Mayo At Disyembre

ni Lamberto B. Cabual

“MAHUSAY ang pagkasulat mo nitong iyong essay tungkol sa pag-ibig, Bheng,” may paghangang puna ni Leo sa matalino at maganda niyang estudyante. “Journalism o creative writing ang naghihintay sa iyong kinabukasan.”

Pumalakpak sa papuri ang buong klase. Tumunog ang bell at nagmamadaling nagsilabas ang mga mag-aaral na nasa silid-aralan, liban kay Bheng.

“Sir, salamat sa papuri mo. Pinagbuti ko iyan para sa iyo. Ikaw, Sir, ang inspirasyon ko sa pagsulat.”

“Talaga, tila wala na akong ituturo sa iyo tungkol sa pagsusulat sa tema ng Pag-ibig.”

“Theory lamang iyan, Sir, gusto kong ituro mo sa akin ang application.”

“Miminsan ko lang naranasan iyon sa aking misis. Wala akong maraming karanasan tungkol doon.”

“Titser ka, maaaring turuan mong muli ang iyong puso.”

“Natuturuan ba ang puso?”

“Siyempre naman,” ngiti ni Bheng habang nakatitig ang malamlam na mata kay Leo. “Mas alam mo ’yan, Sir, dahil guro ka.”

“Sa parteng iyan e tila magaling ka kaysa akin.”

“Kung gusto mo, Sir, e, ituturo kong lahat sa iyo ang nalalaman ko sa paksang iyan.”

“Sige nga, bigyan mo ako ng lecture sa ganyang topic.”

“Doon tayo sa Plaza Mabini, Sir. Sasabihin ko sa iyo ang lahat.”

“Okey.”

MAGKASAMANG nagtungo sa liwasan ang matalisik na guro at ang brain and beauty na estudyante.

Sa una’y masayang-masaya ang pag-uusap nila. Pinag-usapan nila ang iba’t ibang kahulugan ng pag-ibig. Ang pakahulugan ni Balagtas sa temang ito sa walang kamatayang Florante at Laura, “O, pagsintalng labis ang kapangyarihan, sampung mag-aama’y iyong nasasaklaw…” Ang pananaludtod ni Huseng Batute, “Ang Pag-ibig ay may mata, ang Pag-ibig ay di bulag, ang marunong na umibig, bawat sugat ay bulaklak!” at ang sinabi ni Apostol Pablo sa kanyang sulat sa mga taga-Conrinto, “Matiyaga ang pag-ibig at may kagandahang-loob, hindi ito naninibugho, nagmamapuri o nagmamataas…”

Anupa’t masiglang-masigla ang kanilang makabuluhang pag-uusap. Ang bawa’t isa sa kanila’y naghanay ng magagandang opinion tungkol sa paksang matamang pinag-uusapan.

Nguni’t sa dakong huli’y may sinabi ang dalagang labis na ikinagulat ng guro.

“What?” tarantang napatingin si Leo kay Bheng, “ano’ng pinagsasabi mo? Nasisiraan ka na ba ng ulo?” marahan subali’t may tatag na bulalas ni Leo habang minamalas ang tila hugis-pusong mukha ng dalaga. Inaaninaw niya sa kislap ng mga mata ni Bheng ang katotohanan ng ipinagtapat nito.

Matipid at may bahagyang pait ang ngiting sumilay sa maninipis na labi ng binibining estudyante bago nagsilita. “Kung pagkasira ng ulo ang pakahulugan mo roon, ay Oo…nasisiraan ako ng bait nang dahil sa iyo,” may katiyakang sagot ni Bheng habang minamalas ang maamong mukha ng kausap na guro.

Tumanaw sa malayo, nakakunot ang noo at seryosong-seryoso ang mukha, ipinakita ni Leo sa dalaga ang tibay ng kalooban sa kanyang mga pahayag.

“Sorry, Sir,” nangilid ang luha ng dalagang estudyante. “’Yon talaga ang aking nararamdaman.”

“Naiintidihan mo ba ang sinasabi mo?” mabalasik na tanong ng guro.

“Sir, alam ko ang aking ginagawa at sinasabi.”

“Isang malaking kahibangan!”

“Hindi, Sir,” nakatungo si Bheng, “basta ang alam ko’y mahal kita!”

“Tumigil ka sa kabaliwan mo!” pinandilatan ng guro ang magandang mag-aaral niya.

“Sir, h’wag mo akong kagalitan,” hilam na sa luha ang mga mata ni Bheng. Umiibig ako, at nagkataong ikaw ang itinitibok ng puso ko.”

MALAKI ang agwat ng edad nina Leo at Bheng. Mag-aapatnapung taon na ang guro samantalang ang mag-aaral niya ay labing-anim na taon pa lamang. Kumbaga sa santaon, ang dalaga’y buwan pa lamang ng Mayo, buwan ng pamumukadkad ng bulaklak, at ng paglulunti ng paligid sa pagpatak ng ulan.

Subali’t kahima’t buko pa lamang kumbaga sa bulaklak si Bheng, dahil sa di pangkaraniwang ganda at talino ay di kataka-takang magkaroon ng hukbo ng mga tagahanga at manliligaw. Katunaya’y nagkaroon na siya ng boy friend, subali’t sa napakaikling panahon lamang. Kinalasan niya agad ang unang kasintahan sa isang malalim na dahilang hindi niya maarok. At nangyari ang pakikipagkalas na yaon nang makilala ang iniidolo niyang guro.

Kung ihahambing ang guro sa bata pang binibini, siya’y nagsisimula nang tumapak sa buwan ng Disyembre, na bagama’t malamig ang dapyo ng hangin dahil sa nalalapit na kapaskuhan at sa pagpapahimakas ng lumang taon, siya’y dumanas na ng pag-uulayaw ng init at lamig, ng dilim at liwanag. Hinog na siya sa karanasan at bantad na sa kaway ng mahiwagang pagsinta.

Kabilang si Bheng sa Advising Section ni Leo at sa simula pa lamang nang pasukan nila ng taong iyon ay naging malapit na sila sa isa’t isa. Pinakamahusay palibhasa ang dalaga sa mga tinuturuan ni Leo kaya palagay ang loob ng gurong ang paglapit-lapit nito ay bahagi lamang ng pamimitagan. Datapwa’t ngayo’y nagulumihanan siya sa narinig sa pinakamatalino at pinakamagandang mag-aaral. Hindi siya makapaniwala!

“Please, Bheng, huwag naman ako,” nagsusumamong tinig ni Leo. “Guro mo ako at eskuwela kita.”
“Ito ang aking nararamdaman, Sir.”

“Supilin mo na ang damdaming, iyan,” giit ng guro, “nakikiusap ako.”

“A, basta’t mahal kita,” biglang niyapos ni Bheng si Leo at sa pagkakaupo ng guro’y inihinang ng dalaga ang kanyang mga labi sa mga labi nito.

May daluyong na nag-alimpuyo sa dibdib ng guro na hindi napigilan. Sinalubong niya ng nag-aapoy ring halik ang mga labi ng magandang mag-aaral.

Pagkatapos ng simbuyong yaon ay pinagala ng guro ang paningin sa paligid. Salamat at walang ibang tao, nasabi niya sa sarili.

ANG totoo, sa kabila ng mga pagbabawal ng guro sa iginigiit ni Bheng, ang pagtutol na iyon ay may bahid ng pagsisimpi. May hiwagang namumugad sa kanyang dibdib. May bugtong sa puso niyang di maihanap ng sagot.

Dapat niyang aminin sa sariling mahal din niya ang maganda at masigla niyang eskuwela. Noon pa mang una niya itong makita at makilala ay ibig na niya itong suubin ng papuri, ibig niyang bumigkas ng isang malamyos na tula para sa binibini, palibhasa’y isa siyang makata at guro ng panitikang Ingles at Filipino.

Ibig kong ibukas yaring abang puso
Na bihag ng isang lihim na pagsuyo;
Mag-aaral ka ma’t ako’y iyong guro,
Nawa’y marinig mo ang piping pagsamo!

Hindi niya magawa ang pagtulang iyon, baka pagtawanan siya, dahil sa agwat ng kanilang edad. Si Bheng ay Mayo, siya ay Disyembre. Nag-aalang-alang siya sa batambatang mag-aaral na itinitibok ng puso. Ang mga taludtod at rimang iyon ay nanatili na lamang na naglalatak sa kanyang kaibuturan.

Ang lalo pang malaking dahilan kaya ayaw niyang patulan ang dalaga ay may pananagutan na siya sa buhay, bagama’t hindi sila nagkakaanak ng kabiyak sa loob ng dalawampung taong pagsasama.

NANG binata pa si Leo ay ipinagkasundo siya ng kanyang mga magulang na ipakasal sa babaeng anak ng kumpare ng kanyang ama, si Helen. Halos magsing-edad sila nito. Hindi na siya tumutol sa mga magulang dahil nang makita niya ang babaeng gusto ng mga magulang ay hinangaan na rin niya ito. Ang isa pa’y ayaw niyang bigyan ng sama ng loob ang mga magulang. Laki siya sa tradisyon ng pamilya na ang anak ay walang tanung-tanong na sumusunod sa ginugusto ng ama’t ina.

Gusto rin ni Helen si Leo, kaya naganap ang kasalan. Magkaiba sila ng propesyon ni Helen. Ang babae’y tagapagbalita sa radyo sa lokal na himpilan sa Lungsod ng Batangas, samantalang si Leo ay isang guro sa mataas na paaralan. Gayunma’y magkasundo sila sa mga unang taon ng kanilang pagsasama.

Ang hindi pagkakasupling ng mag-asawa’y naging sanhi ng unti-unting panlalamig ng kanilang buhay-may-asawa. Gustung-gusto ni Leo na magkaanak datapwa’t ang babae’y hindi mandin interesado sa gayon. Magandang babae si Helen, matangkad, at ang lalong makatatawag ng pansin ay ang magandang hubog ng katawan nito. Sa loob ng unang pitong taong pagsasama’y ayaw pang mag-anak, hindi niya nais na masira ang anyo ng balingkinitang katawan.

Sa pakiusap ni Leo ay pumayag na rin si Helen na mag-anak sa ikawalong taon ng kanilang pagiging mag-asawa. Subali’t ang kasunduang yao’y biniro ng tadhana. Sinabi ng doktor ng pamilya na si Helen ay hindi na maaaring magkaanak. May kapansanan siya sa matris at hindi maaaring magdalantao.

Ang mga pangyayaring ito’y lubhang ikinalungkot ni Leo. Pumanaw ang pag-asa niyang magkaroon ng mga anak. Nalungkot din si Helen. Mula noo’y mag-usap-dili ang mag-asawa, bagama’t hindi naman sila nag-aaway.

“SIR, mahal mo rin ako, hindi ba?” nakatingin ni Bheng sa guro.

Nakatungo si Leo, animo’y aliping natutop sa pang-uumit ng mahalagang bagay na pag-aari ng kanyang panginoon, animo’y bilanggong nadakip ng kanyang tanod sa tangkang pagtakas.

“Huwag mong linlangin ang iyong sarili, Sir,” pagpapatuloy ng dalaga, “sabihin mo ang katotohanan.”

“Magtigil ka,” pagmamatigas pa rin ni Leo. “Di mo ba alam na kung papatulan kita’y masisira ang buhay mo?”

“Ano’ng halaga ng buhay kung wala ka?”

“Dala ka lamang ng simbuyo ng damdamin, Bheng.”

“Aminin mong mahal mo ako,” yumakap ang dalaga sa guro.

Ang yakap na yao’y ginanti ni Leo ng kapuwa yakap, at sa kanyang mga mata’y gumilid ang luha. “Oo, mahal din kita,” tuluyan nang naglandas ang luha sa pisngi ng guro.

Napaiyak din si Bheng, “Sir, mahal na mahal kita!”

“Magtungo tayo sa upuan sa tabi ng punong-akasya,” kumalas sa pagkakayakap si Leo. “Kubli ang lugar na iyon, at walang makapapansin sa atin.”

Kumalas din sa pagkakayakap ang dalagang mag-aaral, “Sige, tayo na.”

At sa upuang yaon, sa may punong-akasya, sa pagkukubli ng araw sa kanluran, sa pagtugtog ng orasyon, ay ganap na sumanib ang Mayo sa Disyembre. Ang nagbabalang dagim ng ulan sa tigang na bukirin ng Mayo ay tuluyang ibinuhos ng balumbon ng mga ulap. Pinaram ng Mayo ang lamig at hinahong taglay ng Disyembre. At pinagsaluhan nila ang di karaniwang timyas ng bagong luwal na pagsuyo.

Bago sila maghiwalay ay muling naghinang ang kanilang mga labi. Nasa gayon silang akto nang biglang humantad ang asawa ni Leo, si Helen.

“Aha, ang magaling kong asawa,” malakas ang tinig ng maybahay ni Leo, “at kaya pala ginagabi sa pag-uwi ng bahay ay may batang-batang kerida!”

“Helen!” mangha ni Leo.

“Sayang, guro ka pa naman na dapat maging huwaran ng iyong mga mag-aaral,” galit na galit ang ginang. “At ikaw, batang babae, na eskuwela yata niya, di mo ba alam na mawawasak ang kinabukasan mo sa lalaking iyan!”

Walang kibong napatungo si Bheng.

Matalim na tingin ang itinudla ni Helen kay Leo, “Sa bahay, Leonardo, pagkikita natin … magtutuos tayo!”

Magsasalita pa sana si Leo, nguni’t biglang tumalilis si Helen. Sumakay ng kotse at pinaharurot iyon.

Sa pangingipuspos, napaupong nanlulumo si Leo, samantalang si Bheng ay umiyak nang umiyak sa dibdib ng itinatanging guro.

Sa kanilang mga puso’y gustung-gustong papaghugpungin nina Leo at Bheng ang malaking puwang ng kanilang panahon. Bakit hindi sila naging magkapanahon?—bakit kailangang si Bheng ay maging Mayo at si Leo ay maging Disyembre? Bakit?

Hindi batid ng Mayo at Disyembre kung sa takipsilim ng kanilang lunting suyuan ay may umaga pang naghihintay! —

1 thought on “Mayo At Disyembre”

Comments are closed.

Scroll to Top