Kalye Mapaghimala

“Isa na lang! Isa na lang! Lalarga na! Pogi, sakay na!” sigaw ng isang barker kay Nath. Kanina pa kasi siya palakad-lakad malapit sa sakayan ng dyip papuntang kalye Mapaghimala. Hindi siya sigurado kung tutuloy ba siyang pumunta doon o hindi. Nakakapagdalawang isip kasi ang reputasyon ng mga taong nakatira sa lugar na iyon.

Reporter si Nath sa isang sikat na tv station pero hanggang ngayon ay hindi pa rin siya nabibigyan ng magandang break. Kadalasan sa mga binibigay na assignment sa kanya ay nagkakaroon ng aberya kaya naman kinausap na siya ng head nila. Matatanggal daw siya sa trabaho kung hindi siya makagagawa ng isang magandang balita. Kailangan daw niyang humanap ng sarili niyang subject at gumawa ng materials mula rito. At ewan ba niya at ang kalye Mapaghimala pa ang naisipan niyang gawing subject.

Bumuntong hininga siya bago sumakay sa dyip na siya na lang yata ang hinihintay.

“Manong, sa kalye Mapaghimala po.” Napatingin halos lahat ng pasahero pati na rin ang drayber sa kanya. Na para bang tinubuan siya ng isang ulo at kitang-kita ang gulat sa mga mukha ng mga ito.

Nang makabawi ang drayber sa gulat ay mabilis siyang binigyan ng sukli at pinaandar ang dyip. Naramdaman din niyang biglang lumuwag ang kinauupuan at nang tingnan niya ang mga katabi ay kabaliktaran ng kanina, lahat ay umiiwas ng tingin.

“Nakikita mo ba ang kalyeng ‘yan na abandonado na at may harang?” Turo ng drayber nang itigil nito ang sasakyan.

“Opo, ‘yan na po ba ang kalye Mapaghimala?” nagtatakang tanong niya. Parang malabong magkaroon ng tao doon dahil abandonado na ang daan. Matataas pa ang mga talahib sa magkabilang gilid nito at may harang na bakal.

“Hindi pa ‘yan. Kalye Sto. Entierro ‘yan, sa dulo nang daan na ‘yan ay ang kalye Mapaghimala. Wala nang dumadaretsong sasakyan doon kaya kailangan mong lakarin. Pumasok ka lang sa mga harang na ‘yan, alam ko pwedeng ilihis ang iba sa mga ‘yan. Buti na lang at alas-tres pa lang ng hapon kaya tirik na tirik pa ang araw at hindi madilim ang lalakarin mo,” pagbibigay direksyon ng matanda sa kanya.

“Sige po. Salamat po, Manong.” Bumaba na siya ng dyip at pinagmasdan maigi ang paligid.

“Iho, kung hindi naman ganoon kaimportante ang pakay mo, umuwi ka na lang. Delikado rito.” Paalala pa nito sa kanya.

“Kailangan po ito, Manong. Kaya ko po,” sagot niya rito.

Tumango lang ang drayber bago umalis at iniwan siya.

Sinundan niya ang turo sa kanya ng drayber kanina. Inilihis ang ilang mga bakal na harang na may taas hanggang bewang niya. Sementado ang daan kaya’t katakatakang hindi na ito dinadaanan ng iba. May mga iilang bahay sa gilid ng daan pero lahat ay may sira na at abandonado, nagtataasan rin ang mga talahib sa gilid ng daan at paikot sa mga bahay. Wala rin siyang napansing mga poste ng ilaw sa daan kaya natitiyak niyang tama ang drayber kanina, magiging sobrang dilim ng lugar na iyon pagsapit ng gabi.

Wala siyang naririnig sa paligid kundi ang pag-ihip ng hangin at pagsayaw ng talahiban. Pakiramdan niya’y ilang kilometro na ang nalakad niya ngunit ni anino ng Kalye Mapaghimala ay wala siyang nakita.

Tumigil siya saglit para kunin ang tubig sa kanyang dalang bag. Habang umiinom ay may narinig siyang mga hagikgikan ng mga bata. Nabuhayan tuloy ulit siya ng loob. Mukhang malapit na niyang makita ang Kalye Mapaghimala.

“’Wag ka diyan! Mali ‘yan! Dapat iwasan mo ‘yung box na kinalalagyan ng pamato mo. Tapos isang paa bawat box. ‘Wag kang madaya!”

Sinundan niya ang ingay na narinig niya hanggang makarating siya sa isang daan pakanan. Sa likod ng talahiban makikita ang kalye Mapaghimala.

Ayon sa balibalita, lahat daw ng mga bagong laya sa kulungan o ‘di kaya naman daw ay mga kriminal na may kapit sa mga matataas na politiko sa gobyerno at hindi maipakulong ang pinapatapon sa lugar na iyon. ‘Yun na rin yata ang pinakaliblib at pinakamalayong kalye ng lungsod nila. Ang sabi-sabi pa ng iba’y kapag pumunta ka raw sa lugar na iyon ay hindi ka na makakauwi pa. Wala pa namang napapatunayan sa mga haka-haka sa lugar na ‘yon ngunit natatakot pa rin siya.

Pero taliwas sa nababalitaan niya ang kaganapan sa kalye Mapaghimala. Buhay na buhay ang kalye, kaliwa’t kanan ang iba’t ibang laki ng mga bahay. Naglalaro ang mga bata sa gitna ng sementadong daan. May ilang mga kababaihan ang nagkukwentuhan sa tapat ng mga bahay. May mga nag-iinuman sa kabilang banda. Halos walang pinagkaiba ang kalyeng ito sa mga kalye sa bayan. Hindi makita ni Nath ang panget na imaheng nakapaikot sa kalyeng kanyang kinatatayuan ngayon.

“May dayo!” malakas na sigaw ng isa sa mga batang naglalaro.

Magkakasunod na bumaling sa kanya ang lahat ng mga tao sa daan, may mga nagsilabasan pa nga sa mga bahay upang tingnan siya. Natigil sa tawanan ang mga nag-iinuman at tumayo upang makita siya. Iba’t iba ang pinakitang reaksyon ng mga tao. Karamihan ay para bang nabigla, may parang naaawa at meron ring masaya.

“Bagong salta?” Hindi niya namalayan ang isang babaeng lumapit sa kanya.

“Hindi,” alangang sagot niya rito.

“Eh anong kailangan mo rito?” natatakang tanong nito.

“May pwede ba akong makausap tungkol sa kwento ng lugar ninyo?”

Umiling ito bago siya tiningnan mula ulo hanggang paa, pumalatak pa ito bago siya iniwan.

“Miss!” habol niya rito. Tumigil ito at tiningnan siya muli bago ginalaw ang ulo na para bang sinasabing sumunod siya.

Nang tingnan niya ang mga tao sa paligid ay nagsibalikan na ang mga ito sa mga kanya-kanyang gawain.

Dinala siya ng babae sa nag-iisang bahay sa dulo ng kalye Mapaghimala. Mahaba-haba rin ang nilakad nila, ang kalyeng tinatawag nila ay hindi na mukhang kalye kundi parang isang baranggay na nakatago sa mata ng karamihan, hindi na nga bagay ang kalye sa pangalan nito. Wala ng sasakyang dumaraan doon at tanging bisikleta na lang ginagamit ng mga tao. Mapapansin din sa dinaanan nila ang malalawak na bukid.

“Kaninong bahay ‘to?” tanong niya sa babae.

May kalumaan ang bahay. Katamtaman lang ang laki at napapaikutan ng iba’t ibang maliliit na halaman.

“Kay Tatang Elmo, siya ang pinakamatanda at pinakamatagal na nanirahan sa lugar na ‘to. Siya ang makakasagot sa lahat ng katanungan mo. Paalala lang, kalat na kalat naman siguro kung anong kayang gawin ng mga tao sa lugar namin. Kaya mag-ingat ka sa ikikilos mo at umalis ka na agad pagkatapos ng pakay mo.” Iniwan siya agad nito.

Dumaretso ito sa pintuan ng bahay at kumatok nang tatlong beses.

“Tatang Elmo, may magpapakwento na naman sa inyo! May pinadala na naman sila para sirain ang imahe ng lugar natin. Paki kwentuhan na lang ho para makauwi na agad.”

Naglakad na ito pabalik sa kanya at inirapan siya bago siya nilagpasan.

Hindi rin nagtagal at bumungad sa kanya ang isang matandang lalaki. Dala ng katandaan ay may kapayatan na ang pangangatawan nito, puti na ang manipis nitong buhok at balbas. Mabagal na rin itong kumilos pero bakas pa rin sa mukha ang kaginhawaan.

“Halika rito,” anyaya sa kanya ng matanda at ginaya siya sa likod bahay. Pinaupo siya sa pandalawahang mesa nito na gawa rin sa kahoy, mula roon ay kitang-kita ang mas malawak na bukirin. May iilan pang mga tao sa bukid na nagtatrabaho at nagtatawanan pa ang ilan.

“Anong pangalan mo, iho?” Pagkuha ng matanda sa atensyon niya bago umupo sa tapat niya.

“Nathan po, reporter po ako sa TvM. Gusto ko lang po sana malaman ang kwento ng lugar ninyo at hihingi na rin po ako ng permisong kumuha ng mga larawan.” Gustong-gusto na niyang kumuha ng mga larawan kanina ngunit nagdalawang-isip siya at baka ‘di magustuhan ng mga tao rito ang balak niya.

“Iho, kaya kong ibigay ang kwento at permisong gusto mo pero sa tingin ko’y walang silbi rin ang mga makukuha mo rito. Hindi rin mailalabas ang tunay na kwento ng lugar na ‘to.”

“Bakit n’yo naman po nasabi, Tatang? Tapat po akong reporter at ilalabas ko po ang buong katotohanan sa lugar na ‘to.” Matapang na pahayag niya. Aaminin niyang madali siyang matakot sa maraming bagay, dahilan na rin ‘yun kung bakit siya pumapalpak madalas sa trabaho niya, kaya naman gagawin niya ang lahat ng paraan malabanan lang ang takot na ‘yun at nang makabawi sa mga kapalpakan niya.

“Hindi ikaw ang una at sana’y huli nang reporter na nagpunta rito. Marami-rami na ring mga katulad mo ang nagtangkang tuklasin ang tunay na hiwaga ng lugar namin ngunit wala ni isang nagtagumpay. Paano mo nasasabing mailalabas mo ang katotohanan? Hindi ba’t katulad ka rin nila? Dalawa lang naman ang pwedeng mangyari sa’yo pagkatapos mong matuklasan ang lahat. Mananahimik ka habang buhay o patatahimikin ka nila.” Napalunok siya sa sinabi ng matanda, alam na alam niya kung ano ang tinutukoy nito.

“Naiintindihan ko po at sa totoo lang po’y natatakot ako sa mangyayari pero kailangan ko po ito at naniniwala akong kailangan n’yo rin ako. ” Napatitig ang matanda sa kanya at kalauna’y napailing nang mapagmasdan ang kanyang mukha.

“Hindi ka makakatakas sa mga galamay nila at kung papalarin ka ma’y wala ka ring mapakikinabangan sa mga makukuha mo rito. Isang himala lang ang makakapagpalaya sa katotohanan. Umuwi ka na at kalimutan mo na ang kalye Mapaghimala.” Tumayo ito at akmang iiwan na siya.

“Malay po ninyo, ako na ang himalang pinadala ng kalye ninyo para sa inyo. Ayaw n’yo po bang malinawan ang mga tao sa kung anong meron sa lugar na ‘to? Gusto n’yo na lang po bang habang buhay na makulong dito? Kaninang unang beses kong tumapak dito, dun ako napatanong. Bakit ninyo hinahayaan makulong rito? Bakit hinahayaan ninyong katakutan kayo ng mga tao dahil sa maling balita? Dahil sa nakikita ko po, walang pinagkaiba ang lugar ninyo sa mga lugar sa bayan. ” Huminto ang matanda at bumaling sa kanya. Iniisip marahil nito kung seryoso ba siya sa mga sinasabi. Ngunit nanatili lamang itong walang imik.

“Tatang Elmo, hindi po ako mangangako sa inyong magtatagumpay ako pero pagkatiwalaan po ninyo ako. Kailangan ko po ito at alam kong kailangan n’yo rin,” determinadong saad niya.

Bumuntong hininga ang matanda at naglakad ulit pabalik sa kinauupuan nito kanina. Tumanaw ito sa tinatanaw niya kanina. Wala na ang mga magbubukid kanina at kinakain na ng dilim ang kalangitan.

“Pagbibigyan kita. Sana nga’y ikaw na at hindi ka matulad sa iba,” sabi nito habang nakatanaw pa rin sa bukid.

Inilabas niya ang camera at recorder na dala niya.

***

“Labingpitong taong gulang ako nang lumipat kami rito ng mga magulang ko. Kalye Mapaghimala na ang tawag sa kalyeng nilakaran mo kanina patungo rito sa bahay ko. Wala pa noong nakatira rito kundi kami lang, gamit ang kakaunting pera’y binili nang tatay ko ang bukiring ito,” nilahad ng matanda ang dalawang kamay sa harapan nila patungo sa bukid.

“Walang gaanong dumaraang mga sasakyan dito dahil heto na ang dulong bahagi ng bayan natin at puro mga bukid na ang makikita. Hanggang dumating sina Mrs. Tamayo. Kilala mo ba siya?” tanong nito sa kanya at tumango lang siya rito bilang sagot.

“Siya po ang asawa nang dating mayor na si Mayor Bernard Tamayo, isa sa pinaniniwalaang jueteng lord sa bansa,” sagot niya rito.

“Nang mamatay si Mayor Bernard ay nalugi ang lahat ng negosyo ng pamilya nila at ang tanging natira ay ang lupaing katabi ng bahay namin. Dito na napili ni Mrs. Tamayo na mamuhay kasama ang nag-iisa niyang anak, malayo sa gulo ng bayan at mata ng mga tao. Ang kaso’y hindi natapos doon ang kwento ng mga tamayo sa pulitika. Sinundan hanggang rito ang mag-ina nang mga pumatay kay Mayor Bernard. Sariwa pa sa pandinig ko ang tatlong putok ng baril na muntik nang pumatay noon sa anak ni Mrs. Tamayo. Hindi namin alam at tanging si Mrs. Tamayo lang ang nakakaalam kung bakit tumigil ang mga pagbabanta sa buhay nila. Isa lang ang sigurado, may kapit siya sa gobyerno kaya nama’y walang makakanti sa kanya.

“Hindi nagtagal ay may bagong kapitbahay kami sa tapat ng bahay namin. Si Gardo. Isang bagong laya sa kulungan. Nakulong sa salang pagpatay pero makalipas ang ilang taon ay nakalaya rin. Hindi ko na alam kung paanong nabili niya ang lupa sa tapat namin, ang natatandaan ko na lang ay noong matapos niya ang ginagawang simpleng bahay ay dinala niya ang buong pamilya niya rito at dito na nanirahan.

“Lumipas pa ang ilang taon ay may dumating ulit, kaibigan ni Gardo sa kulungan, lumaya rin at walang matitirhan kaya naman inalok nito ang lugar namin. Wala namang may-ari sa lupang narito kundi ang gobyerno kaya naman lakas loob silanng nagtayo ng mga kubo.

“Isang gabi, may tinapon na binata sa talahiban sa bukid namin. Halos wala nang buhay at tadtad ng bala sa katawan. Duguan. May nakasabit na karatula sa leeg na nagsasabing nagdodroga raw ito. Wala kaming magawa kundi ang panoorin na lang itong mamatay dahil walang gustong tumulong. Ayaw naming madamay sa kung ano man ang kinasasangkutan nitong gulo. Pare-pareho naming alam na mahirap banggain ang kung sino mang hayop na gumawa n’on sa batang ‘yun. Alam ni Mrs. Tamayo na hindi siya maaaring makialam. Ang mga katulad naman ni Gardo ay hindi pagkakatiwalaan ng mga kinauukulan at natitiyak nilang, sila ang pagbibintangan. At kami, natatakot kami ng pamilya ko kaya’t walang nagsalita sa amin. Hindi na iyon naulit ngunit nabalutan na ng takot ang mga taong nakatira malapit dito.

“Hanggang dumating rito sa amin si Edmond. Isang leader ng isang grupong nagsusulong ng pagbabago para sa mga taong biktima lang din ng lipunan. Bumili siya ng isang malaking lupain sa tabing lupa ni Mrs. Tamayo. Doon, pinatira niya ang mga kabataang sinusuka na ng bayan dahil ang turing sa kanila’y mga kriminal. Mga kabataang wala na ngang silbi’y nakukuha pang magnakaw at pumatay. Paunti-unti, napuno na ng halakhakan ang daan. Nagkaroon na ng buhay ang kahabaan ng kalye Mapaghimala.

“Dito, natagpuan nila ang kapayapaang hindi maibibigay ng ibang lugar. Pero tulad ng iba, hindi perpekto ang lugar namin. May iilang umalis din dahil malayo sa buhay na kinagisnan nila pero karamihan nama’y nagkaroon na ng pamilya at dito na namuhay hangga ngayon.”

Namayani saglit ang katahimikan bago nakapagtanong si Nath sa matanda.

“Kayo po, Tatang Elmo, bakit hindi po kayo umalis dito? Hindi po ba kayo natatakot sa mga kapitbahay ninyo?”

Ngumiti lang ang matanda sa kanya at umiling.

“Naisipan ko rin umalis noon, lalo na nang dumalas ang punta ng mga pulis dito. Pinagbibintangan nang kung ano-ano ang mga nakatira rito. May nagnakaw daw sa mga tindahan. May mga nang-holdap daw. Isang beses nga’y akala ko’y may papatayin ulit sila dahil sa bintang nilang may nagdodroga rito. Doon ako mas lalong natakot, pero ayaw ng tatay kong umalis, ano na lang daw mangyayari sa bukid namin kung iiwan namin. Sa totoo lang, hindi ako takot sa mga kapitbahay ko rito, mas takot ako sa mga kinauukulang dadampot ng kung sino mula rito para lang pagtakpan ang isang bagay na hindi nila mahanapan ng solusyon. Kung ako ang tatanungin, mas nakakatakot ang mundo sa labas ng kalyeng ito, hindi dapat kami ang katakutan ng mga tao kundi sila mismo. Totoong may mga hindi magandang nakaraan ang karamihan ng mga tao rito pero ni isa sa mga bintang nila’y walang napapatunayan. Tinanim na ng mga tao sa labas na sila ang mabuti at kami rito ang masama.” Nang tingnan ni Nath ang mukha ng matanda’y bakas doon ang kapaguran. Hindi niya alam kung pagod dahil sa katandaan o pagod dahil sa mga bagay na pinaglalaban nito na wala namang nakikinig. Sa tagal niyang reporter ay ngayon lang siya nag-alangang magtanong.

“Tatang, sa tagal na pong ganito ang sitwasyon dito, sa dami nang naging Presidente ang bansa, bakit po walang nagbabago? Hindi po ba kayo nagtangka man lang umapela sa gobyerno upang bigyan kayo ng pantay na karapatan?”

“Sino ba ang ayaw ng pagbabago, iho? Lahat ng paraan ay sinubukan na namin ngunit bingi ang gobyerno para sa mga tulad ng mga tao rito. Hindi sila naniniwalang kayang magbago ng mga kriminal na tinapon nila rito.

“Sa ngayon, masaya na ang lahat ng mga naninirahan dito. Gaano man kalaking pagbabago ang gawin ng mga mamamayan ng Kalye Mapaghimala hinding-hindi kami matatangap ng mga tagalabas. Tanging himala na lamang ang natitirang paraan upang magbago ang tingin nila sa amin dito. At hindi na namin inaasahang dumating ang himalang ‘yon tulad nang hindi ko na rin inaasahang magtatagumpay ka sa paglinis ng pangalanan ng lugar namin. Dahil para sa karamihan sa mga tao rito, ang himalang ‘yon ay ito mismong kalye Mapaghimala. Sa kalye lang na ito nila nakita ang pagtanggap at pag-unawang hindi kayang ibigay ng iba. Dito sa lugar namin, nagkakaintindihan ang bawat isa. Gaano man kagulo ang bayang meron tayo, naniniwala akong mananatiling kanlungan namin ang kahabaan ng Kalye Mapaghimala.”

Marami pang tanong si Nath ngunit nakita na niya sa mata ng matanda na wala na itong sasabihin pa sa kanya.

“Tatang…” hindi na niya natapos ang itatanong nang tumayo na ito.

“Hanggang dito na lang ang maikukwento ko sa’yo, iho. Gaano man kahaba o gaano man kalalim ang kwentong ibibigay ko sa’yo, sa huli, hindi pa rin magbabago ang tingin ninyo sa mga tao rito. Mga kriminal na hinding-hindi magbabago at mananakit lagi sa inyo. ‘Wag ka nang umuwi, magpahinga ka na rito at maaga ka na lang umalis. Maghahanda ako saglit ng hapunan natin.” Iniwan siya ng matanda roon.

Hindi siya kuntento. Gusto pa niyang alamin ang kwento nang lugar na iyon. Paanong nasabi ng matanda na hindi kailan man mailalathala ang ano mang kwentong makukuha niya. Gusto niyang tuklasin ang hiwaga sa likod ng mga paalala ng matanda.

“Tatang Elmo, saglit po…” akmang susundan niya ang matanda nang may matigas na bagay na tumama sa ulo niya at nawalan siya ng malay.

***

“Tatang Elmo, nakauwi po ba ‘yung dayo kahapon?” nag-aalalang tanong ni Maricris, ang dalagang naghatid kay Nath sa bahay ni Tatang Elmo.

“Hindi. Tulad ng dati, kinuha siya ulit nila,” malungkot na sagot ng matanda.

WAKAS

Scroll to Top