Halaman

“Pagod na ako. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pa.”
Nakabibingi ang mga katagang ito na ngayon ay nagsasalimbayan at paulit ulit na tumatakbo sa aking isipan at tila ba ibinubulong ng tahimik na kapaligiran.

Sa akin ba nanggaling ang mga katagang iyon?

Hindi ko na maalala. Hindi ko matandaan kung sa akin ba namutawi ang mga salitang naglalarawan ng aking nararamdaman.

Hindi ko na rin maalala ang mukha ng dalawang tao na iniwan ko kagabi na wala man lang paalam.

Masyado sigurong malakas ang tama ko kagabi. Nakailang bote ba ako ng alak?

Bahagyang kumirot ang aking sentido sa pagpupumilit na mag-isip. Ayoko na. Tama na. Bumilang ako ng hanggang lima at dahan dahang iminulat ang aking mga mata.

Nasilaw ako sa liwanag ng araw na lumalagos sa bintana. Tanghali na pala. Ano ba ang nangyayari sa akin? Sabay buntong-hininga.

Pinilit kong bumangon kahit na parang hinihila ako ng higaan pabalik sa kanya. Buti pa ang higaan, gustung gusto akong makasama. Mahinang usal ko at pagak na napangiti.

Muntik na akong mabuway nang matapakan ko ang isang bote ng alak. Isa, dalawa, tatlo, ohmayghad nakarami pala talaga ako. Nakarami pa lalo pag-uwi ko.

Hinagilap ko ang aking telepono at tiningnan ang mga mensahe dito.
45 unread messages.
73 missed calls.
3 voice messages.
Magsisimula na sana akong magbasa nang makarinig ako ng katok. Lumingon ako sa pinto ng kwarto. Bumukas ito at pumasok si Nanay Benny. Ang tiya ko na nag-alaga sa akin mula ng bata pa ako. Mula nang iwan ako ng mga magulang ko.

“Buti naman at gising ka ng bata ka. Ano bang nangyari sa’yo ha? Anak?”

Napatingin siya sa mga bote na nakakalat sa sahig. Umiling-iling na lumapit ito at isa isang kinuha ang mga iyon.

“Sorry ‘Nay.”, tanging sambit ko.

“May problema ka ba anak? Ngayon ka lang naging ganito.” Punong-puno ng pag-aalala sa boses nito na dahilan upang makonsensya ako. Napakabait ni Nanay Benny para pag-alalahanin ko. “Pumunta kanina si Ria. Ang sabi ko tulog ka pa. Kaya umalis na rin s’ya. Hinayaan ka na muna magpahinga.”, patuloy nito ng hindi ako nagsalita.

Ngumiti ako nang pilit. “Salamat ‘nay. Punta lang po ako sa likod bahay.”

Lumabas ako sa kwarto. Tiningnan ko ulit ang hawak kong telepono at pinakinggan ang unang voice message.
“Belle, ‘asan ka? Kailangan natin mag-usap. Please kausapin mo ako.”

Andito lang ako sa bahay. Eh ‘di sana puntahan mo ako kung gusto mo talaga akong makausap. Haynaku! Inis na bulong ko pagkatapos marinig ang mensahe na ‘yun. Sa halos dalawang tao lang nanggaling ang mga mensahe at tawag mula kagabi.

Galing kay Ria, ang matalik kong kaibigan. At kay Jim, nobyo ko. Ay ex na pala. Ex na nga ba? Ewan ko. Ang gulo. Nakipaghiwalay yata ako kagabi. Hindi ko na rin maalala.

“Anak ng tokwa ka talagang bata ka! Hindi ka talaga nakikinig sa akin. Mali na naman ang nabili mo!” Pagkalabas ng bahay ay nadinig kong sigaw ni Aling Marta.
Anak ng tokwa. Napangiti ako. Nung isang araw kasi, anak ng tinapay si Marlon. Ngayon tokwa naman. Hindi kaya nalilito si Marlon kung kanino talaga s’yang anak? Ako kaya? Kanino kaya akong anak? Buti pa si Marlon. Eh ako yata, kahit bato, ayaw na maging anak ako.

Nagpatuloy ako sa paglakad patungo sa likod bahay. At doon ay naupo sa duyan. Dito kami madalas tumambay ni Ria mula pa noong naging magkaibigan kami. Hindi ako masyadong nakikipagkaibigan. At hindi ako mahilig lumabas kaya madalas na dito lang kami sa bahay.

Naisip ko, ang lungkot pala ng buhay ko. O mas tamang sabihin na, “ang boring” ng buhay ko.

Bakit ba? Hindi ko naman kailangan ng maraming kaibigan. Iiwan din naman nila ako. Mag-iisa pa rin ako. At bandang huli, ako lang naman ang magmamahal sa sarili ko. Masyado lang makulit at mahilig bumuntot si Ria, kaya naging close ko s’ya. Hindi nga n’ya ako iniwan. Katulad ng iba.

Pero nagkamali ako.

Dahil iiwan din pala n’ya ako.

Unti-unting gumuhit sa aking balintataw ang mga ala-alang gusto ko ng kalimutan, itapon, ibaon sa limot.

“Umaasa ka ba na mabubuo pa ulit ang pamilya n’yo?”, isang hapon na nakatambay sa likod bahay ay tanong ni Ria sa akin.

“Nagpapatawa ka ba?”, pagak akong tumawa. “Himala na lang kapag nangyari ‘yan.”

“Malay mo naman. Wala namang imposible. Lalo na kung hihilingin mo sa Diyos. Saka ‘di ba sabi mo? Nagkikita na ulit ng madalas ang papa at mama mo.”

“Oo nga. Pero hindi naman ‘yun kasiguraduhan. At ayoko ng umasa pa. Masasaktan lang ako. Saka ngayon pa sila mag-aayos? Kung kelan hinayaan nila ako ng 15 years na nabuhay ng wala sila?”

Hindi na umimik si Ria. Nakita ko na lang na naghuhukay s’ya ng lupa at ibinaon dito ang buto ng mangga na kinain n’ya kanina.

“Ano na naman ‘yang ginagawa mo? Asa ka naman na tutubo ‘yan d’yan. Eh mabato dito.”

Tumingin lang s’ya sa’kin at ngumiti habang pinagpapatuloy ang ginagawa.

“Makikita mo. Papatunayan ko sa’yo na may himala.”, nakangiting sabi nito pagkatapos.

Napailing na lang ako at tiningnan ang itinanim ng kaibigan.

Abnormal ka talaga Ria. Hindi naman tumubo ang halaman mo. At lalong hindi nagkabalikan ang mga magulang ko. Sa kasamaang palad, mas iniwan pa ako.

Ilang buwan lang ang nakararaan, dumating ang balita. Patay na ang papa ko. Cancer.

Sabi ko hindi ako iiyak. Kasi hindi naman ako malapit kay papa. Dahil iniwan n’ya ako noon pa. Pero hindi ko pa rin napigilan. Gusto ko magalit. Bakit hindi ko man lang nalaman na may sakit pala s’ya? Wala ba ‘ko karapatan na malaman ‘yun bilang anak niya? Anong kahangalan ng pagmamahal nila sa akin para hindi iyon ipaalam?

At ang lalo pang masakit.

May taning na rin pala ang buhay ni mama.

Anak ng pating. Ano ba talaga ‘ko sa kanila?

Only selfless love.’Nak ng pusa! Kagaling nila, bata pa lang ako sinanay na talaga nila ako mag-isa. Kasi habambuhay pala talaga akong walang kasama.

Naramdaman ko ang maiinit na patak ng luha sa aking pisngi.

Oo Ria.
Tama ka.
Umasa ako na mabubuo ulit kami.

Nagbigay ng pag-asa ang langit ng muli akong bisitahin ni papa at ni mama. Noong una hindi ko sila gustong kausapin. Hindi ko sila gustong kilalanin. Bakit nga ba hindi? Sa musmos na gulang ay iniwan nila ako sa pangangalaga ng tiyahin ko na siya nang itinuring kong magulang. Pero nangulila ako. Nasabik. Kaya tinanggap ko din sila.

Ngunit ang daya naman ng tadhana. Kung kailan naman nagiging masaya na ulit ako na hindi nag-iisa, saka naman ulit kukunin sila ng paisa-isa. At hindi ko matanggap. Dahil pati si Ria, gusto rin nitong kunin.

“Akala ko ba hindi mo ako iiwan?”

“Sandali lang naman ako mawawala. Babalik din ako.”

“Sandali?,” sarkastiko akong ngumiti. “Lahat kayo ganyan ang sinasabi. Sandali lang. Pero hindi na ako binabalikan.”

“Belle…”, malungkot na sambit nito.

Umorder ako ng isang beer.

“Ano ‘yan?” tanong nito.

“Beer. Hindi mo ba nakikita?”

“Hindi ka umiinom Belle. Tigilan mo nga ‘yan.” Pilit nito iyong inagaw sa akin.

“Ano bang pakialam mo? Eh pare-pareho lang naman kayo!”

Hindi na n’ya pa tinangkang agawin sa akin ang hawak kong beer. Hinayaan na n’ya akong uminom. Tinitigan ko s’ya. Tila s’ya balisa. Hindi ko alam kung dahil sa pag-inom ko o may iba pang dahilan.

“May malubha akong karamdaman. Kaya kailangan kong umalis para magpagamot.”, sabi nito pagkaraan.

Ilang sandali na tila tumigil sa pag-inog ang paligid ko. Pati ang kamay kong nakahawak sa bote na tinutungga ko ay nabitin sa ere.

“I’m sorry Belle.”, nangilid ang luha sa mga mata nito. “Hindi ko sana sasabihin sa’yo. Pero naalala ko kung paano ka nagalit ng hindi mo nalaman na parehong maysakit ang mga magulang mo.”

Hindi ako nakapagsalita. Hindi ko alam ang sasabihin ko. Hindi ko gustong paniwalaan ang narinig ko. Nahihirapan akong intindihin ang sinabi ni Ria.

“Belle…”

Napailing ako. Sabay tungga sa beer. Nararamdaman ko ang pag-init ng gilid ng aking mga mata. Mukhang iiyak na naman ako. Hindi. Hindi pwedeng mangyari ito.

“Kuya, isa pa nga.”

“Tama na Belle. Baka malasing ka na.”

“Anong tama na? Bakit? May nakinig ba sa akin nung sinabi kong tama na?”, asik ko kay Ria.”Bakit sige pa rin ang tadhana kahit na sinabi ko ng hindi ko na kaya?”

Napatigil si Ria. Tumaas ba ang timbre ng boses ko? Hindi ko alam. Wala na akong pakialam.

“Bakit ganun Ria? Belle ang pangalan ko. Belle – maganda. Pero kabaliktaran naman ng buhay ko!,” tumingin ako sa taas. Pilit na pinipigilan ang mga luhang kumakawala mula sa aking mga mata. “Masama ba ako?”

“Hindi Belle. Napakabait mo nga.”

“Oh baka naman may kakambal akong kamalasan. Ang kulit mo kasi Ria. Bakit ba nakipagkaibigan ka pa sa akin? Sanay naman ako na mag-isa lang.”

“Para kang sira. Hindi mo naman kasalanan ang mga ganitong bagay. Kung nangyayari man ang mga ito, tiyak na may dahilan. At walang sinuman na sumisisi sa’yo. Tandaan mo ‘yan Belle.”

“Ria! Belle!.”

Kapwa kami napalingon sa tumawag sa amin. Si Jim. Nagtatanong ang mga matang tumingin ako kay Ria.

“Nag-aalala lang ako. Nakakailan ka na kasi.”, paliwanag nito.

“Anong nangyayari dito?,” tanong ni Jim.

Hindi ko s’ya pinansin at ipinagpatuloy ang pag-inom. Ngunit naagaw ni Jim ang hawak ko.

“Ano ba?”, singhal ko sa kanya.

“Anong ano ba? Ikaw ang tatanungin ko. Ano bang problema?”

Problema ko ang buhay ko! Isisigaw ko sana sa kanya. Ngunit walang namutawi sa aking bibig. Nakatingin lang ako sa kanya. Sa kanila ni Ria. Sa isip ko ay nagsasalimbayan ang mga tagpo na hindi ko alam kung papaano ko nagawang lagpasan. Ang pag-iisa ko mula ng ako ay bata pa, ang pagkamatay ng aking tatay, ang pagkakaroon ng sakit ng aking nanay, at ngayon, si Ria naman. Unti-unti, hindi ko na napigilan pa ang emosyon na nagpapasikip sa aking dibdib. Tuluyan ng kumawala ang mga luha sa aking mga mata. Kasabay ng mahinang impit ng aking pag-iyak.

Niyakap ako ni Jim. At inalo ni Ria.

“Pagod na ako. Hindi ko na alam kung kakayanin ko pa.”

“Nandito lang kami para sa’yo Belle. ‘Di ba nga habang may buhay may pag-asa pa? At lahat ng problema, may solusyon. Tiwala lang.”

Kumalas ako mula sa pagkakayakap ni Jim.

“Lagi na lang ba ako aasa? Hanggang kailan?”

“Maghihimala ang langit. Maghintay ka lang.”, puno ng pag-asang sabi ni Ria.

“Himala? Hanggang ngayon, naghihintay ka pa rin ng himala?”

Muli akong tumingin sa kanilang dalawa.

“Siguro nga. Ganito talaga ang tadhana ko.” Kinuha ko ang mga gamit ko at akmang aalis na. Hinawakan ako ni Jim.

“Saan ka pupunta? Ihahatid na kita.,” sabi nito.

Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin at pinilit na tumayo kahit na pakiramdam ko ay mabubuway ako.

“Huwag na. Kaya ko naman mag-isa. Sanay na ako.”, pinilit kong magpakatatag kahit na parang bibigay na talaga ako. “Huwag na huwag n’yo akong susundan.”

Walang lingon likod akong lumisan sa lugar na iyon. Nagtatapang-tapangan, dahil kailangan.

“Belle.”

Bumalik ang isip ko sa kasalukuyan pagkarinig sa aking pangalan. Agad kong pinahid ang mga luha kong nag-uunahan kanina sa pag-agos.

“Anong ginagawa mo dito?”

“Hindi mo sinasagot ang mga tawag ko. Nag-aalala lang ako sa’yo.”

Lumapit si Jim papunta sa kinaroroonan ko. Huminto s’ya at naupo sa tapat ng kinauupuan ko.

“Kamusta si Ria?,” wala sa loob na tanong ko.

“Nag-aalala din sa’yo. Pumunta s’ya kanina pero sabi n’ya tulog ka pa daw kaya hinayaan ka na lang n’ya.”

“Nasabi nga sa akin ni nanay.”

Namayani ang katahimikan.
Hinihintay ko na may sabihin si Jim. O ako ba ang hinihintay n’ya na magsalita?

Tumingin ako sa kanya. Nang makita na sa iba s’ya nakatingin ay sinamantala ko ito upang titigan s’ya. Bakas ang kawalan ng tulog sa gwapo nitong mukha. Kanina habang binabalikan ko ang pangyayari kahapon, naalala ko na hindi ako nakipaghiwalay sa kanya. Marahil ay dahil hindi ko kaya. Mahal ko si Jim. At ‘di iilang beses na n’yang napatunayan na mahal n’ya ako. Katulad ni Ria, isa s’ya sa bumaklas ng rehas ng mundo ng aking pag-iisa. Hindi na para balikan ko kung papaano naging kami. Ngunit sapat nang ipaalam ko na hindi s’ya papayag na muli akong makulong sa dati kong mundo na wala akong kasama.

Lumipat ang tingin niya sa akin. Nagtama ang aming paningin. At ito na naman. Nagsisimula na naman kaming mangusap gamit ang aming mga mata. Bigla akong napangiti. Ngunit ngiti na may lungkot.

“Patawad. Napakamakasarili ko na umalis ako kagabi ng mag-isa. Hindi ko man lamang inisip na nag-aalala kayo sa akin.”, tanging nasambit ko.

Ngumiti din ng bahagya si Jim.

“Tinotopak ka na naman ba?,” tanong nito na may halong pang-aasar. Maya-maya ay sumeryoso ito. “Mamaya na ang alis ni Ria.”

Hindi ako nakasagot. Sariwa pa rin ang sakit na dulot ng nalaman ko tungkol sa kaibigan ko.

“Jim, bakit ganun? Bakit binibigyan ako ng mga minamahal ko, tapos kukunin din naman? Nakatadhana ba ako na mag-isa? Iiwan mo rin ba ako balang-araw?”, umiwas ako ng tingin sa kanya. “Natatakot ako Jim. Hindi ko alam kung bakit lagi na lang ako pinaparusahan. Ano bang mali ang ginagawa ko?”

Lumapit s’ya sa akin. Tinabihan ako sa duyan at masuyong niyakap.

“Ssshh. Wala kang ginagawang mali. Hindi ka pinaparusahan. Nagkakataon lang ang lahat. At hindi kita iiwan. Walang may gusto na iwan ka.”, pag-aalo nito.

“Ang sama naman ng pagkakataon. Bakit ganun s’ya magbiro? Bakit sa akin pa?”

“Dahil malakas ka Belle. Matapang ka. Kahit anong pagsubok, nakakaya mong lagpasan. Hindi naman ito ibibigay sa’yo kung hindi mo makakaya. Ang tatag mo. At pinapahanga mo akong lalo dahil dun.”

“May hangganan ako. At sa tingin ko, narating ko na ‘yun. Hindi ko na kaya.”

“Ngayon ka pa ba susuko? Ngayon kung kailan mas kailangan ka ng kaibigan mo at ng mama mo?”, masuyong pagpapalakas ng loob ni Jim sa akin. “hindi ganyan ang Belle na nakilala ko. Ang Belle na kilala ko, mas maraming pagsubok, mas tumatapang. Lumalaban. Wala sa bokabularyo n’ya ang pagsuko. At iyon ang mas lalong nagpapaganda sa kanya. Nandito lang ako para sa’yo Belle. You still have me. Tama na ‘yang pag-iyak. Wala pa namang namamatay. Gagaling pa si Ria. Isang kalabaw din ‘yun eh.”

Natawa ako sa pagtawag niya ng kalabaw kay Ria. Siguradong magagalit na naman ‘yun kung narinig iyon.

“See? Mas maganda ka kapag nakangiti.”

“Salamat Jim.”, nakangiting tugon ko sa kanya. “sadyang mahirap lang sa kalooban na malaman ang ganoong kalagayan ng mga mahal mo sa buhay. At wala kang magawa para sa kanila. Naghihintay lang ako ng himala. Na hindi ko alam kung saan ko hahagilapin. Kung saan ba ito manggagaling.”

“Sa taas Belle. ‘Di ba sa Kanya naman nanggagaling ang lahat?”

Tumingala ako at dahan dahang ipinikit ang aking mga mata. Umusal ako ng maikling panalangin. Biglang lumuwag ang bigat na aking nararamdaman. Oo nga. Nakalimot ako. Kailan ko ba ito huling ginawa? Ang tumawag at humingi ng tulong sa nasa Itaas? Lagi na itong nababanggit ni Ria, ngunit lagi ko lang nababalewala. Siguro dahil akala ko, pinabayaan na N’ya ako kaya hindi na ako tumatawag sa Kanya. Pero nagkakamali pala ako. Dahil kung pinabayaan nga Niya ako, malamang wala na ako ngayon dahil sa bigat ng mga pinagdaanan ko.

“May tanim ka pala ditong mangga? Buti tumubo dito.”

Agad akong nagmulat ng paningin pagkarinig sa sinabi ni Jim. Hinanap ko ang tinutukoy niyang mangga.

Totoo nga. Sa paligid ng mga mabato at tuyong lupa ay sumibol ang isang maliit na halaman.

“Mangga ni Ria.”, mahinang usal ko. “Ang galing!”

“Ano ‘yun?”, tanong ni Jim na nagtataka.

Hindi ko s’ya pinansin. Nilapitan ko ang sumibol na halaman.

“Makikita mo. Papatunayan ko sa’yo na may himala.” Malinaw pa sa ala-ala ko na binanggit ito ni Ria.

Tama ka nga Ria. May himala pa.

Hangga’t may lumalaban para mabuhay, may pag-asa pa.

1 thought on “Halaman”

  1. Morning

    Buy all styles of Ray-Ban Sunglasses only 24.99 dollars. If interested, please visit our site: lensoutlet.online

    Thank You,

    Pearlene
    Halaman – Pinay Sex Stories Collection

Comments are closed.

Scroll to Top