EPILOGUE
Naghihiwa ng gulay si Hannah nang marinig niya ang pagtunog ng doorbell ng kanilang bahay.
“Hannah! ‘Yung pinto!” sigaw ng kanyang Ate Sarah.
“Opo, ate, sandali lang!”
Kaagad na nagpunas si Hannah ng kamay at tinungo na ang pintuan. Pagbukas niya ay nakatayo sa harap niya ang isnag deliveryman,may hawak itong kahon.
“Delivery po mam!”
Napaisip muna siya bago pinirmahan ang form.
“Thank you.” Wika niya sa nagdeliver bago ito umalis.
Tinitigan niya ang maliit na kwadradong kahon na kulay abuhin. Nakasulat sa ibabaw ang mga salitang, “To: Hannah”.
Nagtaka si Hannah kung kanino galing ang kahon. Wala siyang inaasahan na matatanggap, malayo pa naman ang kanyang kaarawan. Nakangiti niyang binuksan ang kahon. Napasigaw siya sa gulat at naitapon ang laman nito. Kaagad naman siyang pinuntahan ng kapatid niya at nabigla din sa nakita. Niyakap niya ang kapatid na patuloy sa pag-iyak. Sa sahig ay naroon ang isang puso ng baboy, may dugo pa ito at nagkalat sa kanilang carpet.
“Sssshhhh, tahan na.” wika ng ate niya habang hinahaplos ang buhok. Iniisip nito kung sino ang maaaring gumawa nito sa kanyang kapatid.
*****************
Chapter 1: “Hannah’s Demise”
“Ate!!!!!!!!” napasigaw si Hannah kasabay ang pagbangon niya.
Nagulat naman ang kanyang kapatid na si Nina kaya tinabihan siya nito. Umiyak na naman si Hannah, puro benda ang kanyang katawan dahil sa mga sugat na natamo. Naalala niya ang ate niya. Nasa ospital na sila ng boyfriend niyang si Jake at ginagamot na nang makatanggap ng masaklap na balita mula sa mga pulis. Patay na pala ang ate niya. Maaaring napatay ito ng mag-amang Anton at Richard. Wala na rin ang Lola Belinda niya pati na ang iba pang mga pinsan, samantalang ang tagapag-alaga ng matanda na si Ditas ay nawawala at hindi pa rin nahahanap hanggang ngayon.
Isang linggo na rin ang nakakalipas subalit hindi pa rin maalis sa isip niya ang mga nangyari, lalo na ng mga masasamang alaala kasama ang Ate Sarah niya, nakakalungkot ang sinapit na trahedya ng pamilya nila.
“Sssshhh, honey, it’s okay.” Wika ng Ate Nina niya habang hinahaplos ang buhok niya. Pinainom niya ito ng tubig para mapakalma. Nakita niya sa kabilang kama ang tulog na si Jake, kagaya niya ay marami rin itong benda, subalit mahina pa rin ito, iilan lang mga salitang nasasabi dahil mahinang mahina pa rin ito. Labis siyang naawa sa boyfriend na nadamay pa sa katigasan ng ulo niya, kung nakinig lang siya sa ate niya ay hindi sana mangyayari sa kanila ang ganoong mga bagay.
Ilang sandali pa ay dumating na ang best friend niyang si Marjorie. May dala-dala itong isang basket ng prutas.
“Oh my God sis! Are you okay? Why are you crying?” nababahalang tanong nito. Hindi sumagot si Hannah bagkus ay umiyak pa muli.
“Binangungot na naman yata. Trauma pa siya dahil sa mga nangyari…. Dahil sa pagkawala ni—-Ate Sarah.” Sagot ni Nina.
Si Marjorie naman ang yumakap sa kaibigan, “Everything will be okay sis.”
*************
“Ang hirap sis, ang hirap ng ganitong sitwasyon. How I wish napatay na lang din ako para hindi ko na nararamdaman ang lahat ng ito.” Umiiyak na sabi ni Hannah.
“Sis, don’t say that. You’re lucky; you were still given a chance to live. Ipagpasalamat na lang natin na dahil sa katapangan ng ate mo, nabuhay pa kayo ni Jake. It’s unfortunate what happened to Ate Sarah, mahal na mahal ka niya kaya mas inuna niya ang kapakanan mo.”
“Pero…. Pero…..”
“Let’s pray na lang.” sabi ni Marjorie at hinawakan ang mga kamay ni Hannah, pumikit sila at nagdasal para sa mga minamahal.
Naputol ang pagdarasal nila nang kumatok ang nurse sa pinto. “May nagpapabigay po. For Hannah Jane Lorilla po.” Sabi nito habang hawak ang isang maliit na kahon. Iniabot niya ito kay Nina.
“Look Hannah, may gift para sa’yo.”
Aalis na sana ang nurse nang tawagin siya ni Nina, “Teka nurse! Kanino raw galing?”
` “Hindi ko po alam. Nasa nurse station lang po ‘yan pagtingin ko.”
“Ah sige, salamat ha!”
Ang kahon ay nababalutan ng kulay pink na gift wrapper at may maliit pang card na may nakasulat na “Get well! I’m looking forward to see you soon!”
“Kanino naman kaya ito galing?”
“Wow sis, baka sa iba pa nating mga barkada. Ang sweet talaga nila Randy. Buksan mo na dali!”
Dahan-dahan niyang inalis ang nakabalot, bubuksan pa lamang niya ang kahon ay may iba na siyang kutob. Imbes na mapangiti ay napasigaw siya sa takot nang makita ang laman, “Alisin n’yo ‘yan! Alisin n’yo ‘yan!” umiiyak niyang sabi.
Nandidiring itinapon ni Nina ang kahon sa labas ng kwarto. Sa loob kasi nito ay mga patay na ipis at iba pang insekto. Naiwan naman sa kama ang isa pang maliit na card.
“Oh my God….” Ang nasabi na lamang ni Marjorie.
Nakasulat dito ang isang maikling tanong, “How’s the trauma?”
Chapter 2: “The Hurt Locker”
“Akala ko pa naman tapos na, akala ko wala na, akala ko sumuko na siya!” umiiyak na sabi ni Hannah, nanginginig pa rin ito sa takot dahil sa nangyari kanina.
“Oo nga sis, akala natin wala nang mangyayaring ganoon subalit parang lalong lumala.” Wika naman ni Marjorie.
Lumapit ito sa tulog na si Jake. Tinitigan niya ang mukha ng nobyo ng best friend niya. “Kung malakas lang si Jake, malamang gumawa na ito ng paraan at hinahanap na kung sino ba talaga ang may gawa ng mga ganoong bagay sa’yo.”
Sumakit ang ulo ni Hannah, napasigaw siya, pumapasok sa isip niya ang mga nauna pang pangyayari bago ang pagbigay ng ‘surpresa’ sa ospital. Noong una ay sa kanilang university. Dahil nga popular siya dahil sa pagiging Campus Queen ay kilala na siya ng halos lahat ng estudyante doon subalit nanatili siyang humble at approachable sa marami. Lalong dumami ang kanyang admirer, hindi lang dahil sa taglay na kagandahan ni Hannah bagkus ay matalino rin ito. Laging nag-eexcel sa mga subjects at myembro rin ng volleyball team sa kanilang unibersidad.
Marami nang nanligaw rito, may mga varsity players, mga president ng iba’t ibang school club, may anak ng pulitiko, anak ng businessman at kung anu-ano pa. Pero isang lalake lang ang nakasungkit ng puso niya at iyon nga ay si Jake. Napili niya ito dahil marunong itong makisama, mabait, gentleman at higit sa lahat ay responsible sa pag-aaral, mga katangian na gusto niya sa isang lalake at hindi dahil sa gwapo ito o naawa lang siya dito dahil sa kinasangkutan nitong eskandalo nang patayin ang isa ring sikat sa kanilang unibersidad at dati ring Campus Queen na si Andrea. Bagaman maraming nagtaas ng kilay at tsismis dahil sa ginawa niyang pagsagot sa lalake ay wala siyang pakialam, ang mahalaga sa kanya ay mahal nila ang isa’t isa at sigurado diya doon. Pero sa kabila ng isyu ay nanatili pa rin siyang matatag, nanatili pa ring marami ang humahanga sa ganda at talino niya kaya hindi nababawasan ang kanyang suitors at admirers.
Madalas siyang makatanggap ng flowers at chocolates, kung minsan ay nabibigla na lamang siya kapag papasok ng classroom dahil may nakalagay na bouquetsa kanyang upuan, minsan ay nakadikit sa kanyang locker. Ngunit isang araw nang pagbukas niya ng locker ay nakakita siya ng isang sulat.
“Sis, Marj, may letter sa loob ng locker ko!”
Kahit si Marjorie ay nagulat. Kinuha nito ang maliit na card na kulay pula at binasa, “I think I’m beginning to fall inlove with you.” –M.D.
“Sinong M.D. naman kaya ito?” natanong ni Hannah.
“Ewan, baka isa na naman sa mga admirer mo dito sa loob ng campus.”
“Paano niya nailagay ang letter sa loob ng locker ko?”
“Ewan, baka isiniksik niya sa siwang. Kasya naman oh.” Sambit ni Marjorie habang isinsagawa ang paglagay ng card sa makitid na siwang ng locker.
“Sana lang. Maaari kasing alam niya ang code ng locker ko.”
“Hmmmm, pwede, tingnan mo kung may nawawala kang gamit.”
Hinalungkat ni Hannah ang mga gamit niya subalit sa pagkakatanda niya ay wala namang nawawala.
“Alam mo, sa sobrang popular mo, dapat alam na lahat na may boyfriend ka, na sikat rin…. But not in a very good way though.”
Kumunot ang noo ni Hannah sa sinabing iyon ng kaibigan. “Sis, I’m just kidding, anyways, dapat humihinto na sila sa pagbibigay sayo ng mga cards and everything kasi wala na silang pag-asa sa’yo. Dapat sa akin na lang, hahaha.” Pabirong sabi ni Marjorie.
“Sira! Bakit gusto mong magpaligaw eh may Randy ka na.”
“Biro lang naman, ito naman, masyadong seryoso.”
“Pero sis, should I need to worry?”
“Punta na lang tayo sa property office, papalitan natin ng code ‘yang sa locker mo para makasigurado or better, magpalit tayo ng locker.”
“That’s a great idea sis! Vice versa ang pagkuha natin ng gamit natin, meaning, I get yours and you get mine para magmukhang locker ko pa rin ‘yan.”
“Yeah, you’re so genius talaga.” At tumawa ang dalawa.
Ginawa nila ang paglilipat ng gamit ng walang tao para makasigurado silang walang makakaalam na iba na ang locker nito, mga siyam na locker ang pagitan ng dalawa kaya medyo malayo at hindi halata.
Kinaumagahan ay tiningnan ulit nila.
“Sis! Wala na ritong love letter or cards.” Sabi ni Hannah nang tingnan ang dating locker na ngayon ay kay Marjorie na.
Napangiti si Marjorie subalit napawi din agad nang buksan naman ang dating locker. “Oh my…..”
Napatakbo si Hannah nang makita ang locker niya, mayroon na naman ditong card at ngayon ay may kasama ng tatlong rosas sa loob.
“How could this be possible????” nababahalang tanong ni Marjorie.
“Don’t tell me naisingit ulit ‘yan.” Wika ni Hannah habang hawak ang mga rosas.
Sa isang maliit naputing card na punung-puno ng glitters na kulay pula ay may nakasulat, “I love you Hannah.” –M.D.
“Let’s tell your boyfriend about this.” Suhestiyon ni Marjorie.
“No, ayaw kong madagdagan ang problema niya.”
“So, anong gagawin mo? Hahayaan mon a lang kung sinong M.D. ang magbigay ng mga ganyan sa’yo? Paano kaya niya nalaman na nagpalit tayo ng locker?”
“I don’t know, I’m confused. Wala ka bang pinagsabihan?”
“Wala noh. Your admirer is creeping me out. Baka nariyan lang siya sa paligid, pinagmamasdan tayo.”
Tumingin tingin sila sa paligid at pinagmamasdan ang kilos ng bawat estudyanteng naglalakad sa hallway. Ilang sandali pa ay may yumakap kay Marjorie. Nagulat ito.
“Oh my God Randy! You scared me!” naiinis na sabi ng girlfriend nito subalit ang paghalik lang sa pisngi ang ginawa ng lalake. Napansin nito ang bulaklak sa locker.
“Sinong nagbigay niyan? May nanliligaw pa sa’yo hon?!” galit na sabi ni Randy.
“Sssshhhh, wag kang maingay, hindi sa akin ‘yan, kay Hannah ‘yan, nagpalit lang kami ng locker.” Paliwanag nito.
Tumingin si Randy kay Hannah at pagtango lang ang isinagot nito. “Wow Hannah, despite the facts that you already have a boyfriend, may suitors ka pa rin. How sweet. Hahaha.”
“Ulol!” naiinis na sabi ni Marjorie. “Huwag ka ngang sira, nakita mo nang nagwoworry ‘yung tao eh.”
“Iannounce natin sa buong campus.”
“Adik ka talaga Randy! Wala kang suggestion na matino!” sabi ng girlfriend.
“Okay sorry Hannah, heto serious na.” sabi ni Randy at humarap kay Hannah. “Mapapagod din ‘yan, titigil din ‘yan, maniwala ka.”
“Sana nga.” Sagot ni Hannah.
“Huwag na ninyong isipin ‘yan, kain na lang tayong snack. My treat!” sabi ng lalake at nagsimula nang lumakad.
Tinitigan ni Marjorie ang kaibigan, “Let’s go na.” Ngumiti na si Hannah at sumabay na sa kaibigan.
*************
Nag sumunod na araw ay ganoon din ang nangyari, halos araw-araw nakakatanggap ng bulaklak at card galing sa suitor nitong kilala lang niya sa tawag na M.D. Nagtataka siya kung paano nito nagagawa ang paglalagay ng mga ganoon sa locker niya. Ang mga card ay naroon lang sa loob ng locker niya hanngang dumami na ito samantalang ibinibigay niya kay Marjorie ang nakukuhang bulaklak. Tumagal ito ng isa pang linggo hanggang sa mga sumunod na card na natatanggap niya ay iba na ang mga mensahe.
“Roses are red, violets are blue. When I see you, I’ll kill you.”
“Bakit mo ako ipinagpalit? Humanda ka!”
“I love you but you broke my heart you b*tch!”
At marami pang iba’t ibang mensahe, kasama ang tuyot ng mga bulaklak.
Labis na nababahala na si Hannah, ganoon din ang mga kaibigan niya. “This is too much Hannah. Hindi na ito suitor mo! STALKER na!” sabi ni Marjorie.
“What should I do? I’m scared. Pinagbabantaan na niya ako.”
“Don’t worry sis, babantayan ka namin. Sasabihan ko si Randy about this.”
“Could the police do anything about this?”
“Baka wala rin silang maitulong, you know every student in this campus is a suspect. And it’s hard to find who the heck that M.D. is!!”
Chapter 3: “The Rise of a Stalker”
Naalala na naman ni Hannah ang unang beses na makatanggap siya ng “surpresa” galing sa kanyang stalkerna ipinadala pa sa bahay nila, isang puso ng baboy. Alam na rin pala nito kung saan siya nakatira. At sigurado siyang sinusundan na siya nito kahit saan man pumunta.
Kahit ang ate niya noon ay nababahala na sa nangyayari, kaya palagi niya itong kasama kapag pupunta ng ibang lugar, bihira niyang makasama si Jake dahil galit pa noon ang ate niya rito. Wala pa ring alam ang boyfriend sa pagkakaroon niya ng stalker. May mga araw na makakakita na lang sila sa gate ng bahay nila ng isang kahon at ang laman ay mga daga, ipis, at kung anu-anong insekto.
Nababahala na sila sa kaligtasan niya, maaaring dumating ‘yung araw na pasukin na sila sa kanilang bahay kaya nagpalagay na sila ng CCTV camera sa labas, nagbabakasakali na makita nila kung sino ang stalker ni Hannah.
Gabi na noon, katatapos lang magbasa ni Hannah ng isang nobela nang makaramdam ng lamig. Napansin niyang medyo nakabukas ang bintana niya kaya lumapit siya rito para saraduhan. Napasilip siya sa labas nang may makitang isang tao na naglagay ng isang kahon sa may gate nila. Nabigla siya kaya napatakbo palabas ng kwarto.
“Ate! Someone’s in the front gate!” sigaw niya habang pababa ng hagdan, naroon ang ate niya sa sala habang nanonood ng telebisyon. Nang marinig siya ay agad na lumabas sila ng pinto subalit wala ng tao roon, tahimik na ang buong kalsada at wala nang taong makikita sa paligid, tanging isang kahon na lamang ang naiwan sa may gate. Kaagad din silang pumasok sa loob ng bahay.
“I don’t want to look at that.” Naiiyak na sabi ni Hannah habang pabalik ng kwarto.
Lumabas ang kapatid nilang si Nina ng kwarto nito. “From the stalker na naman ba ‘yan?” tanong nito.
“Malamang.” Sabi ni Sarah at iniabot sa kapatid ang kahon. “Ikaw na ang magbukas niyan.” Dagdag pa nito at umalis na.
Binuksan nito ang kahon at halos masuka nang maamoy ang mga nabubulok na lamang-loob ng kung ano. Agad niya itong tinapon sa basurahan sa labas ng bahay.
Sa may di kalayuan ay nakatingin sa bahay nila Hannah ang isang tao. Kitang-kita sa mukha nito ang galit, nang humithit pa sa sigarilyong hawak ay tinapakan niya ito bago naglakad papalayo.
***********
“Balita ko nagpadala na naman sa’yo ‘yung stalker mo kagabi ah.” Sabi ni Daniel pagkatapos ay umupo sa tabi ng tahimik na si Hannah. Nasa mini park sila.
“Huh? Sinong nagsabi sa’yo n’yan?”
“Ah.. eh.. si Randy.” Sagot nito.
Dumating na si Marjorie at iniabot ang isang juice kay Hannah.
“Thanks sis.” Malungkot na sabi nito.
“Oh hey Danny! Nandito ka pala, akala ko may klase ka pa.”
“Yeah, I’d just stop here, napansin ko kasi itong si Hannah na mukhang deprsess.”
“Eh sino ba namang hindi madedepress sa nangyayari sa kanya. Sobra na ‘yung stalker n’ya.”
“You know what Hannah, dapat may body guard ka lagi. You can hire me. Di mo ako kailangang bigyan ng sahod.” Sabi ni Daniel.
“Danny boy, may body guard na ‘yan si Sis, ako saka si Randy. At ‘yung BOYFRIEND niyang si Jake kaya shoo!” sambit ni Marjorie na naka-emphasize ang salitang boyfriend.
Napakamot sa ulo si Daniel, “Bad trip naman ‘tong si Marj. Nag-offer lang naman ako.” Wika nito at umalis na.
“Hay naku talaga ‘yang si Danny, feeling close sa’yo. Kung hindi naman dahil barkada ‘yan ni Randy ay hindi natin ‘yan makikilala. Halata namang may gusto sa’yo ‘yan noon pa, hindi lang maamin, baka nga ‘yan ‘yung…… stalker mo.”
Napatingin si Hannah sa kanya.
“Oh my…. Bantayan natin lagi ang kilos n’yan. Malaki kasi ang posibilidad eh, may pagkaretarded ang taong ‘yun. Hay naku, hindi ko siya feel. Kahit na maraming girls ang nagkakagusto dun kay Danny dahil gwapo rin, ay naku, hindi ko siya papatulan. May pagkaweird ang vibes niya.”
Naisip nilang maaaring magbigay na naman ang stalker ni Hannah kinagabihan ng “surpresa” kaya nagplano na sila. Habang nag-uusap ang dalawa ay dumaan sa harap nila ang grupo ni Angela, masama ang tingin nito sa kanila.
“Gosh, I really hate those girls espcecially ‘yung Angela na ‘yun!”
“Bakit naman?”
“Duh? Dapat hate mo rin siya, buti nga ikaw ang nanalo bilang Campus Queen at hindi siya. Buti nga sa kanya. You know that a First Runner-up is always the first loser. Hahaha.”
“Huwag mo na lang pansinin.”
“Anung huwag? Makapandilat ng mata, wagas! Para tayong lalamunin. Hindi pa rin kasi matanggap na ikaw ang nanalo at hindi siya, haha. Anyways, we should do something about your stalker.”
Maya-maya pa ay dumating na si Randy. “Hey girls, what are you guys talking about?”
“Hon, we are planning how to catch Hannah’s stalker. Sa tingin namin ay magpapadala ulit ito mamayang gabi.”
“Well, include me in that plan. And I have an idea.”
*************
Gabi na, tahimik na nag-aabang sina Randy at Marjorie sa madilim na bahagi ng eskinitang iyon, sa kabilang kalsada sa tapat ng bahay ng mga Lorilla. Samantalang si Hannah ay nasa kwarto niya, nakasilip sa kanyang bintana. Sabawat pagdaan ng mga kahina-hinalang tao ay agad silang nagiging alerto. Varsity player si Randy sa track and field sa kanialng pinapasukan kaya mabilis itong tumakbo, kaagad na maabutan agad nito ang mahahabol. Kausap ni Hannah sa cellphone ang kaibigan.
“Ano? Wala pa ba kayong napapansin d’yan?” tanong niya.
“Wala pa eh, baka maya-maya, narito lang naman kami ni Randy, nag-aabang pa rin.”
“Okay, sige. Basta sabihan ninyo ako.”
“Okay sis.”
Ilang minuto pa silang naghintay nang may napansin silang huminto sa harap ng bahay, lumingon-lingon muna ito sa gilid bago may ipinatong sa may gate.
“Ba-bata?” nagugulat na tanong ni Marjorie.
Kaagad na tumawid si Randy ng kalsada, “Hey!!!!”
Nabigla naman ang taong iyon kaya napatakbo ito subalit hinabol siya ni Randy. Samantalang lumabas naman si Hannah kasama ang dalawang kapatid. “Sis, hinahabol na ni Randy ‘yung naglagay nito.”
Isang maliit na kahon ang naroroon, kinuha iyon ni Nina, “Hannah, do you want to see what’s inside?”
“Yes.”
Lumapit na si Randy, hawak sa balikat ang taong naglagay ng kahong iyon. Nilapitan ito ni Sarah, halatang nabigla rin.
“Bata ang stalker mo?”
“I don’t know ate.”
Pinandilatan ni Sarah ang batang lalake, na nkasuot ng itim na hoodie. May 4’7” ang taas, medyo maitim at tinatayang mga edad sampu hanggang labindalawa ito.
“Sino ka? Ikaw ba lagi ang nananakot sa kapatid ko?!” galit na sabi ni Sarah habang hawak sa buhok.
Bakas sa mukha ng bata ang takot. “Na-napag-napag-utusan lang—po.”
“Sino?Sinong nag-utos sa’yo?”
“Hin-hindi ko po ki-kilala.”
“Sabihin mo, nasaan siya!”
Nagsimula nang umiyak ang bata kaya hindi na nila ito hinawakan.
Binuksan na ni Nina ang kahon, nabigla sila dahil hindi inaasahan ang laman noon, sa halip na mga patay na insekto ay mga tsokolate. Lahat sila ay nagtaka Habang nakatitig sila sa laman nito ay nakakuha ng tyempo ang bata kaya tumakbo ito, hahabulin pa sana ulit ito ni Randy subalit pinigilan na siya ni Hannah.
“Hayaan mo na siya Randy.”
“Pe—–“
“Let him be.”
Hindi pa rin sila nakakaisip ng dahilan kung bakit iba na ang “surpresa” na nakuha ni Hannah ngunit dahil sa takot ay hindi niya ito kinain.
“Do you think galing ito kay M.D.?”
“I don’t know sis, maaari, pero hindi natin alam.”
“So what are you going to do with those chocolates? Sayang imported pa naman ang Ferrero Rocher na ‘yan.”
“I’ll throw these unless you want.”
“No, mamaya may lason pa ‘yan.” Wika ni Marjorie. Kukuha sana ito nang isa subalit nabitawan ito ni Hannah kaya nahulog ang kahon. Nagkalat ang mga bilog na tsokolate sa sahig. May nakita silang card, natatabunan pala ng mga laman. Isang kulay ginto naman na card, sa loob ay may nakasulat, “I really love you Hannah. Please accept this.”
Pero wala silang napansin na signature na M.D. sa ibaba. “So who could have sent this?”