Class, gusto kong ipakilala sa inyo ang bago ninyong kamag-aral…si Jillian…magpakilala ka sa kanila, Jillian…”
“I’m Jillian Sandoval and I’m 10 years old…” Lumingon siya sa akin at ngumiti.
Love at first sight. First Love. Puppy love. Rolled into one.
Hindi mahalaga ang kalendaryo kapag bata ka. Malalaman mo na lang na birthday mo na pala dahil binabati ka na naman ng kapamilya mo na mas nakakaalam na ng kalendaryo. Basta ako, alam ko na dumating si Jillian ‘nung malapit nang mag Christmas, noong nasa Grade 4 ako, at pumasok siya sa mismong eskwelahan at klase ko noong unang araw ng Grade 5 ko.
Ang totoo, doon din ako umuuwi sa inuuwian ni Jillian. Sabi sa akin ni Itay, galing sa Amerika si Jillian. May sakit daw kasi ito at dinala roon bago mag-isang taong gulang. Dahil wala nang tatao sa bahay ng amo ni Itay kung kaya’t doon na muna kami tumira. Hanggang sa bumalik nga ang pamilya nina Jillian doon sa malaking bahay bago mag-Pasko.
Solong anak si Jillian. Kung titingnang mabuti, maputla siya at payat, pero siya na yata ang pinaka-magandang babae na nakilala ko. Panay ang tukso sa akin noon ni Ate. Hindi ko alam kung bakit. Marahil dahil sa kakaibang pag-aasikaso ko lagi kay Jillian, sa madalas naming paglalaro, o siguro, talaga lang nasasabik akong may kalaro noon na kasing edad ko. Paano kasi, third year high school na noon si Ate. Ang layo ng agwat namin para maglaro pa ng mga gusto kong laro.
Isa pa sigurong napansin ni Ate ay ang maaga kong pag-uwi lagi. Dati kasi, kung saan-saan kami nagpupunta ng mga kamag-aral ko. Dumadayo kami sa bukid para manghuli ng tutubi o kaya ay mamitas ng bayabas. Mula nang dumating si Jillian, nasasabik ako laging makita siya, bukod pa sa lagi niya akong binibigyan ng oatmeal cookies na paborito nilang lutuin ng mommy n’ya.
***
Unang araw ng klase. Uwian. Magkasama kami ni Jillian sa waiting shed sa tapat ng eskwelahan habang hinihintay namin si Itay. Bumuhos ang ulan. Nagulat ako nang tumakbo si Jillian na tuwang tuwa. Sinigawan ko siya na bumalik at huwag magpakabasa. Hindi siya nakinig. Sumugod na rin ako. Basang-basa kaming pareho nang masalubong namin ang sasakyan nila na minamaneho ni Itay. Ganoon na lang ang galit sa akin ni Itay. Ako raw ang pasimuno kung kaya’t nagpakabasa si Jillian. Oo nga’t madalas ko iyong gawin dati kapag naiinip ako sa pagsundo niya, ngunit sa pagkakataong ito, wala akong kasalanan.
Galit na galit sa amin ang mga magulang ni Jillian. Nakatingin sa akin si Sir William habang panay ang mura nito nang malutong sa aming mag-ama dahil sa nangyari. Hindi nangatwiran o umimik si Itay sa talagang nangyari. Sa tagal ng paninilbihan ni Itay sa pamilya nina Jillian, noon lamang siya napagsalitaan ng masakit. Nagpaalam si Itay na tatapusin na niya ang paninilbihan kina Sir William. Sa unang pagkakataon, nakaramdam ako ng inis kay Jillian dahil sa nangyari. Isang buwan ang hiningi ni Itay para kami makahanap ng titirhan. Ngayon ko naisip na pride marahil ni Itay ang nagbunsod sa kanya para bitiwan ang matagal na paglilingkod kina Jillian.
Hindi na ako nagtaka nang sumunod na araw kung bakit wala si Jillian sa klase. Maging ang mga sumunod na araw. Hanggang sa tinawag ako ng Mommy ni Jillian noong huling araw sa unang linggo ng klase. Gusto raw akong makita ni Jillian. Bantulot akong sumunod. Ayoko sana, kaso, wala akong magawa.
***
Nakangiti siya sa akin. Alam kong may sakit siya dahil lalo pa siyang naging maputla at nangayayat. Tinanong niya ako ng mga nangyari sa eskwelahan. Bahagya lang akong nagkwento. Pagdaka’y pilit siyang bumangon at iniabot sa akin ang isang tinuping papel na tila isang ibon.
“Paper cranes…” sabi niya.
“Anu’ng gagawin ko rito?” may halong pagtatakang tanong ko.
“Gagawa tayo ng one thousand na paper cranes.”
“Wan tawsan? 100..200…” nag skip counting ako. “…ang dami nun, ang daming papel…para saan ba?”
“Para gumaling ako…para makapaglaro na tayo ulit saka gusto ko nang pumasok sa school…”
“Eh di magdasal ka na lang, ganun ang ginagawa dati ni Inay kapag may nagkakasakit sa amin ni Ate…”
“Iba yung one thousand paper cranes…”
“Paano ba kasi…hindi naman ako marunong…”
“Ganito lang…” Nagsimula siyang magtupi ng papel. Pinagmasdan ko’ng mabuti. Kung talagang gagaling si Jillian, handa ko sigurong kayanin ang magtupi nito, naisip ko. Saka ko napansin ang bracelet na nangingintab sa bisig niya at ang palawit na pusong naroroon.
“Sabi mo sa akin dati, ayaw mo ng mga pang-mayamang mga gamit?” tanong ko sa kanya habang sinusuri ang bracelet.
“Totoo naman. Ito…palatandaan ito na mabait ako…”
“Huh?”
“Oo…may sakit ako dati pa. Sabi ni Daddy, kailangan ko raw ng bagong kidney kaso wala namang gustong magbigay…saka ayoko, lalo na kung alam ko na bibilhin nila galing sa ibang tao…gusto ko, kusa.”
“O, e saan nga ‘to?”
“Para sa puso ko…”
“May sakit ka rin sa puso?”
“Hindi…kung walang gustong magbigay sa akin, tapos mamamatay ako, ‘yung puso ko na lang ang ibibigay ko sa nangangailangan.”
“Pwede ba yon?”
“Gusto mo ba?”
“Syempre hindi…saka hindi ko naman kailangan eh.”
“Teka,..para saan nga ulit yung wan tawsan na paper cranes?” pag-iiba ko sa usapan. Nalungkot akong malaman ang sakit ni Jillian. Mas lalo akong nalungkot na ipamimigay lang niya sa iba ang puso niya.
“Sabi sa alamat ng mga Japanese, pagbibigyan daw ang isang kahilingan ng sinumang makagagawa ng one thousand paper cranes.”
“Ang dami naman kaya napaka-imposible.”
“Kung mahal mo ako, tutulungan mo akong kumpletuhin yung one thousand.” Nakangiti siya habang iniaabot muli sa akin ang tinupi niyang paper crane.
Nagulat ako sa sinabi niya. “Kung mahal mo ako…” Sa takot. Sa mga bagay na hindi ko pa naiintindihan kahit nararamdaman ko. Hindi na ako nagpaalam. Hindi ko alam kung anong nangyari pero tumakbo akong pauwi sa amin hawak ang dalawang pirasong paper cranes.
***
July 16, 1990. Isang buwan matapos ang insidente, tuluyan kaming nagkahiwalay ni Jillian. Umuwi na kami nina Itay sa Porac, samantalang sina Jillian, nauna nang umalis papuntang Baguio. Sabi ni Jillian sa akin, mas mabuti raw sa kanya ang sariwang hangin doon, ayon sa daddy niya. Tinanong niya ako kung ilan na ang nagawa kong paper cranes. Hindi ako kumibo. Ang totoo, wala akong nagawa kahit isa. Nanlumo ako na kailangan naming umalis. Nanlumo ako na kailangan ding umalis nina Jillian. Gusto ko sanang sabihin kay Sir William na gusto ko’ng hintayin ang pagbabalik ni Jillian pero hindi ko nagawa, saka sabi ni Itay, narinig ko silang nag uusap ni Ate, na ibebenta na rin ng pamilya nina Jillian ang bahay, at babalik na sa Amerika kapag wala na si Jillian. May taning na raw ang buhay nito dahil sa malalang komplikasyon sa kidney. Pakiramdam ko, una pa akong namatay kay Jillian.
Halos hapon na nang dumating kami kina lola sa Porac. Saka lumindol nang malakas. Natakot ako, kaming lahat. Ilang beses pang yumanig. After shocks. Saka ang balita kinagabihan. Napinsala nang husto ang Baguio. May gumuhong hotel. May mga natabunang bahay. Land slide sa mga daan. Ilang araw pa bago nakabalita si Itay sa nangyari kina Jillian. Wala silang sinabi sa akin ni Ate. Basta nakita ko silang umiiyak pareho.
Kinuha ko ang dalawang paper cranes mula sa pagkakaipit sa notebook ko. Isa-isa kong pinilas ang pahina ng notebook ko para gawing paper cranes pero mas nakita ko ang dahilan kung bakit ko iyon pinipilas. Galit ako. Sa ulan. Sa lindol. Sa sarili ko.
***
Mula nang araw na iyon, nangako ako sa sarili ko. Isang paper crane isang araw. Tapos, kung totoo talaga iyon, baka maaaring hilingin ko sa Crane Legend na ibalik ako sa araw na nakilala ko si Jillian. Isang paper crane bago ako matulog. O dalawa o tatlo kung di ako dinadalaw ng antok. Halos naka 450 paper cranes na yata ako nang biglang sumabog ang Mt. Pinatubo humigit kumulang isang taon mula nang umalis kami kina Jillian. Talaga yatang tadhana ang naghihiwalay sa amin maski sa pag-asa ng kabataan ko noong naniniwala sa magic ng paper cranes. O siguro, mas naniniwala ako sa magic ng pag-ibig namin ni Jillian kaysa sa magic ng paper cranes. Kaso nga lang, tinabunan ng abo ang paper cranes. Nangangalahati pa lang ako halos para itaboy na naman palayo sa natitira kong pag-asa.
***
Mula sa Porac, nakakuha ng relocation sina Lola sa Cavite. Bagong simula. Hindi na ‘ko siguro aabutan dito ng Pinatubo. Unang gabi ko ng paglipat namin, paper crane agad ang inatupag ko. Gusto kong maniwala katulad ng paniniwala ni Jillian. Hanggang sa dumating ang pasukan, First year, first day, first class. Wala kami halos ginawa kundi linisin ang abo ng Pinatubo na umabot dito. Napansin kong hinihika ang katabi kong babae kaya inabutan ko siya ng panyo ko. Ngumiti siya sa akin. Ngayon na lang yata ulit ako napatitig nang matagal sa mukha ng ibang babae. Saka ko hinahanap ang pamilyar na ngiti ni Jillian. Wala. Nakaka-ilang paper cranes pa lang ako.
Recess. Nagulat ako nang isauli niya ang panyo ko kasabay ang pag-aabot ng tatlong piraso ng oatmeal cookies na nakabalot sa tissue. Naalala ko si Jillian at ang oatmeal cookies nila ng mommy niya na naging paborito ko. Tumanggi ako. Sabi niya, wala naman daw siyang sakit. Tumanggi pa rin ako. Nakita ko na nalungkot siya sa ginawa ko. Unang araw pa naman ng klase. Sinipat ko siya nang palihim. Nakita ko siyang nagtutupi ng papel. Kabisado ko ang bawat galaw. Alam kong paper crane ang tinutupi niya!
***
Weird, oo alam ko. Sobra’ng weird. Pero alam mo yung mas sobra pang weird doon? Lian ang pangalan niya. Gusto kong isipin na siya si Jillian. Kaso hindi. Umiwas ako sa kanya bagamat halos araw-araw kaming magkasama sa iisang klase at iisang eskwelahan. At dalawa pang sumunod na taon. Hindi ko binanggit kahit kanino ang tungkol sa oatmeal, ang paper cranes o mismong ang alaala ko kay Jillian. Hanggang dumating ang JS prom. Sa tatlong taon, may mga gabi akong pumalya sa paggawa ng paper cranes. Saka ko binilang ang naka-talang lista mula sa dingding ng kwarto ko. Nine hundred ninety nine, kulang-kulang 3 years… Isang crane pa…naisip ko,ano kaya kung sa gitna ng mismong sayawan, yung kamay na hawak-hawak ko ay ang kamay na mismo ni Jillian. Isang crane pa…
Kaso dumating na ang mga kabarkada ko. Mamaya na siguro yung crane kahit habang nasa school. Tinupi ko ang papel saka isinilid sa bulsa ko.
“Oist, sabi ni Ma’am, daanan daw natin si Lian.”
“Naku hindi,” tanggi ko kay Jenna .
“Ano bang meron kay Lian at talaga namang pansin ko na parang lagi mong iniiwasan?”
“Wala naman.”
“Hoy, huwag ka ngang mayabang…maganda naman si Lian ah.”
“Me sinabi ba akong panget siya?”
“Sus! Alam mo, sa totoo lang, kundi lang kami nakakakopya sa’yo saka nakikinabang sa talent mo sa paggawa ng projects, di ka rin namin papansinin!”
“Haha! Ang sabihin niyo, hindi lang talaga kayo makakopya kay Lian dahil sa karamutan sa inyo ng babaeng yun!”
“Abnormal! Kung kokopya kami sa kanya, baka wala ka na sa Top 10! E di pag nagkaganun, ang panget mo na, wala ka pang brains na masasabi! Hahahaha!”
“Lika na Jenna, tandaan mo na may 4th grading pa…nakuuu!” pasakal kong yaya kay Jenna na naging isa sa mga kabarkada ko.
Sa totoo lang, kinakabahan ako na pumunta sa bahay nina Lian maski pa kasama ko si Jenna at iba pa naming kaeskwela. Basta yung weird na first time kaming nagkakilala ang naiisip ko. Sa tapat ng trangkahan nila kami tumigil. Pigil hininga ako. Ngayon, lalo akong humanga kay Lian. Mahirap lang sila. Siguro, mas mahirap pa sa amin. Kitang-kita sa tindig at itsura ng bahay nila. Humanga ako dahil si Lian ang pinakamatalino sa amin. Humanga ako kasi kahit na naging iwas ako sa kanya, may mga pagkakataong siya pa ang lumalapit sa akin. Saka ko naisip ulit si Jillian. Kung gaano kalayo yung buhay naming dalawa pero ginawan niya ng paraan na magkalapit kami sa napakaikling panahon na magkasama kami noon. Saka yung sabi niya na “Kung mahal mo ako…” dahil alam kong mahal din niya ako.
Naputol ang pag-iisip ko nang lumabas ang nanay ni Lian at patuluyin kami. Ayaw daw kasi’ng umattend ng JS prom ni Lian dahil hindi raw bumagay ang nahiram na damit. Pumasok si Jenna sa kwarto ni Lian para kausapin ang kaibigan. Naiwan kami ng Nanay ni Lian sa sala.
“Ikaw yung supladong madalas i-kwento ni Lian ano?”
“H-Hindi naman po…” pautal kong pagsisinungaling.
“Kuhhh…mga bata kayo… hindi naman ninyo kailangang magpaligsahang dalawa.”
“Naku…hindi po talaga…” Yun ang totoo, wala sa interes kong makipag-paligsahan.
“Madalas umuwing malungkot yan kasi hindi mo nga raw pinapansin…kako baka sadya lang na hindi ka palabati, eh hindi naman daw…inakala ko pa ngang bakla ka eh…haha!”
Namula ako sa hiya.
“Eh bakit ho ba ayaw umattend ni Lian?” pagbabago ko ng usapan.
“Ang mali ko kasi, yung nahiram kong gown eh bahagyang mababa yung tabas para itago yung pilat ng opera niya sa dibdib.”
“B-Bakit ho…m-may opera si Lian sa puso?” Nanginginig ako sa pagkakatayo ko.
“Ay, oo…sa awa ng Diyos, apat na taon na yata…may sakit kasi sa puso yang batang yan at talagang alam namin na anumang oras eh…” Nakita kong bahagyang may namuong luha sa mata ng nanay ni Lian. Bahagya itong sumandig sa akin.
“Alam mo bang kasagsagan ng lindol…sa takot ng batang yan eh inatake sa puso at halos mamatay…mabuti na lang…” Tuluyan na itong napaiyak.
“Si Jillian…” Mahina kong nausal.
“B-Bakit mo alam?” Pagtatakang tanong ng nanay ni Lian na bahagyang nagulat sa pangalang binanggit ko.
“A-Ang sabi ko ho, ako na ho ang bahala kay Lian…ngayong gabi.” Habang buhay. Hanggang sa kabilang buhay. Yun ang eksaktong nasa isip ko.
Saka ko nakitang lumabas si Lian mula sa kwarto nito. Nakatutop ang kamay sa bandang itaas ng dibdib. Bahagyang nagulat nung makita ako at ang nagpapahid ng luhang magulang.
Namumuo ang luha sa mata ko habang dali-dali kong dinukot ang papel at nanginginig ang kamay kong dahan-dahang tinupi ang pang one-thousand na paper crane.
Tuluyang pumatak ang luha sa mata ko kasabay nang pagkakatapos ng huling tupi.
“Huwag mong sabihing hihingi ka sa akin ng sorry…” Bahagyang may pagtataka, bahagyang may sungaw na ngiting tanong ni Lian sa akin habang pilit sinisipat ang mata kong may luha.
Hindi ako kumibo. Hinawakan ko ang palad niya at iniabot ang huling paper crane.
Noon pa lang unang araw na magkita kami, alam kong alam na niya…
Ang tanging laruan at libangang magpapaalala sa amin kung gaano ka-makapangyarihan ang pag-ibig…