Pasado alas-onse ng gabi.
Binabasag ng kalabog ng gulong ng karitong pangkalakal ni Tasyo ang katahimikan sa mga kalye at eskinita ng Barangay Botocan, Lungsod Quezon. Sarado na ang mga bahay at tindahan. Ang kadiliman ay pinag-iibayo ng kawalan ng buwan at mga bituing tatanglaw mula sa langit. Makakapal kasi ang mga ulap sa himpapawid. Hindi naman nakakapagtaka dahil maaga nang naibalita ang pagdating ng isang bagyo. Kung wala ka namang kailangan gawin ngayong gabi ay pinakamainam ang pananatili na lang sa bahay.
Kung may bahay kang maituturing. Ang mag-asawang Tasyo at Grasya kasi, wala. Ang pinaka-tinuturing na lang nilang tahanan ay ang karitong itinutulak nila ngayon, na sa pagsapit ng gabi ay nagsisilbi naman nilang tulugan.
“Tasyo. Parang…ang sakit.”
“Bakit? Natatae ka?”
“Hindi ako nagbibiro!”
Tiyan ang tinutukoy ni Grasya na masakit. Hindi dahil sa pagtatae o pagkaimpatso, kundi dahil sa pagdadalantao. Kabuwanan niya na at gapakwan na ang laki ng bukol sa sinapupunan niya. Pero dahil itong kariton nga ang itinuturing na tahanan ng mag-asawa ay wala siyang magawa kundi sumama saan man ito magpunta. Isa pa, dahil sa pangamba na baka biglaan siyang mapaanak ay mas mabuti nang lagi siyang nababantayan ni Tasyo.
“Totoo? Gaano ba kasakit?”
“Masakit nga sobra!”
Binuhat ni Tasyo ang asawa at inilapag sa loob ng kariton. Iniusog niya ang bungkos ng dyaryo’t karton dito para magkaroon ng sapat na espasyo.
“Kumapit ka, pupunta tayo kay Manay Lulay.”
Itinulak na ulit ni Tasyo ang kariton. Mas mabilis kesa sa kanina.
“Gising pa ba ‘yun? Aray! Dahan-dahan natatagtag ako!”
“Gigisingin natin! Siya lang kumadrona rito eh! Kaya kumapit ka lang ng tahimik at nagdadahan-dahan naman ako.”
Hindi natahimik si Grasya. Panay ang daing niya sa sakit ng tiyang pinalalala ng pagdaan ng kariton sa malubak na kalye. Malulutong na mura ang tinanggap ni Tasyo sa tuwing sumasayad ang gulong sa lubak pero ayos lang sa kanya dahil panganay naman nila ang ipinagbubuntis nito. Kahit isumpa pa siya nito ay ayos lang sa kanya.
“Nakangiti ka pa?”
“Ano’ng sabi mo?”
“Wala… Aray! Sobrang sakit Tasyo, hindi ko na kaya! Buhatin mo na lang ako!”
“…”
May katabaan si Grasya. Idagdag pa ang timbang ng sanggol sa bahay-bata ay talagang hindi siya mabubuhat ng patpating asawa. Natahimik lang ito nang marinig ang hiling niya. Kaya tuloy mas lalo siyang nainis.
“Aray!”
“Ano na naman? Wala namang lubak ah!”
“Umaambon, napatakan ako sa muk–”
KROOOMMMMMM!!!
“Diyusko!”
Malalakas na kidlat at kulog ang nagsimulang magsagutan sa langit. Kumuha si Tasyo ng karton sa kariton at ibinuklat sa ibabaw ni Grasya. Disposable bubong. Saka niya ito itinulak nang mas mabilis na waring nakikipag-unahan sa kidlat. Kailangan na nilang makasilong. At mas lalong kailangan na nilang makakuha ng kumadrona. Pareho silang walang alam sa mga ganitong bagay. Sa siyam na buwang pagbubuntis nitong babae ay hindi sila kailanman nakapagpatingin sa doktor. Wala rin silang ideya sa kasarian ng bata at umaasa lang sa paniniwala na kapag pumangit ang babae habang nagbubuntis, lalaki ang magiging anak nila, babae naman kung kabaligtaran. Sa tingin ni Tasyo ay lalaki ang magiging anak nila, pero hindi niya iyon pwedeng sabihin dahil siguradong mag-aaway sila.
Tuluyan nang bumuhos ang ulan.
Basang-basa na ang kartong nagsisilbing payong ni Grasya pero malayo-layo pa rin sila sa bahay ni Manay Lulay. Nagkataon kasing nasa dulo ito halos ng kanilang barangay. Nagsimula nang kabahan si Tasyo nang makitang bukod sa labis nang natatagtag ang asawang buntis ay paunti-unti na ring nagiging bathtub ang kinalalagyang kariton. Mabilis siyang nag-isip. Nang matanaw ang isang eskinita ay agad niyang itinulak papasok ang kariton. Nagkasya naman ito dahil may kaluwagan ang nasabing eskinita. Mainam namang silungan ang mga nakalagpas na piraso ng bubong ng mga bahay. Napakakonti ng bukas na ilaw-dagitab. Walang makikitang tao.
“Bakit pa tayo sumilong?!”
“Hindi kita pwedeng ilusong sa ulan!”
“Eh ano’ng gagawin natin?”
“Dito ka muna. Susunduin ko si Manay Lulay. Babalik ako agad. Konting tiis lang ha.”
“Bilisan mo. Ang sakit talaga.”
Tumango si Tasyo. Sabay halik sa noo ng asawa.
“Babalik ako.”
Ipinihit ni Tasyo ang katawan palayo sa kariton. Walang pag-aalinlangang kinatagpo ng kanyang katawan ang bayolenteng buhos ng ulan. Hindi nag-aalangan ang hubad niyang talampakan sa paghakbang sa putik at basura. Wala sa kanya kahit magkandaginaw-ginaw sa lamig. Kahit magkandatapilok siya ay hindi niya na iniinda. Kaya hindi kataka-takang narating niya nang mabilis ang tahanan ng kumadrona.
“Naku dong, bawal na magpa-anak sa bahay. Hulihin pa ako!”
Napataas ang kilay ni Tasyo nang marinig ang sagot sa kanya ni Manay Lulay. Ano nga ba’ng malay niya sa bawal at pwede sa batas?
“Wala namang makakaalam. Alam ninyo naman po ang kalagayan naming mag-asawa ‘di ba? Ano naman po’ng ibabayad namin sa ospital? Pakiusap po. Luluhod ako dito kung kailangan. Kailangan lang po talaga ng tulong ng asawa ko.”
Mariing tinitigan ni Manay Lulay ang kausap. At anong laking gulat nito nang pabagsak niyang isinara ang pinto.
“Manang Lulay! Pagbuksan ninyo ako! Tulungan ninyo kami parang awa ninyo na!”
TOK! TOK!
“Nabuang ka man, kumuha lang ako ng kumot, tuwalya’t, flashlight! Tara!”
“Ay sori! Maraming salamat!
Bahagyang nagkakamot ng ulo si Tasyo habang pinagmamasdan ang matandang nagbubukas ng payong na mas malaki pa ata rito. Mabagal at iika-ika na si Manang Lulay. At nag-iisa na rin sa buhay. Kung hindi lang sana ipinatupad ng pamahalaan ang “No Home Birthing Policy” (ipinatupad pero hindi inaamin) sa bansa ilang taon na ang nakararaan ay malamang siya pa rin ang kukunin ng mga taga-Botocan na magpaanak sa kanilang mga buntis. Talaga naman kasing maaasahan. Sa pagbabaka-sakaling bumilis ang kanilang paglalakad ay si Tasyo na ang nagdala sa payong.
Kapansin-pansin na ang paunti-unting pagkaipon ng tubig sa mga baradong kanal. Hindi maglalaon ay aapaw ito at magdudulot ng pagbaha sa kanilang barangay. Nagiging mas mahirap pa ang pagtahak sa daan dulot ng dilim na hindi na kayang ibsan ng iilang poste ng Meralco sa lugar.
Kaya anong laking biyaya nang may kung anong maliwanag na bagay mula sa malayo ang nagbigay-tulong para maaninag nila ang nilalakaran. Mula sa maliit na tuldok ng liwanag ay mabilis itong lumaki nang lumaki hanggang sa namalayan na lang ni Tasyo at Manay Lulay na nalampasan na pala sila nito.
Galing sa isang motorsiklo ang liwanag.
Parang lintik na nagbalik sa gunita ni Tasyo ang itsura ng mga helmet na suot ng magka-angkas na riding-in-tandem ng motorsiklo. Ang isa’y may drowing na pulang apoy at ang isa nama’y may sticker na krus. Nakita niya na iyon dati. Iyon nga! Mga dalawang buwan na ang nakakaraan, doon din sa Botocan. Lihim na saksi siya nang si Pinggoy, barkada, halatang adik at pinaniniwalaang runner ng droga sa lugar nila ay walang awang pinagbabaril ng hindi nakikilalang mga salaring sakay din ng motorsiklo. Natitiyak niya, siyento-porsyentong ang mga sakay nito rin ang pumatay kay Pinggoy. Kinabahan si Tasyo. Lalo pa nang mapansin niyang biglang huminto ang motorsiklo
“Puta.”
Naiintindihan na ni Tasyo ang nangyayari, o ang mangyayari. Biglang pumihit ang motorsiklo at mabilis na nag-accelerate papunta sa kinalalagyan nila. Naloko na. Iniabot niya ang payong sa matandang medyo tinangay pa ng hangin at nawalan ng balanse.
“Manay puntahan ninyo po si Grasya sa may tapat ng bahay ni Kagawad Ben, ‘yung eskinita malapit sa labasan. Susunod ako!”
Hindi pa man ito natatapos magsalita ay nakailang hakbang na palayo. Patakbo itong pumasok sa pinakamalapit na eskinita at mabilis na nilamon ng dilim. Naiwan si Manay Lulay na ibinabalanse ang sarili sa payong na pagkalaki-laki. Wala siyang ideya kung ano ang nagaganap. Pero napansin niyang bumaba ang angkas ng motorsiklo, nagtanggal ng helmet kaya panyo na lang ang nakatakip sa mukha, at humabol sa eskinitang pinasukan ni Tasyo. Ang drayber naman ay humarurot ng pagpapatakbo’t nilampasan lang ang matandang nagugulumihanan. Hindi nito tiyak kung narinig ba nito ng tama ang bilin ni Tasyo.
…
“Tangina.”
Ito ang paulit-ulit na binibigkas ng utak ni Tasyo habang binabaybay ang sanga-sangang mga eskinita ng Botocan. Sanay naman siyang magsusuot dito. Pero hindi maiwasang makasagi siya ng kung anu-ano habang tinatakasan ang tumutugis. Nariyang nakabig niya ang isang palangganang puno ng ibinabad na damit, natisod sa nakausling tubo ng tubig, nakatapak ng fresh na tae ng pusa, at iba pa. Subalit wala siyang pakialam sa mga iyon ngayon.
“I hate drugs.”
Narinig niyang sinabi ng pangulo noon. At talagang napatunayan nito na seryoso ito sa pakikipaglaban sa droga sa bansa. Kahit pa “unconventional” o “hindi makatao” ang tingin dito ng marami. Sa mangilan-ngilang pagkakataon na nakakapanood siya ng balita ay kaliwa’t kanang insidente ng ‘extrajudicial killings’ na tumatarget sa mga tulak ng droga ang nakikita niya. Nakakita na rin siya ng aktuwal na pagpatay dahil dito— ‘yung kaso nga ni Pinggoy. Nagiging normal na ang ganitong mga insidente ngayon. Subalit ang hindi niya maintindihan ay kung bakit siya na ang tinatarget nila.
“Sumuko naman ako sa Oplan Tokhang ah!”
Alam niyang nasa drug watchlist siya ng kanilang barangay. Wala naman siyang paglilihiman dahil batid ng lahat na talagang may bisyo siya. Pero hindi shabu, kundi marijuana. Damo. Doobie. Wala nga lang atang naniniwala sa kanya. Pero ayaw niya subukang mag-shabu. Mahal kasi at mas mapanira kapag kinaadikan. Saan naman siya kukuha ng ipantutustos kapag nalulong siya rito? Kahit nga pambili ng doobie pinoproblema niya na eh. Pangangalakal at pagbabarker lang naman ang alam niyang gawin. Kaya nang inalok siya ng tulong ni Pinggoy para sa isang ‘gig’ kapalit ng pera at kaunting gift pack ng doobie ay hindi na siya nakatanggi. Naging runner siya ng shabu. Hindi naman sobrang dalas. Pinakamarami na ang dalawang beses sa isang buwan. Sapat para tugunan ang pangangailangan ng kanyang tiyan at diwa. Pero nang magsimula ang kabi-kabilang insidente ng patayan ay nagpakalayo-layo na siya kay Pinggoy. Ayaw niya pang mamatay kaya mabuti nang huminto.
“Aray!”
Napatid ng isang nakausling bato si Tasyo. Kumaskas sa matigas na semento ang kanyang mga kamay at tuhod. Napangiwi siya pero pilit tiniis ang sakit. Pagbangon niya ay ninakawan niya ng sulyap ang parating na sugo ni Kamatayan na kamangha-manghang nakakasabay sa bilis niya. Iniangat nito ang kamay na may hawak na baril na kung susuriin ay mas mahaba sa tipikal nitong anyo, may nakakabit kasing silencer.
PUSHUUNNGGG!
Dumaplis ang bala sa binti ni Tasyo. Mabuti’t nakahanap siya ng lilikuan bago pa tuluyang makorner ng kalaban. Pero iika-ika na siya. Hindi maiunat ng husto ang binti dahil mas nag-iibayo ang sakit ng mga gasgas at tama ng punglo. Paunti-unti na rin siyang hinahabol ng hingal na kanina niya pa ipinagpapaliban. Kailangan niyang makatakas bago pa siya tuluyang mapagod, o mabaril.
“Laking Botocan ako. Teritoryo ko ‘to!”
Totoo ‘yun. Dalawampung taon na siyang naninirahan sa barangay na ito mula nang ipanganak siya. Parenta-renta noon ang mga magulang niya sa mga bahay dito, talaga lang nalagay siya sa alanganin nang maagang mamatay ang mga ito kaya napalayas sa inuupahan. Ito ang gubat ng mga eskinitang araw-araw niyang nilalakaran. Sa makikipot na lagusan nito siya nakipaglaro ng taguan at habulan sa mga kalaro noon. At kahit pa kariton na lang ngayon ang tangi niyang pag-aari, hindi niya pa rin maiwanan ang Botocan dahil ito ang tahanan niya. Nakalakip na ito sa kaibuturan ng kanyang pagkatao. Laking Botocan siya, at dito walang makakatalo sa kanya.
PUSHUUNNGGG!
Tenga naman ang dinaplisan ng putok na ‘yun.
Hindi na alam ni Tasyo kung ano sa mga sugat niya ang hahawakan. Wala siyang panahong alamin pa. Nagpasuot-suot siya sa mga pinakatatagong sulok ng Botocan. Nilikuan lahat ng pwedeng likuan at tinaguan lahat ng pwedeng taguan. Maipapagpag niya rin ang humahabol sa kanya. Isang ganap na batang Botocan lang ang maaaring makasabay sa kanya sa loob ng labyrinth na ito. Siguradong makakaligtas siya. Paunti-unti na sanang nagliliwanag ang mukha niya pero…
PUSHUUNNGGG!
Isang punglo ang malinis na tumama sa kaliwang balikat ni Tasyo. Plakda siya sa lupa, una mukha. Pero may malay pa. Nagawa niyang sumilip muli sa pinanggalingang direksyon.
“Bakit?”
Tanong niya sa sarili. Imposible. Paanong nakakasabay ito sa kanya? Kahit saan siya magsumiksik at magtago, nakasunod pa rin ito sa kanya. Tagarito lang din ba ito? Ewan. Wala siyang panahong mag-isip. Kaya nang makakapa siya ng isang malaking bato ay buong lakas niya itong inihagis sa paparating na kaaway. Sapul ito sa mukha.
PUSHUUNNGGG!
Nawala ito sa pokus kaya pader lang ang tinamaan ngayon. Perpektong pagkakataon sana iyon para kay Tasyo, kung hindi lang sana malalim ang tama niya. Mistulang gripo na ang sugat niya sa dami ng dugong bumubulwak na humahalo sa tubig-baha. Nararamdaman niya na ang panghihina ng tuhod at pagkahilo sa unti-unting pagkaubos ng dugo. Sa kauna-unahang pagkakataon sa buhay niya, sumagi ang isang tanong na alam niyang kinatatakutan niya.
“Mamamatay na ba ako?”
Hindi iyon malabong mangyari. Iyon ay isang bagay na lubos na madaling maganap sa sitwasyon niya ngayon. Batid niyang nagkasala siya sa batas ng tao, at marahil sa Diyos din. At may karampatang parusa ang mga pagkakasalang iyon na hindi maglalaon ay pagbabayaran niya rin, sa anumang paraang pinili ng langit. Handa siyang tanggapin iyon.
“Teka…”
Sa saglit na pagpikit ay nakita niya ang imahe ng isang bata, karga ng isang babaeng kilalang-kilala niya. Si Grasya. At ang bata? Anak niya. Sigurado siya.
“Tangina ano ba’ng ginagawa ko rito!?”
Mabilis na tumayo si Tasyo’ng tila nakasumpong ng biglang mapagkukunan ng enerhiya. Nawala ang lahat ng sakit na tinitiis niya. Ewan kung tuluyan o panandalian lang. Pero sapat na ‘yun. Sapat na para makabalik siya sa mga taong dahilan kaya niya nasasabing mahalaga pa rin ang buhay niya. Salot siya sa lipunan sabi ng iba, pero para kay Grasya at sa magiging anak nila, alam niyang siya ang pinakaimportante sa kanila.
Muli siyang nagsususuot sa mga likuan ng eskinita ng Botocan. Mas mabilis. Kung kanina ay walang direksyon ang pagtakas niya, ngayon ay alam niya na kung saan siya pupunta. Isa lang ang laman ng isip niya. Na hindi niya mapapatawad ang sarili kapag hindi niya man lang nakita si Grasya at ang anak nila.
PUSHUUNNGGG!
At nagpatuloy ang habulan nila.
Totoong magkakasanga halos lahat ng eskinita sa Botocan. Isang malaking maze na kapag naligaw ka sa pinakaloob ay mangangapa ka paglabas. Pero kung kabisado mo na, makararating ka kahit saang bahagi. Kahit pa kay Grasya.
Walang sinayang na sandali si Tasyo. Ang ulan at baha na dapat ay nakapagpapabagal sa kanya ay ginagamit niya na lang para banlawan ang mga sugat niya. Ilang sandali lang ang lumipas ay nakaliko na siya sa dulo ng eskinitang pinag-iwanan sa asawa. Malayo pa ay natatanaw niya na ang kanyang kariton. Nakapagtatakang nakabukas na ang ilaw at pinto ng tapat ng tahanang pinagparkingan niya nito. May dalawang tao sa labas na tila nakatunghay sa isang kagila-gilalas na pangyayari.
“Uwaah! Uwaah!”
Iyak ng sanggol ‘yun. Tama. Hindi nagkakamali ng naririnig si Tasyo. Isang bata ang naririnig niyang umiiyak. Habang papalapit si Tasyo sa kinalalagyan ng mag-ina ay paunti-unti niyang namukhaan si Manay Lulay, si Kagawad Ben at ang asawa nito. Karga-karga ng matanda ang sanggol na ibinabalot naman sa tuwalya ng asawa ng kagawad. Nang mapansin naman ni Kagawad Ben na parating si Tasyo ay kinawayan niya ito.
“Langya ka Tasyo! Haha! Hindi mo nalang dinala sa ospital, dito tuloy sa kariton nanganak misis mo! Pinapapasok namin sa bahay ayaw din nam— Tasyo? Bakit sugatan ka?!”
Tinakbo ni Kagawad Ben si Tasyo at inalalayang maglakad. Maputlang-maputla ito at naghahabol na ng hininga. Pero sa kabila ng kalagayan ay ipinilit niya pa ring maglakad. Isinalubong sa kanya ni Manay Lulay ang sanggol na pinapayungan ng asawa ng kagawad.
“Lalaki?”
Tumango ang matanda. Bahagyang natawa si Tasyo. Kinuha niya ang bata, nakangiting tinitigan at buong pagmamahal na hinagkan sa noo. Hindi namalayan ni Tasyo ang pagdaloy ng luha sa kanyang pisngi. Hindi na rin naman ata halata iyon dahil basang-basa naman na siya.
“Nandito na ang tatay, tahan na.”
Kararating niya lang, pero baka kailangan niya na ring umalis agad. May sumusundo na sa kanya. Mabilis na dumarating sa kinalalagyan nila ang kahabulang akala ni Tasyo ay nailigaw na niya. Makulit talaga at hindi sumusuko. Subalit hindi lang ito ang sundo niya. Dahil sa kabilang direksyon naman ay nakita nila ang isa pang tao papalapit. Nakilala ni Manay Lulay ang kasuotan nito, at walang dudang iyon ang kariding-in-tandem ng taong kanina pa humahabol kay Tasyo. Hindi pala ito umalis. Minatyagan lang marahil si Manay Lulay at inabangan ang pagdating niya.
Mula sa magkabilang direksyon ay sabay na nag-angat ng kanya-kanyang baril ang dalawang sugo ni Kamatayan, nakatutok sa ulo ni Tasyo. Kapansin-pansing wala nang bahid ng pag-aalala sa mukha niya ngayon, nakangiti lang siya at inaalo-alo ang sanggol na umiiyak pa rin. Masaya siya. Nais niyang magkita sila ng anak niya kahit isang pagkakataon lang. Tapos, panatag niyang tatanggapin ang nakaambang kamatayan.
‘Yun ay kung oras na nga ng kanyang kamatayan.
Dahil bago pa kalabitin ng dalawang berdugo ang mga gatilyo nila ay dalawang anghel dela guwardya ang tumayo sa pagitan ni Tasyo at ng mga nguso ng baril. Si Manay Lulay at Kagawad Ben. Matapang nilang hinarap ang mga hayok bumawi sa buhay ng bagong ama.
“Unahin ninyo na kami.”
Matikas na pahayag ni Kagawad Ben na ikinagitla ng mga pinagsabihan. Ang isa ay napalunok pa ng laway. Sa dinami-rami ng napatay nila ay ngayon lang sila nakatagpo ng mga taong kayang tumayo sa harap nila. Mga taong kayang pumalag sa gawaing paunti-unti nang nagiging sistema sa bansang ito. Noon nila napansing may bata palang karga si Tasyo. Hindi nila alam kung magkakaroon pa sila ng susunod na pagkakataon, pero maliwanag na bigo sila ngayon. Wala silang karapatang magpataw ng parusa sa gitna ng himala ng buhay na kanilang nasaksihan.
Inalis nila ang mga daliri sa gatilyo at ibinaba ang mga baril. Sabay pihit sa magkabilang direksyon at patakbong nilisan ang eskinitang iyon.
Matapos ang maiksing sandali ay tahimik na lumapit sa kariton si Tasyo at yumukong tila ipinapakita kay Grasya ang bagong silang nilang supling.
“Nandito na ang tatay, hindi ko na kayo iiwan.”
…Wakas…