Bahay-bahayan

Ilang minuto na si Anton sa labas ng inuupahang bahay ng Kuya niya. Pangatlong istik na ng yosi ang hawak niya. Hithit-buga. Kakatok ba siya? Taragis na buhay ‘to, bulong niya sa sarili. Hithit-buga. Mabigat kasi sa loob niyang humingi ng tulong dito dahil sermon lang ang aabutin niya. At ipapamukha na naman sa kanya ang mga pinagdaanan niya. Na kesyo wala siyang magawang mabuti at puro problema ang dala. Saktong huling hithit niya sa yosi nang biglang bumukas ang pinto.

“Hoy, ano papasok ka ba? E, kanina pa kita nasisilip sa bintana, balak mo yatang sunugin yang baga mo, e. O, bakit may dala kang bag? Game-over na ba?” Sunod-sunod na dakdak ng kuya niya.

“Kasi Kuya,” nahihiya niyang simula tuloy pasok sa loob ng bahay.

“Iyan na nga ba ang sinasabi ko sa yong tukmol ka,” litanya pa rin habang nagtitimpla ng kape, “Ano, ha? Pinalayas ka?”

“Hindi a. Ako ang umalis dun, bahala siya sa buhay niya,” pagmamalaki niya kahit ang totoo, ibinabato sa kanya yung mga damit sa mukha niya kanina.

“O, e ano ngang nangyari? Ayawan na?” tanong ulit ng Kuya niya at inilapag ang kape sa lamesa.

Taragis, napaisip tuloy siya. Napabuntong-hininga.

Ano nga bang nangyari sa kanila ni Lyn?

Kababata niya si Lyn. Paboritong kalaro kahit wala naman talagang kakwenta-kwentang kalaro.
Kung hindi pa siya magkukunyaring nadapa, hindi man lang mananalo sa karera sa takbuhan papunta sa tindahan ni Aling Simang. Parati ring talo sa teks at pogs. Kaya nga sa tumbang preso, pag talagang burot na si Lyn, nagpapataya na talaga siya. Yung tipong patatamaan lang ang lata pero hindi patutumbahin. Yun ang diskarte niya sabay kamot sa ulo.

Gayundin sa mga koponang laro, gusto niya parating kasama ang kababata. Pakiramdam niya, may Muse sa grupo dahil talaga namang si Lyn ang pinakamagandang bata sa Manggahan. Halos lahat silang mga bata doon ay sunog ang balat sa araw samantalang si Lyn ay medyo mapusyaw ang kulay at may biloy sa magkabilang pisngi kapag ngumingiti. Pagka-ganoon, lalo siyang nagpapasikat kay Lyn para maipanalo ang laro, patintero man o beysbol (na binilog na medyas ang bola). At siyempre, mag-aakapan silang grupo kahit matalo at gusto-gusto niyang naaamoy ang amoy-araw na buhok ng kababata. Masaya siya noon kahit madalas silang tuksuhin na kape’t gatas kapag magkapartner sa piko. Minsan, nagbabahay-bahayan din sila, partner-partner tapos pagandahan ng itatayong bahay. Naalala niya, sa kanila ni Lyn ang pinakamaganda kasi yung bahay nila, sa sanga ng puno. At bahay-bahayan lang talaga ang pinanalunan nilang laro.

Kahit parating sunog-bahay at kulelat, masaya naman dahil magkakampi sila.

Si Lyn rin yung itinuring niyang pinakamatalik na kaibigan. Andoon ito nung manalo sa basketbol ang koponan nila sa liga ng baranggay. Andoon din ito noong maghiwalay yung nanay at tatay niya. Ang sama-sama ng pakiramdam niya noon. Paano ba niya tatanggapin ang mga tukso ng ibang bata na iniwan siya ng tatay niya. Si Lyn lang yung batang hindi nanukso sa kanya.

Naghahanap siya ng dahilan kung bakit ba naghihiwalay ang mag-asawa. Sa murang isipan niya, nagtataka siya. Dumarating ba talaga sa punto na nagkakasawaan kahit mag-asawa na? Isang taon ang lumipas, yung nanay naman niya yung umalis. Inihabilin sila ng Kuya niya sa isang tiyahin.

Iyun ang pinakamasakit na nangyari sa kanya. Naglalaro sila noon ng patintero nang sunduin siya ng Kuya niya. Aalis daw kasi yung nanay nila. Pupunta ng Iloilo dahil maysakit ang lolo nila. Iyak siya ng iyak noon, gusto nga niya sumama kaya lang madali lang naman daw dun ang nanay niya.

Sampung taong gulang siya noon pero hindi siya nahiyang humabol sa traysikel na nagdala sa Nanay niya sa sakayan ng bus. Naiwan pa niya yung kaliwang tsinelas niya sa pagtakbo. Mahirap intindihin kung bakit sila iniiwan ng mga magulang. Kaya nangako siya noon, kung sakaling magkapamilya siya, hinding-hindi niya gagawin ang ganoon. Alam niya kasi kung gaano kasakit.

Pagbalik niya sa bahay nila, hawak ni Lyn yung naiwan niyang kaliwang tsinelas.
******************************

Kanina pa umiiyak si Lyn. Namumugto na nga ang mata niya at halos ayaw niyang lumabas ng kuwarto. Nahihiya kasi siya sa Nanay niya. Baka sabihin na namang kumuha lang siya ng batong ipupukpok sa ulo. Si Anton naman kasi, parang hindi pa rin makawala sa buhay-binata. Nakikitira na nga lang sila at dagdag palamunin sa bahay, nakukuha pang makipag-inuman sa barkada. At heto nga, nasagad na yung pisi niya. Pagod na pagod siya sa pag-aalaga ng bata. Parang siya lang kasi ang nagsasakripisyo sa kanilang dalawa. Hindi naman siguro masamang maglabas ng sama ng loob. Napuno na lang talaga siya. At sa may-kwenta-walang-kwentang tungayaw nila, umabot sa puntong pinalayas niya si Anton.

Ano bang nangyari sa kanila? Napakalayo sa inaasam niyang buhay. Yung magkakampi sa lahat ng laro. Kahit talo, basta magkasama. Hindi pala simpleng buhay ang pinasok nila. Pinipilit niyang alalahanin. Asan na ang tag-team nilang dalawa?

Tangi ang pagtingin niya kay Anton noong nag-aaral sila. Dangan kasi, si Anton ang tagapagtanggol niya kapag may umaaway sa kanya. Tagabuhat ng libro kapag pauwi at papasok sa eskwela. Noon pa man, humahanga na siya sa kakisigan nito lalo pag labas ang mapuputing ngipin. Mabait pa at maaasahan. Kinikilig-kilig pa siya nung minsang maglaro sila ng FLAMES ng mga kaklase niyang babae, Marriage yung lumabas sa pangalan nila ni Anton. Tinukso-tukso siya pero sabi niya, napakaimposible dahil wala pa sa isip niya ang mga ganun. Magiging titser pa siya gaya ng pangarap ng mga magulang. Magiging Ma’am Lyn siya sa iskul na pinapasukan nila.

Isang beses, nakita niyang may nakaipit na sulat sa isang libro niya. Lalo siyang kinilig nang malamang kay Anton galing. Loveletter. Sa murang edad, kakaibang saya ang dulot nito. Simula noon, lalong naging magiliw si Anton sa kanya. Kapag umuulan, okay lang na mabasa sila parehas basta magkasukob sa isang payong. Madalas din siya nitong bigyan ng rosas na origami na parating iniipit sa mga gamit niya.

Oo, Mahal na din kita, Anton. Iyun ang saktong linya kung paano niya sinagot si Anton. Talagang itinapat niya iyun sa JS Prom. Araw ng mga puso. Para mas espesyal. Mas makahulugan. Sa saliw ng kantang You Are My Song ni Martin Nievera, ipinagtapat nila sa isa’t isa na hindi na lang sila magkababata o magkaklase. Hindi lang sila magkaibigan. Magkasintahan na sila. Salitang nagdudulot sa kanya ng kakaibang kilig at pintig. Unang pag-ibig. Iyun siguro ang pinakamasayang karanasan ng buhay high school niya.

Ganoon pa man, mas matindi pa rin ang dating ng salitang Ma’am kaysa Marriage. Takot niya lang sa Nanay niya. Baka mapatay siya kapag nalamang may kasintahan na siya. Kaya, nanatiling lihim sa kanyang mga magulang ang pakikipagkasundo niya sa binata. Malamang paglayuin sila ng mga ito. At ayaw niyang mangyari yun.

Lihim na binaon nila hanggang sa kolehiyo. Masuwerte naman at isang kolehiyo lang ang pinasukan nila. Siya, kumuha ng kurso sa pagtuturo at si Anton, kumuha ng Management.
Ayos na ayos. Sabay silang bumubuo ng pangarap. Magkakampi na naman sila.

***********************************

“E, paano si Junior? Ano yun? Iiwanan mo na lang dun? Hindi yun aso, Anton. Mag-isip ka nga,” banat pa rin ng Kuya niya. “Alam mo naman siguro ang pakiramdam ng iniiwan. Ilang araw ka ba dito?”

“Hindi ko pa alam. Magpapalamig lang siguro ako. Nasasakal ako kay Lyn pero hindi ko rin naman kayang tiisin si Junior.”

Oo, si Junior. Bunga ng pagmamahalan nila ni Lyn. Bunga ng isang sandali ng kapusukan.
Wala ang Kuya niya noon. Inaya niya si Lyn sa bahay tulad ng madalas nilang ginagawa kapag may mahirap na aralin. Dati na naman silang naiiwan doon pero iba ang sandaling iyun. Iba ang pakiramdam niya. Ano kaya kung subukan nilang gawin ang bagay na iyun? Subok lang naman. Agad niyang hinalikan si Lyn na tumatanggi noong una. Pagkatapos, naglakbay ang kanyang kamay sa mga lugar na si Lyn lang ang tanging nagsasabon. Umiiwas noong una ngunit nang maglaon, sumasabay na rin sa sayaw na likha. Ang halik ay naging mariin. Ang akap ay naging mahigpit. Unti-unti, nadarang sila sa init. Walang pakialam sa nangyayari sa paligid. Kahit ang hiyawan ng mga bata sa labas ng bahay. Noong panahong iyun, nagkaroon ng linya sa kanilang buhay. Tumawid sila sa mga guhit na itinakda ng matatanda.

Ganoon pala ang pakiramdam. Masarap pagsaluhan ang pagmamahal. Swabe ang bawat galaw. May sariling ritmo ang katawan. Umiindayog sa musikang hatid ng mga tibok ng puso.
Parang basketbol. Paulit-ulit na pagbuslo. Parang holen sa butas. Saktong-sakto. Parang habulan. Pinagpapawisan hanggang sa makarating sa tindahan ni Aling Simang. Parang perpektong pares. Ang kanya ay para kay Lyn. Ang kay Lyn ay para sa kanya.
Bakit kaya ipinagbawal yaon ng matatanda? Makasarili sila. Bakit kailangang sila lang ang maging maligaya at magsalo ng mga ganoong pagkakaton?

Ang mga tanong na iyon ay sinagot ni Lyn pagkatapos ng ilang buwan.

“Anton, kinakabahan ako. Dalawang buwan nang wala akong dalaw,” may pangamba sa mukha niya habang kumakain sila ng ice cream sa lagoon sa kolehiyo nila.
“Anong dalaw?” nakakunot si Anton sabay kagat sa malamig na ice cream.
“Anton, buntis yata ako. Natatakot ako,” nangingilid ang luha ni Lyn.
“HA??? Taragis, sigurado ka?” Naluwa ni Anton ang kinakain. Bad trip, bakit biglang pumait ang kinakain nilang ice cream?

**********************************

Sabay silang pumasok sa simbahan ng Quiapo pagkatapos ng klase. Magkatabing lumuhod. Mataimtim na nanalangin kung anong sunod nilang hakbangin. Humingi ng tulong. Humingi ng kaliwanagan. Humingi ng tawad.

Paglabas ng simbahan, ngayon lang nila napagtuunan ng pansin ang mga tao sa paligid. May mga babaeng nagtitinda ng kung anu-anong halaman. Pamparegla. Pampaputi. Pangontra sa ganito-ganyang sakit. Nakakatawang nasa labas lang ang mga ito ng simbahan. Hindi ba labag ito sa Kanyang kautusan?
Lumapit si Anton sa isang tindera. Lalong kinabahan si Lyn. Maiintindihan ba sila ng Diyos na kinausap nila kanina?

*************************************

Nakatingin sa kisame si Lyn. Sumusunod ang diwa niya sa umiikot na electric fan. Hindi ba kasalanan ang gagawin nila? Buhay na yung nasa sinapupunan niya.

Nakahiga siya sa isang manipis na kutson, may nakatakip na kumot sa ibabang bahagi ng katawan. Nakabukaka. Napalingon siya sa lamesa. May bulak. May alcohol. May mga stainless na instrumento. Bumilis ang tibok ng puso niya. Mabilis na mabilis. Parang nagkakarera. Pintig ng puso niya at ng batang nasa sinapupunan niya.

Pumikit siya. Nabigla nang may dumamping kamay sa hita. Napaluha siya. Napailing. Nanginginig.

“Sigurado ka na ba?” tanong ng may edad na babaeng kausap ni Anton kanina. Nakakatakot ang hitsura ng matandang walang ngipin at parang hindi nagsusuklay.

“Siguradong-sigurado po.” At tuluyan na siyang humagulhol. Humagulhol nang humagulhol.

***********************************

“Putsa naman, Anton. Hindi ka ba nag-iisip? Tarantado ka, disi-syete pa lang kayo, a.” Namumula sa galit ang Kuya niya. “Putsa, ka naman, nagpapagod akong mapag-aral ka tapos ganito lang ang isusukli mo. Ang kapal naman ng mukha mo.”

Nanliit si Anton sa sarili niya. Kung nagiging suntok lang yung pagmumura, malamang bugbog-sarado na siya. Kunsabagay, ang kapal nga naman ng mukha niya. Sa ganitong paraan niya susuklian ang pagtayo bilang ama at ina ng Kuya niya.

Hindi makapagsalita si Anton. Anong sasabihin niya? Na hindi nila ginusto ang nangyari? Na pasensya? Ano bang magandang paliwanag?

“Sira-ulo ka, gago ka. Gago,” sabay sikmura sa kanya ng Kuya niya. Nagpaubaya na lang siya. Kung yun ang makakabayad sa sakit ng dinulot niya sa kapatid. Tatanggapin niya lahat.
“O, anong plano mo?”

************************************

Sari-saring emosyon ang naglalaro kay Lyn pagpasok sa bahay nila. Hindi siya makatingin nang diretso sa mga mata ng magulang niya. Tiningnan niya ang nakasabit na litrato nilang mag-anak. Nag-iisang anak. Puno ng kasiyahan. Pangarap ng buong pamilya niya ang makatapos siya at makapagturo sa eskwelahan ng baranggay. Hindi niya alam ngayon kung mabibigyan pa iyun ng katuparan.

Kinagabihan, habang nanonood ang kanyang ina at ama ng paboritong teleserye, umupo siya sa gitna nila.

“Nay, Tay, may sasabihin po akong mahalaga,” simula niya na parang may nakabara sa lalamunan niya.

Pinatay ng tatay niya ang tv. Naghihintay naman ang nanay niya.

“Nay, huwag po kayong mabibigla a.”

“Lyn, ayaw ko ng ganyan, mukhang ayoko ng sasabihin mo,” nagdilim na ang mukha ng nanay niya.

“Bayaan mo siyang magsalita,” mahinahong wika ng tatay niya.

“Nay, bu— buntis po ako,” sabay tutop ng mga palad sa mukha niya. Umiyak na siya. “Pasensya na po, tay. Huhuhu. Inay, sori po… Binigo ko kayo”

Tumayo ang tatay niya. Galit na galit ang hitsura at pagkatapos ay sinuntok ang pinto nila. Nawasak ang pinto. Parang yung pangarap ng pamilya niya. Hindi ganitong bunga ang nais niya. Nagsugat ang kamay ng tatay niya. Pero, alam ni Lyn, mas nagdurugo ang puso nito. Noon lang niya narinig magmura ang tatay niya. Kung mura sa tadhana o mura para sa kanya, hindi niya alam.

Hindi naman makapagsalita ang nanay niya. Pigil na pigil. Tumayo papunta sa kusina. Kumuha ng baso pero hindi pa nalalagyan ng tubig nang biglang bumagsak sa sahig. Nawalan ng malay.
Ang nangyaring iyon ang pinakamalaking teleserye na pinag-usapan sa Manggahan kinabukasan. Naghalo na ang kape at gatas. Tatay na si Totoy. Nanay na si Nene.

****************************

Minsan lang sila sumubok gawin ang bagay na iyun pero ang laki pala ng epekto.
Nagkasundo ang dalawang partido na ayusin ang lahat. Ano pa nga bang magagawa? Hindi sila pwedeng ikasal dahil mga menor de edad pa. Tumigil sa pag-aaral si Lyn at si Anton naman ay kinailangan mag-working student para naman kahit paano, nag-aakyat rin siya ng pera para sa kanila ni Lyn. Tumira naman muna si Anton sa bahay nina Lyn.

Nahinto ang pagbuo nila ng pangarap para harapin ang katotohanan. Ang humarap sa sitwasyong huhusga sa pagiging tao nila. Mabuti na yung gayon kaysa sa ipalaglag nila. Kung may dapat silang ipagmalaki, marahil, iyun ay ang pagiging matapang nila. Ang isang pagkakamali ay hindi pwedeng takpan ng isa pang pagkakamali.

Sa kama ni Lyn, nakahiga silang dalawa.

“Mahal, natatandaan mo pa ba noong mga bata pa tayo?” si Lyn. “Noong naglalaro tayo ng bahay-bahayan?”

“Oo nga, no. Para lang ulit tayong mga bata. Yung nga lang, totoong bata na ang magiging beybi mo. Kaya mo kayang maging mabait na ina?”
“Ikaw? Kaya mo na kaming buhaying mag-ina? Hindi na pwedeng ilagay sa mesa yung dahon ng mga halaman,” nakangiting sagot ng kausap. “Alam mo ba, naglalaro kami dati ng FLAMES, Marriage yung lumabas sa pangalan nating dalawa. Parang ang bilis namang nangyari.”

“Hehehe. Nagsisisi ka ba?”

“Ginusto naman natin ‘to, e. Pero sana pala, naghintay tayo. Mas mauuna pa kong tawaging Mommy kesa sa Ma’am.”

“Oo nga, Sana naghintay tayo. Mahirap din pala yung ganitong sitwasyon.”
Dumaan ang mga buwan. Lumipas ang mga araw. Lumaki na ang tiyan ni Lyn at nakaw-tingin silang dalawa tuwing magpapatingin sa health center. Pinakabatang nakapila sa mga buntis na nagpapakonsulta. Mga menor de edad na hindi nag-isip para sa kanilang kinabukasan.

***************************

Palakad-lakad si Anton habang nagdarasal sa labas ng delivery room “Lord, Ikaw na bahala sa mag-ina ko.”

Dalawang oras bago sila sumugod sa hospital, sumakit ang tiyan ni Lyn. Sinundo kaagad niya si Aling Simang na isang hilot. Kaya lang, dahil sa sobrang hirap, hindi yata makayanan ni Lyn. Sabi ni Aling Simang, bata pa raw kasi. Malaki ang takot sa dibdib.

Takot. Iyun din ang nararamdaman niya nang panahong iyun. Kasi nga bata pa si Lyn, paano kung hindi niya makayanan? Paano kung papiliin sila ng doktor tulad ng napapanood niya sa mga pelikula. Si Lyn o ang magiging anak niya? Napapikit uli siya,” Lord, ikaw na ang bahala sa mag-ina ko.”

Naging ligtas ang panganganak ni Lyn sa Junior nila. Hindi niya maipaliwanag na may anak na siya. Nakabuo sila ng tao. Galing sa laman niya at ni Lyn.
Masaya na may halong takot. Lalo na nang unang beses niyang kargahin ang sanggol. Napaluha siya. Nangako na bibigyan ng magandang bukas ang kargang bata. Kung paano. Hindi niya alam.

*****************************

Mahirap palang mag-alaga ng bata. Iyan ang nasa isip ni Lyn. Halos isang oras na lang yata siyang natutulog sa gabi dahil sa pag-iyak ng baby niya. Tapos, sa umaga, maglalaba pa siya ng mga damit nito, maglilinis ng tsupon, magtitimpla na ulit ng gatas, tapos mamayang konti gabi na naman. Nahihiya naman siyang magreklamo sa Nanay niya.

Kung tutuusin, pinagpala pa rin sila ng Diyos dahil may mga magulang silang hindi sila itinakwil noong madapa sila. Ganoon naman yata pag naging magulang. Parating nakasalalay sa mga anak. Tagabangon kapag nadadapa. Tagabigay ng lakas kapag nanghihina.
Hindi na niya maasikaso si Anton. Kulang na nga siya ng panahon sa sarili, pati ba naman ito aalagaan pa niya? Pero napansin niya medyo nangayayat. Nahihirapan din sigurong balansehin ang pag-aaral, pagtatrabaho at pagiging ama.

Buti nga si Anton, nag-aaral. Nakakalabas ng bahay. E siya, nakulong na sa pag-aalaga ng bata.

Iyun ang pinag-awayan nila kagabi. Hindi pa nga siya nakakabawi ng tulog mula sa puyat noong isang gabi tapos malaman niya, hindi pala ito sa trabaho galing kundi sa inuman ng kaklase. Debut yata. Sino ba naman ang hindi iinit ang ulo?
Pero aminado siya, napasobra nga yata ang pagmumura niya. Ibinato pa niya sa mukha nito ang mga damit at pinalayas.

Nagpapakulo siya ng tubig para sa gatas ni Junior nang may biglang kumatok sa pintuan nila. Pagbukas niya ng pinto, andun si Anton. Nakatayo. May dalang bulaklak.

“Mahal, pasensya na, a. Di bale, mas magiging responsable na ako sa inyong dalawa ni Junior,” sabay yakap sa kanya.

“Hmmp, pangako?”

“Oo, pangako.”

“O sige, sori na din. Medyo masungit ako nitong mga nakaraang araw. Sige na, bati na tayo.” At hinalikan niya sa pisngi si Anton.

Mahirap pumasok sa isang sitwasyong kagaya ng sa kanila ni Anton. Pero, gaya ng pagtatayo nila ng bahay-bahayan sa sanga ng puno, kakayanin nila para lang maging maganda ang kalabasan. Marami pa silang haharapin at pagdaraan pero batid niya, makakaya nila. Dahil kahit parati silang kulelat at sunog-bahay sa mga laro, masaya pa rin dahil silang dalawa ang magkakampi. Kahit paano, naniniwala pa rin siyang sa suporta ng mga taong nasa paligid nila, kayang-kaya nilang bumuo ng mas maaliwalas na bukas.

Scroll to Top