ni LordDrake
Pasimula
Maganda ang sikat ng araw nang Sabado ng umagang iyon. Walang kaulap-ulap sa bughaw na kalangitan. Tipong sinasabayan ng araw ang ngiti at tuwa ng mga magsisispagtapos ng kolehiyo. May ilang daan kabataang kasama ang kanilang mga magulang ang nagtipon-tipon sa PICC para sa pagdiriwang ng pagtatapos ng kanilang pamantasan. Ina’t-ibang damdamin ang nadarama ng mga dumalo. Sa mga magulang at kamag-anak ng mga bata ay paamalaki at saya. Sa mga nagsisipagtapos ay tuwa na natapos rin nila ang kolehiyo. May ilang nagkikimkim mg pangamba para sa kinabukasan, ngayong hindi na sila mag-aaral. May ilang nalulungkot dahil malamang at hindi na nila makakasalamuha ang mga taong kaalibat nila nitong mga nagdaang mga taon.
Isa na doon sa mga naghahalo ang damdamin at si Rey. Sa apat na taong pagtututo niya sa pamantasan ay nakailang ulit na siyang dumalo sa mga pagtatapos ng mga mag-aaral nila. Sa bawat isang nadaluhan miya ay natutuwa siya para sa mga bata, at naalala niya ang sarili niyang pagtatapos mula sa kolehiyo may 10 taon na rin ang nakakalipas. Ngunit ngayong araw na ito ay may higit pa siyan nadarama. Sapagkat ang batch na ito ay ang unang batch ng mag-aaral na kanyang tinuruan mula first year. Nakita ni Rey kung papaano lumaki at namulat ang mga batang ito. Nakita niya kung paano sila tuwang-tuwa sa tuwing mapagtatagumpayan ang mga mahihirap na pagsusulit at mga gawain. Nakita niya niya ring malungkot at maiyak kapag bumabagsak o di kaya’y nabibigo. Bilang kanilang guro ay kasama si Rey sa ilan sa mga pagkakataong iyon. Kasama siya sa tuwa at pagbigay ng suporta. Kasama rin siya sa pakikiramay sa mga pagkakataon ng kalungkutan.
Hindi na nga sila maituturing na mga bata, ang naisip ni Rey habang kanyang pinagmamasdan ang mga magtatapos kasama ang kanyang mga co-faculty.
Isa sa mga mag-aaral ni Rey ang nakatawag pansin sa kanya. Si Mary Dominique, o mas kilala sa palayaw niyang Nickey, ay isa sa mga gagawaran ng araw na iyon. Magtatapos siya bilang magna cum laude. Bukod pa doon may student leader award ding igagawad sa kanya bilang bahagi ng student council. Bibihira ang ganoong mag-aaral na tatanggap ng parehong iyon. Nakuha rin ni Nickey ang Best Thesis ng kanilang batch. Beauty and brains talaga si Nickey, at marami ring nanligaw sa kanyang kaklase niya. At kahit na halos wala na siyang oras ay nakakapagsinggit pa rin siya ng panahon para sa kanyang nobyo. Ngayon palang ay may ilang kumpanya na ang nag-aalok sa kanya ng trabaho. Para bang nasa kanya na ang lahat ng bagay na inaasam ng isang kabataan na tulad niya.
Ngunit, sa halip na maging masaya ay bakas sa kantang mukha ang kalungkutan. Pilit siyang ngumingiti kasama ang kanyang mga kaklase at mga magulang. Ngunit kapag akala ni Nickey na walang nakakapansin o nakatingin ay naglalaho ang tuwa sa kanyang magandang mukha. At iyon ang nakatawag sa pansin ni Rey.
At doon na napansin ni Rey na wala ang nobyo ni Nickey sa paligid. Halos lahat ng pagkakataon ay magkasama ang dalawa. Alam ni Rey na magtatapos rin ngayon si Jack, ang nobyo ni Nickey. Magkaiba nga lang sila ng kursong kinuha ni Nickey, at malamang ay andoon si Jack at kasama ang kanyang sariling mga kaklase. Iwinaglit na lang ni Rey ang kanyang iniisip nang tumunog ang p.a. system.
“The graduation ceremony will start in 15 minutes. We call on the faculty, family, and guests to please enter the auditorium through the assigned doors. Students please take your positions. Thank you.”
“Tara na kayo,” ang sabi ng department head nila Rey. Agad naman tumalima sila Rey at ang kanyang mga kapwa guro. Habang naglalakad patungo sa kanilang nakatakdang lagusan ay sinulyapan ni Rey si Nickey. Nakita niyang bakas muli ang lungkot sa mukha ng babae. Ngunit nang magtagpo ang kanilang mata ay agad na ngumiti si Nickey, pilit na ikinukubli ang tunay na nadarama. Kinawayan ni Nickey ang kanyang naging professor ng apat na taon. Ginantihan ni Rey ng ngiti at kaway si Nickey, bago sila parehong tuluyang matangay ng kanilang mga kasama.
Hindi na muling nakita pa ni Rey si Nickey ng araw na iyon, bukod sa pag-akyat niya sa entablado sa pagtanggap ng mga parangal. Nakangiti at mukhang masaya si Nickey, kaya isinawalang-bahala na lang ni Rey ang napansin niyang kalungkutan sa mukha ng dalaga kani-kanina lang.
Ngunit para kay Nickey ay sinira ni Jack ang dapat ay masayang araw na iyon. Ang kanyang walang hiyang nobyo ang dahilan kung bakit ay wala sa loob niyang magpunta sa pagdiriwang na ito. Sa halip ay gusto niya lang magmukmok sa kanyang kama. Ngunit pinaghirapan din naman ng kanyang mga magulang ang kanyang pag-aaral, kung kaya hindi niya maipagkait sa kanila ang araw na ito. Pilit na lang niyang ngumiti at magsaya kasama nila at kanyang kaklase. Buti na lang at iba’ng kurso ni Jack at nasa kabilang dulo sila ng auditorium. Kung hindi, naku! Baka kung anong gawin niya. At natapos ang pagdiriwang na hindi sila nagkikita. Agad na ring nagyayang umuwi si Nickey, nagdadahilang masama ang kanyang pakiramdam.