alang taong dumadaan sa eskinita sa gabi. Walang maingay na mga batang naglalaro ng piko at bangsak. Tahimik lang at malamig ang simoy ng Enero. ‘Yan ang nagbighani kay Rolan sa ganitong oras ng gabi.
Hindi niya napansin na halos tatlong oras na rin siyang tutok sa pagbabasa ng mga hiniram niyang mga reviewer sa kababata at kapitbahay niyang si Danica. Isang taon na rin ang nakalipas simula nang makapagtapos si Rolan sa kursong Nursing. Sapagkat hindi pinalad na magkaroon ito ng magandang trabaho sa mga malalaking ospital dito sa Maynila. Mababa ang sahod, hindi sapat para tustusan ang dami ng gastusin sa bahay; ang pag-aaral ng apat pa niyang nakababatang kapatid, ang mga maintenance na gamot ng Tatay, at ang walang pagtigil na paghingi ng pera ng kanyang Ina para sa mga bisyo at suhol nito sa labas ng bahay.
Kaya kahit pinagtyagaan ni Rolan ng ilang buwan ang pagiging nars sa malapit na ospital, hindi nito kinaya ang mahabang oras na inilalaan niya araw-araw kasabay ng hindi kataasang sweldo sa laki ng oras na ginugugol nito.
Hindi rin nagtagal ay napahanap si Rolan ng trabaho sa isang malapit na call center. Pinili niyang sa night shift upang makatulong sa bahay tuwing umaga lalo na’t mas makakatipid kung magbabaon na lamang ang apat niyang kapatid kaysa baunan pa sa eskwelehan. Nahanap ni Rolan na mas madaling makagawa ng mga panggawaing bahay sa araw, at nagpapahinga na lamang ito mula tanghali hanggang hapon, at balik sa pagiging call center agent pagsapit ng alas-nuwebe ng gabi. Iniisip na lamang ni Rolan na kahit papano, sa kabutihang palad, ay sa health account ito naitakda sa kanyang trabaho.
Mahigit kumulang tatlong buwan na ang ganitong sistema kay Rolan. At kahit sa harap ng hirap ng buhay, hawak hawak pa rin ng puso niya ang pangarap na maging isang ganap at lisensyadong doktor – isang pangarap para magamot nang sarili ang kanyang Tatay. Kaya pinagkakasya niya ang oras ng kanyang pag-rebyu para sa NMAT, at maging isang hakbang papalapit sa kanyang hangaring makagamot ng maysakit.
Sa maliit na barung-barong ng kanilang bahay, ang apat niyang magkakapatid na babae ay nagkukumpulan sa isang kwarto habang ang Tatay niya ay namamalagi na lamang sa sofa ng sala dahil hirap na itong umakyat sa kwarto. Namalagi si Rolan sa isang kwarto malapit sa CR ng kanilang bahay. Kahit may kaliitan ito, ang mahalaga ay kasya rito ang isang kama at ang iilang mga librong hiniram ni Rolan na pinagpapatungan ng isang walang takip na bentilador.
“Anak, gabi na.” Banggit ng Tatay kay Rolan pasado alas-onse ng gabi. Sa pagpasok nito ay napansin nito ang kapal ng mga inaaaral ni Rolan at napabuntong-hininga. Tumango si Rolan sa kanyang ama habang inayos nito ang berdeng kulambo ng anak. “Lalabo mata mo n’yan. Aba, eh—halos wala pa namang ilaw dito sa kwarto mo. Siguro naman pwede mo namang ipagbukas ‘yan. Sabado naman at day-off mo ngayon, ‘nak. Bumawi ka ng pahinga.”
“Oho, Tay. Sandali na lang po ‘to.” Binuklat-buklat ni Rolan ang libro, at muling sinubukan na isang subtest sa Physics dito. Hindi nagtagal ay nakatulog rin si Rolan habang hawak hawak ang reviewer na nakalatag sa kanyang mukhang kinain ng mahimbing na tulog.
“ROLAN! Gising! Hinahanap ka ng nobya mo!” Paulit-ulit na tapik sa kanya ng kanyang Ina. Kumunot na lamang ang noo ni Rolan sa pagdilat ng kanyang mata. Alas-otso na, tingin niya sa relo.
“’Nay, wala po akong nobya. Ano pong nobya sinasabi n’yo?”
“Basta, eh. ‘Yung anak ata ‘yon ni Monching. Dalian mo, bangon!”
Bumagon si Rolan at nagbihis ng pang-itaas. Paglabas nito ng kwarto ay nadatnan niya si Danica sa kanilang sala na nagmamasid-masid sa mga lumang litrato na naka-display. Isa si Danica sa mga taga-barangay nila na pinalad makapasok sa med school. Kahit hindi galing sa ganoong maykayang pamilya, tulad ni Rolan, nagsusumikap ito para matustusan ang pangangailangan ng kanyang magulang. Kahit nag-iisang anak, matiyaga ito at desidido sa pagiging isang surgeon balang araw.
“Oh!” nasabi ni Rolan sa pagkagulat sa bisita ng dalaga. Ngumiti ito, buo ang puting ngipin nakahilera ng napakaayos. “Napadaan ka ata.”
“Ah, eh. Oo eh. May pinaabot lang din si Mama kay Tita, mga taya raw. Kinse at dose raw , Tita.”Mahinhin itong tumawa pagkabigay ng mga klasikong numerong jueteng ng kanyang nanay. Tumango na lamang ang Inay ni Rolan, hawak hawak ang isang pahabang papel at may isinulat. Iba ang itsura ng dalaga ngayon. Naisip ni Rolan ay dahil nakakaganda ang paglugay nito ng mahabang buhok ne’to. “Nga pala, kumusta pag-re-review mo?”
“Ayun, ang laking tulong ng mga pinahiram mo..” Natatanging nasabi na lamang ni Rolan na tumingin pababa at nakaranas ng onting hiya. Napansin niya ay tila namumula na ang mga pisngi nito sa kakatingin sa pulang labi ng dalaga.
Lumapit ang dalaga at paasar na sinuntok ng mahinhin si Rolan sa balikat – mga gawing kabataan pa nila noong maalala niya ang paglalaro nila lagi sa mga eskinita ng samu’t saring larong kalye. Iba ang pagsasama ng dalawa lalo na noong hindi pa pumapasok ng hayskul. “Ikaw talaga! ‘Lam kong kaya mo ‘yan, Lan.” Nakangiti ang dalaga kay Rolan. “Basta, kung may kailangan ka, text ka lang!”
Sa pagsambit nito ay tumalikod na ang dalaga. “O siya! Mauna na ako, Lan!” Lumabas na ito ng kanilang pintuan.
“S-sige. Salamat. I-ingat!”
Dahil nakatapos na ng tatlong buwan si Rolan sa call center ay nagbago na rin ang shift nito. Simula bukas ay pang-umaga na ito kaya mahaba-haba rin ang day-off niya nang araw na iyon.
Pagsapit ng gabi, muling nagbuklat si Rolan ng kanyang reviewer. Natatanging ang ilaw lamang ng poste sa labas ang nagsisilbing liwanag sa loob ng kwarto ni Rolan sapagkat hindi pa ito naaayusan na malagyan ng linya ng kuryente. Dahil rin simpleng isang bodega lamang ito dati ng bahay. Paminsan-minsan pa ay pamatay-matay ang mga ilaw ng poste lalo na kung may nagdaang kotseng maliwanag ang headlights ang tumama rito. Isang minuto rin ng kadiliman sa mga kaganapang ganon.
Walang takas sa mga pangkaraniwan na pangyayari sa labas ng kwarto ni Rolan.
Sa de-jalousie na bintana ni Rolan ay tanaw niya ang laman ng isang masikip na eskinita sa kanilang barrio. Mula sa pagtahimik nito sa gabi hanggang sa pagtilaok ng dalawang tandang na alaga ng kapitbahay nilang si Mang Rex sa umaga.
Lalo na tuwing sa pagtulog ni Rolan sa tanghali ay hindi maiiiwasan ang ingay ng mga naghahabulang mga bata, ang mga nagsisi-agawan sa poso ng tubig ng mga nagsisilaba, ang malakas na Pabilan! sa isang sari-sari store na halos nagbebenta lamang ng kendi at kape kundi para sa maraming suplay nito ng sandamakmak na case ng beer, at ang paminsan-minsang mga larong sugal tulad ng Bingo at Tong-its ng mga matatanda. Walang dudang pinangungunahan lagi ito ng kanyang Ina.
Ngunit iba ang bumulabog kay Rolan sa gabing iyon. Isang oras na rin ang nagdaan simula nang magsara ang sari-sari store. Tulog na ang mga tandang ni Mang Rex. At dahil sa katahimikan ng malalim na gabi, walang dudang maririnig ni Rolan ang kakaibang mga tunog ng kung ano mang maligno o magnanakaw sa kanilang lugar. Kaya hindi siya nagduda at agad na sumilip sa puslit ng mga jalousie ng kanyang bintana nang makarinig siya ng mga mabibilis na yabag ng paang tila natakbo.
Sa pagsilip ni Rolan ay namatay bigla ang ilaw ng poste. Pumikit na lamang ito at nagmasid nang maigi. Patigil-tigil ang mga yabag, tila kumakaripas kanina lamang ngunit tumigil ito. Tila nagtatago siguro.
Muling nabuhay nang onti-onti ang mga ilaw ng poste, at narinig ni Rolan, walang kaduda-duda, ang mga tunog ng mabilis na ritmo ng pagbagsak ng mga tsinelas na kumakaladkad sa semento.
Sinilip ‘to ni Rolan. Napansin niya na lamang ang hugis na tumakbo sa harap ng bintana niya. Hindi nagtagal ay may sumunod ding mga yabag. Hindi ito galing sa tsinelas kundi ang ritmo ay galing sa mga sapatos na gumagasgas sa buhangin ng eskinita. Mabilis rin ang pagtakbo nito kaya hindi naaninag ni Rolan sa maliit na butas ng mga jalousie ng bintana niya.
Dalawang hugis na ang dumaan sa bintana niya bago siya kainin ng kuryosidad. Onti-onti niyang inangat ang jalousie para umosyoso sa kung anong habulan ang nangyayari. Sa kabilang bahagi ng eskinita nakita rin niyang kuminang ang isang pares ng mga matang naki-osyoso rin mula sa mga riles ng kanyang sari-sari store.
Malakas na sigaw ang huling nabitawan babaeng hinabol, pero hindi nakapanggigising ang ingay dahil agad itong nakubling tahimik hindi pa isang segundo ang nagdaan. Isang mabilisang tili lamang ang naudlot agad; sinundan na lamang ito ng mga tunog ng tumatamang mga bakal, kumakaskas na mga plastik, at ang tunog ng pagkaladkad sa aspalto. Kung hindi niya lang nakita ang dalawang hugis ay napagtanto niyang siguro ay galing lamang ang mga tunog sa mga gutom na aso at pusa.
Nanginig si Rolan, ramdam niyang tumaas ang mga balahibo sa batok. Kasabay nito, dahan-dahan niyang isinara ang jalousie ng mga bintana. Humiga sa kama. Pagkalipas ng halos isang oras ng purong katahimikan at pagtingin sa kisame, dinatnan na rin siya ng antok at nakatulog.
Pawisan ang sando ni Rolan nang magising siya sa sumunod na umaga. Patse-patse lamang ng maraming panaginip ang natatandaan niya noong nakaraang gabi: nakasuot siya ng stethoscope ngunit tila hindi isang ospital ang nilalakaran niya, sumunod na panaginip ay ang nasusunog niyang mga reviewer, at pangatlo’t huli ay ang tumatakbong mga tao sa eskinita noong gabi. Naaalala niyang sumilip siya sa jalousie ng sarili niyang kwarto. At sa pagsilip niyang iyon ay noon rin siyang nagising nang buo.
Tumingin si Rolan sa labas. Ngunit hindi ang inaaasahan ang naaaninag niya. Nagkukumpulan ang buong barangay sa makitid na eskinita nila. Nakakagulat ring sarado ang sari-sari store. Ang dalawang tandang naman ay wala sa eskinita, siguro ay pinasok na ito sa loob ng bahay ni Mang Rex sa takot na manakaw ito ng mga nagkakagulong kapitbahay. Walang ni isang batang naglalaro, kundi purong mga matatanda. Sa paggalaw ng mga tao ay sinubukan niyang sumilip kung anong pinagkakaguluhan. May mga dilaw na nakapalibot, hindi madaan ng mga nadaan sa eskinita. Kaya siguro nagkatrapik rito, dahil may mga harang na.
Pinatay ni Rolan ang bentilador, at lumabas ng bahay nila tungo sa eskinita at kanyang nalamang hindi pala panaginip ang kagabi.
***
Araw ng piyesta ng Barangay 160. Rinig ang ingay ng banda ng nagmamartsa sa kabilang dulo ng barrio sa may bandang covered court.
Hindi makapaniwala si Rolan na maglalakad siya muli sa eskinitang ito dalawang linggo na ang nagdaan. Kakatapos lang kasi ng pang-umagang shift niya. Akay-akay niya ang lahat ng mga tapos na niyang basahing reviewer. Nakakapanibago kay Rolan ang itsura ng eskinitang dating madaming naglalaro lalo na at dapithapon na, dahil ngayo’y tila mga ipis at daga na lang ata ang naglalakad dito. Sapagkat hindi rin madaanan ng mga tao dahil sa harang sa kabilang dulo nito. Walang naglalako ng mga tradisyonal na piyestang tinda tulad ng tig-sa-sampung pisong popcorn o kaya mga laruang pambata na dumadaan dahil sa harang.
Sa dulo ng eskinita ay isang malaking tent ang nakatayo nang dalawang linggo na rin. Maraming mga monoblock na upuan ang nakahilera. Dalawang linggo na rin nakatambay roon ang kanyang ina na namamahala sa mga palaro ng majhong habang ang kanilang tropa ay nakapabilog sa bandang dulo ng tent.
Papalapit na si Rolan nang matanaw niya ang isang naglalako ng mga iba’t ibang kulay na sisiw. Lumapit siya rito at nadatnan ang Nanay ni Danica na sabi ay bibilhin na lamang ang mga sisiw nito. Isang berde, isang asul, isang pula, isang dilaw, at isang pink. Babayaran na lang daw niya ito, ngunit nagpumilit ng nagbebenta ng sisiw na libre nalang.
“Kaawaan ka, iho. Salamat,” banggit ng Nanay ni Danica sa nagbebentang binata
Pagdating sa tent, nginitian ni Rolan ang kanyang Ina nang makita ito sa burol. Ngumiti ito pabalik at hindi na pinansin ang anak at nagpatuloy sa paglalaro.
Lumapit si Rolan at tinulungan ang dala-dalang limang sisiw ng Nanay ni Danica. Tinulungan niya itong ilagay sa ibabaw ng salamin. At doon rin niya nang makita, dalawang linggo na rin ang nagdaan, ang mukha ni Danica sa likod ng mga salamin habang mahimbing ang tulog sa kabaong. Hindi na mapula ang labi nito, pero maganda pa rin dahil lugay ang buhok nito kahit sa huling hantungan.
Sabay nilang binaba ang mga makukulay na sisiw. Inilatag rin ni Rolan ang mga reviewer.