ni tita li
Sinulyapan ni Carina ang relo niya para tiyakin kung anong oras na. Pinaandar niya ang kotse at mabilis na lumabas sa parking lot ng supermarket. Lagpas na ng alas singko. Kung hindi siya magmamadali o matatrapik siya ay mauunahan pa siya ng uwi ni Les.
Plano ni Carina na pagdating ng asawa ay handa na ang hapunan nila ngunit mahaba ang listahan niya ng mga pamimilihin at ubod nang haba ang pila pagbabayad dahil hindi lahat ng kahera ay bukas ang kaha. Inabot siya ng labasan ng mga empleado kaya kahit magpasibad siya ng takbo ay tiyak na mauunahan siya ni Les.
Tama nga. Malayo pa siya ay nakita niyang nakaparada ang van ni Les sa driveway. Ipinarada niya ang kotse niya sa likod ng van at nagkukumahog na kinuha ang mga pinamiling groserya. Hindi siya magkandadalang pumasok ng bahay. Talagang inaantabayanan siya ni Les pagka’t hindi na niya ginamit ang susi niya. Binuksan na nito ang pinto. Deretso sa kusina si Carina. Ibinaba ang pinamili sa mesa. Kasunod niya si Les.
“Saan ka galing?” tanong nito.
“Namili ako sa supermarket. Mahabang masiyado ang pila ng mga nagbabayad,” animo’y wala sa loob na sagot ni Carina.
Nakita ni Carina na kumunot ang noo ng asawa.
“Saang supermarket ka namili?” naghihinalang tanong nito.
“Sa pinakamalapit dito sa atin. Sa dati kong pinupuntahan.”
“Sigurado ka bang doon ka lang nagpunta?” mapang-usig na tanong ni Les.
“Oo. Doon lang ako nagpunta. Heto nga ang mga pinamili ko. Saan pa ba ako pupunta?”
“Aywan kung saan ka pa nagpunta. Parang madalas yata ang lakad mo ngayong mga araw na ito. Sana ay huwag kang nag-aaalis ng bahay. Alam mo namang ang gusto ko ay nakahanda na ang hapunan pagdating ko galing sa trabaho. At alam mo naman kung anong oras ako kung dumarating ng bahay.
“Les naman, bihira akong umalis ng bahay. Umaalis lang ako para mamili ng mga kailangan natin. Sorry at hindi pa nakahanda ang hapunan. Hindi na mauulit ito.” Nagpahid ng hindi mapigilang luha si Carina.
Nilapitan ni Les si Carina at niyakap. “Kalimutan na natin ang nangyari. Mahal na mahal kita, Carina,” anito at hinalikan ang asawa sa pisngi.
“Mahal din kita, Les,” ganting sagot ni Carina. Lumabas ang mga salita na parang wala sa loob ni Carina. Di tulad nang dating pag sinasabi niya ay nararamdaman niyang pumipitlag ang puso niya. Ang pagmamahalan nila ay nalalambungan ng mga hinala at kawalang-tiwala. Walang ginagawa si Carina para mawalan ng tiwala sa kaniya si Les.
Katutuntong lamang ni Carina ng ikadalawampu’t isang taong gulang nang magkakilala sila ni Les na tatlong taon ang tanda sa kaniya. Palibhasa’y mahiyain si Carina ay bihira siyang nakipag-date ng nasa high school pa siya. Kaya wala pa siyang naranasang seryosong relasyon sa isang lalaki ng panahong nagsisipag-date at nagsisipag-asawa na ang mga kaklase niya. Malungkutin at laging mag-isa si Carina nang dumating sa buhay niya si Les. Para kay Carina, si Les ang lalaking ipinagkaloob sa kaniya ng langit para makapiling habang buhay. Palagay niya ay gayon din ang nararamdaman ni Les. Hindi rin ito nagkaroon ng relasyon sa iba. Ngunit para kay Carina ay si Les ang prinsipe ng kaniyang mga pangarap lalo na nang sabihin nito sa kaniya na si Carina ang pinakamabuting nangyari sa buhay niya.
Ngayon, may isang taon pa lamang mahigit silang nagsasama ay itinatanong ni Carina sa sarili kung nagkamali siya ng desisyong pakasal kay Les. Lubha itong mapang-angkin at seloso. Hindi sinasabi ni Les ang nasa loob niya kay Carina ngunit nararamdaman ni Carina na ayaw nitong umaalis siya ng bahay habang wala ito at nasa trabaho. Pinapagbitiw rin si Carina sa trabaho at gusto ay nasa bahay na lamang. Tuwing makakapanggaling ito sa trabaho ay laging unang tanong kung may pinuntahan siya. Pag niyaya naman ni Carina na lumabas silang magkasama sa gabi, ang katuwiran ay pagod. Lamang, hindi nababawasan ang sigabo ng damdamin nito pag nagtatalik sila. Iyon lamang sa pagsasama nila walang maipipintas si Carina. Sa gabi ay alaga siya sa pagmamahal ng asawa.
Kinabukasan matapos ang insidente ng pagpunta sa supermarket ni Carina ay tumunog ang telepono habang naglilinis siya ng bahay. Si Les iyon.
“Kumusta ka na riyan, mahal?” anito.
“Mabuti naman. May nangyari ba?” nag-aalalang tanong ni Carina. Noon lamang tumawag mula sa trabaho si Les.
“Wala. Tumawag lang ako para tiyaking okay ka riyan sa bahay,” sagot ni Les.
“Bakit mo naman aakalaing may mangyayari sa akin dito sa bahay?” ganting tanong ni Carina.
“Wala naman. Gusto ko lang sabihin sa iyong mahal kita,” ani Les.
“Mahal din kita, Les. O sige na. Asikasuhin mo na ang trabaho mo,” pilit na pinasigla ni Carina ang tinig niya.
Mula noon, dumalas nang dumalas ang mga tawag ni Les mula sa trabaho. Kung minsan ay makaanim na ulit tumatawag ito para sabihin na mahal niya si Carina. Ngunit ang hinala ni Carina ay sinisiguro nitong hindi siya umaalis ng bahay. Hindi nakapagpigil si Carina. Isang gabi ay ibinulalas ang nasa sa loob sa asawa.
“Les, natutuwa akong inaalala mo ako habang nasa trabaho ka. Alam ko na iyan. Ang asikasuhin mo ay ang trabaho mo dahil baka magalit ang Boss mo at mawalan ka ng trabaho.”
“Hindi. Walang pakialam iyon. Isa pa ay pag break ko saka kita tinatawagan,” katuwiran ni Les.
“Bakit, anim na ulit ba sa maghapon ang break mo? Ang pakiramdam ko ay tinitiyak mong nasa bahay ako.”
“Hindi. Talagang sinisiguro ko lang na nasa mabuti kang kalagayan.”
Nakaupo sila sa sofa sa harap ng telebisyon. Humilig na lamang si Carina kay Les.
“Alam mong mahal din kita. Kung gusto mong sabihin sa akin iyan nang limampung ulit sa isang araw, bakit ako magrereklamo,” sabi na lamang ni Carina.
Natapos nang maayos ang usapang iyon ngunit hindi mapakali si Carina. Palagay niya ay siyang lagi ang nagbibigay sa asawa. Ang mga gusto nito ang nasusunod.
Isang araw ay tinawagan si Carina ng matalik niyang kaibigan sa high school na si Nida.
“Halika rito sa bahay at narito ang iba nating kabarkada. Gusto kang makita.”
Hihingi sana ng paumanhin si Carina ngunit naisip niyang bakit ba hindi siya pupunta? Wala naman siyang gagawing masama. Isa pa ay gusto naman niyang may ibang makausap. Pumayag siya sa kaibigan. Tuwang-tuwa naman ito.
Nalibang nang husto si Carina sa bahay ni Nida. Limang kaklase nila dati ang naroon. Masaya ang kanilang kuwentuhan. Maraming pagkaing inihanda si Nida. Nagdala rin si Carina. Nang mapansin ni Carina ay alas kuwatro na ng hapon. Nanlamig siya. Kinabahan. Kailangang unahan niya ng pagdating sa bahay si Les. At ni hindi siya nakapagpaalam dahil madalian ang imbitasyon. Agad nagpaalam si Carina sa mga kaibigan, nangakong dadalaw ulit at magkikita-kita silang muli.
Nagkukumahog na naghanda ng hapunan si Carina. Nang dumating si Les ay nakahain na. Tahimik silang kumain. Nag-umpisang mag-usisa si Les.
“Kumusta ang araw mo, mahal?” tanong nito.
“Mabuti,” maikkling sagot ni Carina.
“May pinuntahan ka ba?” tanong ni Les.
“Wala. Naglinis lang ako ng bahay at nanood ng TV,” pagsisinungaling ni Carina.
Napaigtad si Carina nang bayuhin ni Les ang mesa. “Sinungaling! Ilang beses akong tumawag, wala ka.”
“Baka nasa labas ako, nagdidilig ng halaman.”
“Bakit ka nagsisinungaling sa akin? Umalis ka dahil nabago ang parada ng kotse at nadagdagan ang mileage. Ano ang itinatago mo sa akin, Carina?”
Nanlaki ang mga mata ni Carina. “Tiningnan mo ang mileage ng kotse ko?” galit na wika ni Carina. Hindi makapaniwala.
“Sagutin mo ang tanong ko,” matigas na wika ni Les.
“Bakit ko sasagutin ang tanong na iyan? Hindi kita binigyan ng dahilan para maghinala sa akin. Pero sasabihin ko sa iyo. Tumawag si Nida at pinapunta ako sa bahay niya dahil naroon ang dati naming mga kabarkada.”
“Bakit kailangang magsinungaling ka?” galit na tanong ni Les.
“Dahil alam kong magagalit ka. Ginagawa mo akong bilanggo sa loob ng bahay na ito. Ayaw mo akong pumunta kahit saan, ayaw mo ring samahan akong pumunta kahit saan. Nagsisimula na akong mamuhi sa ganitong klaseng buhay,” umiiyak na wika ni Carina.
“Puwes, masanay ka na dahil dadalhin ko ang susi ng kotse mo na hindi naman sa iyo dahil ako ang bumili para magamit mo. Ayokong kung saan-saan ka naggagala habang nasa trabaho ako. Hindi ka na pupunta sa bahay ni Nida. Kung anu-anong ideya ang ipapasok niyan sa ulo mo. Akin ka, Carina. Mahal kita. Ayokong may makahati sa pagmamahal na iyan.”
Nang mga sumunod na linggo ay maghapong nasa bahay si Carina. Nagagambala lang ang katahimikan ng pagtunog ng telepono pag tumatawag si Les. Pagdating ng gabi ay parang masisiraan na ng bait sa pagkabagot si Carina. Para siyang hayop na nasa kulungan. Kontento naman si Les na nasa bahay at nagbabasa o nanonood ng TV.
Isang gabi ay may sinabi si Carina sa asawa.
“Palagay ko ay naglilihi ako. Salamat at magkakaroon na ako ng anak na aalagaan at mamahalin.”
“Tatlong buwan na raw ang dinadala ko sa sinapupunan,”ani Carina.
Akala ni Carina ay galak na yayakapin siya ni Les. Sa halip ay matinding galit ang nabasa niya sa mukha nito.
“Ayokong may bata ritong iyak nang iyak,” anito.
Napatingin sa asawa si Carina. “Nagseselos ka sa magiging anak natin, ano?” usig ni Carina.
“Oo. Ang gusto ko ay sa akin lamang ang atensiyon mo.”
“Hindi normal ang takbo ng isip mo. Nasisiraan ka ng bait,” umiiyak na sigaw ni Carina.
Nagsiklab ang galit ni Les. Pinagsasampal si Carina. Pinagsisipa. Tumigil lamang nang humagulgol ng panangis ang asawa.
“Malay ko kung akin ang batang iyan. Hindi ko alam kung saan kang lupalop nakakarating pag nasa trabaho ako.”
Padarag na pumasok ng kuwarto nila si Les. Iniwang nakahandusay sa sahig ang umiiyak na asawa. Sa sofa nakatulog si Carina nang gabing iyon.
Bago ito pumasok sa trabaho, nagbanta si Les.
“Hindi mo ako iiwan. Pag umalis ka ay papatayin kita! Wala kang mapupuntahan na di kita mahahanap, babae ka.”
May binuong pasiya si Carina. Nang tiyak nang wala si Les ay tinawagan si Nida. Nagpasundo rito. Sa kotse ay isiniwalat niya ang kaniyang problema. Matamang nakinig si Nida.
“Huwag kang matakot. Nakalimutan mo na bang social worker ako? Matutulungan kita para hindi ka muling masaktan ng asawa mo.”
Dinala ni Nida si Carina sa Centre para sa mga babaing inaabuso ng asawa. Inireport din niya ang pagbabanta sa buhay niya ni Les. Mahusay ang suportang nakukuha niya sa Centre. Tinulungan siyang makahanap ng trabaho at ng tirahan nang makalipas ang ilang buwan.
Ipinangako ni Carina sa sarili na hindi na niya papayagang tratuhin siyang parang pag-aari ng ibang tao. Isa siyang nilalang na may karapatang lumigaya nang may dignidad at respeto sa sarili. Pagkasilang ng anak niya ay lalong magkakaroon siya ng dahilan para magsikap sa buhay. Balak niyang kumuha ng mga kurso sa computer para madagdagan ang nalalaman niya at muling mahasa ang mga kakayanan niya. Maganda ang hinaharap niyang buhay sa piling ng kaniyang magiging supling.
WAKAS