Mga Kuwento ng OFW – Liham Ni Kadama Para Kay Madam Bruha

Ni Jovelyn Bayubay Revilla

Dear Madam Bruha,

Kamusta? Dapat ba kitang kamustahin? Ay, oo nga pala dalawang taon na ang nakalipas mula nang makalaya ako sa tahanan mo. Na miss mo kaya ako? Naalala mo kaya ang pagpapahirap mo sa akin sa tahanan mo? Dami kong tanong ano? Alam ko na lagi mo akong bukambibig sa mga bago mong biskara, na dati may kadama ka na kumokontra sa batas mo. At di basta-basta naniwawala sa ka-plastikan ng ugali mo!

Kay tagal na panahon din ang serbisyong ginawa ko sa pamilya ninyo, kung di ko lang mahal ang mga apo mo, ay naku! Di ako tatagal ng ganun kahabang taon sa pamamahay mo. Sa bawat banat mo na mga kasinungalingan na ibinato mo sa akin, pati pagnanakaw ng ballpen? Ano? Kahit may diamante pa iyan na binili mo sa Ducan ay di ko kukunin! Mahirap lang ako pero, pinalaki ako ng magulang ko nang marangal. Hay, naku! Utak mo kay dumi lahat nalang sa paningin mo ay puro mali at masama. Pati pananamit ko kulang nalang na takpan ko ang aking mata, dahil laging linya mo ay HARAM! Sa puntong iyan sang-ayon ako dahil ayaw ko rin na mabastos sa pamilya mo, lalo na sa mga barako ng bahay mo kahit alam ko na di sila bastos na tao, andun pa rin ang respeto ko sa sarili ko at sa pamilya mo.

Teka, naalala mo ba ang kadamutan mo sa pagkain? Kahit kailan ay di ko makalilimutan na sa pamamahay mo, naranasan ko ang mag halungkay ng pagkain sa basurahan! At ang kubos mo na bigay sa umaga na kailangan ko pang hatiin at ilagay sa aking bra! Para gawing pantawid gutom pag sikmura ko ay kumakalam dahil may kandado ang puti mong kaldero. Dinig ko lagi ang dakdak mo sa kada abot mo sa isang pirasong kubos at dalawang kutsaritang gatas na: PATAY GUTOM! Di ka man lang naawa sa payatot kong katawan na hahabol sa tatlo mong apo at puyatan na magdamagan dahil ako ang nagmistulang ina ng mga bata! Sabagay wala ka talagang awa taliwas sa maamo mong mukha ay kademonyahan naman ang ugali mo! Kaya, iyan ang rason na walang mga katulong na tatagal sa pamamahay mo kundi ako lang! Natiis kita ng limang taon, apat na buwan at limang araw! Kabisado ko talaga ano?

Salamat sa mga pasakit na naranasan ko sa kamay mo, di man pisikal kundi ang pagpatay sa pagkatao ko. Dahil sa iyo Bruha na Madam natuto ako na mas maging matatag sa bawat hamon ko sa buhay bilang OFW. Kung gusto mo alamin buhay ko ngayon? Ito isa pa rin na KADAMA dito sa QATAR. Pero, isang malayang inday na makagalaw na walang kadena at posas sa kamay at paa. Ganito pala ang ang makalaya ano? Ang sarap ng pakiramdam parang may isang milyong tinik na nabunot at natanggal sa pagkatao ko. Na kahit kailan ay hindi ko na makikita ang pagmumukha mo.

Pero, teka bago ko pala makalilimutan ito, ’di ba lagi mong dasal lagi na sana mamatay ako o ‘di kaya’y maghanap ako ng amo na na sasaktan ako? Well, nagdilang demonyo ka talaga. Hindi man ako namatay, pero wagas din ang sampal na naranasan ko sa una kong amo dito na katulad mo ay halang ang kaluluwa dahil pareho kayong walang puso! Pero, sabi ko naman sa iyo na makapal na ang kalyo ng mukha ko, kaya daplis lang ang sakit! Di ko na lang sasabihin sa iyo na umiyak ako dahil baka maglulundag ka sa tuwa at atakihin ka pa nang hindi oras. Bago ko pala tapusin ang liham na ito, nais ko pala ipabasa sa iyo ang ginawang sulat ng anak mo; na tunay kong amo, si Sir, na laging sunod-sunuran sa gusto mo.

Letter Of Appreciation:

I’m here by this letter acknowledge Mrs. Jovelyn Bayubay for her excellent work under my sponsorship from March 2005 till May 2010. Mrs. Jovelyn provided my family during this time love and care especially my three kids, where she was their loving nanny. She helped in their growing up, doing their school homework, and helping in english teaching which was great. She was a very hard working person with great potential in learning new things in terms of all house management which include cleaning and cooking with patience and persistence. Simlpy Jovelyn in those five years was family.

Thanks a lot Jovelyn. Wish you all the best.

Hamad Juma

Sabay abot sa liham na iyan , kalakip ang 500 dirhams na bunos sa limang taon at mahigit na serbisyo. Isang pasasalamat ko sa anak mo. At isang karangalan sa pagkatao ko na naging bahagi ako sa pagpapalaki ng mga apo mo.

Hanggang sa susunod! Sana maging mabuti ka nang tao sa mga katulong mo! Pahabol pala, bago mo idikit ang iyong tainga sa pinto ng CR, siguraduhin mo na ‘di ka hihinga para ‘di ka mahalatang nasa tapat ka ng pinto; lagi ka kasing huli sa style mo na iyan.

Ang iyong Ex Kadama,
Jovelyn

Scroll to Top