Kanlungan

NANATILI akong tahimik sa mga oras na ang tangi ko lang gustong gawin ay sumigaw ng malakas – na iparinig sa lahat ang aking tinig. Ngunit, pinili ko na lamang itikom ang aking bibig upang ikulong ang mga salitang gustong-gustong kumawala. Dahil alam ko, kahit gaano ko kahina ibulong o kalakas ipagsigawan ang mga ito ay walang gustong makinig o mas tamang sabihing… walang makaririnig.

Pero, kailan nga ba nila ako pinakinggan?

Kailan Niya ako pinakinggan?

Noong mga oras na umusal ako ng piping panalangin na sana’y may kumawalang tinig sa aking bibig; na sana mayroon akong kakayahang imutawi ang lahat ng mga salitang nais kong sambitin… naghintay ako, ngunit, sa huli ay wala akong nakuhang sagot.

Sa isip ko, malakas kong pinakawalan ang mga halakhak upang tuyain ang aking sarili.

‘Para kang tanga, Ysobel!’ paratang ko sa aking sarili. ‘Kailan ka ba kasi nila narinig magsalita upang ika’y kanilang pakinggan?’

Ang tanong na siyang nakapagpatigil sa akin. Tama nga naman. May punto ang isang parte ng aking isip. Kailan nga ba ako nagkaroon ng pagkakataong makapagsalita? Kailan ba may lumabas na tinig sa aking bibig?

Ano ba naman kasi ang saysay ng pakikipag-usap sa akin, kung ang tanging paraan sa pakikipag-komunikasyon ay wala ako. Walang boses, walang salita. Hindi naman lahat marunong ikumpas ang kanilang mga kamay sa paraang mababasa’t maiintindihan ko upang makausap lamang ako. Hindi rin naman lahat interesado na kausapin ako kung kaya para saan pa para matutunan nila iyon.

‘Kaya hayan, sige, kausapin mo ang sarili mo sa isip mo!’

Mariin kong ipinilig ang aking ulo. Tama na. Walang magagawa ang pakikipagtalo sa sarili, nagmumukha lamang akong baliw na kinakausap ang sarili sa harap ng salamin lalo na’t wala namang boses silang naririnig.

***

MABINING dumampi ang malamig na hangin sa aking balat, nagawa kong yakapin ang aking sarili matapos nitong manuot sa aking kalamnan. Namamangha kong pinanood ang paghahalo ng mapula-pula at kahel na kulay sa kalangitan, dahan-dahan nitong nilulukob ang liwanag – sumusuong ang dilim at nagpapahiwatig ito ng pag-angkin.

Sinimulan kong ihakbang ang aking mga paa, binaybay ang daan patungo sa hardin ng aming bahay. Nilandas ng aking kamay ang naggagandahang bulaklak na tanim ng aking ina. Pinuno ng matamis na halimuyak nito ang aking ilong, parang alak ay naliyo ako dala ng samyo na pinakawalan nito.

Inilatag ko ang aking katawan sa damuhan at doon ay pinagmasdan ang paghari ng kadiliman sa sangkalupaan. Bumungad ang gasuklay na buwan, nakangiti ito sa akin at tila naghahatid ng kung anong kamisteryuhan. Habang ang mga bituin ay walang tigil sa pagkindat, nagpapapansin sa bawat kurap.

Parang mga letrang bumubuo ng salita, mga salitang bumubuo ng talata; humahanay na parang linya ang mga salitang walang habas na nagpaparamdam. Gumagawa ng gulo ang mga ito sa aking isip, parang mga ibong gustong kumawala sa hawla; pinapagaspas ang mga pakpak sa kagustuhang makalipad palabas. Ngunit, tila rehas na gawa sa bakal ang aking bibig dahil kahit anong gawing takas ay tila nakakulong pa rin. Sa dami ng pagkakataon ay tila nawalan na nang ganang mamutawi ang mga salita na wala rin namang saysay kung sila’y lalabas.

Ipinikit ko na lamang ang aking mga mata, inilabas ang mga hanging tila pumuno sa aking baga. Iwinaksi ko ang lahat ng pag-iisip, nilinis ang kaninang tila nangangalawang na isip. Unti-unting bumagal ang pagtahip ng aking dibdib hanggang sa dalhin ako nito sa isang mahimbing na pagtulog.

Naalimpungatan ako sa mahinang pagtawag sa aking pangalan. Pupungas-pungas kong kinuskos ang aking mga mata.

‘Ysobel! Ysobel!’

Mabilis akong napabalikwas sa pagkakahiga at agad kong inikot ang aking mga mata upang hanapin ang nagmamay-ari ng tinig. Ngunit, wala ni anino sa paligid ko ang naroon.

Ako lamang, isang orasa, at isang kwaderno na nasa aking paanan ang naroon.

Biglang namayani ang pagkagulat ko sa aking mga nakita, paanong nagkaroon ng mga ganito sa aking harapan? Kanino at saan galing ang mga ito?

Muli akong luminga-linga, sinipat kung sino ang maaaring maging salarin. Ngunit, sa pangalawang pagkakataon ay nanatiling ako at ang mga bagay sa harap ko ang naroon.

Inabot ko ang kwadernong tila niluma na ng panahon gawa ng mga alikabok na bumalot dito, ang ilang parte rin ng pabalat nito’y tanda na dumaan na ito sa maraming kamay: gula-gulanit at sira-sira. Maingat kong binuklat iyon sa takot na masira ko ito ng tuluyan.

At sa pagbukas ko nito’y sumabay ang nakasisilaw na ilaw. Isang mahikang hindi ko mahinuha. Sa isang pahina’y naroon nakatitik ang mga salitang tila galing sa isang tula.

“Paliparin sa hangin ang mga agam-agam
‘wag matakot ibuka ang bibig,
iusal ang mga saloobin
hanggang sa ito’y marinig.”

May kung anong pinahihiwatig ang mga katagang iyon na para bang inuutusan akong limiin kung ano ang nasa pagitan ng bawat mga salita. Hindi ko alam kung paanong nakarating ang mga bagay na ito sa akin, kung saan ito galing, at kung paanong nahanap ako ng mga ito. Gusto kong isiping kapalaran ang naghatid nito sa akin; na ito ang destinasyong paroroonan nila. Kung paano ako natunton nito’y, wala akong ideya. Ngunit sa kabilang banda, iisa lamang ang konklusyon na nabubuo sa aking isip, na ang lahat ng ito’y isang misteryo… ngunit marahil siguro’y isa rin itong himala.

‘Naririnig ko ang bawat isa sa inyo, Ysobel, kabilang ka at lahat ng mga tulad mo. Naririnig ko ang bawat saloobin ninyo’t kahilingan, maliit man ito o malaki. Ngunit, may batas na dapat sundin.’

Hinanap ko ang nagmamay-ari ng tinig na iyon, nilibot ko ang aking paningin sa paligid. Ngunit sa pangatlong pagkakataon ay wala akong napala. Hanggang sa mapagtanto kong iangat ang aking tingin at doon ay nakita ko ang imahe Niyang inukit ng mga bituin.

“Pero isa lang naman ang hinihiling ko sa iyo, bigyan mo ako ng pagkakataong maiparinig ang aking tinig.” sa kabila ng kawalan ng boses ay may bahid pagsusumamo ang aking pag-usal sa isip habang nakatingala at kinakausap ang kalangitan.

‘Hindi maaring panigan ang iisa lang dahil lalabas na ako’y may paborito; magugulo rin ang takbo ng mundo, maaaring magkaroon ng kalituhan. Kukuwestyunin nila ang aking batas kung paano ang isa’y nakatanggap ng himala habang ang isa ay hindi. At, hindi rin sa lahat ng pagkakataon ay makatatanggap ng himala ang lahat, mga pili at nararapat na tao lamang. Habang ang iba ay may kaakibat na layuning kailangang tup’din.’

“Kung ganoon natitiyak kong kabilang ako sa iyong huling sinabi.” Sagot ko sa aking isip.

‘Matapos kong likhain ang lahat ng nakikita’t nararamdaman mo at ninyo, ang bawat isa sa inyo’y may ibinigay akong pakay. Maaring ika’y isang instrumentong may layuning gagampanan o maaaring ikaw rin ang mismong didiskubre ng pakay na iyong hinahanap. Malalathala sa kwadernong hawak mo ang magiging takbo ng kwento mo. At ang orasa ang magtatakda ng haba ng oras na iyong bubunuin.’

“Paano kung hindi ako pumayag?” panghahamon ko dito.

Naghintay akong may marinig na sagot ngunit nang wala ay para bang sinasabi nitong wala na akong magagawa kundi sundin ang utos Niya.

Lumipas ang gabing iyon na para akong hanging lumulutang sa ere – lutang sa mga pangyayaring naganap. Ang makausap Siya’y hindi ko inakala. At ang hamong iniwan Niya’y hindi ko basta-basta matalikdan. Isang hamong tiyak na magbibigay ng isang magandang aral.

***

HINDI pa man tuluyang sumisilay ang bukang liwayway ay mulat na ang aking mata’t gising na ang aking diwa. Hindi ko nagawang makatulog ng mahimbing sa iniwan Niyang mga salita. Inubos ko sa pagmuni-muni ang bawat oras na hindi pa sumisikat ang araw. Nanatili akong nakahiga’t nakipagtitigan sa kisame. Ngunit, isang pagka-antala ang nakapagpaputol dito.

Isa hanggang tatlong katok ang ingay na nanggaling sa pinto. Agad akong tumayo’t pinagbuksan kung sino man ang nasa likod niyon. Bumungad ang mukha ng aking inang may ngiti sa mga labi. Sa paraan ng pagkumpas ng mga kamay nito’y ipinarating nito ang isang pagbati.

“Magandang umaga, anak! Pasensiya na kung maaga kitang nagambala.”

Sumagot ako rito sa paraan ko ng pakikipag-usap, kinumpas ko rin ang aking mga kamay at sinabing.

“Ayos lang po, Ma. Ano po ang kailangan ninyo?”

Iginiya niya ako paupo sa aking kama’t doo’y nagpakawala ng malalim na buntong-hininga. Ginagap niya ang aking kamay at hinaplos ang aking pisngi. Diretso akong tumingin sa mga mata niya’t nabanaag ko ang lungkot na bumalot dito, kasabay nito’y ang unti-unting pagbuo ng tubig na sumusungaw sa mga mata nito.

“Naaalala mo pa ba noong sinabi ko sa iyong gusto kitang ipasok sa isang rehabilitasyon na tumutulong sa mga tulad mo, anak? Kung saan makakasalamuha mo ang iba pa’t maaaring magkaroon ka ng maraming kaibigan. Gusto mong magkaroon ng mga kaibigan ‘di ba?” tumigil ito saglit at nagpakawala ng hangin.

“Anak, ayokong nakikita kitang mag-isa, malungkot, nakatingin sa kawalan, at tila nawawalan ng pag-asa. Gusto kong bumalik ka sa dati, ‘yong mga panahong masigla ka’t hindi alintana ang kapansanang mayroon ka.” basa ko sa bawat pagbuka ng kaniyang bibig.

Hinigpitan nito ang paggagap sa aking kamay at isa-isang tumulo ang luha sa kaniyang mga mata.

“Huwag mong panatilihing nakatikom ang iyong bibig. Hayaan mong kumawala ang mga salita dahil naririnig kita, anak. Naririnig kita sa kabila ng kawalan mo ng boses, naririnig ko ang bawat pagsusumamo’t unti-unti mong pagbitiw sa Kaniya. Kaya hayaan mong saluhin kita. Hayaan mong ipasok kita sa Kanlungan kung saan matatagpuan mo ang pangalawang tahanang iyong inaasam.”

Tuluyan na itong napahagulgol sa aking harap, marahas na rumagasa ang maalat na likidong dumausdos sa pisngi nito. Hindi ko maatim ang makita ito sa ganitong disposisyon kaya kasabay ng pagpapakita ng orasa at kwadernong nakapatong sa lamesang kaharap ko’y nagawa kong pumayag dito.

***

PINAGMASDAN ko ang malaking harang na pumapagitan sa akin at sa lugar na iyon: matayog at gawa sa bakal. Hindi ko alam kung sa kabila ng harang na iyon ay mahahanap ko ang pagbabalik ng pag-asa’t paniniwala sa Kaniya. Simula kasi noong ako’y lumaki’t magka-isip, sa tuwing makikipaglaro ako sa iba – sa normal na batang may kakayahang makapagsalita ay tila nagbago ang takbo ng aking buhay, matapos akong layuan at iwan ng mga naging kalaro ko noon. Palagi kasi nilang sinasabing ayaw nila akong kalaro dahil hindi nila akong magawang maka-kwentuhan, hindi nila maintindihan ang bawat pagkumpas ko ng kamay.

Kung kaya’t sa paglipas ng panahon ay pinili ko na lang magkulong sa bahay, ang maglaro mag-isa’t libangin ang sarili sa kung anu-anong bagay. Hanggang sa maramdaman ko ang pagka-inip, ang pagka-awa sa aking sarili. Sinubukan kong muli ang makihalubilo, ngunit katulad pa rin noon ay walang may gusto. Lihim akong umiyak, lihim kong kinaawaan ang aking sarili. Nalugmok ako sa depresyon, at minsa’y nasubukan ko pang kitlin ang buhay na mayroon ako.

Nakita ko ang walang tigil na pag-iyak ng aking mga magulang. Mabilis nila akong naitakbo matapos kong subukang maglaslas. Nang makita nila akong gising ay agad nila akong nilapitan. Mahigpit na hinawakan ng aking ina ang aking kamay at sa mga salitang inusal niya’y nagawa kong ipagpatuloy ang buhay.

“Ysobel, anak, bakit mo nagawa ang bagay na iyon? Bakit mo kailangan kit’lin ang iyong buhay? Alam mong masama iyon. Nandito naman kami ng iyong, Papa, kung kailangan mo ng kausap ay hinding-hindi kami magsasawa. ‘Wag kang magpadala sa iyong kapansanan, ‘wag mong hayaang kainin ka ng depresyon, ‘wag mong sirain ang iyong buhay… dahil tanging ang Maykapal lamang ang may karapatang gawin iyon. Siya lang ang may karapatang kuhanin ang buhay na hiram natin. At kaya ka niya binigyan ng buhay at pagsubok na ganiyan dahil alam niyang kaya mo, alam niyang malalabanan mo ang pagkalugmok.”

Ngunit, sa kabila niyon ay hindi pa rin maalis ang duda ko sa kakayahan Niya. Kaya ngayong nagparamdam Siya’y hindi ko magawang talikuran, dahil para sa akin gusto kong makita ang himalang aking hinahanap… sa tulong Niya.

Bumukas ang matayog na gate na gawa sa bakal, sinalubong kami ng isang matamis na ngiti ng isang matandang babaeng nakasuot ng abito.

“Mary!” tawag nito sa aking ina.

Mabilis na lumapit ang ina ko rito’t yumakap ng mahigpit.

“Kamusta Sister Teresa?”

“Mabuti, mabuti. Siya na ba si Nazareth?”

Tumango ang aking ina at inilahad ang kamay sa akin. Lumapit ako sa kaniya’t ginagap ko ang kamay niya.

“Naza, siya si Sister Teresa, ang ina ng Kanlungan.”

Nanatiling tikom ang aking bibig. Nakatingin lamang ako sa kanila hanggang sa tila tumigil ang pagtakbo ng oras. Nakahinto ang kamay ni Sister Teresa na akmang aabutin ako habang ang ina kong nakangiti sa akin ay nasa ganoong posisyon. Ngunit, ang nakapagtataka’y ang isang lalaking nakatanaw sa malayo habang nakangiti sa akin.

Inihakbang ko ang aking mga paa’t unti-unti itong nilapitan ngunit bigla itong tumalikod at ikinumpas ang isang kamay.

“Alam kong ikaw iyan!” pasigaw kong saad.

Huminto ito at hindi na humarap pa, “Alam kong papayag ka, dahil alam kong sa loob-loob mo’y hindi mo mapigilan ang iyong sariling talikdan ang aking salita.” napahinto ako’t pinakinggan siya,
“Salamat dahil hindi mo ako binigo.”

Unti-unti’y nawala ang imahe niya at mabilis na tila uminog ang paligid. Nakabalik ako sa aking dating posisyon ng hindi humahakbang kung saan naroon na sa aking harap si Sister Teresa habang magkasalikop na ang aming mga kamay.

Mabilis ang naging takbo ng oras, sa bilis ng mga pangyayari’y tila lumabo ito sa aking paningin at isip. Ilang araw na ang nakaraan matapos akong iwan ng aking ina sa Kanlungan. Ilang araw na rin akong nanatiling mag-isa at lumalayo sa karamihan. Tila ba nasanay na akong mag-isa matapos kong matikman ang layuan.

Ngunit, sa kabila nito’y may isang taong pilit na dumidikit sa akin – si Alizee, isang dalagang may kakulangang makakita. Sa lahat ay siya ang pinaka-palakaibigan. Ang lahat sa kaniya’y tila kay gaan at makulay, kahit na nga ba sa kabila ng tanging dilim na bumabalot sa kaniyang paningin ay hindi niya ito ininda.

“Nazareth, kahit hindi ka sumagot at hindi kita maririnig sumagot alam kong nand’yan ka. Bulag lang ako pero mas triple pa rin ang lakas ng pakiramdam ko.” ang malakas na sigaw nito bago pa man makarating sa aking kinauupuan. “Ano, diyan ka na lang ba palagi habang naririto ka sa Kanlungan? Huy babae, madaming mas masayang gawin habang naririto ka kaysa sa magsintir ka sa buhay na mayroon ka.” ang dagdag na panenermon nito.

“Alizee, hayaan mo siya. Kung ayaw ng isang tao ‘wag mong pilitin. Sino ba ang malulugmok sa pagkakalubog, ikaw ba… tayo ba? ‘Diba siya naman?” singit ng isang lalaking nakaupo sa de-gulong na upuan. Sa tantiya ko sa itsura niya’y halos magkasing-edad lamang kami.

“Ayan ka na naman, Carlo. Pinaiiral mo na naman iyang kasungitan mo.” Saad nito.

Gamit ang cane ay muling humakbang si Alizee at lumapit sa kinaroroonan ko. Kinapa-kapa niya ang ulo ko pababa sa braso hanggang sa maabot ang palapulsuhan ko. Ginagap niya ito’t inakay ako, “Halika! Doon tayo sa Crafts and Creative Section tuturuan kitang gumawa ng parol.”

Imbes na ako ang umakay sa kaniya’y baliktad ang nangyari dahil hanggang sa makarating kami sa kwarto ng CCS ay siya ang gumabay sa akin. Pagkarating roon ay agad kaming dinaluhan ni Sister Ana na siyang punong-abala sa kwartong iyon. Doon nagtitipon-tipon ang karamihan na mahilig magbutingting, mapa babae man o lalaki.

Pinaupo niya kami sa dulong bahagi ng kwarto kung saan naroon ang bakanteng silya. Binigyan niya kami ng mga gamit at doo’y nagsimula akong turuan ni Alizee. Detalyado kung siya’y mag-utos; masinsin at maayos kung siya’y gumawa. Alam niya ang bawat proseso sa paggawa ng parol gamit ang mga recycled straw. Hindi ko tuloy mapigilan ang pagmasdan siya. Kung kumilos siya’y tila isang normal na taong nakakakita. Hindi kakikitaan ng reklamo sa tadhanang kinasadlakan. Ilang saglit di’y nakagawa ako ng aking sariling obra. Nakakatuwa at nakakaaliw dahil kahit papaano’y naibsan ang aking pag-iisip.

Sa bawat pagmasid ko sa paligid ay hindi mapigilang sumagi sa isip ko ang realisasyong unti-unting pumapasok sa maliit na kukote ko. Sa bawat paglandas ng mata ko sa mga taong naririto’y hindi ko mapigilan ang mainis sa aking sarili. Ang daming katulad ko ang naririto sa tahanang ito ngunit hindi ko nakitaan ng lungkot at pagkalugmok. Sa araw-araw ay tila namuhay sila ng masaya at walang sama ng loob sa buhay na mayroon sila, bagkus, ay tila nakakita sila ng isang pamilyang nagbubuklod ng mga tulad naming may kakulangan. Ang mga ngiti nila’y tunay at hindi na kailangang pilitin pa, kaya pati ako’y hindi mapigilang mahawaan ng kanilang mga tunay na ngiti.

Sa pagkakataong iyon ay tila nakita ko na ang himalang aking hinahanap – himalang sa mga tao sa Kanlungan ko nahanap. Hindi man literal na sagot sa kakulangan ang himalang nangyari sa amin… sa kanila kundi, ang himalang siyang pumuno sa aming kakulangan, tulad ng Kanlungan na siyang kumupkop at umaruga sa mga tulad naming may kapansanan. Ang pagkakaroon ng isang masaya at maayos na buhay na hindi batid kung ang isang tao’y may kakulangan ay siyang ring himalang bumuo sa pagkatao ng bawat isang naroroon. Isama pa ang pagtanggap at pagiging kontento sa kung anong mayroon ang bawat isa. At ang pinaka importante sa lahat ay ang pananalig at pagtitiwala sa Kaniya. Doon pa lang ay masasabi ko ng puno nang himala ang bawat isa kung tayo’y matutong pahalagaan ang bawat mayroon tayo. Na kahit minsa’y tila humuhulagpos tayo ng kapit sa Itaas ay binibigyan pa rin Niya tayo ng makakapitan.

Ang bawat buhay ay iba-iba. Ang bawat tao’y may kani-kaniyang pakay. Ang tadhana’y may dulot na mahika sa bawat isang taong tila nawawalan ng pag-asa. Sa pagbuhos ng buhangin ng orasa at sa bawat paglathata ng kwentong aking kinabibilangan ay maisusulat at maibabahagi ang magandang aral na siyang nagbago sa aking buhay – na ang bawat buhay ay mayroong himala kung ang taong kabilang dito’y naniniwala sa himala na ibibigay Niya.

Ang buhay ng bawat isa sa atin ay ang matinding himalang nangyari sa atin.

WAKAS

Scroll to Top