Isang Libo’t Isang Halik

ni Lamberto B. Cabual

“HIWALAY kung hiwalay!” sigaw ni Dupong. Yamot siya sa asawang si Takya, pagka’t lagi nitong sinasabing hihiwalayan siya kapag nagagalit. Akala niya’y nasa loob ng silid ang asawa. Nakalabas na pala at narinig ang sigaw niya.

“Ano’ng sabi mo, Dupong?” tanong ng asawa. “Ulitin mo nga ang sinabi mo.”

Nagitla si Dupong at nawalang bigla ang pagkayamot sa asawa. Nahalinhan ng takot. Biglang lumambing ang boses, “A, wala, Mahal, sabi ko e, itong mga damit na may kulay at walang kulay na pinalalabhan mo sa akin e… kailangang paghiwalayin ko.”

“Gano’n ba…” mabalasik na turing ni Takya. “Mabuting nagkakaintindihan tayo.”

“Pasens’ya ka na… medyo kasi napalakas ang boses ko!”

“Sa susunod, hina-hinaan mo… naririndi ako!” matalim ang tingin ng asawa. “Saka gusto ko e…malinis ang laba ng mga damit… at kung hindi…uulitin mo ang mga ‘yan.”

“Oo, Mahal… bayaan mo… at pagbubutihin ko ang linis!” nangangatog ang tuhod ni Dupong.

Limang taon nang kasal ang mag-asawang Dupong at Takya. Kahima’t may pakla kung namnamin ang kanilang mga pangalan, balintuna ito sa kanilang anyo. Makisig na lalaki si Dupong at magandang babae si Takya. Ang magkabiyak ay tapos lamang ng elementarya, nguni’t kapuwa may trabaho. Namamasukang tindera sa isang tindahan ng damit sa kabayanan ang babae at mahusay na karpintero naman ang lalaki. Masisinop sa hanapbuhay at sobra-sobra sa kanilang dalawa ang kinikita.

Nguni’t dahil sa mabait si Dupong, nakawilihan na siyang sigaw-sigawan at utus-utusan ni Takya.

Minsan, nalimutan ng lalaki na ibalik ang taklob ng kolgeyt nang magsipilyo ng ngipin. Galit na galit na sinugod siya ng asawa, “Kung magsisipilyo ka ng ngipin, pagkatapos mo, isasara mo ang kolgeyt.”

“Nakaligtaan ko e.”

“Nakakainis ka…talo mo pa ang ulyanin,” bulyaw ni Takya. “Napakamalilimutin mo.”

“Bayaan mo’t sa susunod e, hindi ko na kalilimutang sarhan.”

“Mabuti… dahil pag nalimutan mo pa uli…hindi ka na makapagsipilyo ng ngipin… at masasaktan ka sa akin.”

Malimit ding si Dupong ang nagluluto ng kakanin nilang mag-asawa, bagama’t paminsan-minsa’y nangangatuwiran siya.

“Dupong, magsaing ka nga.”

“Bakit ako?” reklamo niya. “Trabaho naman ‘yan ng babae a.”

“Aba, aba, aba!… at nagrereklamo ka, e, pagod ako.”

“Ikaw, naman kasi, laging ako na lang ang pinagagawa mo ng gawaing-pambabae.”

“Hoy, magsaing ka na nga… at baka isaklob ko sa ulo mo itong kaldero.”

Hindi nakapiyok si Dupong. Sa inis, sinigawan niya ang asawa, “Ilang gatang ba ang isasaing?”

“Tatlo.”

Huminahon ang tinig ni Dupong, “Masusunod, Mahal.” At sinunod niya ang utos ni Takya.

Kung nakikita niyang galit si Takya, iniisip ni Dupong na hagkan ito… hagkan nang hagkan… bigyan ng isanlibo’t isang halik! Sa ganito’y baka mapahuhupa ang galit at mapagbabago ang ugali nito. Nguni’t wala siyang lakas ng loob, sa pangambang ang asawa ay lalo pang magalit.

Sabi ng kanilang mga kanayon, Andres daw si Dupong. Subali’t kung kausap na siya ng mga ito, binabaligtad niya ang mga pangyayari. Ibinabangon ang kanyang pagkalalaki.

“Ginulpi ko ang asawa ko kagabi!”

“Bakit naman?”

“Dahil sa sobrang pagbubunganga!”

“Nagawa mo ‘yon, Dupong?”

“Aba, e, Oo,” sabi niya. “Naro’n at me pasa pa nga sa mukha… kaya hindi makalabas ng bahay.”

“Sobra ka naman…nilalabanan mo ang babae.”

“Ibahin n’yo ako,” ipinakita sa mga kaharap ang nakatikom na kanang kamay at ang kalamnan ng braso. “Hindi p’wede sa akin ang sinisigawan at pinagdadabugan.”

“E, kung ganyan nang ganyan si Takya… na kahi’t gulpihin mo e hindi rin magbago… ano’ng gagawin mo?”

“Baka hiwalayan ko na… ang bruha!”

Ang pagmamayabang ni Dupong ay hindi pinapatulan ng mga kausap. Alam nila na si Dupong ang laging binubulyawan ng asawa, at hindi nito kayang gulpihin si Takya. Pagkatalikod ni Dupong, para siyang nagbuhos ng tubig sa butas na balde. At nagkakatawanan na lamang ang mga pinaglalakuan ng yabang.

Wala pang anak, kahi’t ilang taon nang kasal sina Dupong at Takya. Di pa man nagkakasupling, hindi nila iyon pinoproblema. Hindi sila tulad ng ibang mag-asawa na nababahala pag hindi agad magkaanak.

Iba ang problema… at ito’y sa panig lamang ni Dupong. Kalbaryo sa buhay ang pagkabungangera at pang-aagrabiyado sa kanya ng asawa. Hindi niya alam kung hanggang kailan niya ito mababata. Pakiramdam niya, unti-unting napupugto ang kanyang hininga. Para siyang bulateng lulubog-lilitaw sa santumpok na dumi ng kalabaw sa pakikipamuhay kay Takya.

ARAW ng Linggo. Walang trabaho si Dupong. Nagtungo siya sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

“Bakit mo ba hinahayaang api-apihin ka ni Mareng Takya?” tanong ni Kulas sa kumpare. Si Kulas ang katapatang-loob ni Dupong.

“Hindi ko nga malaman, Pare, ang aking gagawin,” sagot ni Dupong. “Ano kaya’ng mabuti?”

“Sampigahin mo siya nang sakop ang taynga… at matatauhan ‘yon.”

“Hindi ko kaya, Pareng Kulas, mahal ko siya.”

“Ano ba talaga ang nangyayari… at ganyan ang asawa mo? Matagal na ba niyang ginagawa ito?”

“Nang una naman e, hindi siya ganyan,” ani Dupong. “Malambing siya at mabait.”

“E, kailan pa siya nagkaganyan?”

“Kailan lang, Pare.”

“Ano sa palagay mo, bakit ganyan siya?”

“Marahil, Pare, dahil sa lagi niya akong binubulyawan… at pinagagawa ng mga gawaing dapat na siya ang gumawa… wala nang nangyayari sa amin sa kama,” pagtatapat ni Dupong. “At hindi ko na siya ginagalaw magsiping man kami. Mula nang di ko na s’ya galawin sa kama, laging mainit ang ulo.”

“Ano’ng ginagawa n’ya kung mainit ang ulo?”

“Sa umaga, nagsisigaw siya ng ‘Inutil… napakainutil… walang pakinabang!’ tapos, sinisipa n’ya ang timba at ibinabalibag ang tabo…”

“Aha! ‘lam ko na ang lutas sa problema mo, Pare!”

“Ano’ng lutas, Pareng Kulas?”

“Dapat, Pare e, maging masigasig ka pag katabi mo na si Mare sa gabi. Sipagan mo… limitan mo ang dating… paspasan mo… puyatin mo si Mare!”

“Makabubuti ba ‘yon?”

“Oo naman. Makita mo’t pag puyat s’ya… titikom ang bibig n’ya…hindi na bungangera…at may ipagbabago ang ugali. ”

“Talaga?”

“Maniwala ka, Pareng Dupong… Naiintindihan mo ba ang ibig kong sabihin?”

“Oo, Pare.”

Hindi alam ng magkumpare na dinig pala ang pag-uusap nila ni Anding, ang maybahay ni Kulas Naisip niyang makatutulong siya sa problema ng kanilang Kumpareng Dupong. Kakausapin niya ang kanyang kumareng Takya, at pagpapayuhan kung kailangan. Tumalilis siya at naiwan niyang nag-iinuman ng serbesa ang dalawa. Hindi gaanong malayo sila sa tahanan nina Takya at Dupong. Madali siyang nakarating doon.

“Mareng Takya, nasa bahay ngayon si Pare,” sabi ni Anding. Nag-uusap sila ni Kulas.”

“O, e… bakit ka napasugod?”

“Kasi, ikaw ang pinag-uusapan nila.”

“At bakit nila ako pinag-uusapan?”

“Idinaraing ni Pare ang kanyang mga problema tungkol sa ‘yo.”

Ipinaliwanag ni Anding ang kahabag-habag na pagsasalaysay ni Dupong ng pagsigaw-sigaw at walang katwirang pag-uutos ni Takya ng mga gawaing-pambabae rito. “Bakit mo ba ginagawa ‘yon, ha, Mareng Takya?”

“Aywan ko nga ba, Mare… nakawilihan ko na. Kasi naman, payag na lang s’ya nang payag sa bawa’t sabihin ko.”

“Mahal mo naman si Pare, hindi ba?”

“Siyempre. Pakakasal ba ako sa kanya kung hindi.”

“Gano’n naman pala e… Sa palagay ko… hindi naman tama na laging inaapi mo s’ya.”

“Naiisip ko rin ‘yon. Minsan e, naaawa ako kung nakikita kong malungkot siya… hindi ko nga lang ipinahahalata.”

“S’werte ka, Mare, at napakabait ng asawa mo,” sabi ni Anding. “Kung sa ibang lalaki ‘yan… na mahina ang pasens’ya e, baka nilayasan ka na… o kaya’y nambabae na.”

“Oo nga, Mare,” nangangambang turing ni Takya. “At bago mangyari ‘yon e kailangan yatang magbago na ako!”

“Mabuti naman… sa bibig mo na rin nanggaling ‘yan. Talagang gusto kitang payuhan ng ganyan.”

“Salamat, Mare, sa pagmamalasakit mo!”

“Saka nga pala, Mareng Takya, narinig kong pinayuhan si Pare ni Kulas,” nakangiti si Anding.

“Susundin daw ni Pare ang payo!”

“Ano’ng payo?”

At may ibinulong si Anding sa kumare…

Napahagalpak ng tawa si Takya. Subali’t may kiliting gumapang sa kanyang kaibuturan.

Nakabalik si Anding sa kanilang bahay nang hindi namamalayan ng nag-iinuman pang mga lalaki. Malagihay na ang magkumpare.

Hindi nagluwat, nagpaalam na ang Andres na kapilas ni Takya.

“H’wag mong kalilimutan, Pare, ang mga sinabi ko,” bilin ni Kulas.

“Oo… ngayong gabi’y sisimulan ko na!”

Masiglang umuwi ng bahay si Dupong. Buo na ang balak n’ya kay Takya. Pupuyatin niya ang asawa sa kanyang mga gagawin. Sa isip-isip niya, humanda ka, asawa ko, at makakatikim ka ng sisid-marino… at ng isanlibo’t isang halik sa lahat ng parte ng katawan mo!

Pagkapaghapunan, magkatulong na iniligpit nina Dupong at Takya ang kanilang kinanan. Nang makapag-imis sa kusina, naupo sila sa panonood ng telebisyon. Lakas-loob na ninakawan ni Dupong ng halik sa pisngi si Takya. Nang hindi kumikibo, hinagkan niya sa noo, sa batok, at sa leeg.

“Ano ka ba?… nakikiliti ako!” hagikhik ng asawa.

Bigla niya itong pinupog ng halik sa dibdib, gumapang na pataas hanggang sa maghinang ang kanilang mga labi. Maapoy ang ganting-halik ni Takya, tila nagkakabuhul-buhol ang hininga.

Bumulong si Dupong, “tayo na magpahinga, Mahal… sa silid na tayo!”

Marahang tumayo si Takya at pinatay ang telebisyon, saka buong lambing na bumaling sa asawa. “Tayo na…” paanas na tinig.

Humantong sa kama ang magkabiyak. Pinatay ni Dupong ang ilaw. At ang gabing yao’y nalipos ng malalamyos na halinghing at ng mga impit nguni’t matitimyas na daing ng tila ipinagduruyan sa ulap na si Takya.

Kinaumagahan, hindi nagisnan ng lalaki ang asawa. Bumangon siya at hinanap ito. Nasumpungan niya sa kusina, bihis na si Takya para sa pagtungo sa trabaho. Gayon man, naghahanda pa ito ng almusal at masayang kumakanta-kanta.

Sa silong ni Aling Takya,
May asong nakadapa;
Kaya pala nakadapa,
Naninilip ng palaka…

Gustong bumunghalit ng tawa si Dupong sa awit ng asawa, nguni’t nagpigil siya. Takang-taka siya! Ibang-iba ang Takyang ito ngayon…masayang-masaya! Naligo siya at naghanda na rin sa pagtungo sa trabaho.

“Darling,” masuyong tawag ni Takya sa asawa. “Mag-aalmusal na tayo, ‘lika na.”

Lalo nang nagtaka ang lalaki. Sa loob-loob niya, Darling na ngayon ang tawag sa akin. Hindi na yaong dumaragasang ‘Dupong.’ Nabago na talaga ang ihip ng hangin.

“Oo, Mahal,” tugon ni Dupong, “ and’yan na ako.”

Habang naghahain ng almusal, umaawit pa rin si Takya.

Ako’y ibigin mo’t babaeng maganda,
Mahusay magluto’t marunong maglaba;
Ang gawaing-bahay aakuhin ko na,
Pagka’t sa puso ko’y mahal kang talaga…

Hindi napigilan ni Dupong ang sarili. Bigla niyang kinabig at pinupog ng halik ang asawa.

“Baka masilip tayo ng mga kapitbahay… ‘no ba ‘yan… ‘kakahiya!” nakangiti si Takya.

“Bayaan mo ngang manilip sila!” tuloy ang di mapuknat na mga halik ni Dupong.

Masayang nagsalo sa almusal ang magkabiyak.

Bago sila naghiwalay tungo sa kanya-kanyang hanapbuhay, ginawaran pa rin ni Dupong si Takya ng maraming-maraming halik.

MAKALIPAS ang isang linggo, bumalik si Dupong sa bahay ng kanyang kumpareng Kulas.

“O, ano Pareng Dupong, ginawa mo ba ang mga bilin ko sa iyo?”

“Oo, Pare, at maganda ang resulta… nagbago na ang kumareng Takya mo… bumait na siya.”

“Nakita mo na!”

“At hindi lamang ‘yan, Pare, me bonus pa ako sa mga ipinagagawa mo,” pagmamalaking wika ni Dupong.

“Ano’ng bonus ‘yon?”

“Bukod sa mahusay akong puyatin si Takya, lagi ko rin siyang hinahalikan. Basta… halik ako nang halik… binibigyan ko ang kumare mo… ng isanlibo’t isang halik!”

“Tunay, Pare?”

“Oo… mata lang n’ya ang walang tama!”

Nakisali si Anding sa usapan. “Baka naman maubos ang bango ni Mareng Takya, Pare!”

“Hindi mauubos… laging mabango ‘yon.”

“E, gumaganti ba naman ng halik sa ‘yo?”

“Oo, Mareng Anding, ibinabalik n’ya sa akin ang mga halik ko. Isanlibo’t isang halik din ang iginaganti niya.

Nagkatawanan sila.

Isang buwan pa ang matuling nagdaan. Parang ipinako sa pagkakatayo ang mag-asawang Kulas at Anding, nang humahangos na dumating sa bahay nila ang kanilang Kumpareng Dupong.

“Pare, Mare, dahil sa mga payo n’yo… at sa isanlibo’t isang halik…umagang-umaga… nasa bakuran namin ang kumareng Takya n’yo… at kahi’t puyat e… nanunungkit ng manggang hilaw!”—

Scroll to Top