Isang araw sa barangay ng Santo Cristo, may narinig na nakabibinging sigaw: si Kapitan! Si Kapitan! Ayan na naman!
Tuwing may sumisigaw ng ngalan na ito, lahat ng tao ay natatakot at nababalisa. Mula kasi nang pumanaw ang butihing maybahay ni Kapitan Harold na si Concensia, naging mabagsik itong kapitan. Lahat ng makita ay titingnan ng masama. Mga malilit na pagkakamali, may katumbas na kaparusahan.
Ang paboritong gawin ni Kapitan ay mambulabog sa gabi.
Tabi kayo riyan!
Tabi kayo riyan!
Nanito na ang inyong Kapitan, HAHAHA!
Sobrang sungit ni Kapitan Harol na naging Haragan ang tawag sa kaniya ng mga tao.
Kapitan Haragan!
Kapitan Haragan!
Kapitan Haragan!
Tabi kayo, nandyaan na—
Si Kapitan Haragan!
Hanggang sa isang araw, may nakasalubong si Kapitan Haragan na isang maliit na batang babae. Asul ang kulay ng mga mata ng bata at may dalang maliit na tungkod.
Nagtaka si Kapitan kung bakit hindi natatakot ang bata sa kaniya. Iniangat niya ang kaniyang kuwadradong baba na may nunal. Pinalaki niya ang kaniyang mga braso at balikan na parang orangutan. Pinabilog lalo ang mala-bariles na tiyan. Huminga siyang malalim para lumapad ang mala-dingding na dibdib. Maging ang kaniyang mga mata’y ibinuka nang maigi nang magmukhang lalong mabagsik.
Ngunit hindi natakot ang batang kaharap.
Ni hindi ito umimik.
Lumapit siya sa bata at nagtanong:
“Bakit ka nakatingin sa akin?”
Hindi umimik ang bata at biglang naglakad palayo. Sa di-kalayuan ay may malaking trak na bumusinang malakas.
Tumakbo si Kapitan Haragan. Binuhat niya ang bata upang hindi masagasaan.
“Grabe kang bata ka, muntik ka na!” Inis na bulalas ng Kapitan.
Saka lamang napansin ng Kapitan ang mga matang asul ng bata. Nakatitig, hindi gaanong kumukurap.
Bulag ang batang babae.
Natigilan ang Kapitan.
Paano ba niya ipakikita sa bata ang kaniyang lakas at bagsik kung wala naman itong paningin?
Pinutol ng bata ang kaniyang pag-iisip.
“Salamat sa pagligtas sa akin. Ano’ng pangalan mo?”
Hindi sanay na kinakausap ng ganito si Kapitan. Nasanay kasi siyang tinatakbuhan at kinatatakutan.
“H-H-H-Harold. Harold ako.”
Pakiramdam ng Kapitan ay sinliit lang siya ng batang kaharap.
“Harold. Ang gandang pangalan. Kasimbuti ng ugali mo.”
Napalunok si Kapitan Haragan. Mabuti raw siya. Alam naman niyang hindi.
“Inaantok na ako. Gusto ko nang umuwi sa amin,” sabi ng batang may asul na mga mata. At naghikab nang naghikab ang batang babae.
Nagkamot ng ulo ang Kapitan. Malapit nang mag-gabi ay nasa labas pa ang bata. At natulog nga ito, matapos umunan sa kamay sa malamig na aspalto, hawak ang munting tungkod na gawa sa sanga ng punong bayabas.
Dahan-dahang binuhat ng Kapitan ang batang may asul na mata. Pinatong ng Kapitan ang pisngi ng bata sa kaniyang kaliwang balikat nang makatulog ito nang maayos.
Ibang tinig ni Kapitan ang narinig ng mga tao kinagabihan.
Tabi kayo riyan, may batang natutulog.
Tabi kayo riyan, kilala niyo ba magulang niya?
Tabi kayo riyan, may batang natutulog.
Tabi kayo riyan, kilala niyo ba magulang niya?
Sumapit si Kapitan Haragan sa bahay na may puting bakod.
“Anak niyo ba ito?” Turo ni Kapitan sa batang nahimbing sa balikat. Tumingin ang lalaking may dalang bayong na puno ng gulay.
“Pasensya na ho, Kapitan. Hindi po siya sa amin. Ngunit kaybuti niyo naman at hinahanap niyo ang kaniyang tirahan.”
Napangiti si Kapitan at gumaan ang loob. Ganito pala ang pakiramdam ng hinahangaan.
Naglakad si Kapitan patungo sa bahay na may kulay pulang pinto. May magkapatid na naglalaro ng chess sa bakuran.
“Mga iho! Kapatid niyo ba ang maliit na batang ito?!”
Tumingin ang isang kambal sa kanya at muling umilin.
“Hindi ko po yan kilala, manong.”
“Hindi po siya taga-rito.” Pagtapos naman ng kapatid nito.
Narinig ni Kapitan ang usapan ng dalawa: “Kaybait naman pala ni Kapitan, idol ko na siya!”
At umabot na si Kapitan Haragan sa pinakadulo ng Santo Cristo. Ang pinakahuling bahay ay tagpi-tagpi, at maraming lumang plastik na nakapakat sa mga pader. May maliit na tutang puti na nakatali sa harap na biglang nag-ingay nang makita sila.
Bumukas ang abuhing pintuan at tumambad kay Kapitang Haragan ang isang babaeng may asul na mata at puting-puti na buhok.
Nanlaki ang mga mata ng matanda sa kaniyang nakita.
“Milenya! Milenya! Sa wakas ay narito ka na!”
Ibinigay ni Kapitan Haragan ang bata sa matanda at nagtanong:
“Kaano-ano ka ba niya?”
Sumagot ang matanda:
“Ako ang kaniyang lola, mga magulang niya’y nasa ibang bansa. Ako ang nagpalaki kay Milenya.”
Nang magising si Milenya mula sa pahabang pag-idlip, hinanap niya kaagad si Kapitan Haragan.
“Lola, lola, nasaan ang mabait na mamang tumulong sa akin?”
Ngumiti ang matanda at sumagot:
“Nasa labas apo, kapapaalam lang.”
Tumakbo si Milenya palabas ng kubol at hinabol ang papalayo nang si Kapitan Haragan.
“Kapitan, kapitan! Salamat sa paghatid mo sa akin, ha? Idol na idol kita!”
At napangiti si Kapitan Haragan at mula noon, ang kaniyang bagsik ay napalitan ng bait, ang kaniyang galit sa mundo’y napalitan ng pagkalinga sa kapwa.
Isang Milenya lang pala ang gamot sa isang masungit na Kapitan Haragan.