Dahil sa Madyong

ni Vic Macapagal

Malaking problema ang idinulot sa akin ng aming bagong kalapit-pinto. Simula nang lumipat sila ay hindi na natahimik ang aking tenga’t kaluluwa. Sa umaga, sa tanghali, at sa gabi ay walang tigil ang ingay na mandin ay nagsasangag ng graba at buhangin. Ang haluang ito ng pitsa ay isa lamang sa hindi mabilang na ingay at tunog sa laro nilang… higit na kilala sa tawag na madyong.

Matapos manggaling sa haiskul na aking pinagtuturuan, ang lagi kong kaharap ay ang aking makinilya upang malaya kong isatitik ang daloy ng aking mga guniguni. Ngunit nagsimula ang Linggo at ngayon ay Biyernes na pero bakante pa rin ang puting papel na dapat ay pinamumutiktikan na ng aking mga obra maestra. Ang guniguni kong nasanay sa tikatik ng makinilya ay biglang naakit ng bagong karibal na ingay kung gabi mula sa nagliliwanag na kapitbahay. Sa pagitan ng pagsasangag na iyon ng bato at buhangin ay mga salitang kadalasan ay napapalakas: “pung”, “one ball”, “Ano’ng tapon?” “Bunot!”, at iba pa.

Buo na ang aking pasiya. Bukas din ay ipakikiusap ko kung maaari ay huwag na silang maglaro sa gabi. Mabait naman daw si Mrs. Sarabia, sabi ni Inang nang minsa’y magkausap sila.

Sabado. Ika-sampu ng umaga. Ako ang kauna-unahang bisita ng mga Sarabia. Dinatnan ko ang isang batang mga sampung taong gulang.

“Mommy, tila may maglalaro na! Tawagin ko na ba si Ate?”

Napagkamalan ako ng batang lalaki. Tututol sana ako nang sa lalabas si Mrs. Sarabia. Nagpakilala ako kaagad.

“Magandang umaga ho, misis. Ako ho si Ariel na nakatira sa kabila. Anak ho ni Aling Nora.”

“Ikaw pala si Ariel. Halika, tuloy ka! Pasensiya ka na at napuyat kasi kami kagabi. Madaling araw na nang maghinto sila Luz.”

“Tungkol nga ho doon ang sadya ko. Nais ko ho sanang . . .”

Pinutol ang sasabihin ko nang biglang lumabas ang dalagang anak ni Mrs. Sarabia. Naka T-shirt ng dilaw, naka-short-shorts, at nakangiti.

“Mommy, ang aga naman yata ng dayo natin.”

“Luz, siya si Ariel, anak ni Aling Nora diyan sa kabilang pinto. Iba yata ang sadya niya.”

“Sayang! Akala ko pa naman ay may pogi na kaming makakalaro.” Maharot ang ngiting ipinukol sa akin ng mapagbirong dalaga.

Sa kauna-unahang pagkakataon ay sa bibig lumabas ang aking guniguni. “Ibig ko nga sanang magmadyong pero hindi pa ako marunong.,” ang bigla ay nasambit ko. Napakaganda ni Luz. Sa nagdarahop na guniguni’y isang biyaya ang kanyang kabuuan. Siya’y isang kuwentong walang katapusan.

“Iyon lang pala e,” nakangiti pa ring sabi ni Luz, “bayaan mo at tuturuan kita. Bago dumating ang barkada ay marunong ka na.”

Pinilit nila akong doon mananghali, ngunit pinanindigan ko ang aking pagtanggi. Sabi ko’y lilipat na lang ako pagdating ng mga kaopisina ni Luz upang manood at maglaro.

Ikinuwento ko kay Inang ang aking natutuhan sa mga Sarabia sa pagitan ng paghigop sa niluto niyang tinolang manok.

“Nasa Saudi pala ang asawa ni Mrs. Sarabia. Upang huwag mainip si misis ay binayaan niya na matuto ng madyong. Pati na si Luz, ang anak nilang dalaga ay naadik na rin dito. At dahil nag-oopisina ito sa araw, ay sa gabi napipilitang maglaro.”

“Ano ang nangyari sa sadya mo? Bakit ka natagalan?”, ang usisa ng ina ni Ariel.

“Malayo hong mangyari na mapigil ko sila, Inang. Kaya tulad ng kasabihan – Kung hindi mo sila kayang sawayin, sumama ka na lang. Iyon ho ang aking ginawa. Marunong na ho akong magmadyong. Tinuruan ho ako ni Luz.”

Nang hapong iyon ay natalo ako ng mahigit na isandaang piso. Ni hindi ko nakalaro si Luz. Nasa kabilang mesa ito. Natalo ako dahil siguro sa katitingin kay Luz. Inaabangan ko ang pagtingin niya sa akin. Ngunit hindi ito tumingin. Hindi ko nakitang tumingin. Nang matapos na ang laruan, at malaman ni Luz ang aking pagkatalo, ay masuyo itong nag-alok, “Ariel, naku ang laki pala ng talo mo! Kung gusto mo tuturuan kita uli ngayong makahapunan.”

“O sige, para makabawi naman ako,” ang nakatawa ko na ring sagot.

Sa palagay ni Luz ay marami siyang naituro sa akin nang gabing iyon. Kung paanong mamomoro ng up and down mula sa paningit o back to back. O kaya’y one-four-seven, two-five-eight, o three-six-nine. Tinuruan din ako kung paano mamimirmis ng panapon upang hindi tumambog sa kalaban.

Ngunit iba ang aking natatandaan. Ang mga mata niyang wari’y nagpasadya ng pilikmata upang malayang makapaglaro sa ilalim ng naka-arkong kilay. Ang ilong niya sa tingin ko’y nililok upang pulos mababangong simoy lamang ang kanyang sasamyuin. Ang bibig at labi niya’y ginawa upang katagpuin ng pag-ibig. Ang pisngi niya’y katulad ng pastilyas-Bulacan na bagong alis ang balat. Ang maputi niyang leeg, Diyos ko! Ang bugtong ng kanyang dibdib na ang kasagutan ay mapagtatanto sa kanyang bahagyang paggalaw.

Ilang ulit pa niya akong tinuruan at maraming beses pa akong natalo. Hanggang isang hapon, nang dumating ang mga dayo ni Luz ay wala siya. Nanood kami ng sine at kumain sa labas, kasama ang kapatid niyang si Ronnie. Nang pumakabila ako nang araw na iyon ay simple lang ang sinabi ko.

“Ayoko na yatang maglaro. Sigurado namang talo ako. Kung ibig mo Luz, kumain na lang tayo sa labas at manood ng sine nina Ronnie. Kahit paano makakahati ako sa matatalo sa akin.”

“Aba, sige,” bigla ang sagot ni Luz. “Sigurado namang panalo ako sa ganyang sistema,” pagkuwa’y idinugtong niya, kasama ang pagkatamis na ngiti.

Tutoong ang nakaaakit sa mga naglalaro ng madyong ay ang pagsalat sa nakataob na piyesa. Lalo na at malakas at marami ang kanilang porong hinihintay. Ngunit bago ko pinangarap ang pagsalat ng piyesa, habang tinuturuan ako ni Luz, ay ang malambot, makinis, maliit niyang kamay muna ang sa aki’y bumalisa. Ang paminsan-minsang pagdadaiti ng aming mga kamay na hindi sinasadya ay sapat na upang malimot ko ang lahat niyang itinuturo. Iyon ang simula upang ang malaporselanang kamay na iyon ay pangarapin kong maging akin. At hindi ang malamig na sikreto ng mga nakataob na piyesa ng madyong. Iyon ang dahilan marahil kung bakit hindi ako nanalo sa madyong minsan man. At kung bakit tinuruan ko ng ibang libangan si Luz. Pinahiram ko siya ng mga kuwento at nobela nina Ric Lee, Hernandez, Santos, Agulto, Fanny Garcia at iba pa. Ito ay sinasalitan ko ng pagyayaya sa kanyang mamasyal, magsine, at kumain sa labas.

Nang lumaon, pati na si Mrs. Sarabia ay nag-umpisa na ring mahilig sa pagbabasa ng mga nobela at kuwento. Lalo na kung walang korum upang makapaglaro siya ng madyong, dahil kasama ko nga si Luz sa pamamasyal. Sa simula’y pahiram-hiram si Mrs. Sarabia ng libro sa akin, hanggang sa matutuhan na rin niyang magsadya sa mga bookstore upang malaya siyang pumili at bumili ng makursunadahang basahin.

Habang dumadalas ang pamamasyal namin ni Luz ay dumadalang naman ang pagmamadyong sa kanilang bahay. Ito ang larong aking ipinanalo. Wala na ang ingay na animo’y nagsasangag ng graba at buhangin sa gabi. At natitiyak kong hindi na ito mauulit pa. Lalo na at kasal na kami ni Luz. Ngayon, sa gabing katalik ko ang aking makinilya at nagpupumilit na makabuo ng isang kuwento ay wala nang karibal na ingay na umiistorbo sa akin. Datapwa’t kung minsan ay. . .
“Riel, darling, matulog na tayo. Gabi na. Inaantok na ako.”

Sa ngayon ay ito ang karibal ng aking mga salaysaying pawang kathang-isip. At sa lahat ng pagkakataon ay handa kong ipagpalit ang lahat kong kuwento sa piling ng aking mahal na maybahay. Siya ay isang buhay na kuwentong ang dulot na ligaya’y walang katapusan.

Scroll to Top