ni Wynclef Enerio
Dala-dala ang amplifier at gitara, handa na kami ni Jepoy na tuparin ang aming pangarap.
“Manong,” sabi ni Jepoy. “Jam tayo.”
Sinapawan ng boses ni Manong sa pagkanta ng Royals ni Lorde ang alok ni Jepoy sa kanya. Pero halata sa pagbigkas niya ng mga salita ang pagkabarok sa lenggwahe ng kanta. Patuloy lang siya sa pagkaskas ng gitara. Kulot na ang kayumangging balat. Hindi maitatago nang itim na salamin niya ang kawalan ng paningin. Madiin na tinitipa nang makalayo niyang mga daliri ang mga chords ng kinakanta. Paminsan-minsa’y sumasabit sa string ang mga humahabang kukong tinataguan ng alikabok ng Maynila. Nangingitim na rin sa libag ang mukha ni Erap sa puting damit na suot niya.
Sa gitna ng mga pagtugtog niya, dinadaanan lang siya ng mga tao. Halata sa mga malalambot na pagkaskas niya sa gitara na hindi niya alam ang nararapat na emosyon sa masayang kanta na ito. Walang sigla sa mga lirikong lumalabas sa bibig niya.
Hindi pa rin siguro maitatago ng masayang kanta ang lungkot ng taong kumakanta nito.
Sabog ang boses niya sa mic pati ang tunog ng gitara niya. Isang kupas na pulang Squire ang ginagamit niya, pero hindi ko alam kung original ang gitara niyang ‘to. Kupas na rin ang mga fretboards nito.
Dito kami dumeretso ni Jepoy matapos malaman ang mga pumasa sa audition para sa mga tutugtog sa darating na Foundation Day ng paaralan namin. Wala kami sa mga napiling tutugtog sa event na ‘yon. Matapos ang mga ilang araw at gabing pagpa-practice, ‘yung mga kilala lang ng mga judge ang napili. Matagal na naming pinaplano na makatugtog sa harap ng mga tao, hindi na bale kung iilan lang, ang mahalaga, may nakikinig sa amin. At matagal na rin naming nakikita si Manong dito, kaya heto ang naisip naming paraan.
Lumapit ako sa kanya. Namamawis ang palad ko. Nilulunok ko ang mga namumuong laway sa loob ng bunganga ko. Hindi ko pa rin maiwasang pagpawisan nang malamig kahit na hindi niya ako nakikita. Tinapat ko ang bibig ko sa tenga niya.
“Manong,” sabi ko. “Jam tayo.”
“Tara!” sabi ng Manong na nakangiti. Lumabas ang boses niya sa speaker ng mic. Nagtinginan ang mga tao sa paligid namin. “Anong tugtog?”
Nagtinginan kami ni Jepoy, agad niyang tinanggal ang gitara sa bag. Binuksan ang amplifier.
“Asin po, ‘Nong,” sabi ko.
Sinagot niya ‘ko ng pagkalabit ng kwerdas. Mga kalabit na nagdadala sa akin sa mga araw na nasa harap ako ng bukid, hinahaplos ng hangin. Nagtinginan ang mga taong dumadaan sa amin. Sumasabay ang ugong ng LRT sa ibabaw ng Central Station habang nasa ilalim kami nito.
“Kunin mo ‘yung mic,” sabi niya. “Ikaw ang kumanta.”
Hindi ko alam kung kanino niya tinutukoy ang sinabi niya. Pero kinuha ko agad ang mic para habulin ang unang mga kataga ng kanta. Himig ng Pag-ibig ng Asin ang tinutugtog niya. Pinapanood kami ni Jepoy. Sumasabay din siya sa pagkanta ko habang gumagalaw na ang ulo ni Manong sa pagdama ng kinakalabit na melodya ng kanta.
“Ako naman ang kakanta,” sabi niya. “Tugtog ka ng kanta ng Asin.”
Si Jepoy naman ang kumalabit sa gitara. Tinapat ko ang mic sa bibig ni Manong.
“Paborito ko ‘yan,” sabi ni Manong. “Usok ‘yan, ‘di ba?”
“Opo, ‘Nong,” sabi ni Jepoy.
Nang kumanta na si Manong, naging makulay ang kanina’y itim at puti niyang pagkanta. Nagsanib ang kanilang melodya na nagparami sa mga taong tumigil sa harap namin at nanood. Sumasabay din sa pagtugtog ang paghulog ng mga barya sa donation box ni Manong. Nagpalakpakan ang mga tao ng tinugtog ni Jepoy ang adlib ng kantang iyon.
“Salamat sa inyo ha?” sabi ni Manong. Ngumiti siya. Sumilip ang tatlo na lang na ngipin na nasa itaas at lima sa ibaba.
Iniligpit na ni Jepoy ang gitara niya’t tinanggal ko na rin sa saksakan ang amplifier niya.
“Salamat din po, ‘Nong,” sabi ko. “Pero kailangan na po namin umuwi e.”
“Ay gano’n ba,” sabi niya. “Ay sya, sige, ingat kayo a. Next time ulit.”
Bumunot ako sa bulsa ko. Beinte pesos.
“Ihulog mo na, ‘tol,” sabi ni Jepoy. “ako na bahala sa pamasahe mo.”
Hinulog ko ang pera sa donation box.
“Salamat,” sabi ni Manong. Nagtinginan kami ni Jepoy.
Iniwan namin si Manong na umiinom ng tubig. Malayo na kami sa kanya’y narinig ko ang pagkaskas niya sa gitara. Nanumbalik ang lambot sa pagkaskas niya, pero walang lambing. Narinig ko ang boses niya. Nanumbalik sa itim at puti ang kanyang musika.
* * * * * *
“Hindi ko naman tugtugin ‘tong mga ‘to,” sabi niya noong balikan namin siya kinabukasan. Papalubog na ang araw, alam naming kailangan niya na ulit tumugtog. “Heto lang ‘yung pinapatugtog sa ‘kin ng nagdala sa ‘kin dito sa pwesto na ‘to.”
“Pero, ‘Nong,” sabi ni Jepoy, “mas maganda siguro kung tutugtugin mo ‘yung mga gusto mong kanta. Parang hindi ka kasi masaya kapag iba yung mga tinutugtog mo.”
Ngumiti si Manong.
“Oo nga , e,” sabi niya. “Buti na lang, sinamahan niyo ‘kong tumugtog.”
Ngumiti siya. Sumilip ulit ang tatlo na lang na ngipin na nasa itaas at lima sa ibaba. Hindi na rin naaahit ang mahaba’t inuuban na bigote niya, tumatakas na rin ang buhok sa loob ng ilong niya.
“Kailan niyo balak umalis dito, ‘Nong?” tanong ko.
“Hindi ko alam,” sabi niya. “Hindi naman ako nakakaalis dito. May nag-aalis sa ‘kin dito e. Hindi ko kilala kung sino.”
Busina ng mga kotse ang sumagot sa amin.
“Ano namang naisipan n’yo’t sinamahan niyo kong tumugtog?” tanong ni Manong.
“Dati pa po talaga namin balak ‘to, ‘Nong,” sabi ni Jepoy. “Talagang nagawa lang namin noong hindi kami natanggap sa audition.”
“Saang audition?”
“Sa school po namin,” sagot ni Jepoy. “May event po kasi na nagpa-audition ng mga gustong tumugtog, pero ‘yung mga kilala lang nila ‘yung napili.”
“Ay, gano’n ba,” sabi ni Manong. “Kaya pala dito niyo naisipang tumugtog na lang.”
“Heto po talaga ‘yung gusto namin, ‘Nong,” sabi ko.
“Ano bang bang gusto niyo?” Tanong ni Manong.
“Paanong gusto po, ‘Nong?” sagot ko.
“sa buhay,” sabi niya. “Kung anong balak niyo.”
Nagtinginan kami ni Jepoy. Sinenyas niya na ako ang unang sumagot.
“Gusto ko po talagang maging bokalista, ‘Nong,” sabi ko.
“Ikaw?” sabi niya, pero nakaharap siya hindi sa amin kundi sa espasyo sa tabi namin. Sumagot si Jepoy.
“gitarista ho talaga, ‘Nong.” Sabi niya. “Pero hindi ho kami makatugtog. Kasi po gano’n ‘yung sistema sa ‘min. Pati po puro aral lang din sa school na ‘yun.”
“Ano bang inaaral mo ngayon?”
“Civil Engineering po, ‘Nong,” sabi ni Jepoy. Umubo muna siya. “pero mag-e-enroll dapat ako sa Conservatory of Music sa UST, pero hindi ako pinagbigyan ng magulang ko. Gusto nila ‘kong maging engineer.”
“Gano’n din ako, ‘Nong,” sabat ko. “Hindi ko rin naman talaga gusto ‘yon. Pero alam n’yo po ‘yun, parang nasasanay ka na rin. Parang no’ng high school lang pati elementary, kahit ayaw mo ‘yung subject, mapipilitan kang mag-aral.”
“Hindi naman ako nakapag-aral,” sabi niya. “Kaya hindi ko alam ang masasabi sa inyo.”
Ugong ng tren sa ibabaw naming Central Station ang sumagot sa amin.
Umubo si Manong. “Hindi ko na maalala kung paano ako nagsimula rito. Basta noong una ‘kong humawak ng gitara, musika na talaga ang alam kong katuwang. Pinanganak akong bulag. Maagang nawala ang mga magulang ko. Napunta ko sa tiyahin ko, hanggang sa inabandona ako dahil hindi na nila ‘ko kayang buhayin.”
“Pero hindi na siguro mahalaga ‘yun ngayon, ang mahalaga, nakakatugtog pa rin ako.” Patuloy niya.
“Opo,” sagot ko.
“tuloy lang kayo,” sabi ni Manong. “Iyang mga ‘yan, hindi mawawala kung ipagpapatuloy niyo. Ako, heto ang bumubuhay sa akin. Gitara ko ang bumubuhay sa ‘kin. Hanapin niyo kung anong bumubuhay sa inyo.”
Ugong ulit ng tren mula sa Central Station ang sumagot namin.
“Paabot naman ng tubig ko,” Sabi ni Manong habang nakangiti’t kinakapa ang paligid niya. Inabot ko ang tubig na nasa tabi ng amplifier niya.
Lumingon ako kay Jepoy, nilalabas niya na ang gitara mula sa bag niya.
“Tara ho,” sabi ni Jepoy. Ngumiti si Manong.
Tinugtog namin ang Tuldok, Magnanakaw, at Gising na Kaibigan. Mas ramdam ko ngayon ang pagkanta ni Manong. Sa bawat kalabit niya sa gitara’t pagbakat ng litid sa pagbirit, nag-uumapaw ang melodya sa paligid. Pakiramdam ko’y nasa stage kami kasama si Manong. Kasama namin siyang natugtog sa harap ng mga tao, kahit na hindi niya ‘yon nakikita. Sunod-sunod ang naghuhulog ng mga barya. May mga ilan na tumitigil para manood. Pinagmamasdan ko ang mga bibig nila, sumasabay sila sa amin.
“Palakpakan n’yo naman ang mga kasama ko,” sabi niya. Bilang sa sampu ang pumalakpak pero may mga naghulog pa ng barya sa donation box ni Manong.
“Manong, paano ba ‘to,” paalam ko pagkatapos ng mga palakpakan at paghulog ng barya ng mga taong nanood. “aalis na naman kami.”
“Iyon nga e,” sabi niya. Tumawa siya pero halata sa tawang iyon ang lungkot sa paghihiwalay ulit “Sa susunod ulit, ha?”
“babalik ho kami ulit,” sabi ni Jepoy. “Ibang kanta naman po ha?”
“sige!” sigaw ni Manong, nakatapat ang mic sa bibig niya. Nagtinginan ang mga tao sa paligid.
Tumingin ako kay Jepoy.
“Ako naman sasagot ng pamasahe mo,” sabi ko.
Naghulog siya ng beinte pesos sa donation box.
“Teka lang!” sabi ni Manong. Nagtinginan ang mga tao sa pligid niya. “balik kayo rito! May sasabihin ako sa inyo!”
Lumapit kami sa kanya.
“bakit po?” sabi ko.
“Sa susunod, kayo lang ang tumugtog, ha?” sabi niya. “Gusto kong making lang.”
“Sigurado ho kayo?” Tanong ni Jepoy.
“Syempre,” ngumiti si Manong. “Sige, ingat kayo sa pag-uwi, ha?”
“Ingat ka rin po diyan, ‘Nong,” sabi ko.
Naglakad kami papalayo sa kanya. Tumugtog siya ulit ng kanta ng Asin. Tuldok ang kanta. Ngayo’y hindi na lang dadalawa ang kulay ng kanyang musika.
* * * * * *
Kinabukasan, kumpulan ng mga tao ang nadatnan namin sa pwesto niya. Dali-dali kaming lumapit ni Jepoy sa pwesto bitbit ang amplifier at gitara. Kakaunti na lang ang mga nagdaraang mga sasakyan. Nakabukas na rin ang mga ilaw sa poste na nakatutok sa daan. Nakasilip din ang bwan sa likod ng mga ulap. Pero sa pwesto ni Manong, doon lahat nagtipon ang mga tao sa lugar na ‘yon.
Nagtanong kami sa isang matandang babae na bakat ang bilbil sa hapit na kulay pulang damit na may mukha ni Erap.
“Ano pong nangyayari?” tanong ko.
“’Yung bulag na natugtog dito, nasaksak,” sabi niya.
Napalunok ako.
“bakit ho?” tanong ni Jepoy.
“Hinihintay niya na lang ‘yung kumukuha sa kanya rito e,” sabi niya. “Tapos may lumapit kasi sa kanya, dalawang lalaki ‘yun e. Inaagaw ‘yung gitara niya, lumaban naman ‘tong si bulag. Ayun, sinaksak nang ilang beses sa tagiliran. Kawawa nga, sigaw nang sigaw ng tulong.”
“Bakit po walang tumulong?” tanong ni Jepoy.
“Mahirap na,” sagot ng matanda. “baka madamay pa.”
Napalunok ako.
Sumingit ako sa mga taong nakiki-usyoso. Kumpulan sila, may mga hawak-hawak na cellphone, pinipiktyuran si Manong. Nakikisali ang ilaw ng poste sa mga flash ng mga cellphone. Ang dating nanlilimahid na damit niyang kulay puti na may mukha ni Erap, nakulayan na ng sariling dugo niya habang natagas ang dugo sa tagiliran niya. Hindi ko napigilan ang pag-agos ng luha ko. Katabi niya ang salaming itim na siguro’y tumalsik sa pagbagsak niya. Hinihila na ako ni Jepoy papalayo sa mga tao. Naririnig ko ang ambulansya. Naririnig ko ang tibok ng puso ko. Kasing bilis ng pagpulasan ng tao nang padating na ang kukuha sa kanya. Kasing bilis ng unang pagkikita namin. Kasing bilis ng pagkawala niya.
* * * * * *
Hindi na ‘ko dumadaan doon mula nang mangyari yo’n. Hindi na rin ako kumakanta sa banyo kapag naliligo ako. Hindi ko na rin nakakasabay si Jepoy sa pag-uwi. Pero lagi niyang dala ang gitara niya. Bawat gabi, hindi matanggal sa isip ko ang mukha noon ni Manong. Kung gaano kabilis ang pagtangay sa ngiti niya, at ang oras na sana’y pwede pa kaming makatugtog ulit.
Papalabas na ako ng school nang may biglang umakbay sa akin.
“Tol,” pagkalingon ko. Si Jepoy. “Sabay naman tayo umuwi.”
“May lakad pa ‘ko e,” sagot ko.
“Dali na,”
“May kailangan talaga ‘kong puntahan, tol.”
“Sa Central Station na ulit tayo sumakay.”
Napatigil ako. Hindi ako makapili ng mga salitang pwede kong isagot sa kanya.
“Tara na,” dinala ako ng pag-akbay niya papunta roon. Dadaanan namin ang pwestong nagmarka sa akin.
Pagdating namin do’n, gano’n pa rin ang mga tao. Parang walang nangyari. Pero meron talagang kulang.
“Tignan mo ‘yun,” sabi niya. Tinuro niya ang pwesto ni Manong dati. May nakaupo roon, natugtog. Nakasalamin din. Asul na Squire ang gitara. Pero mahaba na ang buhok ng natugtog. Dali-daling tumakbo si Jepoy papunta sa pwestong ‘yon. Agad na tinanggal sa bag ang gitara’t sinaksak sa amplifier na naroon.
“Jam na!” sabi ni Jepoy.
Sa tabi niya, nakikita ko si Manong. Sa iba nakaharap, nakangiti.
Ayokong kusutin o kumurap ang mga mata ko. Baka bigla siyang mawala ulit.
Ngumiti ako’t tumakbo papunta sa pwestong iyon kasabay ng pagpapatuloy namin ni Jepoy ng nasimulang pangarap.
Ang nahanap naming bubuhay sa amin.