Wild Things 27

>Ilang oras lang ang tulog ko matapos kong marinig ang lahat kay tito kanina. Hindi ko na alam kung ano ang mabigat, iyong ginawang plano sa akin ni tita o iyong dinanas ng mag-aama kay tita.

Bumangon ako sa kama at dumiretso sa kusina. Nagluto ako ng agahan para sa mag-ama. Naiintindihan ko ang hirap nitong linggong ito sa kanila—sa akin.

“Ate…” Napalingon ako kay Jacob na nagpupungas pa. “Sorry, na-late po ako ng gising. Ako na po magluluto.”

Lumapit siya sa akin. Naghahalo ang awa at tuwa ko sa kanya. Awa dahil sa mga naranasan niya; tuwa dahil sakabila ng nangyari, lumalaki pa rin siyang mabuting bata.

Ngumiti ako at sinuklay ang magulo niyang buhok gamit ang kamay ko. “Ako na. Gisingin mo na lang ang daddy mo. Matatapos na ‘to.”

Sumilay ang mga ngiti sa labi ni Jacob. “Okay na po kayo daddy?”

Matagal kong tinitigan si Jacob bago umiling. Agad namang nabalot ng lungkot ang mukha niya pero tumango naman na parang na-uunawaan niya ang sitwasyon.

Lumabas siya ng kusina at tinungo ang kwarto ng daddy niya. Inayos ko na ang mga pagkain sa lamesa nang sabay silang bumabang mag-ama.

“Daddy, si ate ang nagluto.”

Nakatingin lang sa akin si Jake na mugto pa rin ang mga mata. Naghahalo na ang pagod, pag-iyak at kakulangan sa tulog. Sinubukan pa rin niyang ngumiti.

“Salamat…”

Tumango lang ako at nagsalo-salo na kami sa lamesa. Dama ko ang tingin ni Jake sa akin pero nakatingin lang ako sa plato ko. Sinasalinan niya ng tubig ang baso ko sa tuwing nauubos ko na.

Si Jacob naman ay nagpapalipat-lipat lang ang tingin sa akin at kay Jake. Nagpipigil ng ngiti. Parang tanga ‘to si Jacob. Mas awkward tuloy ang sitwasyon.

“Ako na maghuhugas.” Alok ni Jake.

Umiling ako. “Ako na. Mag-handa na lang kayo sa pagpasok.”

“Pero—”

Hindi ko na siya pinatapos magsalita dahil tinaasan ko na siya ng kilay. “Ako na.”

Nakita ko ang paggalaw ng adam’s apple niya dahil sa takot sa akin. Shit, miss ko nang lagyan ng chikinene ang leeg niya pero kapit Inah.

“Sabi ko nga, ikaw na.”

Tinignan ko nang masama si Jacob nang marinig ko ang mahina niyang pag-tawa. Itong mag-amang ‘to pinag-tutulungan ako. Inakbayan na ni Jake si Jacob at nagtungo na sila sa taas.

Matapos kong mag-hugas ay umakyat na ako sa taas. Nakita ko na bukas ang kwarto ni Jacob at nagbu-butones na ng uniform. Pumasok ako sa kwarto niya at naupo sa gilid ng kama niya.

Pinatayo ko siya sa harap ko at ako ang nag-butones sa uniform niya. Nang matapos ay tinignan ko siya. Hindi ko alam kung bakit hindi siya makita ni tita bilang isang anak. Matalino, mabait at mapagmahal na bata itong si Jacob.

“Hindi ko alam pa’no maging isang ina, Jacob.” Pag-uumpisa ko. “Pero gagawin ko ang lahat para mapadama sa’yo na mayroon kang ina—ako. Hindi mo kailangan manggaling sa akin para hindi natin ituring ang dalawa bilang mag-ina. Ang alam ko lang, sa puso ko, kaya kitang tanggapin at mahalin bilang isang anak.”

Ngumiti si Jacob at tumango-tango. “Mommy…”

Pareho kaming naluhang dalawa at nagyakapan. Natatakot ako sa responsibilidad na ito pero sa batang katulad ni Jacob, alam kong kakayanin ko.

Sinamahan ko na siya sa gate para hintayin ang school bus niya. Nadatnan kami ni Jake na magkasama. Naalala ko ang sinabi niya kagabi, itong bonding namin ni Jacob ang nagpapasaya sa kanya.

Saktong dumaan na ang school bus kaya sumakay na si Jacob. Naiwan kami ni Jake sa garahe. Nabalot kami ng katahimikan bago magsalita si Jake.

“Salamat sa pananatili sa tabi ni Jacob…”

Tumango ako. Walang ma-isagot. Ngumiti lang siya bago buksan ang pinto sa driver’s seat. Pasakay na siya ng tawagin ko siya.

“Jake…”

Lumingon siya sa akin. Tinitigan niya ako sa mga mata ko at hinihintay ang sasabihin ko. Kita ko ang takot sa mga mata niya. Kinakabahan tuloy ako sa sasabihin ko.

Pero gusto ko ng tapusin para gumaan na.

Napabuntong-hininga ako bago magsalitang muli. “Pag-uwi mo mamaya, bilhan mo ako ng pregnancy test.”

Napa-buka ang bibig niya pero walang lumalabas na salita. Napa-kurap siya nang maraming beses.

“Ah—ano. Ahmm. Anong gusto mong kainin mamaya?”

Napa-irap ako. “Hindi pa naman sure na buntis ako.”

Sinubukan niyang ngumiti. “Kahit naman negative ‘yon, gusto pa rin kitang pakainin.”

“Umuwi ka na lang na maaga para pag-lutuan mo kami ni Jacob ng hapunan.”

Tumango siya na may kasama ng ngiti. “Noted, Ma’am.”

Epal.

“Sige na, baka ma-late ka pa.”

“Iyong regla mo rin naman ay late, so patas tayo.” Kinagat niya ang labi niya para pigilan ang pagtawa.

“Bwisit!” Tinalikuran ko na siya at pumasok sa bahay. Wala akong energy lumandi sa umaga.

Pero nadinig ko pa ang sigaw niya sa labas. “Uuwi ako ng maaga, babe.”

Napangiti na lang ako.

Isang linggo na akong ‘di pumapasok sa school. Pero may kailangan akong gawin at harapin. Matapos umalis nang mag-ama ay nag-ayos din ako at umalis.

Pumunta ako sa isang mental institution.

Ang sakit makita nang kalagayan ni tita. Nakasuot siya ng puting damit na may mahabang sleeves na nakapa-ikot sa katawan niya.

‘Gusto ko baby’

Paulit-ulit niyang sinasabi. Pinunasan ko ang luha ko at sinubukan siyang kausapin kahit alam kong hindi niya na ako maiintindihan.

“Nauunawaan ko na iba-iba tayo ng paraan sa pag-tanggap ng problema natin. Pero alam mo tita, kung nakita mo lang si Jacob, buo sana ang pamilyang gusto mo.”

Hindi mapakali sa pwesto niya si tita. Iyong mga mata niya ay kung saan-saan tumitingin. At paulit-ulit pa rin niyang sinasabi ang baby.

“Hindi na ako galit sa’yo. Alam kong may mali rin ako. Patawarin mo ako tita kung nagawa kong mahalin ang asawa mo. Alam ko na ang makikita lang ng tao ay ang mali namin ni Jake, pero para sa amin, ang mahalaga ay kung paano namin itatama ito. Aayusin namin at muling mag-uumpisa para mabuo namin ang pina-pangarap namin na masayang pamilya.”

Tumayo na ako at naglakad papunta sa pinto. Pero bago lumabas ay lumingon ulit ako sa kanya.

“Ako na ang bahala sa mag-ama mo.”

Isang takot na lang ang kailangan kong harapin. Ang tita at ante ay kapwa hindi maka-buo ng bata. Sa totoo lang, natatakot din akong malaman na baog ako.

Noong unang ma-delay ako, alam ko sa sarili ko na pwede akong mabuntis dahil may mga araw na nakakalimutan kong uminom ng pills. Pero nag-negative…

Pa’no kung nasa genes namin ang pagiging baog?

Kinabukasan ay nasa kwarto ko si Jake. Kakatapos ko lang i-test ang pregnancy kit. Lumabas muna ako ng CR dahil hindi ko kayang malaman ang resulta.

Naalala ko lang iyong sinabi niya sa akin dati. Gusto niyang malaman lahat ng kinakatakutan ko. Dahil gusto niya akong samahan sa lahat ng takot ko.

Ayokong matulad kay tita. Kailangan kong harapin ang takot ko.

“Pa’no kung baog din ako?”

Huminga nang malalim si Jake bago ako hawakan sa magkabila kong balikat. Tinitigan niya ako sa mga mata ko.

“Lahat tayo ay may kakulangan. Mayroon ka na wala sa iba. Mayroon ang iba na wala ka. Kung iisipin mo, talagang kulang. Pero buo ka para sa akin, Inah, kasi nakilala kitang ganyan ka, e. Manatili ka lang sa tabi ko, wala na akong ibang hahangarin. Blessing na lang kung magkakaroon tayo ng anak. Kung baog ka man, e ‘di ikaw na lang ang gagawin kong baby ko.”

Napa-ngiti ako at yinakap siya. Sa lahat ng takot ko, dito ako matapang na harapin. Pinapawi ni Jake ang mga takot ko. Kung tanggap niya ako kung sino at ano ako, bakit hindi ko rin tanggapin ang sarili ko?

Ako dapat ang unang tumanggap at magmahal sa sarili ko.

“Masaya na ako na sa inyong dalawa ni Jacob…”

Nadama ko ang mainit niyang labi sa noo ko. Hindi mo kailangan ng maraming tao na tatanggap sa’yo, ang kailangan mo lang ay isang tao na maniniwala sa’yo.

“Ako na ang titingin sa pregnancy kit, ha? Ano man ang resulta, tandaan mo, mas malaki ang pagmamahal ko sa’yo, Inah, kesa sa kakulangan na sinasabi ng lipunan sa mga kababaihan.”

Ngumiti ako at tumango. Pumasok na siya sa CR. Kinakabahan pa rin ako na nag-aabang dito sa labas. Napatingin ako sa kanya ng lumabas na siya sa CR.

Sinubukang ngumiti ni Jake.

Shit, negative.

Pero okay lang.

Acceptance.

Lumapit siya sa akin at hinaplos ang balikat ko. “Okay lang ‘yan, bawi ka na lang ulit next year.”

Sinubukan kong ngumiti. Hindi naman madaling tanggapin pero pa-unti-unti. Napakunot naman ang noo ko sa huling dalawang salitang binitawan niya.

Next year?

Napatingin ulit ako sa kanya. “Ha?”

^_^<

Scroll to Top