Bagong Buhay

Bahagyang nanikip ang dibdib ni Renzo habang nagmamadaling tinatahak ang eskinita papalayo sa pier at papunta sa bahay nila. Ngayon na lang siya napatakbo nang ganito ulit; gumuguhit sa baga niya ang bawat hinga. Lalo lang siyang pinahihirapan ng samot-saring nakahambalang na bagay sa masikip nang daanan. Sa kaliwa, isang babaeng nagtatapon ng masabong pinagbanlawan mula sa palanggana. Sa kanan naman, kumakaluskos ang mga panabong na manok sa mga hawla nito. Pagdaan malapit dito, pinigil ni Renzo ang paghinga upang hindi maamoy ang nangangalingasaw na ipot ng mga ibon.

Malapit na, sabi ni Renzo, panghimok sa sarili upang makalimutan niya ang patuloy pa ring kirot sa dibdib at sakit ng mga paang hindi na sanay sa ganitong takbuhan.

Ilang buwan na siyang hindi gumagamit, ngunit imbes na bumuti ay para bang bawat araw na nagdadaan ay nilalabanan siya ng katawan niya dahil sa desisyong iyon. Tila hindi pa rin makapaniwalang pinili niyang bitiwan ang dating nakasanayan na. Traydor, bulong ng katawan niya habang kung ano-anong sakit ang ibinabato nito sa kaniya. Traydor, bulong ng utak niya habang inaalala ng mga bibig niya ang lasa, saya, pakiramdam na kayang ibigay ng kahit gadaliri lang na dami nito.

Itinulak ni Renzo sa likod ng isipan ang mga iniindang ito. Hindi ngayon. Bagkus, muli niyang binasa sa isipan ang text ng kapatid na si Julie:

kua nngangank na c ate cel

Nakahanap ang mga paa niya ng panibagong lakas para bilisan pa ang takbo.

Limang buwan ang nakakaraan, sinabi ng kinakasama niyang si Maricel na buntis ito. Magda-dalawang buwan na raw, sabi sa kaniya ng nurse sa barangay health center. Noong linggo ring iyon, tumigil si Renzo sa paggamit ng droga.

Hindi rin malinaw sa kaniya kung saan niya nahanap ang lakas ng loob para gawin iyon. Matagal na rin siyang pinagsasabihan ni Maricel na tama na Renzo, itigil n’yo na ‘yan, mamamatay ka d’yan ngunit kung bakit ngayon niya lang binitiwan, hindi niya rin alam. Ang nasa isip niya lang, kailangang naroon siya—siya na buo—para sa magiging anak nila.

Mahirap bumitaw. Magigising siya minsan sa gitna ng gabi na tagaktak ng pawis, tuyo ang bibig. Parang may gustong lumabas sa ilalim ng balat niya na hindi makawala. Sumasakit ang dibdib niya; hindi, mali, hindi lang dibdib—siya na mismo ang sakit. Tahimik niyang iniinda ang mga ito upang hindi magising si Maricel. Minsan naiisip niyang mas madali pa ang mamatay kaysa sa mga gabing gaya nito.

Madalas ang temptasyon. Pag-uwi niya mula sa trabaho sa pier, aayain siya ng mga dati niyang kasama. Para namang walang pakisama ‘to, sasabihin nila. Kaunti lang. Sandali lang tayo. Sa mga pagkakataong ito, idadahilan niyang hinihintay na siya ni Maricel sa bahay. Na may ipinapagawa ito na kailangan niyang asikasuhin. Na wala rin naman siyang pera pambayad sa ni isang sachet. Sa labas, bahagya siyang tatawa habang sinasabi ang mga ito. Sa loob, para siyang batak na pisi na kaunti na lang ay mapuputol na.

Maraming beses—kadalasan tuwing sa mga gabing nagigising siya—na naisipan na niyang umalis. Iwan si Maricel. Iwan ang magiging anak nila. Kakatukin niya ang mga dating kasama. Itatanong kung may tira pa ba sila, kahit kaunti lang, may pera siya, ito, kanila na, kahit tikim lang, parang awa na nila.

Sa gilid niya, uunat nang kaunti si Maricel ang makikita niya ang papalaking tiyan nito. Ipagpapaliban niya muna ang pagtakas, kahit ngayong gabi lang. (Ito rin ang sasabihin niya sa sarili sa mga susunod pang gabi.)

Tatlong liko na lang at mararating na ni Renzo ang bahay nila. Alam niyang nasa mabuting mga kamay si Maricel. Noong nakaraang buwan, nakausap na niya ang kumadrona sa lugar nila na si Manang Luisa para umalalay kay Maricel sa pagbubuntis nito. Nandoon din naman si Julie. Ngunit gusto niya sanang nandoon din siya sa paglabas ng anak niya, ang marinig ang unang iyak nito.

Pagpihit ni Renzo pakaliwa, bumunggo siya sa isang lalaking nakauniporme. Pareho silang naitulak pabalik ng puwersa ng pagkakabunggo.

“Tang ina, hindi ka ba tumitingin sa dinadaanan mo?” sigaw ng lalaki habang pinupulot nito ang nalaglag na sumbrero.

“Pasensiya na ho, boss,” tugon ni Renzo. Hindi ngayon ang panahon para makipagtalo sa kahit sino, lalo na sa isang pulis. Kailangan niya na umuwi. “Sorry ho, tsip,” ulit niya sabay payukong lulusot sa gilid ng pulis.

Bago pa siya makahakbang, hinawakan ni tsip ang balikat niya. Sinipat si Renzo. “Bakit ka tumatakbo? Snatcher ka ata e.”

“Hindi ho, ano ho, nagmamadali lang ho pauwi at si misis.” Binuksan ni Renzo ang backpack na dala. “Puro gamit lang ho sa trabaho ang laman nito.”

Ngunit hindi interesado si tsip na silipin ang laman ng bag ni Renzo. Humigpit lang lalo ang hawak nito sa balikat niya. “ID.”

Pinakita niya ang ID niyang gamit sa trabaho sa pier. Kinuha ni tsip. Bumitaw na ang kamay nito sa balikat niya at bumunot ng listahan sa bulsa.

Ilang segundo lang ang lumipas para ikumpara ni tsip ang pangalang nasa ID niya sa listahan. Dinukot pa lang ni tsip ang listahang iyon, alam na Renzo kung anong mangyayari. Naisip niya si Maricel—umiire pa kaya ito ngayon o naipanganak na kaya ang anak nila? Lalaki ba o babae? Naibilin niya nga ba kay Julie kung saan nakatago ang ipambabayad kay Manang Luisa?

Ilang segundo, ngunit parang buong buhay na niya siyang nakatayo roon.

“Tsip, kailangan ko na ho talaga umuwi, naghihintay ho ang asawa ko.” Huling pakiusap. Huling pag-asa na baka maghimala. Huling tsansa para makauwi.

Tumingin lang sa kaniya si tsip. “Nasa watchlist ka namin.”

Dugo. Pawis. Panghi. Basura. Nakasubsob si Renzo sa sulok ng eskinita na nagtatapos sa isang pader. Hindi niya alam kung gaano na sila katagal rito. Hindi na rin niya alam kung saan ang dito. Gusto man niyang tingnan ay ayaw bumukas nang tuluyan ng mga namamaga niyang mata.

Tatlo na sila ngayon. Bumulong si tsip sa mga kasamahan niya. Sumagot naman ang mga ito. Naaninag ni Renzo ang usapan kahit hindi umaabot sa tenga niya ang mga salitang binibitawan.

“Manganganak ho ang misis ko,” sumamo ni Renzo. “Nagbagong-buhay na ho ako.” Dinig niya sa parehong tenga ang lakas ng kabog ng sariling dibdib. Ang ingay ng mga langaw na nagpipiyesta sa niluluhuran niyang tambakan ng basura. Ang pasuray na pagkanta ng isang lalaking nagvi-videoke ilang kanto mula sa kung nasaan siya. Ang iyak ng isang sanggol.

Tumango si tsip sa mga kasama nito at binunot ang baril sa beywang.

Isang putok. Pagkatapos, katahimikan.

Matinis ang iyak ng bata habang nililinis ni Manang Luisa ang dugo mula sa katawan nito. Matapos ibalot ng lampin, iniabot ng kumadrona ang bata kay Maricel. Bakas sa mukha ng bagong ina ang hirap ng panganganak, pawisan ang mukha na kinapitan naman ng mga buhok niyang nakawala sa pagkakatali nito kanina.

Dinuyan nang marahan ni Maricel ang bata, ngunit lalo lang lumakas ang hiyaw nito. Nasaan na ba si Renzo? Hindi ba siya pinayagan ng supervisor niyang umuwi nang maaga? Hindi ba nito natanggap ang text ni Julie?

Lumapit si Julie sa mag-ina at sinilip ang sanggol. “Ate ‘cel, anong ipapangalan n’yo ni kuya sa baby?”

Patuloy pa rin sa pag-iyak ang bata. “Hintayin muna natin ang kuya Renzo mo,” tugon ni Maricel.

WAKAS

Scroll to Top