ni Alberto Segismundo Cruz
(Nailathala ng Balaghari, Marso 6, 1948)
Sa lahat ng bathala at dilag, si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay o Reyna ng Bahaghari – ang siyang lipos ng hiwaga sa kanyang kapangyarihan at kaningningan. Tinatangkilik siya ng ilaw at lakas o biyaya ng buhay na dulot ni Apolo at siyang “kalaro” ng Langit na laging bughaw at ng Tubig na sinasalamin nito sa loob ng walang katapusang Tag-araw ng Buhay at Panahon ng Pamumulaklak ng Kabataan.
Marami ang nagmimithing Dioses sa dilag ni Iris. May iba’t ibang taglay na kapangyarihan, balani, at baluting kaakibat sa katauhan, nguni’t ni sino man ay walang makatawag man lamang sa kanyang pansin, sa mula’t mula pa. Lahat ay umasa sa kanyang pagtingin at pagpapala, hanggang sa maging ganap na alipin, isa na rito si Hermes, na nagkapakpak na tuloy ang mga paa upang maging mabilis sa pagsunod sa kanyang mga pita, sa lahat ng panahon, pagkakataon, at lahat ng saglit sa buong buhay niya . . .
Paano’y talagang si Iris ang “bukal na hiwaga” ng lahat ng kulay, na nagdudulot ng sining sa daigdig. Ang daigdig na walang kulay, tuyot, at hubad sa tulain ay magiging ganap na patay na planeta kung walang kulay. Datapuwa’t dahilan kay Iris na sadyang may isang bahaghari ng iba’t ibang kulay na nakabalantok sa himpapawid, na ang magkabilang dulo’y mahiwagang nakaangat sa langit at sa di matarok na hanggahan ng lupa, di kalayuan sa tinatawag na “guhit-tagpuan” ng daigdig ay nagkabuhay, nagkaroon ng kahulugan, at nangyari tuloy na magkatao ito, hanggang sa umunlad at makilala ang dalawang uri ng Paraiso, pagkatapos, ng daan-daang taon, ang Paraisong Nagmaliw, na nakita lamang sa guniguni ng isang dakilang Milton.
Kaya nga’t buhat nang umusbong ang isang hamak na ugat, na nagmula sa isang mahiwagang binhi ng Katalagahan, iyang halama’y umunlad at yumabong din; datapuwa’t kasabay ng pagyabong na ito ay ang pagkakaroon ng likas na kulay ng kanyang mga sanga at dahon, na “hango” at “hiram” sa kulay na nasa bahaghari ng dakilang Iris.
Ang bunga ng kahoy, na makikilala sa kulay kung hilaw o hinog na’y mahiwagang biyaya rin ng Katalagahan, na “ibiniyaya” naman nang lipos ng kababalaghan ni Iris, sa tulong ng kanyang balag na “bukal” ng kulay. Kaya’t ang mga unang tumao sa iba’t ibang panig ng daigdig, lalo na sa kagubatan, kabilang na rito ang mababangis na hayop at taong-bundok, ay nakakilala agad kung alin ang bungang-kahoy na maaaring mapakinabangan at maaaring makapagdulot pa ng pagkain sa kanila. Kasabay niyan, ay napagtiyak din naman nila, na ang mga dahon ng kahoy, sa taglay na kulay nito, ay maaaring mabatid agad ang lagay ng panahon at halumigmig. Kung luntian at nasa yamungmong, ang taglilim at panahon ng kasariwaan ay patuloy; datapuwa’t kung abuhin na at nangalalanta na, nangangahulugang mainit ang singaw ng panahon kundi man nananalasa ang matinding init ni Apolo, na nagpaparamdam sa ubaning Lupa ng kanyang lakas at kapangyarihan.
Gayon din naman, si Iris, sa pamamagitan ng kanyang mahiwagang kapangyarihan, ay naaaring magpabatid, kapagdaka, sa paghihilamos lamang ng langit, alalaong baga, kung umuulan man, walang ibig na sabihin ito kundi ”naghihilamos” lamang ang kaayaayang mukha ng langit, matapos na maglamay sa buong magdamag sa pagtangkilik sa mga anak ng liwanag sa kandungan ng gabi. Ang mga anak na ito’y walang iba kundi sina Buwan at mga Bituin.
Subali’t matapos ang mahabang panahon ng pag-inog ng daigdig at takbo ng mga pangyayari, ang pag-iisa ni Iris ay kanyang dinamdam. Maaaring mayaman siya sa kulay at kaningningan, maaring may mga alipin siyang Dioses, na pangunahin na si Hermes, na nauutusan niya nang kasing-bilis ni Kidlat, datapuwa’t ang puso niya’y laging tumitibok nang masasal.
Sa wakas, samantalang nakasandig siya sa pagkakatulog nang di-sinasadya sa tabi ng kanyang mahiwagang balag, walang anu-ano, sa gitna ng karimlan ay parang may biglang napunit na dakilang bagay sa Langit-Silangan. Nagulantang siya at kinusot na mabuti ang kanyang magagandang mata, na nanghiram ng luningning sa mga bituin, sa pag-aalaalang baka iyon ay isang kaaway o isang makapangyarihang mandirigama na nagnanais na umagaw sa kanya.
Hindi rito natapos ang kanyang agam-agam at sikdo ng dibdib. Kasabay ng pagkahawi ng dilim ay parang isinaboy sa kanya ang sandaigdig na halimuyak buhat sa pabango ng mga bulaklak-gubat, kasabay ang marikit na awit ng mga ibong nagpalipat-lipat sa mga sanga ng kahoy at ng lagaslas ng tubig sa dako roon, sa kabila ng kakapalan ng kakahuyan, na para bagang lumilikha ng isang marikit na kundiman ng pag-ibig na kailan man ay hindi pa niya naririnig sa buo niyang buhay.
Lalong tumibok nang masasal ang kanyang puso. Hindi siya makatatagal. Hindi maaring di isuko ang kapangyarihan ng kanyang pagka-bathala sa gayong gayuma ng lalong makapangyarihang lakas at balani, na humihikayat sa puso niya.
Umiibig si Iris. Umiibig ang Reyna ng Bahaghari. At nang unti-unti nang mahawi ang durungawan ng Langit-Silangan na magdamag na may lambong na luksa ng Gabi, ay nakilala niya si Bukang-Liwayway, ang bunsong binatang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, na tiyak na magmamana ng buong kaharian ni Apolo sa buong panahon ng Katagarawan at Walang Maliw na Pagtanglaw sa Daigdig.
Walang anu-ano’y narinig niyang may isang tinig na nangungusap, na sa bawa’t bahagi’y sumasaliw man din ang musika ng Katalagahang kangi-kangina lamang ay kanyang naulinigan.
— Iris! Reyna ng lahat ng Kulay, ibig kong maging alipin mo sa habang panahon. Kung ako’y magiging marapat, nais kong maging himlayan ang iyong bahaghari. —
— Sino ka? — ang usisa ni Iris, na lipos ng panggigilalas, bagaman naaakit na ganap ang kanyang puso. —
— Sino pa? Kung hindi si Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. — At narama, kapagdaka, ni Iris na ang kanyang sinapupunan ay nagka-ilaw, kasabay ng pagsaboy na muli ng mahiwagang halimuyak sa kanyang paligid.
— Paano ko matitiyak ang katapatan ng iyong pag-ibig, kung ang iyong ama’y kailangan pang magpasiya? – tanong sa di-kawasa ni Iris.
— Sa pag-ibig ay dalawa lamang ang nag-uusap. Puso lamang na tumitibok ang nagsasalita. Kaluluwa lamang ang nakababatid – ang sa dalawang kaluluwa ng sumusuyo’t sinusuyo! — anang Prinsipe ng WalangMaliw na Liwanag. . .
— Kay tamis mong mangusap! Bukas din mababatid mo ang aking katugunan. Uutusan ko sa iyo si Hermes, na isang tunay na bayani ng pag-ibig. Inibig niya ang maging alipin kong utusan sa habang panahon, huwag lamang na marinig niya sa aking labi na siya’y hindi ko iniibig bagaman siya lamang ang maaaring makipaghabulan sa kidlat at makahuli ng aking mga kalapating tagapaghatid ng sariling damdamin sa apat na sulok ng himpapawid. —
— Maghihintay ako, kung gayon! Sa oras ding ito! — At nagtangkang humalik ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Reyna Iris o Reyna ng Bahaghari. Sa pagkakataong yaon, ang sandaigdig na kulay ay lalong kuminang: Gumanda wari ang kagubatan, sa biglang pagbabagong-damit ng mga punong-kahoy, halaman, at mga bunga nito. Gayon din ang pakpak ng mga ibon, paruparo, saka ang langit, tubig, at kalawakan. Lalong naghari ang “kagandahan” ng daigdig sa balat ng lupa, at nag-aanyaya mandin ang Katalagahan sa kabataan. Kaya’t biglang-bigla na lamang bumalantok ang bahaghari. . . Pula, dilaw, luntian, bughaw – mga saligang-kulay na naging tulay kapagdaka, na ang isang dulo ay nasa isang panig ng langit at ang kabilang dulo’y nakahangga naman sa isang mahiwagang pook ng lupa, na diumano’y siyang katutuklasan ng walang maliw na kayamanan.
Nang masdan ng mga taong-bundok ang balantok o bahaghari sila’y nagpanakbuhan. Akala nila’y babala na iyon ng isang wakas, kundi man tanda ng isang masamang panahon. Nagpanakbuhan sila at sa mga lunday na nasa baybay-dagat ay nag-unahang magsisakay; nguni’t walang anu-ano’y bumuhos ang malamig na ulan – maninipis na hilatsa ng sutlang ulan – na bumasa sa kanila at sa hiwaga ng lamig nito’y nagkaroon sila ng panibagong dilidili.
Nagsibalik uli sila sa daan upang mapanunghan ang isang maliwanag na katanghalian. Nakita nila, higit sa dati, ang dilag ng kanilang paligid. Nasamyo ang kailan man ay hindi nila nasasamyong hanging may pabango ng mga bulaklak-gubat. Saka nadinig pa ang kailan man ay hindi nila naririnig na musika ng Katalagahan: ang marikit na awit ng mga ibon, ang lagaslas ng batis, ang bru-bru ng dahon, ang dampi ng mayuming alon sa pasigan, saka ang langitngit ng kawayanan, sa dako roon, na sa kanilang humahangang paningin ay walang iniwan sa malantik na baywang ng isang hadang nagsasayaw sa kagubatan.
Ang mga nagsipamayang ito sa kabundukan at mga kinapal sa lupa na di pa nakasisinag ng kahi’t bahagyang liwanag ng kabihasnan ay parang nahihikayat na lumapit sa mga punong-kahoy, halaman, batis at ilog; at noon nila natuklas, sa unang pagkakataon, na kailangan ang pagtatangkilik nila upang manatili ang mga biyayang nasabi ng Katalagahan na siyang makapagpapatuloy sa kanila sa kabuhayang kasiyasiya roon.
Nasinag nila sa bughaw, nguni’t maliwanag na tubig, ang naglangoy-langoy na isda, napagkilala nila ang mga dahon ng kahoy na maaaring maging panlunas sa mga karamdaman, natuklasan nila ang bukal nang walang maliw na kabataan, (sapagka’t dalisay na maiinom), saka natagpuan din naman nila ang ilang uri ng hayop na maaari nilang pakinabangan at maaari pang makatulong sa gawain.
Anopa’t ang sumunod na ikot ng daigdig sa Orasan ng Palad, na maikli lamang sa mga taong-bundok ay maitatala na nang kung ilang daang taon, hanggang sa matutuhan nila ang gumawa ng tahanan buhat sa mga kahoy at iba pang sangkap ng kagubatan at magsipagpatulo ng pawis, samantalang sumisikat ang araw, na nagpapasigla sa kanilang katawan.
Datapuwa’t sa orasan ng mga Dioses, lalo na sa kay Iris at sa Prinsipe ng Liwanag, ay nagdaan lamang ang maghapon at isa pang magdamag upang sila’y magkawatasan na gaya nang kanilang pinagkasunduan.
Sa buong liwanag ng araw na dulot ni Apolo, ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag, ay nagtapat sa kanyang ama. Ipinahayag ang laman ng dibdib at ang dahilan ng pagnanais na makita uli si Iris – ang Reyna ng Sandaigdig na Kulay.
–Talaga pong iniibig ko si Iris! – pagtatapat ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag.
–Hangal! – ani Apolo.
— Ibig mong sabihing isusuko mo ang Liwanag natin, na siyang biyaya ng lakas at buhay sa daigdig, sa isa lamang bahaghari ng mga kulay? –
— Wala po sa isip ko ang isuko ang ating kapangyarihan. Puso ko po ang nagpasiya na ako’y umibig sa kanya hangga’t ako’y Prinsipe ng Liwanag at habang nagiging tungkulin ko ang pumunit sa Kortina ng Gabi sa Langit-Silangan. —
— Ah! Talagang hangal ka, anak ko. Ngayon pa lamang ay napaaalipin na ang iyong kaluluwa kay Iris. Walang utang na loob. Malaon na akong may balak na ipagtapat sa iyo na ang hirang ko ay si Aurora. Mahabag ka kay Aurora na sa pagbabangon mo pa lamang sa Langit-Silangan ay nagsasabog na ng mga bulaklak sa iyong daraanan. Kahabag-habag siya . . . —
— Ngun’t, ama ko. Na kay Iris po ang aking puso! — matigas na pahayag ng Prinsipe ng Liwanag.
— Kung gayon ang ibig mo, kailan man, anak ko, ay hindi matutupad ang inyong nais, sapagka’t hindi maaaring paalipin ang Liwanag – ang biyaya’t lakas ng daigdig – sa kalipunan lamang ng mga kulay. —
— Ama ko! – Sa kulay po nagkakahulugan ang buong daigdig. Nakilala ang bulaklak sa kanilang iba’t ibang kulay. Dumilag sila at lalong naging mapanghalina, bukod pa sa mga bunga ng kahoy, ay lalong nagkahalaga, sapagka’t nabatid ng mga kinapal sa lupa ang kahalagahan ng isa’t isa sa kanilang buhay at kabuhayan. —
— Minsan lamang akong magpasiya, anak ko, — ani Apolo.
Hindi na nakapangusap pa ang Prinsipe; at walang anu-ano’y narinig niya ang tinig ni Hermes na nag-usisa:
— Ako po ang alipin ni Iris – ng aking Reyna. Ibig pong mabatid ng Kanyang Sanghaya kung magaganap ang inyong salitaan. —
Napipi ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Napatungo sa lupa, at naluha.
Lalaki ang Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag. Nguni’t lalaki man ay natutuhan din ang lumuha. Nalaglag ang mga patak ng luhang ito. Naging hamog sa mga bulaklak . . .
. . . Samantalang si Hermes, na mabilis pa noon kaysa Kidlat ay nagbalik sa Reyna ng Bahaghari at inihatid ang malungkot na balita.
Tugon ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag ay hindi nabigkas ng bibig. Nasabi sa kanyang luha. Madarama pa nga sa labi ng mga bulaklak. Lalo na ng mga bulaklak sa kagubatan!
Noon din ay nagdalang-poot si Iris. Poot na may himig-panibugho. Batid niya ang lihim ni Apolo: Ang nais nito sa kanyang bunsong prinsipe upang makaisang-dibdib si Aurora.
Kaya’t sa ilang saglit lamang ay nag-utos na kay Hermes upang makipaghabulan sa Kidlat. Pinakilos ang mga panginorin sa himpapawid. Pinapagdilim ang langit kahi’t katanghalian at nasa karurukan si Apolo. Nagluksa man din pati mga dahon at nagtungo ng ulo ang mga talulot at bulaklak. Noon din ay nagsala-salabat ang kidlat sa kalawakan. Narinig ang nakakabingaw na kulog. Nahintakutan ang daigdig!
Kaya’t mula na noon ay nangupas na ang maraming kulay. Kulay sa mga dahon at bulaklak. Nagbago na ng lakad ang mga pangyayari. Namatay na ang sigla ng buhay. At, ang Tag-araw at Tag-ulan, ay sumasapit sa pana-panahon. Naging tiyak din naman ang Tadhana: ang mga bagay at kinapal sa lupa na walang maliw ay nagmaliw na ri’t napatakda sa Kanluran ang paghihingalo ni Apolo. Nguni’t patuloy ang ganyang takbo nga ng mga pangyayari. Saka ang lalong malungkot ay nalalanta na ang mga bulaklak kundi man nangungupas ang mga kulay . . .
— Ay! — buntong-hininga ng Reyna ng Sandaigdig na Kulay.
— Ay! – ang tugong buntong-hiniga rin ng Prinsipe ng Walang Maliw na Liwanag sa Langit-Silangan.
Nguni’t kailan man ay hindi na natupad pa ang kanilang pangarap, kaya’t ang Reyna ng Bahaghari ay naging patrona na lamang ng mga alagad ng sining, lalo na ng mga batikang alagad ng D’Vina.