masasakyang tricycle saka magkasunod na tinungo ang kwartong kinaroroonan ni Mara. Subalit nang buksan ng matanda ang pinto, napahinto siya at kaagad pinigilan ang anak.

“Mahabagin, ano ‘to?” naibulalas ng matanda.

“Ay, Diyos ko!” naibulalas din ni Isay at napatakip ng bibig dahil sa nakikita.

Nagkatinginan silang mag-ina saka muling ibinaling kay Mara ang kanilang tingin.

Isang maputing liwanag na hugis tao ang nakaupo sa gilid ng kama. Sa likod niya ay ang kaniyang mapuputing pakpak. Hinihimas niya ang noo ni Mara. Kapagdaka’y binalot ang dalagita ng liwanag at sa loob lamang ng ilang sandali ay naglaho ang nilalang na iyon sa kanilang paningin. Nagdilim sa buong kwarto na tila ba walang nangyari.

Mabilis nilang binuksan ang ilaw at nilapitan si Mara. Muli silang nagkatinginan nang mapansing wala na ang kanina’y nag-aapoy nitong lagnat. Ang maputla nitong labi ay nagkulay rosas. Mayamaya, unti-unting nagdilat ang mga mata ng dalagita.

“Hija, kumusta ka?” nangingiting tanong ng matanda habang pinipisil-pisil ang kanang kamay nito.

“Nasaan po ba ako?” nagtatakang tanong ni Mara.

“Nandito ka sa bahay namin. Nakita ka kasi namin sa labas na may sakit kaya iinuwi ka namin,” paliwanag ni Isay.

“Aalis na po ako. Maayos na ang pakiramdam ko. Salamat po sa tulong n’yo,” paalam ni Mara na akmang babangon na. Kaagad naman siyang napigilan ng dalawa.

“Ay naku, hindi. Dumito ka na muna,” pagtutol ng matanda.

“Nakakahiya naman po kasi sa inyo, Lola,” nag-aalangang tugon ni Mara.

“Ako dapat ang mahiya sa ‘yo dahil sa maling iinasal ko. Patawarin mo sana ako,” sabat ni Isay.

“Wala po ‘yon. Nauunawaan ko naman kayo. Mapalad ang inyong anak dahil mayroong nag-aalaga at nagmamahal sa kaniya,” malungkot na tinuran ni Mara.

Napayuko siya. Kinurot ang puso ng mag-ina nang makita ang magkasunod na patak ng luha ni Mara.

“Bakit, hija?” usisa ng matanda.

“Naalala ko lang po ang aking ina. Mula nang pumanaw siya, nagpalabuy-laboy na ako. Hanggang sa madukot ako ng mga sindikato. Pinalad lamang po akong makatakas,” kwento ni Mara.

“Kaya naman pala bigla ka na lang sumulpot dito. Wala ka na bang mga kamag-anak?” tanong ng matanda.

“Wala na po.”

“Dito ka na lang sa amin,” alok ni Isay.

“Po?” naibulalas ni Mara dahil sa pagtataka. Bigla niyang natanong sa kaniyang sarili kung bakit naisipan nilang kupkupin siya.

“Malaki ang utang na loob ko sa ‘yo. Hayaan mong sa ganitong paraan ay masuklian ko ang ginawa mo,” dugtong ni Isay.

“Hindi ko po kayo maunawaan.” Namilog ang mga mata ni Mara sa pagtataka.

“Dahil sa ‘yo, nakapagsalita ang anak ko. Sabi ng mga doctor, hindi siya makakapagsalita,” paliwanag ni Isay.

“Paano mo nga ba ginawa ‘yon?” muling tanong ng matanda.

“Ang alin po?” nabiglang tanong ng dalagita.

“Paano mo napagaling ang apo ko?” balik-tanong ng matanda.

“Wala po akong alam sa sinasabi n’yo. Ordinaryong bata lamang ako. Paano ko naman po magagawa ang gano’ng bagay?” kaagad niyang sagot.

“Imposible ‘yon, hija.” Napakunot ang noo ng matanda.

“Wala ka bang napapansing kakaiba sa sarili mo? Kahit na ano na hindi mo maipaliwanag,” usisa ni Isay. Napailing naman si Mara. “Isipin mong mabuti.”

Napatingin si Mara sa bukas na bintana kung saan pumapasok ang malamig na hanging isinasayaw ang kurtina. Tila nag-iisip. Inaalala ang mga nagdaang araw. Hanggang sa tila may biglang pumasok sa kaniyang isip at kaagad siyang napatingin sa dalawa.

“Madalas ko pong mapanaginipan ang isang anghel. Tuwing yayakapin niya ako at hahawakan, parang napapawi ang lungkot ko. Gano’n din po ang gutom at sakit ng katawan ko. Katulad po kanina,” kwento ni Mara.

“Talaga ba?” naibulalas ni Isay.

“Minsan naman po, may mga nasasabi ako at nagagawa na hindi ko naman sinasadya. Tulad no’ng hawakan ko ‘yong anak n’yo. Parang bigla akong na-blangko at nagising na lang ako no’ng sumigaw kayo.” Napamulagat na lang si Mara nang yakapin siya ng matanda.

“May kasama ka, hija. May gumagabay sa ‘yo. Mayroon kang kaibigan na hindi mo nakikita at ‘yon ay ipagpasalamat mo. Batid kong mabuti kang bata kaya pinagpapala ka,” tinuran ng matanda.

“Wala kang pagsasabihan ng mga nangyari, hija. Hindi sa ipinagdadamot ka namin. Gusto lang naming maging ligtas ka. Maraming naglipanang masasamang loob na maari kang samantalahin. Sana pumayag kang dumito na. Siguradong matutuwa si Nonoy,” saad ni Isay.

Sandali namang natahimik si Mara.

“Ano nga palang pangalan mo?” tanong namang muli ng matanda.

“Mara po,” sagot niya.

“Ano? Maari ba?”

Tumango na lang si Mara bilang tugon sa matanda na ikinatuwa ng dalawa.

“Aalagaan kita, Mara. Mamahalin at pu-protektahan. Ituturing kitang sarili kong anak. Maraming salamat,” maluha-luhang tinuran ni Isay.

Ipinagtaka ng lahat ang pagkupkop ng mag-ina kay Mara. Bakit umano gano’n na lamang kadaling nagtiwala ang dalawa sa isang palaboy na ‘di man lang nila batid kung saan nagmula. Subalit, ang higit na nagpaigting ng mga katanungan ay ang malaking pagbabago kay Nonoy. Mga tanong na hindi nila alam kung paano nila sasagutin. Kung paano nakapagsalita ang bata sa loob ng maikling panahon na tila ba hindi ipinanganak na may kapansanan.

“Ate Mara, sasama po ako,” pakiusap ng bata habang niyuyugyog ang braso ng dalagita.

“H’wag na Nonoy. Mapapagalitan tayo n’yan ni Mama Isay,” tugon ni Mara.

“Gusto ko po kasing bumili ng pagkain,” giit ni Nonoy.

“Naku Nonoy, h’wag mo nang kulitin si ate. Gusto mo bang mapagalitan siya ng Mama mo?” sabat ng matanda.

Umiling-iling na lang si Nonoy bilang sagot.

“Ibibili na lang kita,” nakangiting tinuran ni Mara.

“Sige apo, aalis na kami ni ate at baka tanghaliin kami sa pamamalengke,” paalam ng matanda.

Nagmamadaling umalis ang dalawa habang naiwang nakasimangot si Nonoy.

“Anak, dito ka lang sa loob!” naulinigan niyang sigaw ng ina buhat sa loob ng bahay.

Subalit, sa halip na sumunod, nanatili siyang nakaupo sa may pinto habang nakatitig sa tarangkahan.

Hindi naglaon ay narinig niya ang tunog ng kalembang nang papalapit na sorbetero. Napangiti siya’t tiningnan ang sampung piso na ikinulong niya sa kaniyang palad. Tumakbo siya palabas ng bahay at tinawag ang pansin ng sorbetero. Kaagad naman itong huminto at ngumiti sa kaniya. Nagsilapitan din ang ilang kapitbahay upang bumili.

“Oh, hijo! Dinagdagan ko ‘yan para sa ‘yo,” nakangiting tinuran ng sorbetero.

“Maraming salamat po, kuya,” masayang tugon ni Nonoy na nagniningning ang mga mata habang tinititigan ang biniling sorbetes.

Pabalik na ang bata sa loob ng kanilang bahay nang tawagin ng tsismosang kapitbahay.

“Noy, kumusta ka na?” tanong nito.

“Mabuti naman po,” magalang na sagot ni Nonoy.

“Nakakatuwa namang makita kang nakapagsasalita na. Sumailalim ka ba sa operasyon? Kailan?” urirat nito.

“Po? Ano po ‘yon? Hindi po,” inosenteng sagot ng bata.

“E, paanong nangyaring nakakapagsalita ka na?” muling tanong nito na napakunot ang noo.

“Ah, e, ano po kasi…” Hindi makasagot si Nonoy dahil naalala niya ang bilin ng ina na h’wag ipagsasabi kung ano ang nangyari sa kaniya.

“Noy, masama ang magsinungaling. Magsabi ka ng totoo,” paalala ng ale. Bigla namang pinagpawisan si Nonoy.

“Si… Si ate Mara po, p-pinagaling ako,” kinakabahan nitong sagot.

“Ano? Paano?” naibulalas ng kausap.

“Isa po siyang anghel.”

“Nonoy!” sigaw ni Isay na ikinagulat nilang dalawa.

“Pasensiya na Isay, kinakausap ko lang naman ang anak mo.”

“H’wag mo na lang pansinin kung ano man ang sinabi niya. Bata pa siya. Malikot ang imahinasyon. Hindi niya pa lubos na nauunawaan ang mga bagay-bagay,” paliwanag ni Isay. “Halika na, anak.”

***

Magmula sa pangyayaring iyon ay kumalat ang sari-saring bersyon ng kwento. Hanggang sa umabot sa mas nakararami na kaagad nilang pinaniwalaan. Dahil doon, sumugod ang mga tao sa bahay nina Isay. Ang ila’y nakikiusap na iharap sa kanila si Mara upang pagalingin sila sa kanilang mga karamdaman.

“Lola, bakit nila ako hinahanap? Ang dami-dami nila. Natatakot po ako,” nanginginig na tanong ni Mara. Niyakap siya nito at pinakalma.

“Basta dito ka lang sa loob. Dito lang kayo ni Nonoy. Kami na ni Isay ang bahala.” Tumango na lang si Mara.

Kaagad silang iniwan ng matanda at sinundan si Isay sa labas. Maingay ang mga tao at halos ayaw nilang pakinggan si Isay.

“Maghunos-dili kayo. Saan n’yo ba narinig ang kwentong ‘yan?” awat ni Isay.

“‘Di ba ‘yon naman talaga ang totoo. ‘Yon ang sinabi sa akin ng anak mo. Bata ‘yon, hindi siya magsisinungaling,” sagot ng kanilang kapitbahay sa tanong ni Isay.

“Sinabi ko sa ‘yong hindi niya nauunawaan ng lubos ang mga nangyayari. Tama ka, bata siya. Bata lang siyang nagsalita!” iritang tugon ni Isay.

“Kung totoo mang isang anghel o naghihimala si Mara, hindi naman namin siya ipagkakait sa inyo. Maawa kayo sa bata. Natatakot na siya,” sabat ng matanda.

“Naniniwala po kami. Parang awa n’yo na, gusto kong gumaling para sa mga anak ko. Ayaw ko pang mamatay,” pakiusap ng isang babae.

“Ipagpaumanhin n’yo pero hindi namin ihaharap sa inyo si Mara lalo na’t hindi kayo nakikinig sa mga paliwanag. Ordinaryong bata lamang siya. Walang kapangyarihan. Hindi isang anghel. Maaring may gumagabay lang sa kaniya. Hindi siya ‘yon,” ma-awtoridad na tinuran ni Isay.

“Noon, nasa kalye lamang siya. Palabuy-laboy. Lumalapit at humihingi sa inyo ng konting awa pero anong ginawa n’yo? Ipinagtabuyan n’yo siya, tinuya at sinaktan. Hinayaan n’yong nagugutom siya habang kayo ay busog. Hinayaan n’yo siyang nanginginig sa lamig at inaapoy ng lagnat habang masarap ang higa n’yo sa kama. Tapos ngayong kinaawaan siya ng langit, pinagpala, pinagaling at binigyan ng pamilya saka n’yo siya naalala. Saka lang siya nagkaroon ng halaga sa mga mata n’yo. Kayo naman ngayon ang lumalapit at humihingi ng awa sa kaniya. Tanungin n’yo nga muna ang mga sarili n’yo. Karapatdapat ba kayo sa awa niya?” sumbat ng matanda na ikinatahimik ng lahat.

“Natahimik kayo kasi totoo?” dugtong ni Isay.

“Kilala n’yo ako. Hindi ako sinungaling at mapanlamang na tao. Sana naman maniwala kayong, katulad n’yo, tao lang siya. Gusto n’yo ng himala? Gusto n’yong gumaling? Gusto n’yong dinggin ng Panginoon ang mga dasal n’yo? Bukas ang pinto ng simbahan. Buksan n’yo rin ang inyong mga puso. Magdasal kayo. H’wag n’yong iasa sa inosenteng buhay,” nanginginig na muling tinuran ng matanda.

Kapagdaka’y bigla na lamang sumigaw si Nonoy. Umiiyak siyang lumabas ng bahay at tinawag ang pansin ng dalawa.

“Mama! Mama!” luhaan niyang sigaw.

“Bakit, Noy?” nag-aalalang tanong ni Isay.

“Si ate Mara po, Mama. Bilisan n’yo,” sagot ng bata.

Nagmamadaling tumakbo papasok ng bahay ang dalawa. Hindi na rin napigilan ang mga tao na pumasok at sinundan sila hanggang sa loob ng bahay. Nadatnan nila ang nakahandusay na si Mara. Walang malay. Nilapitan ng mag-ina si Mara. Hindi nila napigilan ang pagpatak ang kanilang luha.

“Anong nangyayari? Bakit wala na siyang pulso, Nay?” naluluhang tinuran ni Isay habang yakap si Mara.

“Binabawi na siya sa ‘tin. Siguro, tapos na ang misyon niya rito sa lupa,” malungkot na sagot ng matanda.

“Nay, hindi po p’wede. Napamahal na siya sa akin. Hindi niya tayo p’wedeng iwan.” Napahagulhol si Isay at si Nonoy. Paisa-isa ring narinig ang paghikbi ng mga tao.

“Ibigay na natin siya. Matinding paghihirap ang pinagdaanan niya sa murang edad. Pagod na siya, anak. Hayaan na natin siyang magpahinga.”

Biglaan ang mga pangyayari. Nalungkot ang lahat, hindi lamang sina Isay. Marahil ang iba ay inuusig ng kanilang konsensiya. Na kung mabibigyan sila ng isa pang pagkakataon at makababalik sa nakaraan, tutulungan na nila ito at hindi na itataboy.

Napagpasyahan ng mga tao na dalhin siya sa simbahan. Hindi lamang dahil sa naniniwala pa rin silang may kakaiba itong kakayahan, kundi upang ipagdasal. Napag-usapan din ng lahat na pagtulungan ang gastos sa pagpapalibing sa dalagita.

Ihiniga nila ito sa harap ng altar. Ang iba’y nagdarasal. Ang iba’y nagku-kwentuhan. Subalit naagaw ang kanilang pansin nang mapasigaw ang sakristan na paalis na sana mula sa pagsisindi ng kandila.

Natunghayan nila ang maputing imahe na hugis tao. Malaki at kulay puti ang kaniyang pakpak. Hindi gano’n kalinaw ang imahe sa kanilang paningin, kung totoo ba ang kanilang nasisilayan. Subalit naniwala silang isa itong anghel. Unti-unti itong lumutang paitaas habang tangan ang isang liwanag din na tila isang bata hanggang sa tuluyan itong maglaho. Pinaniwalaan din nilang ito ay si Mara.

Napaluhod ang lahat. Nag-iyakan. Ang sakristan na unang nakakita rito, lingid sa kanilang kaalaman ay lihim na humawak kay Mara at ihinaplos sa kaniyang kanang mata na hindi nakakakita. Napaluha siya nang makakita ito. Tumabi siya sa mga tao. Nagdasal at nagpasalamat. Marahil ay hindi lamang siya. Maaring mayroon pang iba ngunit piniling tumahimik na lang at magpasalamat.

Sa huling sandali ni Mara sa lupa, hindi man naging maganda ang trato ng lahat sa kaniya noon, ang kaniyang biglaang paglisan ang nagbuklod sa mga tao. Siya’y mananatiling buhay sa kanilang alaala, bilang isang ordinaryong dalagita na nag-iwan ng malaking leksyon sa kanilang mga buhay.

WAKAS

Scroll to Top