ni Mike Portes
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko, puta daw ako. Nagpapagamit, binabayaran. Sabi nila, ako raw ang pinakamaganda at pinakasikat sa aming lugar noon. ‘Di ko nga alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.
Tara, makinig ka muna sa kuwento ko, yosi muna tayo.
Alam mo, maraming lumapit sa akin. Nagkagusto at naakit. Ang hirap pag lahat sa iyo, virgin eh. Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako ginago? Hindi ko maintindihan ang mga nangyari sa akin. Bukas-alad ko naman silang pinakitunguhan, ni hindi ko nga itinuring na iba. Iniisip ko na nga lang na kasi ‘di sila taga rito kaya siguro talagang ganoon.
Tatlong malilibog na foreigners ang nagpiyesta sa katawan ko. Sabi nila na-rape daw ako.
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang ‘ di ko makalilimutan.
Parang maski ‘di ko ginusto ang mga nangyari, hinahanap-hanap ko siya. Kasi, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. May mga pagkakaton na nasusuka na ”ko sa mga nangyayari sa aming dalawa. Parang ‘pag humahalinghing siya, nararamdaman ko na nalalason ako. Gusto ko mang umayaw, hindi ko makuhang humindi. Hindi ko rin alam kung bakit. Ibang klase din kasi siyang mag-sorry eh, lalo pa at inalagaan niya ako at ang mga naging anak ko.
Alam mo, parating ang dami naming regalo – may chocolates, yosi at ano ka! May datung pa! Nakababaliw siya! Alam kong ginagamit lang niya ako, pero pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-ingles, ‘di lang magsulat ha! Magbasa pa!
Nung kinasama ko siya, guminhawa ang buhay namin. Sosyal na sosyal kami! Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko tuloy-tuloy na ang kaligayahan namin; ‘yun pala unti-unti niya akong pinapatay.
Punyetang buhay! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga-tanga ko. Palayasin ko na r1aw. Taon ang binilang bago ako natauhang makinig sa payo. Iniisip ko kasi na parang ‘di ko kakayanin na mawala siya sa akin… Sa amin! .
Sa tulong ng ilan sa mga anak ko, napalayas ko ang demonyo, pero ang hirap magsimula. Hindi nga ako sigurado kung nabunutan ako ng tinik o nadagdagan pa. Masyado na kasi kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa kanya, kaya eto, nabaon kami sa utang. Lubog na lubog kami sa pagkakautang, kulang yata pati kaluluwa namin para ibayad sa mga inutang namin.
Nakakahiya mang aminin, pero hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. ‘Yun nga lang, kapit sa patalim, sabi nga nila. Para akong isang aso na nangagat ng amo, na bumabahag ang buntot at umaamo kapag nangangailangan.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kasi ang isang magandang katulad ko. Ang dating hinahangaan at humahalina ay nabibili na sa murang halaga. Alam mo maski ganun ang mga nangyari sa akin, nilakasan ko pa rin ang loob ko. Kailangang makita ng mga anak ko na masasandalan nila ako maski ano pang mangyari.
Maski ano pa ang sabihin ng iba, sinisikap namin na maging maganda ang buhay namin. Nag-aambisyon kami at nangangarap. Ayun, may mga anak ako na nasa Japan, Hong Kong, Saudi. Yung iba nag-US, Canada, Europe. ‘Yung iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi. Masaya daw sa piling ko, maski amoy pusali ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin, siya din ang dami ng mga anak ko na nanamantala sa kabuhayan at kayaman na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Eto na nga ang panahon na halos di na kami makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa, kaso ang laki talaga ng letseng utang ko eh. Palaki pa nang palaki! Paano na lang ang mga anak kong naiwan sa aking puder? At paano na lang ang mga anak kong nasa abroad? Baka ‘di na nila ako balikan o bisitahin man lang? Hindi na importante kung laspagin man ang ganda ko, madama lang ng mga anak ko ang pagmamahal ko. Malaman nila na ibibigay ko ang lahat para sa kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Mayroon pa ding bilib sa akin. Napapag-usapan pa rin. Sa tuwing nakikita ko ang mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang mga luha ko nang ‘di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko eh, namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawain. Tama man o mali.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May malasakit man, nahihilaw pa.
Mabigat dalahin para sa akin, ang katotohanan na ni minsan ay hindi kami naging isang pamilya. Halos lahat ng mga anak ko, galit sa isa’t isa. IIlan ang gustong magtulungan, naghihilahan pa. Madalas kong itinatanong sa sarili ko kung naging masama ba akong nanay para magturingan nang ganito ang mga anak ko?
Kanino bang similya ng demonyo nanggaling ang mga anak kong maituturing mong may mga pinag-aralan, pero nakadadama ng saya at sarap sa paghihirap ng kapatid nila? ‘ Di ko lubos maisip kung saang impiyerno nanggaling ang kasakiman ng ilan sa mga anak kong ito. Sila pa naman ang inaasahan kong magbabangon sa amin. Nakababaliw isipin na natitiis nila ang kalagayan ng kanilang mga kapatid na halos mamatay sa hirap ng buhay. Parang ‘di sila magkakapatid sa tindi ng pagkaganid at walang pagmamalasakit.
Ang ‘di ko akalain ay mismong mga anak ko pa ang tuluyang sisira sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko. Masaya sila sa mga nabibili nila mula sa pinagputahan ko. Buong angas nilang pinagyayabang ang mga pansamantalang yaman at ang kanilang hilaw na pagkatao sa mga makakakita at makikinig. Talaga bang nakakalula ang materyal na kayamanan at mga titulong ikinakabit sa pangalan? Hindi ko maintindihan.
Minsan sa pagtingin ko sa salamin, ni hindi ko na nga kilala sarili ko.
Dadating na naman ang Pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko. Ilang linggo pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating. Ngayon pa lang usap-usapan na ang susunod na pangbubugaw sa akin. Gagamitin pa nila ang kahinaan ng mga kapatid nilang alipin sa kalam ng tiyan. Sa tagal ng panahong ganito ang sitwasyon namin parang eto lang ang sulok na gagalawan ko. Sana may magtanggol naman sa akin. Ipaglaban naman nila ako. Gusto kong isigaw: “Ina ninyo ako! Pagmamahal n’yo lang ang kailangan ko!”
Sensya na, ang haba na ng drama ko. Masisira na ang make up ko nito eh. Salamat ha, pinakinggan mo ako. Malaking bagay sa akin na nakausap kita. Ang tagal nating nag-usap, ‘di man lang ako nagpapakilala.
Ay sorry, ‘di ko nasabi pangalan ko.
Pilipinas nga pala.