ni shobe.sheen
KABANATA 5 – Sina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros
“Anthony! No!” Tili niya.
Napatingin ito sa kanya, dahan-dahang ibinaba ang kamay at kumalma. Umamo ang mukha.
“You didn’t have the right to do that,” baling nito kay Jake.
Tumayo si Jake at nagsalita.
“Actually, I do. May karapatan akong dalhin siya sa kaharian ko. Just as you also have the right para dalhin siya sa kaharian mo,” mahinahong turan nito.
Bakas ang galit sa mukha ni Anthony, ngunit halatang nagpipigil. Lumapit ito sa kanya at hinawakan ang kanyang kamay.
“Are you okay? Nasaktan ka ba?” Malambing ang boses nito.
“I’m okay, Anthony.”
“Are you sure?”
Tumango siya.
Niyakap siya nito ng mahigpit. Pagkatapos ay hinaplos ng mga kamay nito ang kanyang mukha. Nabigla siya nang lumapit ang mukha nito sa kanya at hinalikan siya sa labi.
She was shocked and wasn’t able to respond to his sensual kiss.
Nakita niya sa gilid ng kanyang mata na umiwas ng tingin si Jake.
Tinapos na ni Anthony ang halik.
“I’ve missed you so much, sweetheart,” namamaos ang tinig nito habang ibinabaon ang mukha sa leeg niya.
Marahan niya itong itinulak.
Bumaling ito kay Jake.
“Makakaalis ka na. Ako na’ng bahala kay Nikki.”
“No, I’m staying here,” sagot ni Jake.
Pinigilan niya si Anthony nang akmang hahakbang ito palapit kay Jake.
“Just leave me here, okay? Kaya ko naman eh,” wika niya.
“No, Nicole. I’m not leaving you. Babantayan kita,” ani Jake at pinagsalikop ang mga kamay nila.
Dumilim ang mukha ni Anthony.
“Jake, I promise, I’m fine. Nanghina lang ako kanina, pero ngayon nararamdaman ko na nanunumbalik na ang lakas ko.”
“You’re feeling better because I’m here, Nikki. Ang nawala mong lakas ay napapalitan ng enerhiya na nagmumula sa’kin,” sabi ni Anthony.
“And you,” dagdag pa nito sabay lingon kay Jake, “I swear I would have killed you if something worse than this happened to Nikki.”
Hindi ito pinansin ni Jake. Bagkus ay lumapit ito sa kanya.
“Nicole, about what happened. I have to tell you something. Nung hinawakan mo ang patay na puno, kasabay ng pagkabuhay nito at ng iba pang mga halaman ay ang—”
Hindi natapos ni Jake ang pagsasalita sapagkat biglang sumulpot si Mik, ang kanilang duwendeng tagapagbantay.
Sumenyas ito na tumahimik silang tatlo.
“Nandito sila. Nasa paligid,” bulong ni Mik.
Nagkatinginan sina Jake at Anthony.
“Kailangan na nating umalis,” dagdag pa ni Mik sabay hawak sa kamay niya.
“Saan tayo pupun—”
“Ssssshhhhhhh!” Saway ni Mik sa kanya.
Hindi niya namalayan na magkahawak na pala ang kaliwang kamay nina Jake at Anthony at unti-unti ay may namumuong ilaw sa magkasugpong na mga kamay ng mga ito.
“What are they doing?” Pabulong na tanong niya kay Mik.
“Bumubuo sila ng lagusan,” pabulong ding sagot ni Mik sa kanya.
“Lagusan? Saan?”
“Hindi ko alam. Basta sigurado ako hindi sa kaharian nina Jake at hindi rin sa kaharian nina Anthony kasi matutunton ka ng mga—”
“Mik, ngayon na!” Madiing sambit ni Anthony kaya hindi na natapos ni Mik ang sasabihin.
Humigpit ang pagkakahawak ni Mik sa kanyang kamay.
“W-wait, saan tayo pupunta?” Naguguluhang tanong niya.
“Ano ba kasing nangyayari?” Dagdag pa niya.
“Nicole, si Mik nalang muna bahala sa’yo. Trust him, he’ll guard you with his life. Alam ko marami kang katanungan pero wala na tayong panahon, please, just go. Sige na umalis na kayo,” pakiusap ni Jake.
Halatang nasasaktan ito. Animo’y nauubos ang lakas. Ganoon din si Anthony.
“Hindi kayo sasama?”
Umiling sina Jake at Anthony.
Agad silang napalingon sa bintana nang bigla itong bumukas at may kung anong pigura silang nakita sa labas. Hindi niya maaninag kung ano iyon.
Lumipad ang naturang pigura papasok sa kanyang kwarto.
Biglang iniharang ni Mik ang sarili sa kanyang harapan at nagsalita sa lenggwaheng hindi niya maintindihan.
“Nikki, please, nauubos na ang lakas namin ni Jake. Please, umalis na kayo ni—”
Akmang susugurin na sila ng naturang pigura nang hilahin siya ni Mik, ikinumpas ang kamay nito at pumasok na sila sa lagusan.
* * *
NAGISING SI NICOLE sa mahinang pagtapik ng mga magagaspang na kamay sa kanyang pisngi.
“M-Mik…” Usal niya nang makita niyang nakatunghay si Mik sa kanyang mukha.
Iginala niya ang paningin sa paligid. Nasa isang masukal na kagubatan sila. At magdidilim na.
“Anong lugar ‘to?” Tanong niya.
“Hindi ko alam,” malungkot na saad ni Mik.
Kinabahan siya.
“Mik, what happened? Saan mo ‘ko dinala?”
“Hindi ko talaga alam, mahal na prinsesa. Ang akala ko tutuloy pa rin tayo sa Lumeros dahil kaya ka namang protektahan ng mga kawal doon kahit pa pwedeng sumugod ang mga kalaban ng kaharian. Ganun din sa Elereia, pero dito tayo napadpad. Hindi ko alam, baka may nangyaring mali sa pagmamanipula nina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros sa lagusan.”
Mahal na prinsesa?
Prinsipe Dravos?
Prinsipe Yveros?
Ano ba ‘tong pinagsasabi ni Mik? Tinawag siya nitong prinsesa? Parang sasabog na yata ang utak niya. Isama pa ang hindi maipaliwanag na panghihina.
“T-teka, Dravos? Yveros? At, tinawag mo ‘kong prinsesa?”
“Hindi mo pa alam? Hindi nila sinabi sa’yo?”
“Hindi sinabi ang alin?”
“Ah… eh, w-wala.. Uhmmm, halika maglakad lakad nalang muna tayo.”
“Mik!”
“Halika na, dumidilim na. Kailangan natin makahanap ng matutuluyan,” anito sabay kumpas ng kanang kamay. Sa isang iglap ay naging isang matandang babae ito.
“Mik! Teka, sabihin mo muna sa’kin lahat. Please…”
Napa-buntong hininga ito.
“Wala ako sa posisyon para sabihin sa’yo ang lahat, mahal na prinsesa. Ako’y isang hamak na duwandeng tagapagbantay lamang.” Malungkot na wika nito.
Nanlumo siya.
“Pero, ito ang palagi mong tatandaan, hinding hindi kita pababayaan. Isinumpa ko noon, at manunumpa akong muli ngayon, ibubuwis ko ang aking buhay para sa iyong kaligtasan, mahal na prinsesa. Hanggang sa aking huling hininga, ako’y maninilbihan bilang iyong tagapagbantay.”
Naantig siya sa mga katagang sinabi ni Mik. Oo, gulong gulo pa ang isip niya sa lahat ng mga pangyayari. Pero nakakagaan ng loob na malaman na mayroon siyang tagapagbantay na handa siyang protektahan.
“Maraming salamat, Mik,” aniya, nangingilid ang luha.
Ngumiti lang ito at naglakad na sila. Malayo pa yata ang lalakbayin nila sapagkat wala naman siyang natatanaw na bahay o kahit ilaw man lang.
* * *
NAPAUPO SI NICOLE sa damuhan. Kanina pa sumasakit ang kanyang mga binti sa kakalakad. Ang layo na nang binagtas nila ni Mik ngunit tila ba paikot-ikot lang sila. Napansin niya kasing ilang beses na nilang nadaanan ang isang malaking bato sa gilid ng lawa.
“Mik, teka lang. Hindi ko na kaya,” tawag niya rito sapagkat nagpatuloy pa rin ito sa paglalakad.
Lumingon ito sa kanya at mabilis naman siyang dinaluhan nito.
“Hindi mo ba napapansin? Ilang beses na nating nadaanan yung lawa. Pabalik-balik lang yata tayo,” nag-aalalang wika niya.
Nakarinig sila ng mga kaluskos. Parang mga dahon na iniihip ng hangin.
Kasabay niyon ay ang pag-ilaw ng mga alitaptap sa isang bahagi ng puno na nasa harapan nila.
“Masama ang kutob ko, mahal na prinsesa,” wika ni Mik.
Napakapit siya kay Mik nang lalong lumakas ang kaluskos at kasabay nito ay isang malakas na halakhak.
“Hindi yan mga alitaptap,” usal ni Mik at hinigpitan ang pagkakahawak sa kanya.
Dumako ang tingin nila sa ibabang parte ng mga malalagong dahon ng puno.
May dalawang nanlilisik na matang nakatitig sa kanila.
KABANATA 6 – Si Yago, Ang Maamong Kapre
“M-Mik…” Nanginginig ang boses ni Nicole habang napapakapit sa kanyang tagapagbantay.
“Wag kang gagalaw,” wika ni Mik.
Humalakhak ang nagmamay-ari ng pula at nanlilisik na mga mata. Nakarinig sila ng malalakas na kaluskos at ilang saglit pa’y bumaba na ito sa puno.
“Magpakita ka!” Malakas na usal ni Mik.
Unti-unting nagbuo ang pigura ng nilalang. Tinanggal nito ang nakapulupot na tela sa baywang nito na animo’y sinturon.
“Cafir…” Bulalas ni Mik nang makita nila ang kabuuang anyo nito.
Isa itong kapre!
Galit na umangil ang kapre at dahan dahang lumapit sa kanila. Agad namang ginawang panangga ni Mik ang sarili at pumwesto sa harap niya.
“Anumang mangyari, ‘wag na ‘wag kang magsasalita.” Utos ni Mik sa kanya.
“Cafir, magkaibigan tayo… Wag mo kaming sasaktan,” ani Mik at ikinumpas ang kamay sa ere. Bumalik ito sa tunay nitong anyo bilang isang duwende.
Ikiniling ng kapre ang ulo at kapagkuwa’y bumungisngis. Tila naaaliw ito kay Mik. Sa tangkad at laki nito ay hanggang tuhod lang yata nito ang kanyang tagapagbantay.
“Ayan, magkaibigan tayo, ha?” Tila batang pakikipag-usap dito ni Mik.
“Hindi kami kaaway…” Dagdag pa nito.
Ngumiti ang kapre bago ito humithit ng tabako. Ibinuga nito ang usok sa ere at nilamon ng makapal na usok ang bahaging iyon ng kagubatan.
Naglakad ito palayo sa kanila at tumingala, iginala ang paningin sa kabuuan ng masukal na kagubatan. Ilang saglit pa’y lumapit ito sa kanila.
“Panganib,” wika ng kapre sa mababang boses. Sunod sunod ang paghithit-buga nito ng usok hanggang sa tuluyan nang balutin ng usok ang punongkahoy sa likuran nito.
Sumenyas ito sa kanila na sumunod dito.
Tumango naman si Mik at hinila siya. Nakabuntot sila sa kapre.
“M-Mik! Anong ginagawa mo?!”
“Sssshhhhh!”
Nakaakyat na si Mik sa puno. Hinihila nito ang kamay niya ngunit natatakot siyang umakyat.
Napatingin sa kanila ang kapre. Tumitig ito sa kanya at walang ka-hirap hirap na kinarga siya nito gamit ang kanang kamay at pinaupo siya sa isang sanga.
Nasa gitna at tagong parte sila ng malagong puno.
“Panganib…” Wika ng kapre.
“Cafir, ano’ng ibig mong sabihin?” Tanong ni Mik.
Tumingin muna ang kapre sa kanya.
“Aswang…” Sagot nito. Nakatitig pa rin sa kanya.
“H-hindi ako aswang,” wika niya.
“‘Wag kang ngang magsasalita!” Pabulong na usal na Mik.
Tumawa ang kapre at tumango-tango.
“Prinsesa…” Anito sabay haplos sa kanyang nakalugay na buhok.
Prinsesa? Na naman?
“Cafir!” Sigaw ni Mik.
Binitiwan naman agad ng kapre ang kanyang buhok.
“Ganda…”
“Oo, pero hindi mo pwedeng hawakan ang mahal na prinsesa, cafir!”
Naging malungkot ang anyo nito bago yumuko.
Naawa naman siya sa kapre. Sa kabila ng nakakatakot na anyo nito ay nararamdaman niya namang isa itong mabait na nilalang.
Kahit nahihirapan ay lumapit siya rito.
“Pasensya ka na ha, kung nasigawan ka ni Mik,” mahinahong wika niya.
Dahan dahan itong lumingon sa kanya.
Napapalatak naman si Mik.
“‘Wag ka nang malungkot,” dagdag pa niya.
Umaliwalas ang mukha ng kapre at tuluyan na ring ngumiti sa kanya.
“Cafir, ano’ng ibig mong sabihing mapanganib?” Untag ni Mik.
“Aswang…” sagot nito.
“Aswang? Pero walang aswang ngayon ‘diba kasi ngayon ang araw ng pangangalap?”
Tumango ang kapre. Ngunit maya-maya’y umiling.
“Mga aswang…” anito habang nakatitig kay Mik.
“Hanap prinsesa…” dugtong nito sabay lingon sa kanya.
Tinakasan ng kulay si Mik.
“Ibig mong sabihin, natunton na nila ang mahal na prinsesa?”
Malungkot na tumango ang kapre.
“Maraming salamat sa impormasyon, cafir.” Wika ni Mik pagkatapos ay tumalon pababa sa puno.
“Pero kailangan na naming umalis. Hindi ligtas ang mahal na prinsesa dito.”
Tumingin ito sa kanya. Tila ba nagpapaalam kung pwede siya nitong kargahin at ibaba. Tumango naman siya.
“Maraming salamat,” wika niya nang mailapag na siya nito sa damuhan.
Nilapitan ito ni Mik at nakipagkamay.
“Hanggang sa muli nating pagkikita, kaibigan.”
Ngumiti ang kapre.
Kumaway naman siya dito. Nagsimula na silang maglakad palayo.
“Prinsesa…” usal nito na nagpahinto sa kanila.
Ibinuka nito ang nakakuyom na kamay. Naroon ang isang kumikinang na puting bato.
Iniabot nito sa kanya ang naturang bato. Kukunin niya na sana ito nang pigilan siya ni Mik.
“Mahal na prinsesa…” wika nito sabay iling.
Ngunit kinuha niya pa rin ang bato.
“Para saan ‘to…?”
“Yago,” sagot nito.
“Yago?” naguguluhang tanong niya.
Itinuro nito sa sarili.
“Ah, Yago ang pangalan mo,” usal niya, “Okay, Yago, para saan itong puting bato?”
“Kahilingan…”
“Kung hihiling ka at hawak mo ang batong yan, ipagkakaloob ng cafir ang iyong kahilingan,” singit ni Mik.
Napapikit siya. Kailangan niyang isiping mabuti kung ano ang ihihiling niya. Mapanganib ang lugar na ito. Kailangan nilang makaalis dito.
“Mik, nasaan ngayon sina Jake at Anthony?” Tanong niya.
“Hindi ko alam, mahal na prinsesa,” malungkot na saad nito.
“Pero diba, ikaw ang tagapagbantay naming tatlo? May kakayahan ka pa ngang kopyahin ang iyong sarili para mabantayan mo pa rin kami kahit hindi kami magkakasama diba?”
Napayuko si Mik.
“Hindi ko na ‘yun kaya, mahal na prinsesa. Sa ngayon ikaw nalang ang binabantayan ko. Hindi ko na magawang bantayan sina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros magmula nang pumasok tayo sa lagusan. Hindi na sila naaabot ng aking mahika.”
Naawa siya kay Mik.
“Dalhin mo kami sa Lumeros,” hiling niya kay Yago.
Malungkot na umiling ang kapre.
“Hindi yan sakop ng kanyang kapangyarihan, mahal na prinsesa,” wika ni Mik.
Napabuntung-hininga siya.
“Yago, pwede mo ba kaming samahan hanggang sa makahanap kami ng ligtas na lugar dito sa gubat?”
Tumango tango si Yago.
“Mik, paano ba ginagawa yung lagusan na nilikha nina Jake at Anthony sa kwarto ko?” Tanong niya.
“Sila lang ang may kakayahang gawin yun, mahal na prinsesa. Ikaw, kaya mo ring gawin yun. Higit pa roon, kung tutuusin. Pero hindi mo pa alam kung pano gamitin ang kapangyarihan mo.”
Napasabunot siya sa kanyang buhok. Hindi niya talaga alam kung ano ang gagawin.
“Maglakad lakad nalang muna tayo. Baka makahanap tayo ng mga natatanging puno na pwedeng gawing lagusan.”
Hinawakan sila ni Yago, at kapagkuwa’y nasa gilid na sila ng lawa.
“Bakit mo kami dinala dito, cafir?!” Sigaw ni Mik.
“Lagusan…” ani Yago sabay turo sa puno ng balete sa may gilid ng lawa.
Agad naman itong nilapitan ni Mik. Hinawakan nito ang puno, at makailang sandali pa ay umiling iling.
“Mik? Bakit?” Tanong niya.
“Hindi ko matukoy kung saan papunta ang lagusang ‘yan, mahal na prinsesa. Ngunit tiyak ko na hindi yan ang lagusan papun–” hindi na natapos ni Mik ang sasabihin sapagkat nakarinig sila ng sunod sunod na kaluskos.
Lumingon sa kanila si Yago at sumenyas na wag silang gumawa ng ingay. Kasabay niyon ay ang pagtanggal nito sa telang nakapulupot sa baywang nito. Mabilis na ipinulupot ni Yago ang naturang tela sa kanilang dalawa ni Mik.
Pero bago pa man nito tuluyang maitali sa kanila ang tela ay may sumulpot na magandang babae. Nakabibighani ito.
“Cafir… Anong ginagawa mo dito?” malamyos na wika ng magandang babae.
Lumapit pa ito kay Yago at sinilip ang likuran nito.
“May mga kasama ka pala…”
Bumalik na ito sa harapan ni Yago at nagsalita.
“Ipakilala mo naman ako sa kanila, cafir.”
Umiling si Yago.
Ipinagsalikop nito ang mga kamay sa likuran nito at ginalaw galaw iyon na tila ba sumesenyas sa kanila ni Mik.
Tila naiintindihan ni Mik ang naturang senyas sapagkat bigla siya nitong hinila papalayo.
Napasinghap siya nang sakalin ng magandang babae si Yago. Bigla ring nag-iba ang anyo nito.
Isa itong aswang!
“Ibigay mo sila sa akin, cafir,” wika ng aswang. Nanlilisik ang mga mata nito habang unti-unting sinasakal si Yago.
Natutop niya ang bibig.
“Takbo…” Utos ni Yago sa kanila
Nanlaban si Yago. Ngunit tila mas malakas ang aswang. Ibinalibag nito si Yago sa lawa. Dinaluhan nila ito ngunit huli na ang lahat sapagkat naunahan sila ng aswang at nilapa nito si Yago.
“Yago!” Umiiyak na sigaw niya.
“T-takbo…”
Umiiyak siya habang tumatakbo sila ni Mik.
Ngunit napahinto sila.
Napapaligiran na sila ng mga aswang at iba pang uri ng mga nilalang.
KABANATA 7 – Si Mik, Ang Duwendeng Tagapagbantay
Mik’s POV
Masama ang kutob ni Mik sa magandang babaeng nagpakita sa kanila sa tapat ng puno ng balete na nagsisilbi ring lagusan sa kabilang mundo. Talagang nakabibighani ito. Subalit hindi maikakaila ang umaalingasaw na amoy nito. Hindi niya pa matukoy kung anong klase itong nilalang pero alam niya na isa itong masamang engkanto. Pwedeng isang isinumpang diwata o pwede ring aswang.
Nang sumenyas ang cafir gamit ang mga kamay nito habang nakikipag usap sa magandang babae ay nakumpirma niyang isa nga itong aswang. Makailang ulit niyang ikinumpas ang kanyang mga kamay para lumikha ng mahika upang pansamantala silang maglaho ni Prinsesa Yelena. Ngunit bigo siya. Sadyang naglaho ang ilan sa kanyang mga kapangyarihan magmula nang pumasok sila sa lagusan. Ang lagusang nilikha nina Prinsipe Dravos at Prinsipe Yveros sa kwarto ng prinsesa sa mundo ng mga tao.
“Yago!” sigaw ni Prinsesa Yelena.
Dinaluhan nila ang sugatang cafir na nakasalampak sa gilid ng lawa. Ngunit naunahan sila ng aswang at walang awang nilapa nito ang maamong cafir.
Napahagulhol ang kanyang alagang prinsesa at napaluhod ito sa damuhan. Halatang naghihinagpis sa sinapit ng kanilang kaibigan kapre. Tinulungan niya itong makatayo.
“Mahal na prinsesa, kailangan na nating umalis.”
Napatingala siya sa kalangitan. Nagbabadya ang panganib. Alam niya, sigurado siya, may masasamang engkanto sa paligid.
“T-takbo…” nahihirapang sambit ng cafir sa kanila.
Hindi tumitigil sa pag iyak ang prinsesa habang tumatakbo sila papalayo. Sinusubukan niya na namang gumamit ng mahika pero hindi na naman gumagana.
Awang awa na siya sa prinsesa.
Biglang nagbago ang takbo ng buhay nito magmula nang sumapit ang ika-labingwalong kaarawan nito. Alam niya na hindi maiiwasan ang pagdating ng itinakdang panahon. Pero hindi pa ito handa. Hindi pa nito kayang kontrolin ang taglay nitong kapangyarihan. Ni hindi nito alam kung gaano kalakas ang kapangyarihang taglay nito.
Napahinto sila sa pagtakbo nang isa isang nagsidatingan ang mga aswang. Iba’t iba ang uri ng mga ito tulad ng berbalang, amalanhig, alan, balbal, busaw at iba pa.
Hinawakan niya ang kamay ni Prinsesa Yelena. Umaamot siya ng lakas baka sakaling bumalik ang kanyang mahika.
Subalit makailang beses niya nang ikunumpas ang kanyang kamay, wala pa ring nangyayari.
“M-Mik…” Puno ng pangamba ang boses ng prinsesa.
Ginawa niyang panangga ang sarili sa harapan ni Prinsesa Yelena.
Nagsitawanan naman ang mga aswang.
“Sa tingin mo, kaya mong protektahan ang prinsesa, ha?!” Wika ng isang aswang na tila pinuno ng grupo.
“Naglalaho na ang kapangyarihan mo dito, duwende.” Dagdag pa nito, humahalakhak.
Dahan dahan itong lumapit sa kanila. Unti unti naman silang napapaatras ng prinsesa.
Batid niyang wala na silang kawala. Kung gumagana pa sana ang kanyang mahika, mapro-protektahan niya pa si Prinsesa Yelena. Pero wala na, ni simpleng mahika ng paglalaho ay hindi niya na magawa.
Ang tanging magagawa niya nalang ngayon ay ang ibuwis ang kanyang buhay para sa prinsesa. Hindi naman kasi mga aswang ang tunay nilang kalaban. Ang mga aswang na ito ay pawang tagapagsilbi lamang ng hari at reyna ng ibang kaharian. Ang hari at reyna na gagamitin ang buong pwersa ng kaharian ng mga ito para lamang madakip si Prinsesa Yelena.
Handa na siya. Buong puso niyang iaalay ang kanyang buhay para sa prinsesa.
Siya ang duwendeng tagapagbantay.
Siya ang itinakda upang protektahan at pagsilbihan ang natatanging prinsesa.
Ang prinsesa ng hindi lang isa, kundi ng dalawang kaharian.
Ang prinsesa ng dilim at liwanag.
Ang prinsesa ng Elereia at Lumeros.
Si Prinsesa Yelena.
Hindi niya napigilan ang pagtulo ng kanyang mga luha. Sumumpa siya noon na gagampanan niya ang tungkulin ng isang tapat na tagapagbantay. Ngayon, sa maikling panahon na nagkasama sila ng prinsesa, batid niya na busilak ang kalooban nito. Na natatalo ng liwanag ang dilim. Na nangingibabaw sa puso nito ang kabutihan kaysa sa kasamaan. Na darating din ang panahon na magiging isang mabuting reyna rin ito gaya ng ina nitong si Reyna Naraia.
Unti unti siyang nagbalik tanaw sa mga nangyari labingwalong taon na ang nakalilipas. Yung mga panahong balot pa ng kadiliman at kasamaan ang kabilang mundo. Ngayon, unti unti na naman tinatalo ng dilim ang liwanag. At tiyak na mahihirapan ang prinsesa.
Nilingon niya ito. Kasabay niyon ay inipon niya ang kanyang natitirang lakas at mahika sa abot ng kanyang makakaya. Hinawakan niya ang kamay nito at may dumaloy na liwanag mula sa kanyang kamay patungo sa kamay nito.
“Anong ginagawa mo, duwende?!” sigaw ng pinunong aswang.
Ngunit hindi siya natinag. Nanatili siyang nakahawak sa kamay ni Prinsesa Yelena.
Kailangan niyang mailipat sa prinsesa ang mga piraso ng memorya mula sa nakaraan para maliwanagan ito sa mga nangyayari sa kasalukuyan.
Nararamdaman niya ang matagumpay na paglilipat ng mga piraso ng memorya mula sa kanya nang namalayan niya nalang na nabitawan niya na ang kamay ng prinsesa. Hinila siya ng pinunong aswang at mahigpit na sinakal. Saka itinapon sa ere.
“Reemo!” Sigaw ng prinsesa.
Kasabay ng pagbagsak niya sa damuhan ay ang pag alingawngaw ng boses ni Prinsesa Yelena.
Napaluhod siya.
Tinawag siya ng prinsesa sa kanyang tunay na pangalan.
Siya si Reemo. Ang isinumpang duwende. Ang tagapagbantay ni Prinsesa Yelena.
Hindi maalis ang tingin niya sa prinsesa. Nakatayo itong lumulutang sa ere. Bakas ang galit sa maganda nitong muka.
“P-prinsesa…” mahinang usal niya nang makita niyang unti unting nagkulay asul at berde ang mga mata nito. Kasabay niyon ay may nabubuong liwanag sa magkabilang kamay nito.
“Prinsesa Yelenaaaaaaaa!” sigaw niya nang marinig niyang nagsisimula na itong magsalita sa ibang lenggwahe. Marunong siya sa ganitong lenggwahe ngunit kakaibang uri ang ginagamit ngayon ng prinsesa. Mas malalim ito. At nagdudulot ng ibayong sakit at pagkabalisa sa lahat ng mga nilalang na nandoon sa gubat. Pati na rin sa kanya.
“P-prinsesa Yelena, p-parang awa mo n-na…” pakiusap niya. Sapo ang kanyang dibdib. Namimilipiit siya sa sakit.
Isa isang nagliparan papalayo ang mga aswang hanggang sa silang dalawa nalang ang naiwan.
“P-prinse—” hindi na niya natapos ang sasabihin sapagkat nauubos na ang kanyang lakas.
“Miiiiiik!!!” sigaw nito at dinaluhan siya. Nikayap siya nito. Kalong kalong sa mga bisig ng prinsesa.
“Oh my God… Mik… Patawad.. Hindi ko sinasadya,” umiiyak na sambit ng prinsesa.
“Mik, please! H-hindi ko sinasadya…” pagsusumamo nito. Mahigpit ang pagkakayakap sa kanya.
“Mik…!” Umalingawngaw ang sigaw nito.
Ngumiti siya kay Prinsesa Yelena. Hinaplos niya ang pisngi nitong basa ng luha.
Halos hindi niya na maaninag ang magandang mukha ng prinsesa. Hanggang sa tuluyan nang binalot ng dilim ang kanyang paningin
KABANATA 8 – Si Yelena, Ang Prinsesa ng Dalawang Kaharian
Nicole/Yelena’s POV
Isa isang nagsulputan ang mga aswang at napapaligiran na sila ng mga ito. Humakbang si Mik at ginawa nitong panangga ang sarili sa harapan niya.
“M-Mik…” Puno ng pangamba ang kanyang boses habang napapakapit dito.
“Sa tingin mo kaya mong protektahan ang prinsesa, ha?!” nakakalokong tanong ng isa sa mga aswang.
“Naglalaho na ang kapangyarihan mo dito, duwende.” Dagdag pa nito habang humahalakhak.
Napapitlag siya nang hawakan ni Mik ang kanyang kamay. May namuong liwanag mula sa kamay nito at dumaloy iyon patungo sa kanya. Kasabay ng pagdaloy ng naturang liwanag sa kanilang magkahawak na mga kamay ay ang mistulang paglalakbay niya sa isang hindi pamilyar na kaharian.
Sa naturang paglalakbay ay may nakita siyang mga kawal. Sa malapitan ay makikitang may kinakaladkad ang mga itong isang buntis na encantada. Nagbago ang kapaligiran at may nakita siyang dalawang lalaking nakatalikod sa kanya. Sina Jake at Anthony. Nakatanaw ang mga ito sa isang malaking bahay. Pamilyar sa kanya ang bahay na iyon sapagkat iyon ang bahay ng kanyang lolo’t lola sa probinsya. Nagbago na naman ang kapaligiran at nakita niyang nakaluhod ang buntis na encantada at namimilipit ito sa sakit dulot ng pwersang nagmumula sa kamay ng isang mapanganib na engkanto.
“Anong ginagawa mo, duwende?!” sigaw ng aswang na nagpabalik sa kanya sa kasalukuyan.
Naputol ang naturang paglalakbay nang kumalas sa pagkakahawak sa kanya si Mik. Hinila ito ng aswang at tumilapon ito sa ere.
“Reemo!” Sigaw niya habang nakatutok kay Mik.
Ilang saglit pa ay napagtanto niyang iba ang pangalan ang namutawi sa kanyang bibig. Tinawag niya si Mik sa pangalang ‘Reemo’.
Nang makita niyang nasaktan si Mik sa pagkakabagsak nito sa damuhan ay may namuong galit sa kanyang dibdib. Poot na hindi niya maipaliwanag.
Naramdaman niyang umaangat na siya mula sa lupa. Ramdam niya na ang kapangyarihang dumadaloy sa kanya ay pinalalakas ng galit at poot na kanyang sistema.
Lumulutang na siya sa ere. Kasabay niyon ay ang paglikom niya ng lakas sa kanyang mga kamay. Inilibot niya ang kanyang paningin sa mga aswang.
Magbabayad kayong lahat.
Napatingala siya. May kung anong pwersang dumadaloy sa buong katawan niya. Kasunod niyon ay ang mga naiibang lenggwaheng kusang lumalabas sa kanyang bibig.
“… Non faccio bollire questi capelli,
Ma faccio bollire questa robba,
Unita a l’anima e it cuore,
Di quello che non possa piu vivere,”
Unti unting naging balisa ang mga aswang.
“Prinsesa Yelenaaaaaaaa!” Sigaw ng kanyang tagapagbantay.
Ngunit nagpatuloy siya.
“E non possa. piu stare,
In mezzo alle strege,
Tu ti debbi sempre trovare!”
Narinig niya ang pagsusumamo ni Mik.
“P-prinsesa Yelena, p-parang awa mo n-na…”
Nagliparan palayo ang mga aswang.
Napangiti siya. Matagumpay niyang nalabanan ang mga ito. Ngunit lingid sa kaalaman niya na nadamay pala si Mik.
“P-prinse—” Hindi na nito natapos ang sasabihin.
“Miiiiiik!!!” Sigaw niya.
Labis ang kanyang pagkabahala nang makita itong namimilipit sa sakit. Mabilis niyang tinungo ang kinaroroonan nito. Halos madurog ang puso niya habang yakap yakap niya ang lupaypay na katawan nito.
“Oh, my God… Mik… Patawad.. Hindi ko sinasadya,” Umiiyak na siya.
Mabilis ang mga pangyayari kanina habang nagsasalita siya sa ibang lenggwahe. Tila ba isang bagong katauhan ang nabuhay sa katawan niya. Hindi niya maipaliwanag kung bakit namutawi sa kanyang bibig ang mga salitang iyon. Hindi niya rin maintindihan kung bakit habang ginagawa niya iyon ay may ibayong lakas at pwersa na dumadaloy sa kanya.
“Mik, please! H-hindi ko sinasadya,” pagsusumamo niya.
Ngumiti lang si Mik at hinaplos nito ang kanyang pisngi. Hanggang sa tuluyan na itong napapikit.
“Mik…!” Rinig niya ang pag-alingawngaw ng kanyang boses sa buong kagubatan.
Hindi niya sukat-akalaing magagawa niya ito kay Mik, ang kanyang tapat na tagapagbantay. Wala naman itong ibang ginawa kundi pagsilbihan at protektahan siya. Tapos ngayon ay ito pa ang isusukli niya rito. Hindi niya alam na madadamay pala ito sa naturang ritwal. Kung ritwal ba itong matatawag ay hindi niya mawari.
Hindi pa malinaw sa kanya ang mga nangyayari pero unti unti niya nang napagtatagpi tagpi ang lahat. Ang malinaw lang sa ngayon ay nasa panganib siya. Marahil ay may mga pangyayari sa kabilang mundo ilang taon na ang nakalilipas na naging sanhi ng lahat ng ito. Marahil ay konektado iyon sa mga piraso ng memoryang isinalin sa kanya ni Mik kanina habang magkahawak ang kanilang mga kamay.
Yakap yakap niya ang wala nang buhay na katawan ni Mik. Hindi mapigil ang kanyang pag iyak. Sumagi sa kanyang isipan ang mga alalala niya kasama ang kanyang tagapagbantay. Maikli lang ang panahong nagkasama sila ngunit batid niya na ginawa nito ang lahat ng makakaya upang pagsilbihan at protektahan siya.
Sumigaw siya at napatingala sa kalangitan. Kasabay niyon ay ang pag ihip ng hangin at ang biglang pagbuhos ng ulan. Malalakas at sunud sunod ang kulog at kidlat. Wala ring tigil ang pag alulong ng mga aso.
Ilang saglit pa ay nakarinig siya ng mga kaluskos sa damuhan. Hindi niya matukoy kung saang direkdyon ito nanggaling.
Lalong lumakas ang buhos ng ulan. Nakakabingi na rin ang kulog at kidlat.
“D-Diyos ko…” narinig niyang sambit ng kung sino. Boses ng isang babae.
Paglingon niya sa kinaroroonan nito ay may nakita siyang babae na sa tingin niya ay mahigit kumulang kwarenta anyos. May dala dala itong bilao na puno ng mga halaman at damo. Humakbang ito papalapit sa kanya.
“‘Wag kang lalapit!” Marahas na utos niya rito.
“I-ikaw nga…” anito at unti unting napaluhod.
Halos hindi niya na marinig ang sinabi nito dahil sa masamang panahon.
Humakbang pa ito palapit sa kanya, dahilan upang mapayakap siya ng mahigpit kay Mik.
“S-sino ka?!” Tanong niya.
“Mahal na prinsesa…” tila wala sa sariling sambit nito.
Biglang sumakit ang kanyang ulo. Halos lahat nalang yata ay may alam kung sino talaga siya maliban sa kanyang sarili.
“Salka… Salka ang pangalan ko, mahal na prinsesa…” anito at lumapit pa at pagkaraa’y lumuhod ulit sa harap niya.
Kapagkuwa’y isang malakas ng kulog ang narinig nila. Kasunod ay ang pagtama ng kidlat sa puno ng balete na nasa gilid ng lawa.
“Ang lagusan!” sigaw ni Salka.
“Mahal na prinsesa, kailangan niyo pong isalba ang lagusan!” dagdag pa nito.
“P-pero hindi ko alam…” naguguluhang sagot niya.
“May kakayahan kang pakalmahin ang lagay ng panahon, mahal na prinsesa!”
Napapikit siya.
May mga larawang sumagi sa kanyang isipan. Isang mapayapang kagubatan, mga huni ng ibon, at kung anu ano pang imahe ng kapayapaan.
Nagsalita na naman siya gamit ang ibang lenggwahe.
“Venire ventus venire, sinere solus sentire relaxari,
Venire nunc nunc venire, venire venire venire.”
Ilang sandali pa’y humupa na ang malakas na ulan. Wala na ring kulog at kidlat.
Napalingon siya kay Salka. Nakadikit ang tenga nito sa dibdib ni Mik.
“Layuan mo siya!” sigaw niya. Hindi niya kilala ang babaeng ito. Hindi niya alam kung ano ang pakay nito.
“Wala akong masamang intensyon…” ani Salka.
“Malakas ang taglay mong kapangyarihan, mahal na prinsesa,” dagdag pa nito.
Napahugot siya ng hininga.
Nagsalita itong muli.
“At tanging ikaw lang ang makakabuhay sa duwendeng tagapagbantay.”
ITUTULOY