Bunso Pahiram ng Laruan

Isang garapong holen na may ibat ibang disenyo at kulay ang nakita ni Ariel na nakatago sa sulok ng tokador.
Nahumaling ito sa masasaya at kaakit-akit na kulay kaya’t kinuha niya ito at pinaglaruan. Masayang pinaglalaruan ni Ariel ang mga holen na tila ba ay wala nang bukas. Alam niya na ang garapon ng holen ay pagmamay-ari ng kanyang kuya na si Rhuel. Mahilig mangolekta ng holen na may ibat-ibang disenyo, kulay at laki si Rhuel. Isang garapon na ang koleksyon niya kaya hindi niya ito basta basta nilalabas sapagkat mahalaga sa kanya ang mga ito.

“Nay, nakita mo po ba ang mga holen ko sa tokador?” Ang pagalit na tanong ni Rhuel sa kanyang Ina na nagluluto sa kusina.

“Abay, hindi anak. Baka yung kapatid mo may alam”. Ang sagot ng kanyang Ina.

“Ariel! Ariel! Nasaan ka? Ariel!” Galit na tawag niya sa bunsong kapatid.

Dali-daling binalik ni Ariel ang mga holen sa garapon ngunit huli na ito nang makita siya ng kuya niya na puro putik ang mga malilinis na holen nito.

“Ikaw talaga, pakialamiro ka sa gamit ng may gamit. Bakit mo pinakialaman ang holen ko. Diba sabi ko sayo na wag mong galawin ang mga laruan ko.” Galit sabay palo sa bunsong kapatid.

“Kuya, sorry na hiniram ko lang naman saglit eh at ibabalik ko naman agad.” Paliwanag ng kapatid.

“Hiniram? Nagpaalam ka ba sa akin?” Galit na may kasamang suntok sa sobrang galit nito.

Duguan ang nguso ni Ariel ng maabutan ng Inang pinagsusuntok ni Rhuel. Inawat ng Ina ang dalawa at pinagalitan si Rhuel sa masamang pagtrato sa kapatid.

“Rhuel, laruan lang yan. Bakit ganyan ka sa kapatid mo. Mas mahalaga pa ba ang mga laruan mo kesa sa kapatid mo? Hindi tama ang ginawa mo. At ikaw naman Ariel, sa susunod magpaalam ka kung may gusto kang hiramin sa kapatid mo. Mali ang ginawa mo.” Pangaral ng Ina sa dalawa.

Dahil sa insidenteng iyon, naging mainitin na ang ulo ni Rhuel sa kapatid. Halos hindi na niya ito kinikibo at sinasama sa mga laro at pilit na iniiwasan maging sa pakikipaglaro kasama ang ibang bata sa kanilang lugar.

Ilang taon na din ang lumipas at tila nabaon na sa limot ang alitan ng magkakapatid. Ang dating sigalot ay napalitan ng pagmamahalan at paguunawaan. Naging tagapagtanggol si Rhuel sa kapatid tuwing may nangaapi nito sa eskwelahan. Natuwa ng lubos ang kanilang mga magulang sa ipinakitang pagmamahalan ng dalawa. Si Ariel naman ay nakabuo ng kompiyansa sa sarili dahil na rin sa tulong ng kapatid. Naging malapit sila sa isat-isa at kahit na anong bagay ay pwede nilang pag usapang dalawa. Kahit na ito man ay kakulitan o kalokohan. Tumatak sa utak ni Ariel na wala siyang ibang hiling kunti manatili ang matibay na samahan nila ng kuya niya. Gagawin niya ang kahit na ano wag lang mawala ang nakatatandang kapatid.

Sa sobrang lapit ng dalawa ay minsan naikwento ni Ariel sa kapatid na may nagustuhan siyang babae. Natuwa naman si Rhuel sa ibinalita ng kapatid. Wala nang mas hihigit pa sa kaligayahang naramdaman nito.

“Kuya, tulungan mo naman ako oh. Kasi hindi ko alam kung ano ang gagawin ko. May gusto kasi akong babae pero natatakot ako sabihin sa kanya kasi baka masira pagkakaibigan namin.” Ang pagtatapat ni Ariel sa Kapatid.

“Huh!? Bakit naman? Anong kinakatakot mo? Teka, si Jane ba ang tinutukoy mo? Yung best friend mo?” Ang tanong ni Rhuel.

“Oo, Kaso natatakot ako baka di niya ako gusto eh. Masakit ba ma basted?” Ang tanong nito sa kapatid.

“Alam mo normal lang masaktan ang importante eh nasabi mo sa kanya na mahal mo siya. Gusto mo tulungan kita. Ako magiging tuloy nyo?”. Saad ni Rhuel.

“Talaga kuya tutulungan mo ako?” Masayang tanong ni Ariel.

“Oo naman syempre kapatid kita at gusto ko na magiging masaya ka.”

“Salamat kuya.” Sabay akbay sa kapatid.

Makalipas ang ilang buwang pagsasama at paglabas-labas ni Ariel at ni Jane ay andun pa rin yung takot sa loob niya. Hindi niya kayang ipagtapat ang kanyang nararamdaman sa magandang dilag. Dito na umeksena ang kanyang kuya Rhuel na tumulong sa kanya sa panliligaw.
Isang araw..

“Jane, may pinapabigay pala ng kapatid ko sayo.” Sabay abot ang isang dosena na mapupulang rosas.

“Huh!? Bakit daw? hindi ko naman birthday at wala namang mahalagang okasyon.”

“Hmmm. ewan ko, gusto ka ata ng kapatid ko.” Pagtatapat ni Rhuel.

“Eh bakit di siya ang magsabi? Bakit ikaw ang nagsabi?” Tanong ni Jane

“Baka nahihiya lang siya.” Ang mabilis na sagot ni Rhuel sabay titig sa mga mata ni Jane.

“Alam mo Rhuel, pakisabi kay Ariel na kung mahal niya ako sabihin niya yung totoo kasi matagal ko
na hinihintay marinig sa kanya yun.” Ang pagtatapat ni Jane.

Mabilis na iniwas ni Rhuel ang pagkakatitig kay Jane ng marinig ang mga katagang iyon.

“Ah ok. Sige sasabihin ko sa kanya.”

Nababagabag si Rhuel sa tuwing nakikita niya si Jane. Hindi niya maipaliwanag ang kanyang nararamdaman. Natatakot siya sa posibleng mangyayari kapag ipinagpatuloy niya ito. Alam niya na masasaktan niya ang kapatid ngunit sadyang malakas ang kapit ng kanyang nararamdaman na tila ba wala siyang pakialam sa kung
sino man ang masaktan makuha lang ang gusto nito.

“Kuya, ano daw sabi ni Jane?” Masiglang tanong ni Ariel sa kapatid.

“Huh!? Ah eh… Sabi niya may gusto na daw siyang iba eh. Ang tagal mo daw kasi. Ang bagal mo daw kaya ayun sinagot na niya yung ibang nanliligaw sa kanya.” Ang pagsisinungaling ni Rhuel.

“Ah ganun bah? Nakakalungkot naman. Nahihiya ako makipagkita sa kanya. Ang sakit pala ma basted kuya.” Ang malungkot na sabi nito.

“Ok lang yan. Ganun talaga pero wag ka mawalan ng pag-asa marami pa diyan.”

“Buti na lang andito ka kuya, salamat ha.”

Ipinagpatuloy ni Rhuel ang kanyang nararamdaman kay Jane at ginawa ang lahat para lang mapasagot ang dalaga.

“Oh Rhuel, ano na sabi ng kapatid mo? Hindi ba niya ipagtapat ang nararamdaman niya? Bat ayaw niya magpakita? Ang bagal niya.” Ang pangungulit ni Jane kay Rhuel.

“Jane, may aaminin ako sayo. Ang sabi kasi ni Ariel eh hanggang kaibigan lang daw ang turing niya sayo. yung mga bulaklak ay pasasalamat lang daw bilang isang tunay na kaibigan. Yun lang daw yun at wala nang iba.” Pagsisinungaling ni Rhuel kay Jane.

“Hindi ako naniniwala. Ramdam ko na mahal ako ni Ariel. Natatakot lang siya na sabihin sa akin ang totoo.” Naiiyak na sagot ni Jane.

“Oo Jane, yun ang totoo. Maniwala ka sa akin. Mas makakabuti kung kalimutan mo na si Ariel. Mas makakabuti kung ibaling mo na lang ang pag-ibig mo sa iba.” Sabay yakap kay Jane.

Naisip ni Jane na mas makakabuti nga na kalimutan at ibaling ang pagtingin sa iba. At dun niya nabigyang pansin ang importansyang binibigay ni Rhuel sa kanya. Nabaliwala at nakalimutan ni Rhuel ang kapatid. Hindi na sila nagkaroon ng gaanong panahon para makapag-bonding. Sa lahat nang bagay ay si Jane na ang inuuna nito.

Lingid sa kaalaman ni Ariel, si Jane at si Rhuel ay may ugnayan na. Hanggang isang araw ng maabutan ni Ariel si Jane sa bahay nila.

“Jane? Anong ginagawa mo dito?” Masayang tanong nito sa babae.

“Huh!? Ah eh dinalaw ko lang yung kapatid mo. Kamusta ka na?” Ang sagot nito kay Ariel.

“Dinalaw mo kapatid ko? Panong dinalaw? Hindi ko maintindihan.” Ang naguguluhang sagot ni Ariel.

“Ahh so di mo pa pala alam. Ito talagang kuya mo masyadong masikreto. Kasi kami na ng kuya mo. Hindi ba niya sinabi sayo?” Ang sagot ni Jane.

“Kayo na ni Kuya? Pano naging kayo? Wala siyang sinabi sa akin?” Ang malungkot sa sambit ni Ariel habang papalabas ang kanyang kapatid galing kusina.

“Ariel?” Ang kinakabahang tanong ni Rhuel.

Nakatitig lamang si Ariel sa kapatid habang lumuluha ang mga mata. Walang kibo at di maipaliwanag ang dahilan kung magagalit ba siya sa panloloko ng kapatid o matutuwa para sa kanilang dalawa. Agad na pumasok si Ariel sa kanyang silid at isinara ang pinto.

“Ariel, kausapin mo naman ako. Gusto ko magpaliwanag sayo. Gusto ko sabihin sayo ang totoo pero ayaw kitang biglain at masaktan.” Ang paliwanag ni Rhuel habang kumakatok sa likod ng pintuan.

“Rhuel, anong nangyayari? Hindi ko maintindihan kung bakit ganun ang reaksyon ni Ariel. May hindi ba ako alam dito?” Ang tanong ni Jane.

“Wala naman, ipapaliwanag ko sayo ang lahat mamaya. Kakausapin ko lang yung kapatid ko.” Ang sagot ni Rhuel.

Hindi malaman ni Rhuel ang nararamdaman. Alam niyang mali ngunit masaya siya sa ginawa niya. Nasa sa kanya na ang babaeng pinakamamahal niya ngunit kapalit nito ay ang masaktan ang kaisa isang taong mahalaga sa kanya. Pumasok si Rhuel sa silid upang kausapin si Ariel.

“Ariel, pwede ba tayong mag-usap?” Ang pagmamakaawa ni Rhuel.

“Ano pa ang pag usapan natin? Niloko mo ako. Nagsinungaling ka sa akin. Akala ko kapatid kita.
Akala ko mapagkakatiwalaan kita. Pero hindi pala. Nagkamali ako.” Ang umiiyak na sagot sa kapatid.

“Alam ko mali ako. At nagsinungaling ako at hindi sinabi ang totoo. Patawad. Nagmahal lang ako.
At hindi ko kaya na mawala si Jane sa akin. Ramdam ko na siya na ang babae para sa akin. Kaya sana maintindihan mo ako. Alam ko na nasaktan kita at mahal mo si Jane, hindi ko sinasadyang mahalin siya. Nahulog ang loob ko sa kanya at alam ko din na mahal niya ako. Aaminin ko mahal ka ni Jane ngunit ang tagal niyang naghintay para ipagtapat mo sa kanya yun.” Paliwanag ni Rhuel.

“So kaya mo siya sinulot sa akin dahil sa ang bagal mo? Dahil sa torpe ako? Dahil ba sa wala akong lakas ng loob para sabihin sa kanya ang totoo? Ginamit mo ang kahinaan ko para sa kaligayahan mo.” Sambit ni Ariel.

“Bakit mo nagawa sa akin to kuya? Sa lahat ng tao sa mundo, ikaw pa!? Bakit? Ano ba ang kasalanan ko sayo para gawin mo sa akin to? Dahil ba sa kasalanan ko noon na ginalaw ko yung holen mo kaya ngayon ka gumaganti sa akin? Dahil ba dun kuya? Hanggang kailan mo ako patatawarin sa kasalanang matagal ko nang ginawa. Hanggang sa kaisa-isang babaeng mahal ko aagawin mo sa akin parang lang makaganti ka?” Ang pagpapatuloy ni Ariel.

“Kuya, alam mo na mahal na mahal ko si Jane. Alam mo na siya lang ang gusto ko sa tanang buhay ko. Pero wala na. Inagaw mo na. Oo may kasalanan ako sayo noon. Kinuha ko ang laruan mong holen pero wag naman sana pagbayarin ako sa pagkuha sa babaeng pinakamamahal ko. Kunin mo na ang lahat sa akin kuya wag lang si Jane. Ibibigay ko sayo lahat ng laruan na gusto mo, wag lang siya.” Pagmamakaawa nito sa kapatid.

“Ariel, hindi ganun kadali yun. Hindi ganun kadali ang gusto mo. Nagmamahalan kami ni Jane. Gusto ko maintindihan mo ang lahat. Hindi ko ito ginawa para saktan ka at gantihan ka sa kasalanan mo noon. Hindi ko gustong gawin ito pero mahal ko siya. Ariel, sayo na lahat ng laruan ko wag lang si Jane. Hindi ko siya kayang ibigay sayo. May dahilan kung bakit kami andito ngayon. Hindi ko siya pwedeng ibigay sayo.” Paliwanag ni Rhuel.

“Bakit kuya? Bakit hindi? Una siyang naging akin.” Galit na sagot ni Ariel.

“Dahil… dahil.. buntis si Jane. Magkakaroon na kami ng anak.” Pagtatapat nito sa kapatid.

Doon gumuho ang mundo ni Ariel nang marinig ang mga salitang iyon. Alam niya na sa pagkakataong iyon ay wala na siyang laban sa isang sanggol na nasa sinapupunan. Alam niya na kahit ano pa man ang gawin niya ay hindi na niya mababago ang lahat. Alam niya na may dahilan ang lahat kung bakit ganun ang nangyari. Alam niya na sa puntong iyon ay kailangan na niyang tumigil sa kahibangan niya.

“Ariel, gusto kong ipagtapat sayo ang mga ito ngunit naunahan ako ng takot. Mahal kita bilang kapatid ko at walang makakapagpabago dun. Ikaw lang ang nagiisang kapatid ko. At sa darating mong pamangkin gusto ko na may tito siya na katulad mo. Gusto ko ikaw ang magiging pangalawang ama niya. Yun ang hinihiling ko sayo. Sana patawarin mo na ako.” Pagmamakaawa ni Rhuel.

Walang tigil sa pag-iyak si Ariel sa mga katagang narinig sa kapatid. Tila ba nawala ang galit nito sa loob at napalitan ng pagmamahal sa kapatid at sa darating na pamangkin. Naisip niya na mas masaya kung may isang sanggol sa bahay nila. Mas masaya at may bagong siyang lalaruin at aalagaan.

“Kuya, pinapatawad na kita. Patawarin mo rin ako sa kasalanang nagawa ko noon at pati na rin ngayon. Ipinapangako ko na mamahalin ko ang anak mo at aalagaan siya. Magiging mabuting tito ako para sa kanya.” Naiiyak na sambit ni Ariel sabay yakap ng mahigpit sa kapatid.

“Maraming salamat Ariel. Masayang masaya ako ngayon.” Natutuwa at naiiyak na saad nito

“Tama na nga to, halika na at ipakilala mo ako ng mabuti sa magiging asawa mo.” Nakangiting saad ni Ariel.

Lumabas ang dalawa sa silid na may ngiti sa kanilang mga labi. Doon napatunayan ng magkakapatid na kahit anong bagay pala sa mundo ay walang makakapaghiwalay sa kanila kahit laruan man o ibang tao na pilit silang paghiwalayin. Sadyang matimbang ang dugo kesa tubig o kahit ano mang bagay sa mundo. Kahit na nagsimula sa di maganda ang relasyon nilang magkakapatid, kahit nagsimula ang hidwaan dahil sa isang laruan ngunit hindi pa rin ito naging dahilan para hindi magkaayos ang dalawa. Mas lalong tumibay ang relasyon nila at dahil na rin sa bagong supling na dumagdag sa pamilya nila.
Makalipas ang ilang taon….

“Tito Ariel, gising ka na. Mamamasyal tayo ngayon diba?” Ang pangungulit ng anim na taong gulang na
bata habang natutulog si Ariel.

“Huh!? Ngayon ba yun!? Naku late na ako nagising. Sorry na mahal kong pamangkin. O siya sige san mo gusto mamasyal?” Tanong nito kay Nathan habang yakap yakap niya ito.

“Ahh.. sa park po tapos punta tayo ng mall, tapos promise mo sasakay tayo ng tiyubibo, tapos kakain tayo, tapos bibili tayo ng madaming madaming laruan.” Ang makulit na sagot ni Nathan sa kanya.

“Ahh ang dami mong gustong gawin ha. Sige gagawin natin yan lahat. Pero maliligo muna si Tito Ariel kasi mabaho pa ito.”

“Yehey! Sige Tito bilisan mo ha. I love you.” Sagot ni Nathan sa kanya.

Masayang niyakap ang pamangkin na nagpupumiglas sa kanyang mahigpit na yakap dahil na rin sa mabahong hininga nito. Sadyang ganun lang magkulitan ang mag-tito. Mula noon ay walang oras o araw na hinahayan si Ariel na di makita ang pamangkin. Nagpapasalamat si Rhuelsa kapatid dahil na rin sa pagmamahal nito sa kanyang anak na si Nathan at pati na rin sa kanyang sariling pamilya.

Wakas.

Scroll to Top