Abot-Kamay ang Himala

“Kayo po ba ang asawa ng pasyente?” Bungad ng surgeon sa akin paglabas pa lang ng operating room.
“A-asawa? Fiance.” Alangang sagot ko sa alangan ding tanong sa akin. “Pwede na ba ‘yun?”
“Mas mainam po sana kung may kamag-anak na narito,” paliwanag ng doktor, “pero ayos lang kung wala.”
“Dok ano kasi eh, pwede po bang diretsuhin ninyo na? Kumusta po si Jen? Kumusta ang asawa ko?”
“Meron pong mabuti at masamang balita.” Ani doktor.
Nagkunot lang ako ng noo. Hindi ko ata maintindihan. Masyado akong balisa para tapunan pa ng kahit anong palaisipan.
“Ang good news, ligtas na na sa peligro ang fiancee ninyo. Stable na ang condition niya ngayon. Kaso…”
“Kaso?” Naunsyami ang buntung-hininga ko na magiging hudyat sana ng tahimik na pagdiriwang sa pagkakaligtas sa babaeng pinakamamahal ko.
“Masyadong matindi ang pinsalang nakuha niya sa kanang braso. We’re very sorry but we had no choice but to amputate that arm. Sorry.”
Nang sandaling iyon ay tuluyang umikot ang paligid ko. Parang tumagilid ang lupa at nalusaw ang mga buto ng binti ng magkakasabay.
Hindi ko na ata gugustuhing marinig pa muli ang salitang “kaso.”

Hindi ako naniniwala na nabawasan ang pagmamahal ko kay Jen kahit kaunti dahil sa sinapit niya. Iyon ang ipinipilit niya, na itinatanggi ko.
“Wala na akong mukhang maihaharap sa’yo.” Nakatungo siya habang nakasandal sa headboard ng kama ng ospital.
Gusto ko sanang isagot sa kanya na “may mukha ka pa namang maihaharap sa ‘kin, wala ka na nga lang kanang braso na maihaharap sa akin.” Pero foul ‘yon. Masyado pang sariwa sa kanya ang sakit ng trahedyang pinagdaanan para biruin ng ganoon.
Pinili kong lumapit kay Jen at makiupo sa kamang pinagpapahingahan niya. Natitiyak kong nabanlawan na ng luha niya ang matres at unan ng kamang ito. Saksi ito sa pagdurusang dinaranas niya. Marahang kong iniangat ang mukha niya at hinawi palikod ang mga hibla ng buhok na tumatakip dito.
“Hindi ‘yan totoo.” Sabi ko. “Maganda ka pa rin.”
Binawi ni Jen ang kanyang mukha at ibinaling ang tingin sa nakabenda niyang bawas na kanang braso. Hindi niya na kailangan pang magsalita upang maunawaan ko ang sinasabi ng kanyang puso.
“Pakakasalan pa rin kita.”
Iyon lang ang pinakawastong tugon na kayang maibigay ng puso ko para sa kanya.
Sa kauna-unahang pagkakataon matapos magising ni Jen sa ospital na ito ay tinignan niya ako ng diretso sa mata.

Mag-iisang taon na kaming nabubuhay nang magkasama ni Jen. Sa kabuuan ay tatlong taon na kaming magkasintahan. Nasa ibang bansa na karamihan ng mga kamag-anak niya. Katunayan, pinipilit na siya ng mga ito na mag-migrate kasama nila. Ang mga kamag-anak ko naman, nasa Dumaguete. May mangilan-ngilang nandito sa Maynila, pero madalang ko naman makadaupang-palad. Bakit nga naman hindi pa kami magsama ‘di ba. Tutal pareho naman kaming nag-iisa sa buhay. Makapagpapangasawahan din naman kami.
Kahapon lang ay naiuwi ko na si Jen sa apartment na inuupahan namin. Nagrequest na rin ako ng isang linggong leave sa opisinang pinagtatrabahuan ko. Kailangan ko munang tutukan si Jen, sabi na rin ng doktor. Higit pa sa psychological therapy ay mas kailangang ako ang mag-alaga sa kanya. Hindi biro ang maputulan ng kamay. Walang makapagsasabi sa maaaring magawa ng isang taong dumaraan sa ganitong klaseng sitwasyon. Kung ako man sa sarili ko ay hindi ko nasisigurado na kaya kong maging matatag kung ako ang nasa kalagayan niya.
*BEEP*
Tunog ‘yun ng selpon ko kapag may nagtetext. Kahit marami akong dalang pinaggrocery ay pinilit kong basahin agad ang nilalaman. Galing kay Elsa, kapitbahay namin na malapit na kaibigan na ni Jen.
*kuya c ate ngwwla…sn n po kau?*
Naloko na. Hindi ko inakala na magsisimula na agad maganap ang kinatatakutan ko. Sa halip na dyip ang hintayin ay taxi na ang pinara ko sa pagkakataong ito.
“Boss dagdag singkwenta.” Hirit ng drayber.
“Tangina. Sige na nga. Bilisan mo nagmamadali ako.”
Bukas ang pinto ng bahay pagdating ko. Buti na lang at wala namang babasagin sa mga pinamili ko dahil pabagsak halos kong binitiwan sa sahig lahat ng dala ko.
“Jen!?” Tawag ko. “Jen!? Elsa!? Saan kayo!?”
“Kuya dito!” Malakas na tugon ng huli.
Kara-kara kong tinungo ang kuwarto kung saan tiyak ko na nanggaling ang boses ni Elsa.
“Kuya si ate Jen!” Lumuluha na ang dalagitang nakatayo lang sa labas ng pinto ng saradong kuwarto naming magkasintahan.
“Bakit ano’ng nangyari!?” Naramdaman kong tumulo ang malamig na pawis sa gilid ng noo ko. “Nasaan si Jen!?”
Hindi na makasagot ang tinanong ko.
“Tangina.” Kinatok ko nang malakas ang pinto ng kwarto. Nakalock ito mula sa loob. “Jen! Ako ‘to. Pagbuksan mo ako ng pinto mahal. Mag-usap tayo.”
Walang sagot.
“Mahal, ano’ng nangyayari sayo!?” Hindi ko alam kung tama ba ang ginagawa ko. “Papasukin mo ako para mapag-usapan natin ‘yan. Nandito lang ako, hindi naman kita iiwan eh.”
“Umalis ka na.”
Hindi ‘yun pasigaw. Ang totoo’y tila halos pabulong lang ‘yun. Pero narinig ko. Si Jen. Paunti-unti ay lumiwanag sa pandinig ko ang mga hikbing nanggagaling sa likod ng pintuan sa harap ko.
“Jen ano ba? Hindi ako aalis. Nilinaw ko na ang bagay na ‘to, pakakasalan kita kahit ano’ng mangyari. Maputol man ang kamay mo, braso, paa, binti, kahit kalbo ka pa pakakasalan pa rin kita. Kaya mo akong ita–“
“Bakit ka naman…magpapakasal sa isang…inutil?” Natigilan ako sa sagot niyang ‘yon. “Mahihirapan ka lang. Wala na akong silbi sa’yo. Wala na akong kwenta…”
“Jen.” Isinubsob ko ang mukha ko sa nakapinid na pinto. Hindi ko na alam ang sasabihin ko.
“Naaawa ka lang…naman kaya…nandito ka pa ‘di ba?” Kanina’y pinasasagot ko siya para marinig ko ang boses niya. Ngunit ngayon namang nagsasalita na siya ay dinudurog niya ang puso ko. Kaya ko pa bang pakinggan ang mga susunod niyang sasabihin?
“Maiintindihan ko kung gugustuhin mo na akong iwan…” Si Jen, ayaw niyang tumigil. “Alam ko, naaawa ka lang naman eh. Umalis ka na lang. Please… Ayaw mo na sa’kin…Ayoko na rin sa’yo. Alis! Alis!”
Ang mangilan-ngilang hikbing naririnig ko ay tuluyan nang naging palahaw ng iyak na matagal nang pinipigil ilabas ni Jen. Wala akong susing hawak sa kwartong iyon. Siguro ay itinago niya na rin lahat ng susi bago pa man siya magkulong sa loob nito. Hindi ako makapasok. Ni hindi ko mahawi ang kanyang buhok na tiyak kong tumatakip na sa kanyang mukha habang umiyak. Wala man lang akong magawa. Si Jen nga ba ang inutil dito…o ako?
Saka pa lang natawag ang atensyon ko ng tila kakaibang ayos ng kusina namin. Kinutuban na ako. Marahan kong binitiwan ang dahon ng pintong nakaharang sa pagitan naming magkatipan para lapitan ang kusinang pinakamamahal ni Jen.
“Diyusko.” Kako.
Tumambad sa aking balintataw ang nagkalat na basag na mga plato, nagkataubang kaldero’t kaserola, gula-gulanit na mga dahong gulay at nangabiyakang mga prutas, at nagkatalsikang mga pampalasa gaya ng asin, asukal, paminta, at suka. Mapapaisip ka kung mayroon bang dagang kasing-laki ng Doberman ang nanggulo sa kusina namin.
Alam ko na.
Ngayon ay lubos ko nang nauunawaan ang dahilan ng paglala ng paghihinagpis niya. Si Jen.
Si Jen na kasintahan ko, ay isang chef. Isang chef na nakasalalay sa kamay ang paghahanda ng masasarap na putaheng araw-araw kong pinagpapasasaan. Ang tanga ko para hindi ‘yun agad maisip. Nakalimutan kong ang karerang tinatahak ng fiancee ko ay isang trabahong umaasa sa husay ng kamay magtimpla ng lutuin.
Nilingon kong muli ang pinto ng kwartong kinasasadlakan ni Jen. Pagkatapos ay marahang tumulo sa mata ko ang luhang pilit kong sinubukang huwag patuluin.

Makalipas ang mahigit isang oras, sa tulong ng ekstrang susi ng landlady ng apartment na inuupahan namin ay nagawa rin namang mabuksan ang silid na pinagkulungan ni Jen sa sarili. Ligtas naman siya at walang kahit anong galos. Mahimbing na rin ang tulog niya matapos mapagod sa matagalang pag-iyak.
Nais ko sanang tabihan siyang magpahinga subalit may mas mahalagang bagay akong dapat gawin. Kaya pinauwi ko na muna si Elsa at ang landlady namin. Para mailaan ko nang husto ang oras ko sa paglilinis sa kusina namin. Mahalaga kay Jen ang kusinang ito. Ganun na rin sa akin. Ayokong sa paggising niya ay makikita niya pa ulit ang anumang bakas ng paghihinagpis niya maigsing panahon pa lang ang nagdaan.
“Ano’ng ginagawa mo?”
Nanlaking parang kuwago ang mga mata ko sa pagkakarinig sa ‘di inaasahang tanong. Boses ‘yun ni Jen.
“Gising ka na pala,” aligaga kong tugon, “eto, naglilinis. Pagkatapos, magluluto na rin ako para maaga tayong makapaghapunan.”
“Magluluto?” Iba ang tono ng boses ni Jen. “Puta inaasar mo ba ‘ko? Ano namang alam mo sa pagluluto ha?”
“Ano kasi…” Ano bang dapat kong sabihin? “Mahimbing kasi tulog mo kanina. Kaya naisip ko ako muna magluluto ngayon para sa ‘tin. Alam mo na, para mai–“
PAK!
Halos matanggal ang ulo ko sa lakas ng sampal ng nag-iisang palad ni Jen. Ito ang unang beses na sinampal niya ako. Hindi ko alam kung bakit, ano ba’ng nangyari?
“Puta naman,” humihikbi ulit si Jen, “ikaw muna ang magluluto ngayon? Tignan mo nga ‘tong brasong ‘to. Mukha bang sa susunod ako na ulit ang makapagluluto para sa ‘tin? Sa makalawa ba o sa susunod na linggo tutubo na ulit itong kamay ko para magamit ko na ulit sa pagsisilbi sa’yo? Pinamumukha mo na agad na wala akong silbi ano? Sabi ko sayo umalis ka na eh…”
“Pero Jen pakinggan mo naman–“
“Hindi mo ba talaga naiintindihan?!” Ito rin ang unang pagkakataon na pinagsalitaan niya ako ng ganito kataas ang boses. “Sira na ang buhay ko!”
Katahimikan.
“Sira na ang buhay ko alam mo ba ‘yun?! ‘Yung kamay na pinakaiingatan ko, wala na. Saan ka nakakita ng chef na walang kamay? Sampung taon ng buhay ko ang inilaan ko para sa pangarap kong maging magaling na chef at makapagtayo ng sariling restawran. Paano na ‘yun? Anytime from now sigurado akong mawawalan ako ng trabaho. Ano ako ngayon, palamuti na lang dito sa bahay?”
Umiiyak na naman ang babaeng pinakamamahal ko.
“Kahit ipagluto ka hindi ko na nga magagawa eh.”
Sa pagkakataong ito ay hindi ko na pinigilan pa ang sarili kong yakapin si Jen. Ang babae na bumago sa pananaw ko sa mundo. Ang babaeng nagpakita sa akin ng kagandahan ng mga pangarap, panaginip at pag-asa. Nais kong gawin ang lahat para sa kanya, ngunit hindi ko talaga alam kung ano ang sasabihin ko.
“Mahal ko, handa akong gawin lahat para ibsan ‘yang sakit na dinaranas mo. Gusto kong maibigay sa’yo anuman ang kailangan mo.”
“Alam mo kung ano ang kailangan ko?” Walang kagatol-gatol na tanong ni Jen kasunod ng pagkalas sa pagkakayakap ko.
“Himala. Kailangan ko ng himala.”

“Ano na naman ba ‘to?” Iritableng bungad sa ‘kin ni Jen kinabukasan.
Inilatag kong nakabuklat sa mesa ang lumang recipe book na nahalungkat ko sa mini-library namin.
“Recipe book.” Nakangisi kong sagot. “Pasensyahan na, eh hangga’t hindi ako tuluyang natututo ay magtitiyaga ka munang kainin ang kung anu-anong klaseng kaning baboy na ihahain ko sa’yo.”
“Seryoso ka ba?”
“Seryoso ako. Wala akong background sa pagluluto kaya kailangan kong pagbutihan ang pag-aaral. Sana lang mapagtiisin mong kainin kahit medyo masagwa ang lasa. Sa umpisa lang naman, gagaling din ako.”
Hindi ako sigurado sa kalalabasan nitong pinaggagawa ko. Pero merong kung ano sa loob ko na nagsasabing gawin ko ‘to. Ewan ko.
“Aray ko!” Ako ‘yun.
“Ano ba!” Bulyaw ulit ni Jen. “Puputulin mo na rin ba ‘yang kamay mo ha?”
“Kung gusto mo eh–“
“Tse! Ayusin mo, hindi ganyan ang tamang paghawak ng kutsilyo. Huwag mo kasi masyadong tigasan ‘yang pagkakahawak sa kutsilyo.”
Nakangiti akong tumingala sa nagtataray kong kasintahan.
Isang matalim na irap ang ibinato niya sa ‘kin.
Gaya ng inaasahan ay “pwe” nga ang unang reaksyon ni Jen pagtikim sa first ever adobong baboy ko.
“Ang alat!” Dagdag pa niya.
“Sorry. Damihan mo na lang ‘yung kanin.” Palusot ko.

“Tanga.”
“Palpak.”
“Mali-mali.”
“Fail.”
Ilan lang ang mga ito sa insulto at masasakit na salitang inabot ko sa kamay ng mapagmalupit kong fiancee habang inaaral ang sining ng pagluluto ng pagkain sa loob ng halos isang buwan na magmula nang ma-amputee ang kanyang kanang kamay.
Walang araw na hindi ko ipinagluto si Jen. Napilitan akong ipagpalit ang tako ng billiards sa spatula sa kusina upang makapagsimulang maghain ng mga putaheng papatok sa panlasa ng matigas niyang puso. Kung dati ay instant noodles lang ang kaya kong ihanda, ngayon pati tamang pagpili ng mani para sa eksperimentong kare-kareng nais kong iluto at wastong paraan ng paggigisa ng gulay sa mantikilya ay inaaral ko na para sa kanya.
Nariyang magkahiwa-hiwa sa kutsilyo ang kamay ko, naroong matalsikan ng kumukulong mantika ang mukha ko, mapaiyak ng matatapang na sibuyas ang mata ko at magkapaso-paso ang balat sa kalang pinagsasalangan ko. Lahat nang ‘yon ay para lang marinig ang mga masasakit na kritisismo at panlalait sa tuwing titikman niya ang luto ko.
“Ano ba’ng pinatutunayan mo ha?” Ngayo’y nagtataka niyang usisa sa ‘kin habang nagluluto(lutuan) ako ng sinigang na hipon.
“Paanong pinatutunayan?” Napakunot ang noo ko.
“Hindi mo naman kasi kailangang gawin lahat nang ‘yan. Kung nahihirapan ka ay hindi naman kita pinipigilang umalis. Pero ginagawa’t gawa mo pa rin, ang kulit-kulit mo.”
“Kaya nga sinagot mo ako eh, dahil sa kakulitan ko.”
“Kung ginagawa mo ‘yan para inisin ako sa lasa ng luto mo at makumbinsi na magluto ulit, sinasabi ko na sayo na hindi ‘yan uubra. Hindi ko na uulitin pa sa’yo ito, hindi ko na kayang magluto pa. Nakita mo naman, sinubukan ko na. Imposible na ‘yon sa kalagayan ko.”
Itinaktak ko sa kaldero ang sandok na gamit ko sa pagtikim sa sabaw ng niluluto ko sabay lapag nito sa mesa.
“Mali ka.” Mahinahon kong sabi sa kanya kasabay ng pag-alalay sa kanya na maupo na sa kanyang puwesto sa hapag-kainan. “Maganda nga siguro kung makukumbinsi kita na magluto ulit. Aba, ano ba’ng malay natin kung pwede naman pala. Pero…”
Dinampot kong muli ang sandok na nailapag na at masigasig na iniangat ang takip ng kaldero. Nasasanay na akong sa mukha ko dumidiretso ang steam na kumakawala sa tuwing binubuksan ko ito. Sinundot-sinundot ko ng hawak na sandok ang labanos upang usisain kung sapat na ang lambot nito para ihain sa mesa.
“Pero?” Usisa pa niya.
“Pero hindi ‘yon ang dahilan kung bakit ko ito ginagawa.”
Malambot na ‘yung labanos. Pwede na siguro.
“Alam ko kung gaano kahalaga sa’yo ang mga kamay mo Jen.” Sa pagkakataong ito, sigurado na ako sa ginagawa ko. “Alam ko rin kung gaano ‘yan kahalaga sa karera at passion mo sa pagluluto. Walang makakapuno sa halaga sa’yo ng nawala mong kamay.”
Kumuha ako ng malinis na mangkok. Sabay angat ng kamay kong may hawak na sandok.
“Ngunit kung kailangan mo ng pamalit na kamay, o mga kamay para ipagpatuloy mo ang pagluluto, buong-buo kong ibibigay itong mga kamay ko sa’yo. Gamitin mo sa pagtupad sa mga pangarap mo. Alam ko medyo magaspang ‘to at mabalahibo, pero ito lang ang kamay na handang magluto para sa’yo habambuhay.”
Sinimulan kong isalok ang sandok sa sinigang na hipong pinagkahirapang kong lutuin. Sinilip ko ng isang beses si Jen, tahimik lang siyang nakaupo at naghihintay. Ewan ko kung sa sasabihin ko o sa ihahain ko.
“Ayan!” Masigla kong sabi. Tapos na akong magsandok. Marahan akong pumihit sa pag-iingat na baka matapon ang hawak kong ulam. Medyo nabigla ata si Jen sa malaking pagkakangisi ko pagharap sa kanya hawak ang pinagmamalaki kong sinigang na hipon.
“Kung hahayaan mo ako, Jen, gusto kong maging mga kamay mo magmula ngayon. Kung sawa ka nang kainin ang mga walang kuwentang luto ko pahintulutan mong ako na ang maging kamay mo magmula ngayon.”
Inilapag ko sa mesa ang mangkok na puno ng pagmamahal ko para sa kanya.
“Turuan mo akong magluto.”
Inabutan ko si Jen ng kutsara. Hindi ko na mahintay pa ang sagot niya sa hiling ko, at ang maikukumento niya sa sinigang ko.
Tahimik niyang inabot ang kutsara ng kaliwang kamay, isinayad sa mangkok at iniangat na may kasama nang sabaw. Bahagya niya itong hinipan bago tuluyang isinayad sa kanyang bibig.
“Himala.” Kaswal na sabi ni Jen. “Medyo gumagaling ka na ha.”
Napangiti ako. Iyon lang ang sagot na kailangan ko.
At alam ko na ‘yon din ang kailangan niya.
…Wakas…

Scroll to Top