“Papa, magkakatotoo po ba ang hiling ko kapag nag-wish ako sa wishing well?” tanong ng isang batang babae na nasa edad lima o anim na taong gulang sa kanyang ama.
Nakita ko kung paanong umaktong nag-isip ang ama bago kinarga ang anak na babae at itinayo sa gilid ng balon.
“Bakit hindi mo subukan, anak? Tingnan natin kung matutupad ang hiling mo.”
Inabot ng ama ang isang barya sa anak. Kinuha naman iyon ng bata pero bantulot ito kung ibabato ba sa balon ang barya o hindi.
“Pero, Papa, sayang naman ang barya kung itatapon lang,” hirit ng batang makulit.
“Kung sabay tayong hihiling, okay lang ba sa’yo?”
Naaliw ako sa pagkibot-kibot ng labi ng batang babae. Tila hindi ito sigurado kung papayag ba o hindi sa mungkahi ng ama. Ngunit sa huli ay nagpatinaod lamang ito sa gusto ng ama. Magkasabay nilang hinawakan at hinagis ang barya bago marahang pumikit at humiling.
Bagamat alinlangan noong una ang batang babae ay taimtim naman itong pumikit. Sagad ang pananalig ng batang isipan na magagawa ng balon ang hiling nitong mga kendi at tsokolate pagkauwi sa bahay. Habang ang ama naman ay nakangiting nagmamasid sa anak. Na kahit hindi magsalita o humiling sa balon na iyon ay tutuparin nito ang anumang hiling ng anak.
Nangingiti ako sa pangyayari kahit na nalulungkot din. Nangingiti dahil hanggang ngayon may mga tao pa ring nagagawang humiling sa balon. At nalulungkot dahil alam kong kahit gaano kasimple ang hiling nila ay hindi ko iyon mapagbibigyan.
Oo. Hindi ko mapagbibigyan. Ako talaga dahil ako ang tagabantay ng balon. Ang tagapakinig ng bawat hiling na nakapaloob sa barya ng mga tao. Hindi ko alam kung bakit nga ba itinalaga pa ako rito sa balon. Wala naman akong ginagawa rito. Araw-araw ay nakatunghay lang ako. Nakikinig at nakatingin sa mga tao habang gumagawa sila ng hiling.
Minsan nangingiti ako sa mga tao na taimtim pa ring humihiling. At mas natutuwa kapag bumabalik sila para magpasalamat dahil natupad ang hiling nila. Pero madalas nalulungkot ako. Dahil alam ko na hindi naman talaga ako ang dahilan ng pagkakatupad ng kanilang kahilingan. Sila ang tumupad ng hiling nila sa sarili nilang pamamaraan. Humiling man o hindi sa balon na ito. At ang mas nagpapakirot sa puso ko ay ang katotohanang may mga tao na tila ginawa ng panata ang paghiling sa balon. Araw-araw. Walang palya. Puno ng pananampalataya ang hiling pero hindi ko magawang tuparin.
Dahil isa lang naman akong tagapakinig. Isang tagamatyag ng mga pangyayari at wala ng iba.
Mula sa mag-ama ay napunta sa babaeng parating ang tingin ko. Heto na naman siya. Pumunta na naman dito sa balon. Dating oras at malamang dating hiling din.
Sa araw-araw na pagpunta niya rito ay nakilala ko na siya. Siya si Almira. Isa lang talaga ang hiling niya sa buhay iyon ay ang maging isang mabuting asawa. Masasabi kong kakaiba siya sa ibang babae. Kung ang iba ang gusto ay ang makilala ang kanilang kakayahan. Magkaroon ng boses sa lipunan o ng lakas. Siya ay simpleng-simple lamang. Isang buhay na pinagsisilbihan ang kanyang magiging asawa at anak.
Bukod sa pakikinig ng mga hiling ng mga tao, binigyan din ako ng kapangyarihan na makita ang nasa loob ng isipan nila. At sa tuwing pupunta si Almira ay lagi ko nang tinitingnan ang lahat ng iniisip niya. Madalas siyang umupo sa bato ng balon pagkatapos humiling at doon ay nangangarap. Sa tuwing ginagawa niya iyon ay pumupwesto ako sa kanyang likuran habang binabasa ang lahat ng pangarap niya.
Lahat ng bagay kay Almira ay simple. Mula sa simpleng buhay niya hanggang sa simpleng pangarap niya. Pero ang simpleng pangarap ay tinuturing na himala ng lahat. Hindi ko alam kung bakit himala ang turing nila. Pero ang sinasabi nila ay himala na may magkakagusto pa kay Almira. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon sila magsalita patungkol kay Almira. Mabait naman si Almira. Kahit kailan ay hindi siya nagdamot. Lagi siyang nagbibigay para sa pamilya at kaibigan. Hindi siya nanira ng kapwa o nanlamang. Isa siya sa iilang tao sa mundo. Kung pisikal na katangian naman ang pagbabasehan ay masasabi kong maganda siya. Maganda ang hubog ng kanyang mga labi, maganda ang katamtamang pagkakatangos ng ilong, maganda ang mapupungay na mata, maganda ang kanyang itim na itim at tuwid na tuwid na buhok. Iyon nga lang ay hindi yata maganda ang pagkakasama-sama ng mga iyon. Medyo hindi sila nagkabagay-bagay pero hindi naman iyon pangit, hindi ba? Ang mahalaga ay maganda pa rin ang kanyang katangian.
Sa tagal ng panonood ko sa mundong ito ay alam kong panandalian lamang ang pagmamahal sa pisikal na kaanyuan. Kapag tumagal na ang relasyon ay ang ugali rin ang hahanapin ng isang tao. Ugali pa rin ang magiging basehan ng kanilang pagsasama. Ngunit sadya nga yatang mahirap makita ang ugali ng tao. Lalo na kapag nakakabulag ang panlabas na anyo ng iba.
Nang makalapit si Almira sa balon ay kinuha nito ang isang barya sa kanyang bulsa. Pumikit nang mariin habang mariin na hawak din ang barya. Tila pinapaloob sa barya ang lahat-lahat sa kanya.
Sana… sana si George na ang hinihintay kong himala, saad ni Almira sa isipan.
Nakita ko kung paanong umikot sa ere ang barya. Lumapit ako kay Almira. Hindi ako pwedeng lumampas sa tubig kaya nakuntento na lang ako sa pagtitig sa kanya bago binalingan ang baryang pabagsak na. Sinubukan kong abutin ang barya nang pumasok na ito sa loob ng tubig. Tumagos lamang ito sa kamay ko pero nagliwanag ang parteng tinagusan. Kumunot ang noo ko. Hindi iyon ang unang beses na ginawa ko ang bagay na iyon pero ito ang unang beses na nagliwanag ang aking kamay. Gumapang ang takot sa buong katawan ko nang unti-unti akong lamunin ng liwanag.
—– —– —– —– —-
Hinihingal akong nagising. Mabilis kong tiningnan ang aking mga kamay. Nakahinga ako nang maluwah nang hindi na ito nagliliwanag. Saka ko lamang napansin na wala na ako sa loob ng balon. Sa halip ay nasa labas na ako ng balon! Paanong nakalabas ako? Napasigaw ako sa mga pangyayari. Nasa akto na ako ng pagtalon pabalik sa balon nang may pumigil sa akong braso. Nalingunan ko si Almira.
“Kuya, ‘wag kang tatalon diyan! Hindi ka mamatay diyan!” naghihisteryang saad ni Almira.
Napanganga ako. Paanong nahahawakan niya ako? Paanong nakikita niya ako? Inilibot ko ang paningin sa paligid. Parang gusto kong ituloy ang pagtalon pabalik sa balon. Nasa labas na ako! Wala na ako sa balon! Anong gagawin ko sa mundong ibabaw?!
“Nagkakamali ka, Almira. Hindi ako magpapakamatay! Babalik lang ako sa pinanggaligan ko!” Binaklas ko ang kamay niya sa braso ko at tinangkang bumalik muli sa balon. Pero hindi ako binitiwan ni Almira. Dahilan para pareho kaming mahulog sa loob ng balon. Narinig ko ang malakas niyang pagsigaw. Ngunit nasa loob na kami ay hindi pa rin ako nakakabalik sa mundong alam ko. Dumadaing naman si Almira sa tabi ko. Nakadagan siya ngayon sa ibabaw ko. Pinagmasdan ko ang mukha niya pero agad niyang iniwas iyon sa akin.
“Nababaliw ka na ba?” singhal niya sa akin pero hindi ko siya pinansin. “Paano na tayo nito?”
Pareho kaming basa ngayon ni Almira. Hindi naman ganoon kalalim ang balon at hindi rin nakipot. Pwedeng-pwede nga akong mahiga. Hindi rin malalim ang tubig. Matagal nang hindi nagagamit ang balon kaya puro lumot na ito. Naging pangdekorasyon na lang kasi ito sa mahabang panahon at tapunan ng hiling ng mga tao.
“Miss, okay lang ba kayo diyan?” tanong ng isang lalaki mula sa itaas.
“Opo,” sagot ni Almira. “Pwede pong tulungan niyo kaming makaakyat?”
Mabilis namang gumawa ng aksiyon ang mga tao. Nagbaba sila ng hagdan para makaakyat kami ni Almira. Kahit na anong tanggi ko na umakyat at pinilit nila ako. Pinagtawanan pa nila ako at sinabihan na baliw nang sinabi kong sa balon ako nakatira.
Ngayon ay gabi na. Hindi ko alam kung saan ako pupunta. Tinitingnan ko lang ang mundo dati at nagbabasa ng isip at hiling ng mga tao. Hindi ko alam kung paano ba mabuhay talaga. Ni wala nga ako ng mga sinasabi ng mga taong pangangailangan. Wala akong bahay, pera o trabaho. Paano ako nito? Heto ako ngayon. Nasa labas ng bahay ni Almira. Dahil hindi ko malaman ang gagawin ko kanina ay sinundan ko na lang siya. Malapit lang pala sa balon ang bahay niya. Pwedeng lakarin.
Nakaupo ako sa gilid ng gate ng bahay ni Almira nang bumukas iyon. Paglingon ko ay nakita ko si Almira na may hawak na malaking supot na kulay itim.
Nangunot ang noo ni Almira. “Anong ginagawa mo rito?”
Sinubukan kong alamin ang nasa loob ng isip ni Almira pero hindi ko magawa. Nanlumo ako. Kanina ko pa sinusubukang gawin iyon pero hindi ko talaga magawa. Paano ko magagawang mabuhay sa mundong hindi ko alam?
“Gusto mo bang pumasok muna?”
Tinitigan ko si Almira. Marahan akong tumango sa sinabi niya. Inilapag niya ang itim na supot sa gitna ng daan bago ako iginiya papasok sa loob ng bahay.
Maliit lamang ang bahay. Pagpasok mo ay sala. Sa gilid ay kusina at sa kabilang gilid ay may pinto. May tv, component, ilang larawang naka-frame. Larawan ni Almira at sa tingin ko ay pamilya niya. Uupo sana ako sa sofa pero pinigilan ako ni Almira.
“Basa ka pa. Dadalhan kita ng damit pamalit. Maligo ka muna saka tayo mag-usap.”
Tumango lang ako sa sinabi niya bago siya pumasok sa kwarto.
—– —– —– —– —–
Lumipas ang mga araw at naging buwan. Nanatili na lang ako sa poder ni Almira. O mas tamang sabihin na inampon niya ako. Tama ang pagkakakilala ko sa kanya. Isang napakabait na tao si Almira. Kahit na minsan ay nagrereklamo siya sa akin ay hindi niya ako pinapalayas sa bahay niya. Kahit na tumutol ang mga magulang niya nang pinatira niya ako sa kanyang bahay. Kahit na pinag-usapan kami ng mga kapit-bahay niya. Hindi niya ako pinaalis. Sa halip, tinulungan pa niya ako. Ipinasok niya ako bilang isang bagger sa isang mall. Natututo ako sa pamumuhay sa mundong ito. Binihisan niya ako at pinakain. Kahit na hindi maganda sa paningin ng iba.
“Sus! ‘Yan na yata ang himalang hinihiling ni Almira! Binahay na para hindi makawala!”
Narinig kong sabi ng isang babae minsang namili kami ni Almira ng groceries. Nilingon ko ang mga nag-uusap pero sinaway ako ni Almira.
“Hayaan mo na sila, Jun,” sabi lang ni Almira at walang lingon na nagpatuloy sa paglalakad.
Napapabuntong-hininga lang akong sumunod kay Almira. Alam kong tinitiis lang niya ang lahat. Nawala man ang kakayahan kong magbasa ng isip ng tao. Nararamdaman ko naman kung anong nararamdaman ni Almira. Hindi ko alam kung bagong kapangyarihan ba ito o ano. Pero sa isang tingin lang sa ekpresyon ni Almira ay nakikita ko na ang nararamdaman niya. Nakikita ko kung masaya siya. Nakikita ko kung malungkot siya. Alam ko kung para saan ang bawat kibot ng kilay niya.
Alam ko rin na hindi rin ako ang lalaking hinihiling niyang makasama. Ayos lang naman sa akin kung ako na lang ang makakasama niya habang buhay. Kung ano na lang ang gaganap para matupad ang simpleng pangarap niya. Pero hindi ako ang hiling niya. Hindi para sa akin ang hiling na ibinalot niya sa mga baryang inihulog niya sa balon.
Si George iyon. Ang lalaking minsang nangako sa kanya na babalikan siya. Ang pangalang tanging naging laman ng isipan ni Almira tuwing nasa balon siya.
Sa loob ng mga raw na nagkasama kami ni Almira ni minsan ay hindi niya binanggit ang pangalan ni George. Wala siyang pinakita na kahit ano. Pigilan ko man, umaasa na akong sana nagawa kong palitan si George sa puso niya. Sana nagagawa ko siyang mapasaya kung hindi higit ng ginawa ni George ay kapantay man lang.
Ngunit dumating ang araw na kinakatakutan ko. Maaga akong umuwi mula sa trabaho. Hapon kasi ang labas ko. Sa halip na dumaretso ako sa bahay ay dumaan ako sa balon. At doon ay nakita ko si Almira. Parang nagbalik ang dati. Hayun na naman ang itsura niya, taimtim na nakapikit habang mahigpit ang pagkakahawak niya sa barya. Tila nasa maliit na baryang iyon ang kinabukasan niya.
Hindi ko mapilang masaktan. Kung para sa sarili ko o kay Almira ay hindi ko alam. Ngayon ko masidhing hiniling na sana ay kaya kong makabasa uli ng isipan. Hindi ko kasi kayang isipin na si George pa rin ang laman ng hiling niya. Na para kay George pa rin ang mga baryang hinahagis niya. Ganito ba talaga ang mga tao? Bakit sila kumakapit sa mga bagay na dapat binibitawan niya? Bakit hindi nila magawang makita ang mga bagay na nasa harap na nila? Hindi ko sila maintindihan!
Mabilis akong umuwi sa bahay. Kumilos ng tulad ng dati. Ngumingiti ako sa bawat kwento ni Almira. Pinapakinggan ang lahat ng sinasabi niya—may kwenta o wala. Pinagbibigyan ang lahat ng hiling. Pinagsisilbihan siya. Ipinararamdam ko sa kanya ang mga bagay na dapat ay noon pa niya naramdaman. Ang mga bagay na hindi magagawa ni George dahil wala naman siya.
Pero hindi maalis sa isipan kong hindi ako ang kailangan niya. Lalo na at tuwing hapon ay nagpupunta pa rin siya sa balon. Humihiling pa rin siya. Hindi ko pa ba natutupad ang hiling niya? Ano pa ba ang kulang? Ano pa ba ang wala?
Dahil ba hindi ako ang kailangan niya? Dahil ba hindi ako si George?
Pinagmasdan ko si Almira habang natutulog. Medyo nakanganga siya at humihilik nang mahina. Pero kahit na ganoon ay gusto ko pa rin ang itsura niya habang natutulog. Hindi ako magsasawa sa ganitong eksena. Gugustuhin kong makita siya kahit sa mga eksenang ayaw na ayaw niya. Pero kung hindi naman ako ang gusto niyang makasama sa mga eksenang iyon, sino ba ako para magpumilit?
Tumayo na ako mula sa pagkakaupo malapit sa kama. Lumabas ako ng bahay at tinungo ang pinto. Mabilis akong bumalik sa balon. Ako ang bantay ng balon. At hindi lang tagapakinig ng mga hiling ang maaari kong gawin. Magagawa kong tumupad ng hiling.
Mabilis akong tumalon sa loob ng balon. Nagulat ako sa aking nakita. Nagliliwanag ang ilan sa mga barya. Pinulot ko ang isa. Alam ko kung kanino ito. Iisa lang naman ang taong may kayang gawin ito.
Ikinulong ko ang baryang nagliliwanag hanggang sa lamunin ako niyon.
—– —– —– —– ——
Sabi nila himala na lang ang may magmahal sa akin. Pero ang sinasabi ko naman ay himala na lang ang tunay na pagmamahal. Alam kong hindi ako kasing ganda ng ibang babae. Pero masasabi ko namang hindi ako kasing pangit ng iba. Wala raw akong karapatan na maging mapili sa lalaki. Pero masama ba na gustuhin kong piliin ang taong kaya akong mahalin ng totoo? Kaya nga kahit papaano okay na sa akin ang mukha ko. At least hindi na ako lalapitan ng mga lalaking manloloko.
Kaso totoo nga yatang lahat ng lalaki ay manloloko. Wala kasing lumalapit sa akin. Walang nagtangkang manligaw. Kahit palipad hangin wala. ‘Yong dalawang lalaking minahal ko hindi ko alam kung ano nga ba ang nararamdaman sa akin.
Una si George ang kababata ko. Siya ang lalaking una kong minahal. Naging close kami noong mga bata kami. Magkalaro tuwing umaga hanggang hapon. Hindi kami mapaghiwalay. Naging classmate pa sa anim na taon namin sa elementarya. Nagkahiwalay lang kami noong high school dahil lumipat kami ng bahay. Si George ang naging gitna ng buhay ko kahit na nagkahiwalay kami. Naniwala ako sa tadahana, kupido, serendipity at iba pa. Wala akong ibang hangad kung hindi maging maybahay niya.
Hanggang sa nagkita kaming muli. Pagkatapos ng halos sampung taon. Pero ‘yong taong inukutan ng buhay ko ay hindi pala sa akin umiikot ang buhay. Wala pala akong aasahan.
Hanggang sa dumating si Jun. Ay hindi pala Jun ang pangalan niya. Iyon lang ang binigay kong pangalan sa kanya. Nakilala ko lang siya sa balon. Sa balon na naging tagapakinig ng lahat ng hiling ko. Akala ko pa nga siya na ang matagal kong hinihiling na himala. Akala ko lang pala. Dahil matapos niyang ipadama sa akin ang lahat ng hinihiling ko. Lahat ng pangarap ko ay bigla na lang siyang nawala.
Isang umaga nagising ako na wala na siya. Parang tulad ng pagkakakilala ko sa kanya—biglaang pagsulpot at biglaang pagkawala.
Ngayon, heto na naman ako sa harap ng balon. Nakapikit at nakahawak nang mariin sa baryang naging kanlungan ng aking mga hiling. Hiling na kasing labo yata ng himala.
Inihagis ko ang barya at tinitigan ito habang umiikot sa ere.
“Jun, bumalik ka na,” mahina kong usal habang pabagsak ang barya sa loob ng balon.
Wakas