Pomagat Part 6 and Last Part

ni pulandit

Gulong gulo ang isip niya at hindi mapagtugma tugma ang mga kwento. Itinalikod niya ang litrato at may mga pangalang nakasulat, Ernie Rosario Mercado(kanan) ito ang kanyang ninong at boss, Roberto Manahan Cebu (kaliwa) ito ang kanyang tatay,

Immanuel Lucido Ferio (gitna) ang tatay ni Eid, kumpirmado na siya dahil Ferio ang apelyido ni Eid. Magkakaibigan pala ang tatay niya, tatay ni Eid at ninong niya. Ngayon lang niya ito nalaman, ang alam niya ay ninong lang niya ang matalik na kaibigan ng kanyang ama.

Sumandal siya sa sofa, pumikit, nagisip at binalikan ang mga sinabi sa kanya ng matandang manghuhula. Bakit kaya niya pinapatigil ang pagbebenta ng libro?

Umalingawngaw sa isipan niya ang sinabi ni Mang Carding, “paborito kayong writer ng anak ko” , “agad siyang bumili ng bago ninyong nobela at hindi ito tinigilan hangga’t hindi natatapos.”

Anong hiwaga kaya meron sa nobela niya? May kaugnayan kaya ang lalaking duguan dito? Mga tanong niya sa sarili.

Ala-una na ng hapon ng maisipan niyang pumunta sa publishing para kausapin si Mr. Mercado. Ipapaliwanag niya dito ang kanyang mga karanasan para makumbinsing ipatigil ang pagbebenta ng aklat kahit wala pa siyang konkretong dahilan.

Pagdating sa opisina, agad siyang dumiretso sa silid ng kanyang boss. Naabutan niya itong nagbabasa ng kanyang nobela.

“Luz! anong sadya mo? Kung ipapatigil mo ang pagbebenta nito” habang kinakampay kampay ang hawak niyang libro “wag mo na subukan, dahil malaki ang kikitain natin dito, malapit ko na ngang matapos oh, at talagang nakakatakot ang istorya.” sabi ni Mr. Mercado.

“Eh kasi sir” talagang wala siyang maipaliwanag na dahilan, bagkus ay itinanong niya na lang dito ang lalaki sa litrato na nakita niya.

” May kilala ba kayong Immanuel Ferio?” usisa ni Luz

“Ha?” dito ay parang naging malambot ang kanyang ninong, nawala ang lupit at bagsik nito.
“Wala eh, bakit mo naitanong?” tugon ni Mr. Mercado.

Inilabas ni Luz ang litrato at ipinakita sa kanyang ninong.

“Ano po ang kaugnayan ni tatay sa kanya?” makulit na tanong ni Luz.

Pinagpawisan si Mr. Mercado sa mga tanong ni Luz na akala mo imbestigador ng pulisya. Hindi nagtagal ay nagsalita ito.

“Bueno, Luz. Yaman din lang naman na matanda ka na ay ipagtatapat ko na sayo ang lahat.” Nagsimulang magsalaysay ang kanyang ninong tungkol sa nakaraan.

“Dalawampung taon na ang nakakaraan, manunulat ako noon dito sa kumpanya ng aking ama, si Berto ang iyong ama ay utility dito maging si Immanuel o Eman kung tawagin namin, anak niya si Eid. Matatalik kaming magkakaibigan at halos magkapatid na magturingan. Kinumbinsi ko silang maging manunulat ng ako na ang mayari ng publishing at ipinamana na ito sakin. Tanging ama mo lamang ang nakasulat ng mga kwento at si Eman ay walang hilig sa pagsusulat. Naging bantog na manunulat ang iyong ama nuong panahon namin at isa siya sa nagpasikat ng publishing na ito. Kasabay ang pagtatagumpay ng iyong ama ay siya naman pagbabago ni Eman. Naging malulungkutin at parang nasisiraan ng ulo. Hindi talaga iniwan ni Eman si Eid at ang asawa nito kundi namatay ito.” Nagulat si Luz sa rebelasyon ng ninong niya. Ang pagkakaalam niya kasi ay sumama sa ibang babae ang tatay ni Eid.

Nagpatuloy pa sa pagkukwento si Mr. Mercado “Isang araw may selebrasyon kami dito dahil sa mabebentang aklat ng iyong ama. Halos iba na itong si Eman, para talaga siyang nababaliw sa mga sinasabi niya. Ang sabi niya noon habang nagiinuman kami ay gagawa daw siya ng kwentong ikamamatay ng marami. Hindi na namin siya pinagtutuunan ng pansin dahil parang wala na ito sa katinuan. Natatandaan ko pang sabi niya, kapag daw siya namatay ay babalik siya sa oras na maging dalawampung taong gulang ang kanyang anak.” dito ay kinilabutan si Luz, may nabubuo na sa kanyang isipan. Ang lalaking duguan ba ang ama ni Eid? Kung totoo nga ito bakit siya paghihigantihan nito gayong hindi naman niya ito nakilala? at kung dalawampung taon babalik ito ay hindi din nagtutugma dahil treinta anyos na si Eid ang kanyang anak.

Nagpatuloy si Mr. Mercado sa paglalahad, ” ang sabi pa ni Eman nuon ay makikilala daw siya sa kanyang pangalan, paulit ulit niya itong sinasabi, na hindi namin maintindihan maging hanggang sa ngayon.” paliwanag ng kanyang ninong.

“Bakit po siya namatay?” matigas na tanong ni Luz.

Hindi tumugon ang kanyang ninong.

“Ninong! Bakit ho siya namatay?” tanong ulit niya na may kalakasan na.

“Luz!” sabay buntung hininga ng malalim.

“Pinatay siya ng tatay mo.” malungkot na tugon ng kanyang ninong. Nanlumo siya sa narinig, kailanma’y hindi niya ito nalaman, ang ama niya ay isang kriminal.?

Lalo siyang naging interesadong malaman ang totoo, ngayo’y nagkakaroon na ng linaw sa kanya ang lahat ngunit hindi pa rin niya maintindihan ng lubos.
Nagpatuloy pa ito sa pagkukwento.

“Hindi namatay ang iyong ina sa panganganak kay Lanie na kagaya ng sinabi sayo ng tatay mo, walong taong gulang ka noon at nasa eskuwela ng magbigti ang nanay mo pagkapanganak kay Lanie. Pinagsamantalahan siya ni Eman at si Lanie ang naging bunga. Hindi matanggap ng iyong ina na pinagsamantalahan siya ng itinuring naming kaibigan. Si Lanie ay anak ni Eman, bunga ito ng gahasain niya ang iyong ina. Inilihim ito ng nanay mo kay Berto at nag-iwan na lamang ng suicide note at duon inilahad ang lahat.” halos hindi na niya kayanin ang mga naririnig sa kanyang ninong. Sigurado na siya ngayon na si Eman ang lalaking duguan at kapag nag dalawampung taon ang anak niya ay magbabalik ito para maghiganti. Si Lanie ang tinutukoy na anak, kaya pala nun dalawampung taon na ito ay saktong namatay ang kanyang ama. Si Eman ang pumatay dito at hindi atake sa puso, subalit paano ang anak ni Mang Carding paano ito nadamay sa paghihiganti ni Eman? Mga katanungan pa rin sa isipan ni Luz.

Nagpatuloy pa magkwento ang kanyang ninong.

” Sumilakbo ang galit ni Berto kay Eman matapos tapusin ng iyong ina ang kanyang buhay dahil sa pang gagahasa ni Eman. Walang tao noon dito at kaming dalawa lang ni Eman ng mapansin kong lalo itong lumala. Wala na siyang ibang ginawa kundi i-mop ang sahig ng second floor. Kahit nalinis na niya ay muli niya itong imamop. Mistula siyang naging tagamop ng buong building kahit sinabihan ko na siyang tumigil ay tuloy pa rin. Hindi ko inaasahan na pupunta dito si Berto para maghiganti at patayin si Eman. Hindi ko rin naman batid pa noon na pinagsamantalahan pala ni Eman ang iyong ina. Huli na ng makita ko ang krimeng ginawa ng tatay mo at hindi ko siya napigilan. Naganap ito sa rest room ng second floor. Hinataw ng iyong ama ng handle ng mop ang likod ni Eman at nabali iyon. Habang ang natirang hawak niyang kahoy ay sinaksak niya sa likod ni Eman at agad tumagos ito sa dibdib. Sa galit ni Berto, binaklas niya ang marmol na lababo at pinitpit ang dalawang kamay nito. Inabutan ko na lang na hinahataw ng hinahataw ng tatay mo sa mukha si Eman kahit wala na itong buhay, dahilan para madurog ang kaliwang bungo nito. Inilihim namin ang krimeng ginawa ng tatay mo sapagkat dalawa kayong naulila sa ina at mga musmos pa. Walang magkakalinga sa inyo kung sakaling mabibilanggo ang tatay mo kaya inilihim ko ito yaman din lang na ako lang ang naka saksi. Inilibing namin siya sa basement ng building na ito at sinimento para walang makatuklas sa ginawang krimen ng tatay mo. Inilihim din namin ito sa asawa ni Eman. Nagpanggap kami na sumama ito sa ibang babae, na kahit hanggang ngayon ay iyon pa din ang paniniwala nito. Sinuportahan ko ang pag aaral ni Eid para makabawi sa aming kasalanan na noon ay sampung taong gulang pa lamang. Nang makatapos siya ay kinuha ko siya dito sa kumpanya.” paglalahad ni Mr. Mercado.

“Maintindihan mo sana Luz na hindi gusto ng tatay mo na pumatay ng tao lalo na at matalik namin itong kaibigan, sa katunayan ay pinatingnan namin ito sa Psychiatrist at inerekomendang ipasok ito sa mental ngunit tumanggi si Eman. Hindi daw siya baliw. Naniniwala akong hindi siya baliw kundi parang sinasapian ng masamang espiritu, matalim siya tumingin at lagi may talinghaga ang mga sinasabi, na parang may pahiwatig at pagbabanta. Hindi naman siya ganun dati kaya labis kaming nagtaka. Patawarin mo sana ang iyong ama at hindi niya pinagtapat ang totoong pagkamatay ng inyong ina, ayaw niya magulo ang isipan mo noon dahil musmos ka pa.” panghihikayat ng kanyang ninong.

Matapos magsalaysay ang kanyang ninong bumiyahe na siya pauwi. Ngayon ay halos naiintindihan na niya ang mga misteryong nangyayari sa kanya. Sakay siya ng jeep at busy ang mga sakay sa kani kanilang gawain, may nagtetext, may nakikinig sa kanilang headset, at ang nakaagaw sa kanyang pansin ay ang nagkukwentuhang dalawang babaeng katabi niya na tungkol sa kanyang nobela. Natapos na daw basahin ng unang babae ang nobelang “POMAGAT”, tumugon naman ang isa at sinabing natapos niya na din basahin at sabay sabing “scary.” sabay apir at nagtawanan.

Ngunit katapat niyang lalaki ang muling nakapukaw ng kanyang atensyon nakayuko ito at hindi gumagalaw. ‘tulog ba ito o ano?’ Nasa isip niya.

May nag cut sa kanilang sinasakyang jeep dahilan para magpreno ito ng malakas, halos nagtalsikan sa kanilang kinauupuan ang mga pasahero sa lakas ng preno. Dito ay napatitig siya sa lalaking kaharap niya na ngayon ay lantad na ang mukha, nagsigawan na ang ibang pasaherong katabi niya ng makita ang lalaking katapat niya maging siya ay halos mapasigaw na.

Puti na ang mata ng lalaki at nakanganga, kagaya ng pagkamatay ng tatay niya at ng anak na dalaga ni Mang Carding. Nabaling ang tingin niya sa hawak ng lalaki, isang libro na nasa huling pahina na at may nakasulat na “Wakas”. Sinilip niya ang front cover ng aklat, laking gulat niya ng makita na ito ang libro niya. Napatakip siya ng bibig sa takot, napatingin siya sa nakasabit na i.d. ng lalake. Empleyado ito ng call center sa Alabang, pinilit niyang basahin ito, Ivan Umali ang pangalan ng lalaki. Bumalik sa ala ala niya ang kwento tungkol kay Eman. Nagbanta daw ito na gagawa ito ng kwentong ikamamatay ng marami.
Hindi kaya ginamit siya ni Eman para tuparin ito?
Pero kung ganun nga bakit buhay pa ang dalawang babae na nakatapos ng kanyang nobela?

Hindi pa rin niya makuha ang sagot hanggang makauwi na siya sa bahay. Agad niyang tinawagan si Eid para ipaalam na nakauwi na siya, alam kasi niya na nagaalala ito sa kanya. Sinalaysay niya dito ang kanyang natuklasan. Hindi na nga lang niya sinabi na tatay niya ang lalaking duguan, at hindi sila iniwan nito kundi pinatay ng kanyang ama , ayaw niyang masaktan ang binata. Hinayaan na lamang niya na paniwalaan ang kasinungalingang sinimulan ng kanyang ninong at tatay.

Kinaumagahan, lumabas siya ng kwarto, dumeretso sa banyo para maghilamos at tumuloy sa kusina para mag almusal. Nadatnan niya si Lanie na binabasa ang kanyang nobela habang nakaupo at nagkakape. Agad niya itong hinablot at pinunit ang ilang pirasong pahina ng libro mula sa hulihan.

“Bakit Ate?” nagtatakang tanong ni Lanie.

“Wag na wag mo babasahin ito at tangkain pang tapusin!” galit na sabi ni Luz.

“Eh ate nakailang basa na ko dyan eh, natapos ko na yan ng dalawang beses” sagot ng kapatid.

“Ha!?, ano nararamdaman mo pagkatapos basahin ito” galit niyang tanong.

“Wala naman, ano bang meron diyan? Maganda kasi ang istorya kaya paulit ulit kong binabasa ” wika ng kapatid.

Hindi na siya sumagot at itinapon ang libro sa basurahan. Agad na pumunta sa sala at umupo sa sofa, ipinatong ang dalang cellphone sa lamesang salamin. Dito ay napaisip siya na bakit hindi lahat ng nakakatapos ng libro niya ay namamatay? Ano ang misteryo sa libro, nagbalik tanaw siya sa mga kwento ng kanyang ninong. Pilit inalala ang mga banta at talinghaga ni Eman.
“Babalik at maghihiganti pagsapit ng anak niya ng dalawampung taong gulang” malinaw na ito sa kanya na si Lanie ito at nuong oras na iyon ay bumalik nga ito at pinatay ang kanyang ama.

Ang pangalawa “Gagawa ng kwento na ikamamatay ng marami.” ito ang hindi niya maunawaan.

Kung ginamit man siya ni Eman para maisakatuparan iyon, bakit pili lang ang mga namamatay at hindi lahat ng nakabasa ng kanyang libro?

Ang pangatlo “Makikilala siya sa kanyang pangalan” ano ibig sabihin noon? Hindi kaya may mensahe sa pangalan ni Eman? Pagbabakasali niya.

Agad siyang kumuha ng papel at ballpen, isinulat ang buong pangalan ni Eman, “Immanuel Lucido Ferio” matagal tinitigan ang papel, paulit ulit na binaybay ng mabagal, habang muling sinusulat ” Im Luc..” Nahintatakutan siya sa nabuo sa pangalan ni Eman Hindi na niya ito naisulat ng buo at nabigkas na lang “Im Luci Fer”.
Hindi na si Eman ang gumawa ng krimen sa nanay niya kundi si Lucifer? Ito ang kanyang hinuha. Pangalawang palaisipan na lang ang hindi niya maintindihan. Muli niyang binigkas “gagawa siya ng kwentong ikamamatay ng marami.” kung kwento nga niya ito bakit may namamatay at bakit meron hindi?

Bigla niyang naalala ang pangalan ng anak ni Mang Carding at agad isinulat, Fely Rose Ibay. Ang pangalawa ay si Ivan Umali na agad din niyang sinulat. Sinulat ang mga inisyal ng dalawang biktima F, R, I, U, I, pawang mga nasa IM LUCIFER. Kung tama ang kanyang hinala E, M at L, C na lang ang kulang.

Napasinghap siya sa gulat, parang nakuha na nga niya ang ibig sabihin. Maaaring sunod na ang kanyang ninong na may E. M na initial at kapatid niya na L. C at maging siya.

Agad siyang nagbihis at pumunta sa opisina, naiintindihan na niya ngayon ng lubos. Ang talinghagang sinabi ng maghuhula” walang nabubuhay sa nakaraan ngunit ang nakaraan ang daan para mabuhay sa hinaharap” ang nakaraan ng kanyang ama ang susi para matuklasan niya ang misteryo.

“Patayin mo siya kung paano siya namatay, at patayin mo siya sa kanyang ikinamatay.” natatandaan niyang kwento ng ninong niya na sinaksak ito ng kahoy sa likod at tumagos sa dibdib, malakas ang kutob niya na kaputol ng mop na bumagsak nuon sa kanyang balikat ang ginamit ng ama niyang pinansaksak dito.

Pagdating sa building agad niyang pinuntahan sa opisina si Eid. Dali daling sinabi na kailangan niya ang putol na kahoy ng lumang mop, at sinabi na iyon ang makakapatay sa lalaking puro dugo. Agad namang hinanap iyon ni Eid na natatandaan niyang itinago sa cabinet ng stock room kung saan naka imbak ang mga lumang gamit.

Nagmamadaling pumasok si Luz sa silid ni Mr. Mercado at naabutan itong nagbabasa sa kanyang swivel chair.

“Sir! Natapos niyo ba ang kwento?” malakas na tanong ni Luz, sabay biglang binuksan ang pinto.

“Ano ka ba Luz? Bigla bigla ka na lang pumapasok, eto nga at tinatapos ko na.”sagot ng kanyang ninong.

“Nakahinga ng maluwag si Luz ng malamang hindi pa ito natatapos ng kanyang ninong.

“Pasok ka kasi ng pasok, eto tatapusin ko na, Wakas, ayan tapos ko na. Bakit ba ha?” walang kamalay malay na sagot niya. Nanlambot si Luz at parang naupos na kandila, akala niya ay umabot siya sa oras.

Nanginginig siya at namumutla, napasandal sa pintuan. “Si-si-sir!!” habang itinuturo ng kanang hintuturo ang likuran ng kanyang boss. “Ano ba iyon Luz?” sabay ikot ng swivel chair at laking gulat nito sa nakita.

“E-E-Eman!?” gulat na patanong ni Mr.Mercado sa lalaking puro dugo.
“Hindi ako si Eman. Ako si Lucifer!” pasigaw na sabi ni Eman na may tawang demonyo, sumaklang ito kay Mr. Mercado at sinakal hanggang sa mamatay, namuti ang mata nito at namutla habang nakanganga. Ngayon alam na ni Luz kung bakit nakanganga ang mga biktima. Sinasakal ito ni Eman o Lucifer at hindi sumisigaw na una niyang hinala kundi nauubusan ng hininga.

“Aaaaaaaaaahhhhhh!” napasigaw si Luz, narinig ito ni Eid at agad tumakbo para sumaklolo.
Nagtatakbo si Luz at naghanap ng mapapasukan, napapasok siya sa opisina ng mga graphics artist, walang mga tao ngayon sa building kundi sa kabilang building kung saan nandoon ang printing press.

Isinara niya ang pinto at laking gulat niya sa nakita, nandito si Eman sa harapan niya, mga ilang metro lang ang layo. Iba na ang itsura nito, may dalawang maikling sungay na at labas na ang mga ngipin dahil sa naaagnas na ang mga pisngi nito at labi, parang bungo na lamang. Halos malaglag na ang eyeball ng mata nito na umabot na sa may ilong.

“Aaaaaaaaahhhh” sigaw ulit ni Luz, bumukas ang pinto at pumasok si Eid agad siyang tinanong.

“Luz! Anong nakikita mo? Asan siya” tumuro siya sa harapan pero walang makita ang binata. Hinawakan niya si Luz sa kamay upang yakagin tumakbo ng muling magpatingin siya sa harapan, dito ay nakita na niya ang lalaking duguan.

“Diyos ko po! Halika na Luz” yakag ni Eid na takot na takot na din. Pumasok sila sa kabilang kwarto at ibinigay ni Eid ang kaputol ng mop, hinati niya ito sa dalawa para pareho silang may tyansang patayin si Eman.

Tahimik ang paligid ng hablutin ni Eman si Eid at ihagis sa bandang gitna ng silid, ang dalang kaputol na kahoy ay tumalsik sa may bintana at tuluyang nalaglag sa labas. Hindi makasigaw si Luz at gumapang para magtago sa mga lamesa. Hinahanap niya si Eid kung saan napadpad. Nakita niya ito na gumagapang malapit sa pintuan, marahil ay nasaktan ito sa pagkakahagis sa kanya. Agad niya itong nilapitan, inalalayan at lumabas sila sa silid at pumasok sa restroom. Akay akay niya si Eid para pumasok at magtago sa cubicle ng tumawa ang binata ng nakakasindak at sabay tingin sa kanya.

Laking gulat niya ng hindi si Eid!

Siya si Eman!!

Itutulak na niya ito ng maunahan siya at tuluyan siyang bumagsak ng patihaya sa sahig ng banyo. Sumaklang sa kanya si Eman at tumatawa ng mala demonyo, hindi makakilos si Luz, hindi niya din maabot ang kaputol ng mop na tumalsik ng konti ng siya’y bumagsak.

Palapit ng palapit ang mukha ni Eman sa kanya habang tumatawa ng kakila kilabot, ang mga dugo mula sa basag na bungo ni Eman ay bumabagsak ngayon sa kanyang mukha. Tuloy sa pagtawa si Eman habang palapit ng palapit sa mukha ni Luz, nalaglag ang kanang mata nito na lalambi lambitin, pumatak ito sa balingusan ng ilong ni Luz. Impit ang mga sigaw niya na parang nandidiring natatakot. Pilit niyang inabot ang kahoy at ng makuha ito ay agad na itinarak sa puso ni Eman ngunit hindi tumagos sa likod. Itinulak niya ito at tumayo, nilapitan at tiningnan. Laking gulat niya ng makita ito.

‘Si Eid! Si Eid ito! Si Eid ang kanyang nasaksak, papaanong nangyari iyon?’ Takang nasa isip nya.

Hindi pa siya nakakabalik sa katinuan ng manggaling sa gilid si Eman at isinandal siya sa pader.

Binitawan siya nito at hinugot ang kahoy na nakabaon sa dibdib. Inihagis ito at naging itim na usok bago pa man sumayad sa tiles na sahig ng banyo. Kita niya ang butas sa dibdib nito na talagang tagusan. Muli siyang nilapitan nito at sinakal. Nakita niya si Eid na bumangon na nakatusok pa din sa dibdib ang kahoy, akma niya itong bubunutin para itarak kay Eman.

“E-eid! Hu,.hu, Wag! Aarghh! Hindi na siya makapagsalita dahil sa tindi ng sakal. Alam niya at ng binata na oras na hugutin niya ito ay sasambulat ang dugo at agad siyang mamamatay. Tuloy pa din si Eid sa pagbunot sa kahoy habang lumalakad palapit sa kanila. Ibinigay ang lahat ng lakas at todo bigay na hinugot ang kahoy. Mabilis na tumagas ang dugo at sumirit. Batid ni Eid na ito na lang ang kanilang pag-asa, dahil nalaglag sa labas ng building ang dala niyang kaputol na kahoy. Tumakbo si Eid na sumisigaw.

“Aaaaahhhh!! at agad tinarak sa likod ni Eman ang kahoy. Pumasok ito sa dating sugat nito sa dibdib at tumagos, ang dulo nito na matulis ay inabot ang dibdib ng dalaga dahilan para bumaon ng kaunti at dumugo. Subalit hindi ininda iyon ng dalaga kumpara sa sakit na nadanas ni Eid. Biglang naging itim na usok si Eman at naglaho.

Sa paglaho ni Eman ay bumungad sa kanya ang sugatang si Eid. Bumagsak ito sa kanya at inihiga niya sa lapag.

“Eid!Eid! Patawarin mo ko!” habang nakapatong ang ulo ng binata sa kanyang hita. Tinakpan niya at diniinan ang parteng nasaksak niya upang matigil ang pagtagas ng dugo.

“Wag ka muna mamamatay, di ba bubuo pa tayo ng pamilya” umiiyak na sumamo ng dalaga. Dumilat si Eid at nagsalita.

“Ba-ba-babes! Ma-hal na ma-hal kkittahh!” halos wala ng hiningang sabi ng binata.
“Mahal na mahal din kita babes” eto ang kauna unahang beses niya tinawag ng babes ang binata. Ngumiti lang si Eid at agad binawian ng buhay.

Makaraan ang ilang linggo sa hospital, gumulong ang imbestigasyon at itinuturo si Luz ng mga ebidensya na siya ang sumaksak kay Eid. Hindi makapaniwala ang korte sa pinagsasabi ni Luz kaya isinagguni ito sa mental at doon nag lagi imbes na sa correctional dahil sa napagalaman din na nagdadalang tao ito. Inabot siya ng limang taon sa mental hospital dahil inaakalang siya ay nababaliw at ng isilang niya ang sanggol ay si Lanie ang kumalinga dito. Tuluyang naibasura ang kaso laban sa kanya dahil sa natagpuan ng mediko ligal na sa mga marka ng pagkakasakal sa kanya at iba pang mga sugat na senyales na nanlaban siya dahilan para ilaban ng kanyang abogado na self-defense ang naganap. Sinundo siya ng kapatid na si Lanie kasama ang kanyang anak kay Eid na apat na taong gulang na at muli siyang babalik sa kanilang tahanan. Tanging ang kanyang anak kay Eid ang muling nagpabalik ng kanyang sigla.

Pagdating sa kanilang bahay ay naupo si Luz sa sofa at nagbalik sa mga alala niya ang nakaraan. Tumulo ang luha niya. Naalala niya ang ginawang sakripisyo sa kanya ni Eid, maging ang inosenteng mga buhay na nadamay dahil sa nobela niya. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya ito matanggap lalo na at siya ang naging dahilan ng pagpanaw ng mga ito. Sa ilalim ng salaming lamesa ay may mga dyaryo at aklat na nakalagay. Agad niya itong kinuha at inisa isang tingnan. Kinuha niya ang aklat na nakataob at agad tiningnan ang titulo. Laking gulat niya ng makita ang libro na isinulat ng kanyang kapatid na si Lanie. Nangangatal ang kanyang kamay hanggang sa umabot na sa buo niyang katawan.

Wakas

Scroll to Top