“Uwi na tayo,” wika ng matandang lalaking animo’y puppet sa dami ng nakakabit sa katawan. Mayroong swero sa kanang kamay at mayroon din sa kaliwa.
“Papa , Alam mo namang hindi na maganda sa iyo ang magbiyahe pa at mapagod,” sagot ng babaeng nagbabalat ng mansanas habang nakatingin sa telebisyon.
“ At isa pa George , sabi ng doctor kailangan ka munang obserbahan,” sabat ng asawa ng matandang lalaki.
“ Uwi na tayo,” muling wika ng matandang lalaki na ngayon ay nakatingin sa kanila. Batid sa mga mata nito ang pagmamakaawa. Batid sa muka nito ang paghihirap sa kasalukuyang kondisyon.
“ O siya! siya! Kakausapin ko ang doctor. Grace ayusin mo na ang mga gamit natin. Uuwi na tayo,” nangingilid ang luha sa mga mata ng matandang babae.
Napangiti ang matandang lalaki. Pumikit. Nakatulog. Pansamantala.
**********************************************************************************
Sa Wakas!
Matapos ang ilang linggong mabibigat na trabaho eto ako ngayon at nakaimpake na para bumalik sa aking tahanan. Sa probinsiya? Teka saan nga ba ako pupunta?
Araw ng biyernes pasado alas tres ng umaga, gumising ako ng maaga para maabutan ko ang unang biyahe patungo sa kung saan. Suot-suot ang puting damit na iniregalo sa’kin ng aking nobya ay binaybay ko ang maikling kalye patungong istasyon ng bus. Medyo lutang pa ako at pakiramdam ko’y hindi nakasayad ang mga paa ko sa lupa. Siguro kulang lang ako sa tulog o baka siguro kulang lang ako sa kape.
“Oh! Lima na lang tatakbo na,” sigaw ng kundoktor na laging nakangiti.
“Mukang maganda ang gising ng isang ito ah. Mukang kumpleto ang tulog. Buti pa siya,” wika ko sa aking isipan.
Pagpasok ko sa loob ng bus naghanap agad ako ng lugar na mauupuan. Dala-dala ang malaki kong maleta umupo ako sa bandang gitna ng bus katabi ang isang lalaking mukang lutang din. Mukang kalahating tulog at kalahating gising.
Ilang minuto pa ay tumakbo na ang bus kahit hindi pa ito ganap na puno. Dahan-dahan. Parang karo ng patay. Parang pakiramdam ata ni manong drayber mga patay ang nakasakay sa bus niya. Humikab ng malaki ang katabi ko . Parang naramdaman niyang lalo siyang hinehele sa bagal nang andar ng nasabing sasakyan. Tumingin ako sa bintana at aking napagmasdan ang araw na tila ba nahihiyang nakasilip sa pagitan ng mga bundok. Ang ganda ng eksena. Bakit ba hindi ko ito nakita noon? Magandang umaga. Maganda pala ang bawat umaga.
Maya-maya pa ay humarurot na ang bus. Ang kaninang mala“karong” pagpapatakbo ay napalitan nang mala“ambulansyang” pagmamaneho. Mabilis , matulin pero maingat. Swabe ang byahe ng biglang….
“Ano ba yan?” sigaw ng isang babae sa may bandang likuran ng bus.
“Dahan-dahan naman,” sigaw pa ng isa.
Naalimpungatan ang katabi ko. Nagkamot ng ulo. Bahagyang nainis sa ingay na nagmula sa likod. Ang dahilan kung bakit nag-aalburuto ang mga pasahero ay nang dumaan ang bus sa lubak-lubak na kalsada. Lahat ng pasahero ay nagmistulang mananayaw (na nakaupo) na sumusunod sa saliw ng musika. Kalog ang bilbil (kung meron). Kalog ang utak (kung meron).
Ilang saglit pa ay naging banayad na ulit ang biyahe. Tahimik na ang lahat ng walang anu-ano’y…
“UhhhHaa!.” “UhhhHaa.!” kasabay nang pag-alingawngaw ng iyak ay ang pag-alingasaw ng amoy ng produktong prinoseso ng tiyan. May ilang nagtakip ng ilong at ang karamihan ay tinitigan lang ng matalim ang tantiya ko ay nasa isang taong gulang na bata. Kung nakakamatay lang ang tingin sigurado akong namatay ang bata ng walang kalaban-laban nung mga oras na iyon. Habang naiyak ang bata ay niyapos naman siya ng kanyang ina. Inaalo. Pinipilit na pinapatahan. Hindi ko alam kung matutuwa ako o maawa sa aking nakikita.
Payapa muli ang biyahe . Sinilip ko ang oras sa aking relo. 7:35 pa lang ng umaga. Maaga pa. Dala ng kabagutan nagsimula akong magmasid sa loob ng bus.
“Pssst!” “Pssst!”
Agad akong napalingon. Isang bata ang sumusutsot sa isa pa. Naglalaro sila. Sinisilip ang isa’t isa mula sa isang upuan sa di kalayuan at hahagalpak ng tawa pag nakitang nakabali ang leeg ng kalaro at pilit na sumisilip. Hindi ko maintindihan kung bakit sila nagtatawanan o kung may nakakatawa ba sa ginagawa nila, pero napangiti ako. Hindi sila magkakilala pero nagawa nilang pasayahin ang isa’t isa. Tumigil ang bus sa isang istasyon at sa hindi inaasahang pagkakataon bumaba na yung isang bata hila-hila ng kanyang tatay. Bakas ang kalungkutan sa muka nilang dalawa. Naisip kong makipaglaro din sa batang naiwan pero baka magmuka lang akong tanga. Huwag na lang.
“Pssst!” “Pssst!”
Muli akong lumingon. Nakita ko ang batang naiwan na nakangiti sakin. Napansin niya sigurong pinagmamasdan ko sila kanina. Dahan-dahang humubog ang ngiti sa aking mga labi.
Suot-suot pa din ang ngiting nakapinta sa aking mga labi ay bumalik na ko sa regular kong pagkakaupo. Aking napuna ang dalawang magkasintahan o mag-asawang nakaupo sa aking harapan. Inam ang kanilang lambingan o harutan o kung ano pang tawag mo sa pinaggagawa nila. Kulang na lang makakita ako ng puso sa ibabaw ng kanilang mga ulo. Dumantay ang babae sa balikat ng lalaki. Akmang matutulog. Dagli namang hinalikan ng lalaki ang ulo ng babae. Nailang ako at binaling ang tingin ko sa mag-amang nakaupo sa di kalayuan.
“Wow! Kalabaw ang dami,” sambit ng batang lalaki.
Namangha ako sa ganda ng tanawin pero ang mas umagaw ng atensiyon ko ay kung papaanong manghang-mangha ang bata sa kanyang nakikita. Parang isang pirata na nakakita ng kuwebang puno ng kayamanan. Nakalapat ang dalawang palad sa salamin ng bus habang pinagmamasadan ang ganda ng kapaligiran. Batid kong abot langit ang ngiti ng bata nung mga oras na iyon.
“Papa! Papa! Andaming puno oh.”
Walang-lingon ang lalaking nakakurbata na mukang abalang abala sa laptop niya. Nakakunot pa ang noo na parang may iniintinding matinding problema sa kanilang kumpanya. Wari ko’y isa siyang negosyanteng abalang-abala sa pagkakalkula kung ilang oras pa ang uubusin niya para kalkulahin ang mga oras na nasayang niya. Nalungkot ako sa aking nakita.
Balik ang tingin ko sa mag-asawa o magkasintahan sa aking harapan. Ngayon sila ay wala ng kibuan. Hindi magkahawak ang kamay. Walang ulong nakadantay. Bahagyang nakabaling sa magkabilang anggulo ng upuan. Isa sa kaliwa. Isa sa kanan.
“Ah. Malamang sa hindi nag-away ang dalawang ito,” sa isip ko.
Bumuhos ang malakas na ulan bandang tanghali dahilan para bumagal ang takbo ng aming sinasakyang bus. Kinapa ko ang bag ko at kinuha ang aking music player. Sinuot ang headset. Nagpatugtog ng kanta. Pinikit ang mga mata. Nagpahinga. Nakatulog. Pansamantala.
“Sir andito na po tayo.”
Unti-unting dumilat ang mga mata ko at naaninag ang muka ng konduktor na tila may sinasabi.
“Ano?” tanong ko habang pupungas-pungas pa sa aking kinakaupuuan.
“ Andito na po tayo,” ulit ng konduktor.
“Saan?”
Nilingon ko ang aking mga nasa likuran. Wala ng pasahero maliban sa dalawang matanda sa aking harapan na mabagal na tumatayo. Inaalalayan ni lolo si lola para lumabas sa nasabing sasakyan. Buong pagtataka kong tinignan ang muka ng dalawang matanda. Parang sila yung dalawang magsing-irog kanina na naghaharutan sa harapan ko. Parang tumanda sila. Mukang naalimpungatan lang ako dahil sa biglaang paggising sa’kin ng konduktor.
Sumungaw ako sa bintana sa labas. Nakita kong kulay ng nagtatalong kahel , dilaw , pula, at konting asul na ang kalangitan. Tumila na ang ulan. Ang kaninang nahihiyang araw ay lulubog na ngayon. Tinignan ko ang relos ko. 5:30 na pala ng hapon. Napansin ko ang aking kamay kung saan nakasuot ang relos ko. Kumulubot , pumayat , natuyo at bumakat ang maninipis na ugat. Natakot ako. Nagtaka. Naguluhan. Hinawakan ng konduktor ang braso ko at pilit akong hinihila papunta sa harapan ng bus . Hinigit ko ang braso kong hawak niya. Tinignan ko ang maleta ko. Tinignan niya rin ito, pagkatapos ay umiling. Sa sobrang gulo at bilis ng mga pangyayari hindi ko namalayang nahila niya na ko sa may pintuan ng sasakyan sa likod ng drayber. Inihain ng konduktor ang palad niya sa akin. Parang naintindihan ko ang gusto niyang ipahiwatig. Agad akong bumunot sa aking bulsa ng limang daan bilang bayad sa pamasahe. Muling umiling ang konduktor.
“Siguro kulang pa,” sabi ko sa isip ko.
Dumukot ako ng isang libo pa at inalagay sa palad ng konduktor.
Blankong tingin lang ang nakuha ko sa kanya. Tinignan ko ang drayber. Nakakasilaw. Hindi ko maaninag ang buo niyang kaanyuan.
“Ano ba to holdap?” nagulat ako sa boses na narinig kong nagmula sa akin. Parang nanghina, parang namaos at parang tumanda.
*ehem*
Nilinis ko ang aking lalamunan at umasang ang pagbabagong naganap ay dulot lamang ng nakabarang plema.
“Ano to holdap?” ulit ko. Wala paring nagbago sa aking tinig.
Dahil sa takot ay kinuha ko ang lahat ng laman ng aking pitaka at inabot ito sa konduktor. Nakakalokong tango ang natanggap ko mula sa kanya.
“Maari na ba akong bumaba?”
“Saglit lang.” Sa kaunaunahang pagkakataon nagsalita ang drayber ng bus.
Biglang nagbago ang anyo ang bus. Parang bigla itong nagkalasan . Parang nagbago ang kulay ng kapaligiran. Parang pinintahan ng puti ang bawat espasyo. Unti-unting naging malawak ang lugar. Para akong nasa langit. Para akong nakadroga. Teka ano na bang nangyayari? Nananaginip lang ba ako? Nasaan na ba ako?
Natagpuan ko na lang ang aking sarili na nakaupo sa isang puting silya. Katabi ko ang drayber na ngayon ay nakatayo na sa aking kanan. Nawala sa eksena ang konduktor.
“Makinig ka anak. Ang buhay mo ay isang paglalakbay. Isang biyaheng makabuluhan. Isang karanasang punong-puno ng aral na hindi mo dapat kalimutan.”
Matikas ang tinig ng drayber pero hindi nakakatakot. Matikas pero malambing.
“Anak? Nung nasa lupa? Bakit sino ka ba? Nasaan ba ako? Ikaw ba yan ‘tay? Di ba matagal ka ng patay? Teka patay na ba ako?” sunod-sunod kong tanong.
“ ‘Yan ang problema sa iyo kahit noong ikaw ay nasa lupa pa. Puro ka tanong pero hindi mo naman hinihintay na sagutin kita. Hindi ka marunong makinig. Hindi ko alam kung nagbibingi-bingihan ka lang ba o sadyang ayaw mo lang ako pakinggan.”
Tinamaan ako at napahiya sa sinabi niya. Bagamat andami kong gustong itanong ay pinili ko na lamang manahimik at makinig. Baka sakaling sagutin niya nga lahat ng mga katanungan ko.
“Handa ka na bang makinig?” tanong niya.
Tumango ako bilang tanda ng pagsang-ayon.
“Tignan mo ito,” kinumpas niya ang kanyang kamay sa hangin.
Hindi ako sigurado kung literal na nakikita ng mga mata ko ang mga pangyayari sa bus kanina o naiisip lang ng utak ko. Parang akong nanonood sa sinehan ng naka-3D. Mas higit pa dun. Parang andun mismo ako ulit. Astig!
Unang imaheng lumabas ay ang batang nagpasabog ng lagim sa bus na tangan-tangan ng kanyang ina at pilit na pinapatahan.
“Lahat ng tao dumudumi, lahat ng tao nagkakasala at nagkakamali. Umiiyak ang bata sa kadahilanang ito ay humihingi lamang ng pang-unawa. Binigyan kita ng magulang upang ipadama sa’yo na may mga taong kaya kang mahalin ng walang hinihinging kapalit. Na may mga taong kaya kang tanggapin sa kabila ng iyong mga kamalian at may mga taong hindi ka iiwan kahit minsan binibigyan mo na sila ng kahihiyan. Ngayong magulang ka na alam kong alam mo ang pakiramdam ng isang amang handang kalabanin ang mundong mapanghusga para sa kanyang anak.”
Lumitaw ang pangalawang imahe ng dalawang batang estranghero na nakikipaglaro sa isa’t isa.
“Hindi masamang magtiwala. Hindi masamang tumawa sa mga simpleng bagay. Bumaba ang bata sa isang istasyon upang ipaalala sa iyo na may mga tao talagang dadaan lang sa buhay mo at mag-iiwan lang ng mga aral at alaala. Huwag kang matakot subukang makipaglaro sa tadhana lalo na’t ang nakataya dito ay ang iyong kaligayahan. Walang masama kung gagawin mo ang mga bagay na makakapagpasaya sa iyo basta’t wala kang inaapakang tao. Subukan mong lumingon, malay mo nakangiti na pala itong naghihintay sa iyo.”
Ang pangatlong imahe kong nakita o naisip ay ang batang sobrang eksayted sa tanawin at ang ama niyang nakakurbata na punong abala sa mga bagay na hindi naman mahalaga.
“Sa mundong inyong ginagalawan lahat kayo ay hinahabol ng oras at panahon, kaya wag kang magsasayang ng kahit na isang segundo kapag kasama mo ang mga taong mahalaga sayo – Pamilya mo , Mahal mo o Kaibigan mo. Huwag mong idahilan na ikaw ay abala para hindi ipakita ang pagmamahal mo sa kanila. Huwag mo ring hayaan na kainin ng pride at hiya mo ang tunay mong nararamdaman . Dahil sa huli kahit na anong pagsisisi ang gawin mo, hindi mo na maibabalik ang mga panahon na may pagkakataong kang sabihin kung gano sila kahalaga. Sapagkat hindi permanente ang buhay.Hindi sa lahat ng oras ay kaya nilang pakinggan at paniwalaan ang mga sasabihin mo. At higit sa lahat ,hindi sa lahat ng oras ay andiyan pa sila para maramdaman ang pagpapahalaga mo.”
Ang sumunod na imahe ay ang magsing-irog na magkasama buong biyahe.
“Ganyan ang pag-ibig. Ganyan ang pag-aasawa. Sabay kayong naglalakbay.Sabay kayong bubuo ng mga pangarap at sabay niyo rin itong tutuparin. May mga panahong ito ay sobrang saya at may mga panahon namang hindi ito maganda. Walang perpektong relasyon pero may perpektong pang-unawa. Alalayan ang isa’t isa kung kinakailangan. Unawain ang isa’t isa ng walang pag-aalinlangan. Mahalin ang isa’t isa sa kabila ng kakulangan.”
Unti-unting lumilinaw sakin ang lahat. Kung sino ako at kung sino talaga ang drayber na nasa tabi ko. Sinubukan kong magsalita ngunit walang lumabas na tinig sa aking bibig. Tumingin SIYA sa akin at sinabing:
“Sobra-sobrang oras na ang binigay ko sa iyo sa mundo para magsalita . Pagpahingahin mo muna ang iyong mga labi at paganahin ang iyong tainga. Maupo ka lang at makinig, bibigyan ko ng linaw ang lahat.”
Ngumiti siya at nagpatuloy.
“Inuulit ko. Ang buhay mo ay isang paglalakbay. May mga oras na mabagal ito na akala mo’y wala ng mangyayari sa iyong buhay. Huwag ka sanang maging katulad ng katabi mo na kalahating tulog at kalahating gising sa buong paglalakbay. Ang gusto ko lang sa mga panahong ito ay makita mo at bigyang pansin ang mga simpleng bagay na hindi mo lubos akalain na magbibigay sa iyo ng kasiyahan. Libre kong binigay ito sa iyo, ang gusto ko lang ay mapansin mo.”
Nilapat niya ang kanyang kaliwang kamay sa aking kanang balikat. Ang gaan ng loob ko sa kanya.Pakiramdam ko matagal na kaming magkakilala. Oo nga. Siguro nga.
“Huwag kang magmadali na marating ang nais mong puntahan. Huwag magmadaling abutin ang iyong mga pangarap. Binigyan kita ng sapat na oras para tuparin ito. Sapat lang para hindi ka masyadong lumiko sa daang gusto mo talagang tahakin. George, Huwag kaligtaan na mas mahalaga ang dahilan kung bakit ka nangangarap kaysa sa mga pangarap mo mismo.”
Hindi na ko nagulat na kilala niya ako sa aking pangalan dahil alam ko mas higit pa dun ang alam niya. Kilala niya ako mula ulo hanggang paa. Kilala niya ang buo kong pagkatao.
“Dadaan ka sa lubak-lubak na panahon. Huwag ka sanang nakasinghal agad bagkus matuto ka sanang magtiwala. Ako ang drayber mo at kailanman hindi kita ipapahamak. Masaya ako na noong mga panahong maulan ay payapa kang pumikit at nagpahinga. Salamat sa tiwala. Salamat sa pagbibigay mo sa akin ng lisensiya para patakbuhin ang iyong buhay. Pangako hindi kita ililigaw.”
Ang gaan ng pakiramdam ko. Kung panaginip lang ito ayoko ng magising. Kung ito nga ang langit ayoko ng bumalik sa lupa. Isang salita. Kapayapaan. ‘Yan ang nararamdaman ko ngayon.
“Lahat ng bagay ay kumukupas. Lahat ng paglalakbay ay natatapos.Tapos na ang oras na pihiram ko sa iyo at andito ka na ngayon sa destinasyon mo. Iwan mo na lahat ng kayaman mo sa lupa.Tara na’t umuwi sa tunay mong tahanan, doon hindi kita pababayaan.”
Tanging luha ang naisagot ko sa lahat ng sinabi NIYA. Humihikbi ako. Tumatangis. Nakatayo ako ngayon sa kanyang harapan. Niyakap niya ako. Nag-alangan akong yumakap pabalik. Hinawakan niya ang likod ng aking ulo at inilapat ito sa kanyang dibdib.
“Naririnig mo ba ang tibok ng puso ko? Kailanman hindi ka nawala dito.”
Yumakap akong pabalik sa kanya.
*****************************************************************
“Uuwi na ko,” wika ng matandang lalaki.
“Pero lolo andito na tayo sa bahay niyo,” sagot ng batang babae habang abalang sinusuklayan ang kanyang laruang manika.
“At isa pa, hindi pa po kayo pwedeng umalis kasi maglalaro pa tayo. Diba lolo?” sabat ng batang lalaki habang nililikom ang ibang laruang nagkalat sa sala.
“Uuwi na ko,” muling wika ng matandang lalaki na ngayon ay nakatingin sa kawalan.
“O siya! siya! Tama na muna ang laro at magpapahinga na ang lolo niyo,” sambit ng matandang babae habang naglalakad patungo sa kinalalagyan ng asawa.
Hinawakan niya sa balikat ang kanyang asawa. Malamig ito. Tinignan niya ang muka at labi. Maputla. Kinabahan siya. Nilapit ang tenga sa dibdib ng asawa. Nangilid ang luha sa mata ng matandang babae.
Nakangiti ang matandang lalaki. Nakapikit. Payapa. Natutulog. Panghabambuhay.