“Abe, oras na para uminom ng gatas anak.” Ang sabi ng kaniyang Ina.
Kaya naman dali – dali siyang tumakbo kasabay ng mga kapatid patungo sa kanilang ina. Nakahiga lang ito at hinihintay ang mga anak sa pag-inom ng gatas mula sa kaniya. Abe ang itinawag sa kaniya ng ina dahil iyon ang pinaikling pangalan ng amo niyang si Abelardo at malapit iyon sa kulay ng kaniyang balahibo. Iyon din kasi ang tawag ng amo niya sa kaniya. Siya ang unang pinangalanan nito sa kanilang magkakapatid. Nakapikit pa nga siya ng una niya itong marinig. Ang isa namang kapatid niya ay Brownie ang pangalan. At ang isa naman ay Blackie alinsunod sa mga kulay ng mga ito. Siya lang ang natatangi ang pangalan sa kanilang tatlo. Kaya naman pakiramdam niya isa siyang espesyal na tuta sa tuwing tinatawag siya nito.
“Inay, bakit po pala Abe ang pangalan ko?” tanong ni Abe na katatapos lang pakainin ng ina.
“Abe, dahil malapit ang pangalang iyon sa kulay ng balahibo mo anak. Kulay abo kasi ang balahibo mo. “
“Kung ganoon po, espesyal po ba ako inay?” pagtatanong pa ulit ni Abe.
“Espesyal kayong lahat sa akin ng kapatid mo dahil lahat kayo ay anak ko.”
“Talaga po? Kung ganoon po, maaari po akong maglaro kung kalian ko gusto?”
“Oo naman. Dahil bata ka pa kailangan mong maglaro para masanay kang kumilos.”
“Kung ganoon po ay aalis po muna ako para maglaro.” Pagpapaalam ni Abe sa ina. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang kinaroroonan ng mga kapatid na nauna ng nakapagpaalam para makapaglaro.
——————————————-
Isang araw nga pagkatapos uminom ng gatas ay naitanong niya sa kaniyang ina.
“Ano po ang gagawin ko inay kapag dumating ang araw ng aking paglaki?”
“Malalaman mo rin iyon sa takdang panahon, Abe.” Ang sabi ng inay ni Abe.
“Hindi ko po ba pwedeng malaman na ngayon?” pangungulit ni Abe.
“Pwede ko sa iyong ipaalam. Ngunit sigurado akong hindi mo maiintindihan dahil bata ka pa.”
“Kung ganoon po nanay, hihintayin ko na lang po ang aking paglaki”
“Mabuti iyan anak. Sa ngayon maging masaya ka muna sa paglalaro.”
At muli na naman siyang tumakbo papalayo na kakawag –kawag ang buntot. Habang tumatakbo sa bakuran ay iniisip niya. Ano kaya ang gagawin niya sa pagtanda? Makakapaglaro pa rin kaya siya kapag tumanda? Makakapaghabulan pa kaya sila ng mga kapatid niya?
Ngunit sa labis na pag-iisip ay naligaw si Abe. Napalayo yata ang takbo niya mula sa kinaroroonan ng ina. Nanginig siya. Natakot siya dahil baka hindi na makauwi sapagkat hindi niya na matunton ang amoy ng ina.
Noon din ay napadpad siya sa bakuran kung nasaan si Monicang Manok na madalas na ikwento sa kanya ng ina. Kasama ni Monica ang mga anak nito. Nagkakahig sa lupa at tumutuka. Sa puntong iyon ay pansamantala siyang namangha at nakalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga po, Aling Monica. Ako nga po pala si Abe at ako po ay nawawala. Ang nanay ko po ay hindi ko makita. Maaari po bang dito na muna ako para samahan kayo?”
“Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok. “Maaari naman kung iyon talaga ang gusto mo, Abe. Kak. Kak. Ngunit gusto ko sanang pabantayan sandali sa iyo ang mga anak ko. Ayos lang ba iyon sa iyo?”
“Ayos lang po sa akin. Ngunit kapag naging makulit ang mga anak niyo at kung saan – saan tumakbo. Sa paanong paraan ko po kayo tatawagin?”
“Kak. Kak. Narito lang ako sa aking pugad. Kailangan kong limliman ang dalawa pang itlog na naririto. Kak.Kak.” Sako ito umupo sa mga itlog. “Kak. Kak. Ngunit maaari kang tumahol para matawag ang pansin ko. Kak. Kak.”
“Kung ganoon po ay babantayan ko na ang mga anak niyo.”
———————————
“Pwede ko bang malaman ang ginagawa ninyo kaibigang sisiw?” tanong niya sa pitong sisiw na nasa harapan.
“Naghahanap kami ng pagkain.” Sabay – sabay na sagot ng mga sisiw na animo’y mag-kakakambal.
“Hindi ba kayo pinapakain ng inyong inay?” tanong niya pa uli.
“Pinapakain noong umpisa. Ngunit tinuruan niya kami kung paano maghanap ng pagkain dahil iyon daw ang gagawin namin sa aming paglaki.” Sabay – sabay ulit na sabi ng mga sisiw.
Aw. Aw. Aw. Tahol ni Abe. Agad na tumalon si Monicang Manok mula sa pugad.
“Kak. Kak. Kak. Anong nangyari? Nasa panganib ba ang mga anak ko?” natatakot na tanong nito.
“Ayos lang po sila Aling Monica. May gusto lang po sana akong itanong kaya tinawag kita.”
“Ano ang itatanong mo, Abe?”
“Alam niyo po ba ang gagawin ko kapag lumaki na ako?” tanong ni Abe kay Monicang Manok.
“Kak. Kak. Naku! Hindi ko alam ang sagot sa tanong mo. Kak. Kak.” sagot ni Monicang Manok habang nililingon ang mga sisiw nito.
“Dahil po ba hindi kayo ang nanay ko?”
“Kak. Siguro. Ang alam ko lang kasi ay ang gagawin ng mga anak ko kapag sila’y malalaki na. Kak.”
“Wala po ba kayong kahit anong ideya?” tanong ulit ni Abe.
“Wala Abe. Kak. Kak. Bata ka pa. Maging masaya ka muna sa paglalaro bago mo isipin ang pagtanda. Kak. Kak.” Ang sabi ni Monicang Manok.
“Kung ganoon po ay maaari niyo po ba akong samahan para makabalik kay nanay?” pagpapaalam ni Abe.
“Naku! Kak. Hindi kita masasamahan. May mga itlog pa akong kailangang limliman. Ngunit pwede ko sa iyong ituro ang direksyon pauwi sa iyong nanay.”
“Talaga po? Kung ganoon po ay pwede niyo na po bang ituro sa akin ang daan?” masayang tanong ni Abe.
“Kak. Kak. Doon! Maglalakad ka ng pakanan. At sa gilid ng haliging iyon ay naroon ang silungan. Iyon ang daan papunta sa iyong inay.”
“Salamat po, Aling Monica.” At umalis si Abeng kakawag – kawag ang buntot.
—————————————————–
Sa paglalakad ni Abe patungo sa haligi ng bahay ay nakita niya ang isang gagamba na naghahabi ng sapot nito. Sumasayaw ang gagamba, iyon ang naisip niya. Gumalaw ito ng pakanan. Pakaliwa. Patalon. Kaliwa. Kanan. Si Abe ay namangha at muli niyang nalimutan ang pagkaligaw.
“Magandang umaga, Gagamba. Pwede ko po bang malaman ang iyong ginagawa?” tanong ni Abe sa gagamba na minsan na ring naikwento ng kaniyang ina.
“Ginagawa ko ang bahay ko. Nasira na kasi ang unang bahay na ginawa ko nang may dumapong insekto. Ano nga pala ang iyong pangalan abuhing nilalang?” tanong sa kaniya ng gagamba.
“Abe. Katunog ng Abo, dahil iyon ang kulay ko. Ikaw, Ano pala ang pangalan mo?” masayang sagot at pagtatanong ni Abe.
“Beni. Iyon na lang ang itawag mo sa akin.” Ang sagot ng gagamba.
“Kung ganoon Beni, pwede ba kitang kaibiganin?”
“Oo naman. Mula ngayon ay pwede mo na akong ituring na kaibigan.” sagot ng gagambang si Beni habang itinutuloy ang pag-gawa ng bahay niya.
“Pwede ba akong magtanong, Beni?” sabi ni Abe.
“Oo naman. Dahil natural lang ang pagtatanong at pagsagot sa magkaibigan.”
“Alam mo ba ang gagawin ko paglaki ko?” ang tanong ni Abe kay Beni. Kumawag – kawag pa ang buntot niya. Pinagmamasdan ang nasa taas ng haligi na gagamba.
“Hindi ko alam ang sagot diyan kaibigan.” Sagot ni Beni habang patalon – talon sa ginagawang bahay.
“Baka mayroon kang kahit anong ideya?” pangungulit ni Abe.
“Wala. Hindi ko talaga alam kaibigan. Ngunit alam ko ang mangyayari kapag lumaki ang mga anak ko. Bubuo rin sila ng bahay na gawa sa sapot katulad ko.”
Nalungkot si Abe nang marinig ang sagot ng kaibigan niyang gagamba.
“Dahil siguro hindi ikaw ang nanay ko kaya hindi mo nasasagot ang tanong ko.”
Muli ay gumalaw ang gagamba ng pakaliwa. Pakanan. Pinagmamasdan lang siya ni Abe habang naghihintay ng sagot.
“Maaari. O baka naman hindi ngayon ang tamang panahon para malaman mo ang sagot.” Ang sabi ni Beni.
“Kung ganoon nga ay aalis na muna ako kaibigan. Maraming salamat sa mga sagot sa aking mga katanungan.” Ang sabi ni Abe sa kaibigang si Beni.
“Walang anuman kaibigan. Sa ngayon ay huwag mo munang problemahin ang paglaki. Maging masaya ka muna at malibang sa paglalaro.” Sagot ng gagamba habang itinutuloy ang paghabi sa bahay na papatapos na.
Bago lumiko sa haligi ay nginitian ni Abe si Bening Gagamba. Ikinawag-kawag niya ang buntot niya at nagpaduyan – duyan naman sa sapot si Beni habang ikinakaway nito ang walong galamay.
“Salamat ulit kaibigang Beni.”
——————————————
Ilang hakbang na lang ang layo ni Abe sa kaniyang ina nang makita niya ito. Sa tabi naman ng ina ay naroon ang dalawang kapatid nitong naglalaro. Kakawag – kawag ang buntot niyang tinakbo ang mga kapatid. Nakipaghabulan siya sa mga ito. Nagpaikot – ikot silang magkakapatid sa ina. Nang mapagod ay tinanong ni Abe ang ina.
“Nay, ayos lang naman po kung hindi ko muna isipin kung ano ang gagawin ko paglaki ko hindi po ba?”
“Oo naman, anak. Dahil hindi dapat minamadali ang paglaki.”
“Kung ganoon po, magpapakasaya na lang po muna ako sa paglalaro. Maglilibang po muna ako dahil bata pa ako.”
At magmula noon ding araw na iyon ay hindi niya na muna inisip pa ang tungkol sa pagtanda. Sapagkat siya’y bata pa. Saka na lang niya iisipin ang pagtanda.