Nakilala ang bida natin bilang Enteng Kuryente. Mangyari ay sa Meralco (Manila Electric Company) siya nagta-trabaho. Isa siya sa mga engineers na nagpapanatiling maayos at “buhay” ang mga planta na nagpapadaloy ng kuryente sa iba’t ibang panig ng malaking lungsod ng Maynila.
Peligroso ang trabaho ng isang engineer sa Meralco. Hindi biro-biro ang pag-akyat sa mga poste at tore ng kuryente, ang paghawak sa mga kawad ng kuryente, ang pag-aayos ng sirang instalasyon ng kuryente, o maging ang pagtatayo ng bagong instalasyon.
Kapag nagkakaroon ng sakuna, katulad ng lindol o baha, natutumba ang mga poste at tore, napapatid ang mga kawad at sumasayad sa lupa. Kapag hindi naagapan ng engineer ang pagputol ng serbisyo at pagpulot sa mga nagkalat na kawad sa daan ay malamang na may mga mamamayang makukuryente at mamamatay.
Marami sa mga engineers ang napapahamak dahilan sa aksidente, sa panahong normal at lalo na sa panahong may emergency. Ang malimit na sanhi ng aksidente ay ang di sinasadya o di inaasahang paghawak o pagdikit ng kanilang kamay o katawan sa “buhay” na kawad.
Ang katawan ng tao ay hindi maaaring daluyan ng kuryente. Dalawa ang boltahe ng kuryente na ginagamit sa bahay: 110 o 220 volts. Kapag alin man dito ay dumikit sa balat ng tao, sa ilang segundo lamang, siya ay tiyak na magugulantang, manginginig, “mapapaso”, uusok o mag-aapoy, titigil ang puso at mamamatay.
Tatlumpu’t limang taong gulang si Vicente, siya nga ang bida natin, na kung tawagin ng mga ka-baranggay niya ay Enteng Kuryente. Sampung taon na siyang kasal at kapiling sa buhay ang isang magandang babae, limang taon ang kabataan sa kanya, na ang pangalan ay Melissa. Maganda ang mukha at pangangatawan ni Melissa; maganda rin ang kanyang boses. Sa gabi ay singer siya sa isang first class cocktail lounge sa Makati. Sa sampung taong pagsasama ni Enteng at ni Melissa, hindi sila sinuwerte na magkaroon ng anak. Baug yata si Enteng Kuryente.
Sa araw ay natutulog si Melissa habang si Enteng ay gising at nagta-trabaho. Sa gabi ay baligtad, si Melissa ang gising at nasa labas – kumakanta sa cocktail lounge; at si Enteng ang natutulog sa bahay.
May pambihirang katangian si Enteng. Nang siya ay labing-apat na taong gulang pa lamang, namatay ang kanyang ina. Sa labis na kalungkutan ay inibig na niya na magpakamatay. Tumungo siya sa pinakamalapit na electric sub-station at doon ay isinayad ang dalawang kamay at hinawakan nang mahigpit ang isang kawad na “nilalakaran” ng kuryente na mahigit sa isang libo ang boltage. Pinisil-pisil ang kawad, hinimas-himas ito at pinaglambitinan pa. Himala ng himala! Walang epekto ang kuryente kay Enteng! Bumalik sa bahay si Enteng na buhay pa nguni’t bigong-bigo dahil hindi nangyari ang kanyang minimithing pagpapakamatay. Hindi tumalab ang kuryente sa kanyang katawan!
Nilimot ni Enteng ang pagpapatiwakal. Lumakad ang panahon at nakapag-aral siya, nakatapos, at nakahanap ng trabaho, sa Meralco nga. Noong una ay inilihim ni Enteng ang natuklasang pambihirang katangian niya. Nguni’t nang malaon ay ibinalita na rin niya ito sa mga kaibigan sapagka’t naghahanap siya ng opinyon o paliwanag: kung bakit siya ay hindi tinatalaban ng kuryente.
Minsan ay nagdala ang isang kaibigan sa bahay ni Enteng ng isang scientist na ang pakay ay ang tiyakin at suriin ang pambihirang katangian niya. May dala ang scientist na sari-saring instrumento na makasusukat sa boltahe ng kuryente at, gayon din naman, sa lakas ng pagtanggi ng katawan ni Enteng sa kuryente. May isa pang tao, sa dumating na grupo, na ang dala-dala ay isang video camera na maaaring makapag-record ng mga magaganap sa pagsusuri.
Napatunayan na ang katawan ni Enteng Kuryente ay pambihira: may kakayahan itong tumanggap ng malalaking boltahe ng kuryente na walang idinudulot na perhuisyo. Sa katunayan ay habang “kinukuryente” si Enteng ay nakikipag-usap siya sa mga nagsisiyasat, at may hawak pa siya na food grinder. Nakita sa pagsubok, at ito ay nakatala sa video camera, na umaandar ang food grinder sa tuwing padadaluyin ang kuryente sa katawan ni Enteng. Samakatuwid, ang kuryente na galing sa katawan ni Enteng ay pumupunta sa food grinder at pinatatakbo nito ang motor ng nasabing kagamitan. Nabalita ang galing ni Enteng at siya ay naging sikat na tao, bagama’t ang turing sa kanya ay isang freak.
Samantala, ang asawa ni Enteng na si Melissa ay nababalisa sa di pangkarinawang katangian ng kanyang asawa. Tumatayo ang kanyang balahibo sa tuwing nagsisiping sila sapagka’t siya ay nag-aalala na baka ang asawa ay isang halimaw o taong nasasapian ng demonyo. Sino ba naman ang taong hindi tinatalaban ng kuryente? Bukod sa alalahaning ito ay napapansin ni Melissa na si Enteng ay “nanlalamig” o hindi maisulong ang pagkalalaki sa ilang pagkakataon na sila ay nagsisiping. Taong bakal, taong matigas, taong di nasusunog ng kuryente, nguni’t bakit nanlalambot ang kanyang pagkalalaki pagkaminsan! Hindi maunawaan ni Melissa ang nangyayaring pala-isipan.
Naramdaman ni Melissa na nagkakaroon ng agwat ang relasyon niya kay Enteng. Nalulungkot siya at natatakot na baka, isang araw, ay mawawala ang pag-ibig sa asawa. Di malayo na mangyari ang ganoon sapagka’t maraming lalaki ang nabibighani sa ganda ng mahusay na mang-aawit. Isa sa mga nababaliw sa kanya ay si Lauro, isang mayamang negosyante, na halos gabi-gabi ay nasa cocktail lounge at nakikinig sa pag-awit ni Melissa. Umiigi rin ang pagtitinginan nina Melissa at Carlito, ang piyanista na taga-akompanya sa tuwing siya’y umaawit. Napakabait ng piyanista sa kanya – nagsisilbing kasama sa trabaho, body guard, kasalo sa pagkain, at taga-hatid sa bahay kapag tapos na ang trabaho.
Si Melissa ay pinakamamahal sa buhay ni Enteng. Siya lamang ang nag-iisang babae sa kanyang buhay. Nagdusa nang mahabang panahon si Enteng sa pangungulila sa kanyang ina na maagang namatay. Nag-asawa muli ang tatay niya. Nagkaroon siya ng malungkot na karanasan sa pakikitungo sa pangalawang ina. Pinalayas siya ng pangalawang ina sa bahay ng ama at napilitan tuloy na makitira sa isang nakatatandang pinsan. Ang pinsan ang kumupkop at nagpaaral sa kanya hanggang sa siya ay maging independyente. Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit pinabayaan ng ama na maging malupit ang pangalawang ina, at kung bakit hindi siya tinulungan ng ama nang siya ay bata pa at nangangailangan ng kalinga ng magulang. Totoong taong bakal si Enteng nguni’t marupok ang kanyang puso pagdating sa mga alalahaning may kinalaman sa pamilya.
Kay Melissa niya natagpuan ang pagmamahal ng isang babae. Siya ang bukal ng kanyang lakas at sandigan – ang nag-iisang layunin kung bakit siya nabubuhay. Hindi nga ba’t nagpakamatay na si Enteng nang sumakabilang-buhay ang ina. Hindi nga lamang tumalab ang kuryente sa kanyang katawan. Malamang na madudurog ang puso ni Enteng kapag nawala sa buhay niya si Melissa.
Isang gabing maalinsangan ay hindi makatulog si Enteng. Ang ginawa niya ay pinatay ang ilaw, umupo sa silyon na nasa tabi ng bintana, at sinubukang makatulog sa silyon sa tulong ng bahagya nang pumapasok sa bintana na sariwang hangin.
Nang bandang ala una ng umaga ay nagising siya sa ingay ng isang sasakyan na pumarada sa di kalayuan sa kanyang bahay. Nakita niya mula sa bintana ang isang lalaki na bumaba mula sa awto, lumakad patungo sa kabilang gawi ng awto at binuksan ang pinto upang tulungang makalabas ang isang babae. Ang babae ay ang asawa niyang si Melissa. Nag-usap nang sandali ang lalaki at ang babae, pagkatapos ay nagyakapan. Humalik si Melissa sa pisngi ni Carlito at nagpaalam.
“Salamat sa ride,” sabi ni Melissa. “Good night! Ingat . . .”
Nang makapasok sa pintuan ng bahay si Melissa ay naaninag niya sa kadiliman ng sala na may isang bagay na nakahambalang sa sahig. Binuksan niya ang ilaw at tumambad sa kanyang mga mata ang kanyang asawa na si Enteng na nakatumba, padapa, sa sahig at di gumagalaw. Nilapitan niya ang asawa, sinubukang itaob ito upang mapagmasdan ang mukha. Nakita niyang bumubula ang bibig ni Enteng. Pinisil niya ang leeg nito sa lugar na may malaking ugat na nagdadala ng dugo sa utak. Walang naramdamang pintig ng puso si Melissa. Tila si Enteng ay patay na.
Nang dumating ang tulong, isa sa mga kapitbahay na dumating ay isang doktor, napagtiyak ni Melissa, batay sa pagsusuri ng doktor, na si Enteng ay nagkaroon ng matinding atake sa puso at iyon ang ikinamatay niya nang biglaan.
Na-atake si Enteng nang makita niya na ang kanyang asawa ay nakikipagyakapan sa isang lalaki. Inisip niya na si Melissa ay nagdaraya sa kanya. Alam ng Diyos na walang namamagitan kina Melissa at Carlito na masasabing makasalanan at labag sa batas ng pag-aasawa. Si Carlito ay tapat na kaibigan na may malasakit sa kabutihan ni Melissa; taga-hatid sa bahay ng kasama sa trabaho na walang sariling awto. Ang yakap at halik ay yakap at halik na pangkaibigan lamang. Sa mata ni Enteng, ang kanyang nakitang tagpo ay nakagugulat, nakagagalit, at nakamamatay na pangitain. Hindi na niya malalaman pa ang katotohanan sapagka’t siya’y sumakabilang-buhay na.
Si Enteng Kuryente ay sumakabilang-buhay, sanhi ng kirot na dulot ng matinding pagseselos. Mabangis pa pala ang selos kaysa isang libong boltahe ng kuryente. Hindi iniinda ni Enteng Kuryente ang sagitsit ng kuryente. Nguni’t siya pala ay babagsak sa mumunting kamandag ng pagseselos.
WAKAS