Bangketa

Bumangon ako sa pagkakalugmok. Sa isang sulok ng bangketa sumuko na ang aking nanginginig na mga tuhod.

Hilong-hilo. Sukang-suka. Malamig ang mga palad. Malamig ang pawis sa noong malagkit.

Tumingin ako sa paligid kong tila umiikot. Nabibingi sa ingay ng mga tao at sasakyan. Nilalamig kahit pa maalinsangan.

Pinilit kong tumayo. Nakasakbit pa din ang aking bag sa likod na may iilang nahiram na libro at kwaderno. Hawak sa kanang kamay ang panyong magkahalong pawis at usok ang amoy. Nakasabit pa din sa kaliwang kamay ang mga sampagitang hindi nabenta.

Kailangan ko na umuwi. Kailangang makarating sa bahay bago pa magdilim.

Araw-araw akong umuuwi kasabay ng paglisan ng araw. Araw-araw ko itong hinahabol kahit araw-araw niya din akong nililisan. Napapanatag ang loob ko pag nakikita ko ang ganda ng pagpapalit ng kulay ng ulap. Mula sa asul ay nagiging kahel.

Pero sa ngayon, hindi ko muna pinansin ang kagandahan ng nagbabadyang takipsilim.

Halos igapang ko na ang aking sarili pauwi. Pagdating sa bahay ay dumiretso agad sa banyo para iluwa ang kung ano mang nagkukumawala sa aking sikmura.

Tubig. Tubig at tubig. Iyon lang ang nailabas dahil iyon lang ang laman.

Nagmumog ako para mawala ang kung ano mang nangangasim sa aking panlasa.

Lumabas ako ng banyo. Nasa bulsa ko ang treinta pesos na kinita ko sa pagtitinda ng sampaguita. Pambili ng bigas at noodles.

Dumilim. Unti-unting dumilim.

Muling nagliwanag. May malamig na dumadampi sa aking pisngi. Bimpong may yelo.

Kain na nang makainom ng gamot. Taas ng lagnat mo, sabi ni nanay. Dahan-dahan niya akong inalalayang bumangon.

Nakahain na sa hapag ang kanin at noodles. Humigop ako ng mainit na sabaw. Ang ginhawa sa sikmura.

Nilagyan ni nanay ng kanin ang mangkok na may sabaw at noodles. Sumandok at hinipan bago isinubo ang kutsara kay Julius.

Ludels. Ludels. Ludels. Ludels.

Bukod sa nanay at ate, isa ang ludels (noodles) sa mga agad niyang natutunan na salita.

Paulit ulit niyang binabanggit ang salitang iyon habang nginunguya ang kanin at noodles at pabalik balik na pinauusad ang laruang kotse sa lamesa.

Palagi niya itong ginagawa. Ang pagbanggit sa salitang ludels nang paulit-ulit kapag iyon ang ulam. Di ko alam kung paborito niya ito o sawa na siya rito o ito lang ang alam niyang pagkain.

Ninamnam ko ang mainit na sabaw at kaunting kanin na para bang ito ang pinakamasarap na pagkain kong natikman. Aalalahanin ko ang pakiramdam na ito sa sa tuwing kumakalam ang aking tiyan para makalimutan ko ang pakiramdam na dulot ng gutom.

Matapos kumain at magligpit, ay humilata na si nanay at si Julius. Gising pa at dumedede si Julius ay tulog na si nanay. Ako naman ay magbubuklat pa ng mga librong nahiram.

Pangarap kong maging guro balang araw. Gurong magtuturo sa mga batang tulad ko na walang pambayad ng matrikula, walang pambili ng libro, walang pambaon, walang makain.

Simple lang naman ang pangarap ko pero parang malabo pang maisakatuparan ko ito.

Hindi ko alam kung makakatapos pa ako ng hayskul sa ganitong kalagayan. Hindi nga sapat na pambili ng ulam yung kinikita ko sa pagtitinda ng sampagita. Hindi rin sapat ang kinikita ni nanay sa pa-ekstra-ekstra sa paglalabada para sa pangangailangan naming tatlo kahit magkandakuba pa siya.

Madalas nakatayo ako sa may bangketa pagtapos ng klase. Hawak ang sampaguita. Sakbit ang bag sa likod at naka uniporme pa. Katabi ko ang mga lalakeng nagtitinda ng basahan, balut at kendi.

Maraming dumadaan pero walang bumibili. Maraming dumadaan pero wala man lang tumitingin. Malayo pa sila ay umiiwas na, na parang ang paglapit ko para mag-alok ng sampagita ay paglapit ng isang taong may nakakahawang sakit.

Minsan iniisip ko, ano kaya kung isa ako sa mga taong dumaraan dito. Papansinin ko din kaya kapag may nag-alok ng sampagita? O iiwas din akong tulad ng ginagawa ng karamihan?

Sa bangketang ito nauubos ang mga hapon. Imbes na umuwi agad matapos ang klase, kailangan ko pang kumayod.

Marami ring estudyanteng tulad ko ang nag-uubos ng oras sa labas ng bahay nila pagtapos ng klase. Pero hindi para kumayod.

Marami naglalakad dito na mga kasing edad ko din. Madalas dumidiretso diyan sa may fastfood diyan sa kabilang kalsada. Umiinom ng softdrinks, kumakain ng ice cream. Nagkukuwentuhan. Nagtatawanan.

May iba namang naawa sa akin. Minsan may isang grupo ng kolehiyalang pa Ingles-Ingles pa habang nagtatawanan ang tumigil at nag-abot ng kahon ng donut. May isang piraso pa sa loob. Baka ayaw na nilang kainin o kaya ayaw na nailing bitbitin pa.

Tinanong ako minsan ni Mang Gimo, yung tindero ng basahan na madalas kong kasamang tumambay sa tabing kalsada. Payat at humpak ang mga pisngi nito at kaunti na lang ata ang ngipin. Laging nakasumbrerong kulay itim at may puting bimpo sa balikat.

Bakit ka pa nag-aaral? Mag-aasawa ka rin lang naman.

May dalawang anak si Mang Gimo ayon sa kwento niya. Nakatapos na nang hayskul ang panganay niyang babae kaya’t pinapasok niya sa tindahan ng isda sa palengke. Tindera na ito ng isda.

Ang bunsong anak niyang lalake naman ay matatapos na nang hayskul. Pag natapos na daw ito ay pagtitindahin niya na rin ng basahan. Dun niya papupwestuhin sa kabilang kalsada para daw lumaki ang teritoryo nila. Marangal naman daw ang trabaho nila at hindi sila nagnanakaw.

Ayus na daw ang makapag-aral ng kaunti. Basta marunong magbasa at magkwenta ng pera ay pwede na. Hindi ka na kayang lokohin ng mga edukadong mayayaman kapag nakakapagbasa ka. Iyon lang naman daw ang dahilan kung bakit niya pinag-aral at pinilit makatungtong ng hayskul ang kaniyang mga anak.

Isa pa, madami naman daw nakatapos ng kolehiyo na tambay. Bakit pa siya gagastos sa pag-papaaral kung ganun din lang? Mabuti pang habang maaga ay kumikita na sila.

Tingnan mo iyang mga estudyanteng iyan, sabay nguso niya sa mga paparating na grupo ng mga estudyanteng babae at lalake. Laging dumadaan ‘yang grupong iyan dito. Kay babata pa pasyota-syota na. Ilang buwan pa at may mabubuntis na diyan. Sayang lang pinapampaaral ng magulang.

Tumigil sa pagkukwento si Mang Gimo nung naging pula na ang ilaw ng stop light. Lumakad papunta sa mga sasakyan. Nag-aalok ng basahan.

May itim na kotseng nakatigil sa harap ko. Nag-aantay ng pagpapalit ng ilaw ng stop light. Bahagyang binuksan ang tinted na bintana. Dumungaw ang isang babaeng nakaantiparas.

Magkano lahat yan? Tanong ng babaeng napakaseryoso ng mukha. Di pa siya matanda pero di na rin siya bata. Makapal ang pink na lipstick.

Dali-dali kong binilang lahat ng hawak ko at madaliang kinwenta.

120 po.

Inabot niya ang malutong na isang daan at beinte. Kinuha lahat ng sampagita, sinara ang bintana at saka umarangkada ang sasakyan nung naging berde na ang ilaw sa stop light.

Ilang magkakasunod na araw pang dumaan ang itim na sasakyan at ang babaeng nakaantiparas. Ilang araw na napapakyaw ang tinda ko. Ilang araw kaming nakatikim ng isda at karne. Ilang araw ding hindi nabanggit ni Julius ang salitang ludels.

Ilang araw ding hindi ako nakipaghabulan sa nagtatagong araw sa kadapit-hapunan dahil maaga akong nakakauwi.

Nabuhay sa akin ang pag asa.

Nabuhay sa aking isip ang imahe ng kasaganaan, ng patuloy na pagkain ng maayos, ng patuloy na pag-aaral.

Dahil nakakauwi ako ng maaga, nagkaroon ako ng oras na mangarap. Ganadong-ganado akong basahin ang aking mga libro at gawin ang aking mga takda.

Nangangarap ako habang nakahilata sa gabi hanggang sa makatulog. Mga imahe nang pagtatapos. Imahe ng sarili kong nagtuturo sa mga batang katulad ko. Imahe ng sarili ko at ng mga pangarap na natupad.

Pero ang buhay ay sadyang mapaglaro. Pinatikim lang pala ako ng kaunting sarap, ng kaunting tamis ng pag-asa at pangarap.

Dumating ang araw na hindi na dumaan ang itim na kotse. Hindi na dumating ang aking pag-asa.

Nag-antay ako. Araw-araw. Hanggang sa lumubog ang araw. Hindi pa rin ito dumaan. Hindi na ito dumaan.

Bumalik kami sa dati.

Ludels. Ludels. Ludels. Ludels. Sabi ni Julius. Basag na ang bubong ng laruan niyang kotse pero patuloy niya pa rin itong pinapausad sa lamesa.

Isang mainit na hapon. Hilong-hilo ako. Nanginginig ang aking mga tuhod.

Kailangan ko lang kumita ng kaunti. Kahit kaunti lang. Sana dumaan siya. Kahit ngayon lang. Umaasa pa rin ako kahit alam kong hindi siya dadaan. Umaasa ako. Pinagdarasal ko.

Sumandal ako sa posteng sinasandalan din ni Mang Gimo habang nag-aantay sa pagpula ng ilaw ng stoplight.

Ok ka lang ba Ineng? Tanong ni Mang Gimo.

Nakita kong dumaan yung itim na sasakyan. Pinara ko. Hindi ito huminto. Hinabol ko. Bumagal ang takbo nito nung malapit na sa stoplight.

Pula na ang ilaw ng stoplight. Sabay kaming nanakbo ni Mang Gimo. Siya, para maglako ng basahan. Ako para magmakaawa. Kakatukin ko ang bintana ng kotseng iyon. Kahit na magmukha akong pulubi. Kailangan ko lang. May awa ang babaing nakaantiparas. Alam ko. Tutulungan niya ako.

Tumakbo ako. Malapit nang magberde ang ilaw. Pinilit kong habulin. Kailangan ko lang talaga.

Berde na ang ilaw. Umarangkada na ang mga sasakyan.

May bumusina. May pumreno. Dumilim.

Namulat ako sa mga ilaw na nakakasilaw. Puti ang mga pader. Walang tao. Nakaramdam ako ng uhaw. May nakita akong isang basong may tubig sa lamesa sa tabi ng kama. Sinubukan kong gumalaw. Hindi ako nakabangon. Bigla akong nakaramdam ng sakit ng katawan. Nakita ko ang mga benda sa braso ko.

Pumasok si nanay. Karga si Julius na nananamlay. Nakasandal ang ulo niya sa balikat ni nanay, hawak ang kotseng basag ang bubong.

Para kong biglang nagising at natauhan. Nagbalik sa huwisyo at nakaalala.

Naalala kung paano ako napunta dito. Kung bakit ako tumakbo sa kalsada. Kung bakit hinabol ko ang itim na kotse.

Gusto ko magsalita at magtanong kay nanay pero di kinayang magsalita nang nananakit kong panga. Gusto kong itanong kung nilalagnat pa ba si Julius, kung nakainom na ba siya ng gamot o kung nakakain na sila.

Pumikit ako. Tinanong ko sa kung sino man ang nakikinig, kung mayroon mang nakikinig sa tahimik kong pagsuko. Kung bakit hindi na lang niya ako hinayaan sa dilim. Bakit ko pa kinailangang mamulat muli sa liwanag gayong wala na rin naman akong makitang pag-asa?

***

Naglakad ako pauwi. Dahan-dahan at hindi naman ako nagmamadali. Minamasdan ko ang asul na ulap na unti-unting nagiging kahel.

Dinaanan ko ang posteng minsan ay magkabilaan naming sinandalan ni Mang Gimo. May nagtitinda ng basahan. Hindi na si Mang Gimo pero kamukhang-kamukha niya ito.

Naglakad ako pauwi, nakasakbit sa balikat ang bag kong naglalaman ng mga class record.

Napangiti ako sa naiisip. Ang bangketang ito na dinadaan-daanan lang ng karamihan ay naging malaking parte ng buhay ko. Malaking parte ng kung ano ako ngayon. Dito ako naghirap, nangarap, nakakita ng pag-asa at nawalan nito. Dito ako halos binawian na ng buhay para lang makatagpo ng mga tutulong para maibalik sa akin ito.

Minsan kung kailan akala mo tapos na ang lahat, iyon pa lang pala ang simula.

Sa bangketang ito ko nakilala ang taong nagsalba ng aking buhay.

Hinahabol ko noon ang itim na kotse ng babaeng nakaantipara nang ako ay mabangga ng isang kotseng paparating.

Hinahabol ko ang tangi kong pag-asa noong panahong iyon. At sa kakahabol ko ay nakalimutan ko na ang buhay ko. Nakalimutan kong may halaga rin ang buhay ko na higit pa kaysa sa pag-asang hinahabol ko.

Hindi ko makakalimutan ang ginawang pagtulong sa amin nung may-ari ng kotseng nakabunggo sa akin. Hindi nila kasalanan na tumatakbo ako sa gitna ng kalsada pero sinagot pa rin nila lahat ng gastusin ko sa ospital at tumulong na rin sa pagpapagamot kay Julius. Sila ang tumulong sa akin na magsimula muli.

Hindi ko rin makakalimutan ang aral na itinuro sa akin ng babaeng nakaantiparas. Tinuruan niya akong tingnan ang mundo sa ibang perspektibo. Hindi masamang magkaroon ng pangarap, at hindi masamang umasa. Ang masama ay kung aasa ka na lang nang hindi na nagsusumikap.

Saglit akong napahinto sa aking paglalakad. Ngayon ko lang napansin na sa kinatatayuan kong ito, ilang dipa mula sa posteng kinatatayuan ng anak ni Mang Gimo ay kitang-kita ko ang paglubog ng araw. Naalala ko kung paanong araw-araw ay hinahabol ko ito. Hindi ko naiintindihan kung bakit napapanatag ako pag nakikita ko ang paglubog nito, ang saglit na pamamaalam nito sa mundo.

Ngayon ko lang napagtanto.

Ang pag-asa ay parang araw. Iwan ka man nito sa takipsilim, babalik naman ito sa pagsapit ng bukang –liwayway.

Scroll to Top